Martes, Disyembre 16, 2014

Isang pagsilip sa sining ng Kabuki

Ni Florenda Corpuz


Kuha ni Din Eugenio
Isa ang Japan sa mga mayayamang bansa sa mundo na hinahangaan ng marami dahil sa kakayahan ng mga tao rito na mapanatili at mapagyaman ang kanilang pinagmulan. Isang halimbawa ang “kabuki,” ang pinakasikat na uri ng tradisyonal na Japanese theater na hanggang ngayon ay malaking bahagi pa rin ng kulturang Hapon.

Kasaysayan ng Kabuki

Nagsimula mahigit 400 taon na ang nakakalipas ang kabuki. Ito ay hango sa salitang “kabukuna” na ang ibig sabihin ay “eccentric o breaking social norms” na naging pangunahing uri ng artistic expression ng mga urban merchant classes ng bansa.

Noong 1603 unang naitala ang pagtatanghal ng “okuni,” isang babae na itinuturing na ninuno ng makabagong kabuki, sa lugar ng Kyoto. Kilala ang okuni sa paggaya ng mga kasuotan at pag-uugali ng “kabukimono” o mga taong may extreme hairstyle at fashion. Tinawag na kabuki ang uri ng aliwan na ito ngunit ang kahulugan ay nabago sa pagdaan ng panahon kung saan ang “ka” ay tumutukoy sa musika, “bu” sa sayaw at “ki” sa pagkilos.

Taong 1629 nang ipagbawal ng Tokugawa shogunate ang pagtatanghal ng mga kababaihan sa entablado sa pangambang banta ang kanilang kasikatan sa kaayusan at katahimikan ng lugar. Dahil dito, ang mga kalalakihan na lamang ang nagtanghal at gumanap pati na rin sa mga papel ng mga kababaihan at sila ay tinawag na “onnagata.” Sa pagtatapos ng ika-17 siglo, nakita ang pagkakaiba ng mga onnagata at mga aktor na gumaganap sa mga male roles lamang na kung tawagin ay “tachiyaku.”

Kalagitnaan ng Edo period (1603-1868) naman ang itinuturing na Golden Age ng kabuki dahil sa rangya ng mga teatro pati na rin ng mga costumes at sets na nakatulong para mas makilala ito. Yumaman ang mga kabuki actors na hinahangaan dahil sa kanilang talento, itsura at personalidad.

Pagsapit ng Meiji period (1868-1912) ay nanatiling popular ang kabuki kahit na dumami ang nagkaroon ng interes sa modern western culture.

Sa unang bahagi ng ika-20 siglo, isang samahan na tinawag na Shin-kabuki (new kabuki) ang nagbigay ng malaking kontribusyon sa repertoire.

Ang Kabukiza Theater sa Ginza

Itinayo at binuksan sa publiko ang kauna-unahang Kabukiza Theater noong Nobyembre 1889 bilang espesyal na teatro para sa pagtatanghal ng kabuki. Ilang beses itong nasira ng sakuna at ilang beses din inayos. Muli itong nagbukas sa publiko noong Abril 2013 matapos ang tatlong taong malawakang pagsasaayos dito.

Kayang tumanggap ng mahigit sa 1,900 katao ang teatro. Sa loob nito’y may stage equipment at upgraded audio system na may English translation. Mayroon din 29 na palapag na office building at apat na basement floors sa complex.  
Sa ikalimang palapag ng Kabukiza Tower ay matatagpuan ang Kabukiza Gallery kung saan may exhibition space at event hall na makikita. Isa sa pinakabagong exhibit ay ang “Journey of Grand Kabuki Overseas” na nagpapakita sa 86-taong kasaysayan ng mga kabuki performances sa ibang bansa.

Naging popular na catchphrase ng kabuki overseas performances ang “travelling embassy” at maraming beses na itong naitanghal sa maraming bansa. Isa sa mga pangunahing lugar ay ang New York City sa Amerika na sentro ng performing arts. Nagsimulang magtanghal dito ang kabuki noong 1960.

Napabilang ang Kabukiza Theater sa UNESCO bilang Intangible Cultural Heritage of Humanity ng bansa noong 2008.

Ang Sikat na Kabuki Actor na si Nakamura Kyozo

Isa sa mga most performed plays abroad ng kabuki ay ang “Fuji-musume” (The Wisteria Maiden) kung saan isa sa mga onnagata na gumanap ay si Nakamura Kyozo.
           
Kilala si Kyozo sa kanyang natatanging pagganap sa iba’t ibang repertoire mula sa mga onnagata at tachiyaku, bata man o matanda. Siya ay nagtapos sa Hosei University at pagkatapos ay sumali sa Japan Arts Council’s Training School for Kabuki Actors. Nagsimula ang kanyang karera bilang miyembro ng pamilya Nakamura Jakuemon IV. Na-promote siya bilang “Nadai” (upper rank of kabuki actors) sa kanyang pagganap sa papel na maid Oyuki sa “Toribeyama Shinju.”

Isa si Kyozo sa mga kabuki actors na bihasa sa paglalagay ng makeup.

Ilan sa mga parangal na natanggap ni Kyozo ay ang Kabukiza Prize noong 1999 at National Theatre’s Encouragement Prize noong 2002 at 2008. Aktibo rin siya sa pagbibigay ng mga kabuki lectures at workshops sa ibang bansa.

Paglalagay ng Makeup at Pagsusuot ng Costume

Sa paglalagay ng kabuki face makeup, unang inilalagay sa mukha, leeg at batok ang espesyal na oil na kung tawagin ay “bintsuke” na gawa mula sa mga halaman. Susundan ito ng white powder o “oshiroi” na inilalagay sa pamamagitan ng brush at sponge naman para sa finishing touch. Pagkatapos nito’y maglalagay ng eyebrow at kukulayan ang labi ng kulay pula. “Mehari” naman ang tawag sa pagpinta ng kulay pula sa paligid ng mata.

Matapos ang paglalagay ng makeup ay tutulungan ng costume dresser ang kabuki actor sa pagsusuot ng costume. Unang isusuot ang under-kimono na kung tawagin ay “juban” na mahigpit na itinatali gamit ang string. Pagkatapos nito’y isusuot na ang akmang costume para sa pagtatanghal. Matapos nito’y isusuot na ang wig sa tulong ng hair dresser o “tokoyama” na siyang nag-aayos ng wig base sa papel na gagampanan ng aktor. Muling maglalagay ng oshiroi sa mga kamay ang kabuki actor upang hindi marumihan ang costume.

Para sa iba pang impormasyon tungkol sa kabuki, bisitahin ang http://www.kabuki-bito.jp/eng/.



Lunes, Disyembre 15, 2014

Centennial celebration ng Tokyo Station, pinaghahandaan na

Ni Florenda Corpuz


Kuha ni Din Eugenio
TOKYO, Japan – Puspusan na ang ginagawang paghahanda ng East Japan Railway Co. para sa pagdiriwang ng ika-100 taong anibersaryo ng Tokyo Station na gaganapin sa Disyembre 20.

Nagbukas sa publiko noong 1914, ang Tokyo Station ang nagsisilbing central railway terminal ng kapital ng bansa. Idinisenyo ito ni Kingo Tatsuno, ang kauna-unahang modern architect ng bansa. Bahagya itong napinsala noong 1923 Great Kanto earthquake. Matindi naman ang nasira sa tuktok na palapag nito ng wartime bombings noong 1945.

Dumaan sa malawakang pagsasaayos ang red-brick Marunouchi building at muling binuksan sa publiko noong Oktubre 2012 matapos ang lima’t kalahating taon. Ngayon, ang iconic na Tokyo Station ay naibalik na sa orihinal nitong rangya at kagandahan; ipinagmamalaki ang bagong komersyal na pasilidad, kabilang ang hotel, gallery at underground car park.

Bilang bahagi ng pagdiriwang, iba’t ibang kaganapan ang nakalinya tulad ng pag-decorate sa tren tulad ng sa red-brick Marunouchi side façade na tumatakbo sa Yamanote loop line. Isang exhibit din ang magaganap sa station gallery kung saan ipapakita ang 100 taong kasaysayan ng operasyon ng istasyon.

Iimbitahan din ang publiko na magsumite ng mga litrato ng Tokyo Station kung saan ang magwawagi ay idi-display sa loob ng mga tren simula Disyembre 13.

Ipinalabas naman noong nakaraang taon ang 100th anniversary memorial movie na “Subete wa Kimi ni Aeta kara” (It All Began When I Met You), ang Japanese version ng Hollywood film na “Love Actually” kung saan ang Tokyo Station ang nagsilbing backdrop.


Sa kasalukuyan, ang Tokyo Station ang pinakamalaki at pinakaabalang istasyon ng tren sa buong bansa kung saan umaabot sa 4,000 tren ang tumatakbo kada araw. Nasa mahigit isang milyon naman ang mga pasaherong sumasakay at bumababa rito araw-araw. 

Linggo, Disyembre 14, 2014

Japan Content Showcase 2014: Pagpapalitan ng produkto, kultura at impluwensiya

Ni Herlyn Alegre


Kuha mula sa Official Facebook Page ng Japan Content Showcase 2014
Napansin niyo ba kung bakit mas maraming mga dramang mula Korea ang naipapalabas sa Pilipinas kaysa sa mga dramang Hapon? Nakakatawa naman ang mga dramang Hapon, mas maiikli kaya mas madaling subaybayan at hindi naman kumplikado ang mga kwento, pero bakit hindi ito karaniwang binibili ng mga local networks samantalang ang mga anime naman ay namamayagpag sa local channels?

Siyempre, isa sa pinakamahalagang bahagi ay ang negosasyon sa pagitan ng mga kumpanya: gaano katagal ipapalabas ang isang drama sa Pilipinas, ano ang mga restrictions na nakakabit sa pagbili ng rights nito, magkano ang presyo nito at mababawi ba ang halagang ito kapag ipinalabas  na ito sa local channel?

Isa ang Japan Content Showcase sa mga venue kung saan nagaganap ang mga ganitong usapan.
           
Ang Japan Content Showcase 2014 ay ginanap sa Hotel Grand Pacific Le Daiba kamakailan. Ginaganap ito taun-taon upang tipunin ang mga content holders at buyers mula sa iba’t ibang industriya tulad ng pelikula, musika,t elebisyon, animation at iba pa. Dito ay nagkakarooon ang mga content holders/exhibitors ng pagkakataon na ibenta ang kanilang mga produkto sa mga potensiyal na mamimili na mula pa sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Ang Mga Nakibahagi

Ang taong ito ang nagtala ng pinakamaraming exhibitors at buyers na dumayo pa ng Japan para lang maging bahagi ng malaking pagtitipong ito. Record-breaking na maituturing ang bilang ng  mga sumuporta, dumalo, nag-volunteer at naging bahagi ng event na ito sa iba’t ibang paraan. Sa loob ng tatlong araw, nakibahagi ang 331 exhibitors mula sa 25 bansa; 1,158 buyers mula sa 39 bansa; at 18,000 katao. Marami sa mga exhibitors ay mula Korea, Taiwan at Cambodia. Ito rin ang kauna-uanahang pagkakataon na may lumahok mula sa Colombia, Cote d’Ivoire at Estonia.

Mapapansin din ang unti-unting pagbubukas at paglawak ng merkado ng mga bansa mula sa Southeast Asia tulad ng Cambodia, Thailand, Malaysia, Indonesia, Vietnam at Singapore na hindi lamang bumibili ng content mula sa Japan ngunit nag-e-export na rin ng sarili nilang gawa. Sa taong ito, tumaas ng 19% ang mga exhibitors mula sa Southeast Asia. Wala mang malaking exhibitor na mula Pilipinas, mayroon namang mga dumalong mga indibidwal na Pilipino na ipinadala ng kanilang mga kumpanya at organisasyong kinabibilangan.


Mga Itinampok na Seminar

Hindi lamang puro negosasyon sa bilihan ng content ang nagaganap sa Japan Content Showcase, mayroon ding mga seminar na kapupulutan ng mga impormasyon tungkol sa iba’t ibang industriya sa Asya. Ilan sa mga interesanteng seminar ay tumalakay sa mga sumusunod na paksa:
·         Sa seminar na pinamagatang “Introducing Japanese Music Overseas: Issues and Potentials,” pinag-usapan ang ilan sa mga matagumpay na karanasan ng mga organizers sa pagma-market ng mga Japanese artists tulad ng Xjapan, One OK Rock, Morning Musume at Hatsune Miku sa Amerika at Europa.

·         Sa “Initiatives for the Development of Content Industry in Each Country and the Asian Region: Possible Cooperation in the Asian Region,” tinalakay ang malaking potensyal ng co-production para sa mga nais gumawa ng pelikula o animation sa tulong ng mga agencies o production houses sa ibang bansa. Binanggit din ang posibilidad na makakuha ng mga subsidy sa mga ahensyang pang-gobyerno kung makikipag-ugnayan sa kanila tungkol sa mga proyektong nais gawin sa bansang iyon. Ang mga panelista ay nagmula sa Thailand, Singapore, China, Japan at South Korea.

·         Sa “Southeast Asian Visual Contents: The Present and Future in Film-TV Market” ipinaliwanag kung anong mga pelikula at TV show ang popular sa Southeast Asia at kung saan posibleng tutungo ang mga trend na ito sa mga susunod na taon.

·         Para naman sa mga gustong makipagtulungan sa mga Japanese TV companies, ipinaliwanag sa “How to Find a Partner – Essential Tips on Collaborating with the Japanese TV Industry” ang kasalukuyang kalagayan ng industriyang ito. Nagbigay rin ang mga panelista ng mga suhestiyon kung paano makakapagbukas ng pagkakataon para makipagtrabaho sa mga ito. Nagbahagi rin sila ng mga karanasan nila sa pakikipagtrabaho sa mga production houses mula sa ibang bansa.

Iba pang Kaganapan

Kasabay ng Japan Content Showcase 2014 ay ang Tokyo International Music Market kung saan nagpakitang-gilas ang ilan sa mga bagong Japanese artists sa kanilang mga live performances, at ang Tokyo International Film Festival na siyang nagtampok sa mga pelikula mula sa iba’t ibang panig ng mundo kabilang na ang tatlong entries mula sa Pilipinas.


Kasabay nang mabilis na pagbabago sa kalidad at nilalaman ng mga pelikula, TV show at musika mula sa Japan at sa iba pang bansa na pumapasok sa Pilipinas, mabilis din na nagbabago ang impluwensiya ng bawat bansang nagbebenta at bumibili ng kanilang mga content mula sa isa’t isa. Naging saksi ang Japan Content Showcase 2014 sa lumalaking bahagi ng Southeast Asian market sa malayang pagpapalitan ng produkto at kultura sa bahaging ito ng Asya at siguradong patuloy pa itong magiging saksi sa mga susunod pang taon. 

Biyernes, Disyembre 12, 2014

Dwayne ‘The Rock’ Johnson, pinasaya ang Japanese fans

Ni Florenda Corpuz


Kuha ni Din Eugenio
TOKYO, Japan – Tuwang-tuwa ang mga tagahanga ni Dwayne “The Rock” Johnson sa muli nitong pagbisita sa bansa upang daluhan ang premiere ng kanyang pelikulang “Hercules” na ginanap sa TOHO Cinemas sa Roppongi Hills kamakailan.

Sinalubong ng daan-daang tagahanga ang 42-taong-gulang na aktor at wrestler sa kanyang pagdating sa red carpet kung saan ang iba sa kanila ay hindi napigilang maiyak pagkakita sa idolo.

“The Japanese fans really mean so much to me. From the bottom of my heart, arigato gozaimasu. I love you,” pahayag ni Johnson.

Ayon kay Johnson, limang taong gulang siya nang una niyang hangaan ang Greek mythological hero na si Hercules sa pamamagitan ng isang poster.

“I was five years old when I had my very first poster of Hercules, and I was inspired then by the man who is powerful and strong. I really appreciate his heroics,” aniya.

Kasamang dumating ni Johnson ang direktor ng pelikula na si Brett Ratner at ang producer na si Beau Flynn.

“We are so grateful to be here with all of you. You are the first audience in all of Japan to see the film. The Japanese fans are by far the best fans in the world,” bati ni Ratner.

Matapos ang photo call ay nagkaroon ng stage greeting ang tatlo kasama ang Japanese professional wrestler na si Keiji Muto na nakasuot ng Hercules costume at aktres na si Sumire Matsubara. Taong 2002 nang magpahayag ng interes si Muto na makipag-wrestling kay Johnson ngunit hindi ito nagkaroon ng katuparan.

Ang Japan ang huling bansa na binisita nina Johnson bilang bahagi ng global press tour ng pelikula.

“Thank you, Japan so much. This is a very memorable and important night for us. This is the end of our world tour. We love you so much. Such an honor to be here,” ani Flynn.

Ipinalabas sa bansa ang “Hercules” noong Oktubre 24.
           

           



Pinoy films pinuri sa Tokyo International Film Festival

Ni Florenda Corpuz


TOKYO, Japan – Bigo man ang mga pelikulang Pilipino na makasungkit ng parangal sa 27th Tokyo International Film Festival kamakailan, nakuha naman ng mga ito ang papuri at paghanga ng mga hurado at manonood mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Pinuri sa prestihiyosong film festival ang pelikulang “Ruined Heart” (Pusong Wazak!) ni Khavn de la Cruz na lumaban sa Competition section. Ito ay tungkol sa kwento ng pag-ibig sa pagitan ng isang kriminal at isang masamang babae. Kinunan ang pelikula sa Pilipinas sa loob ng apat na araw tampok ang Japanese superstar na si Tadanobu Asano at Mexican actress na si Nathalia Acevedo sa sinematograpiya ng batikang cinematographer na si Christopher Doyle.

Umani rin ng magandang papuri ang “Above The Clouds” ni Pepe Diokno na pinagbibidahan ng rock legend na si Pepe Smith at Kapuso star na si Ruru Madrid. Ang pelikula ay tungkol sa kwento ng isang 15-taong-gulang na bata na nag-hiking trip kasama ang kanyang lolo at upang malampasan ang kalungkutan nang pagkawala ng kanyang mga magulang sa isang bundok sa itaas ng mga ulap. Lumaban ito sa Asian Future section.

“I hope our film gives people a broader view of what our cinema is, and see some of the most beautiful parts of the Philippines and our culture,” pahayag ni Diokno.

Naging mainit din ang pagtanggap sa “Mula sa Kung Ano ang Noon,” ang limang oras na obra ng award-winning director na si Lav Diaz na ipinalabas sa World Focus section ng Festival.

Ang Tokyo International Film Festival ay isa sa pinakamalaking film festivals sa buong mundo.


Huwebes, Disyembre 11, 2014

Tugon sa pagkakait ng social benefits at mga panlalait sa mga dayuhan sa Japan

Ni Cesar Santoyo

Nagsimula ng umepekto ang panukala ng Korte Suprema ng Japan noong nakaraang buwan ng Hulyo na limitahan ang pagbibigay ng social benefits sa mga dayuhan na may permanent visa. May mga kumikilos na sa antas ng mga munisipyo, siyudad at pambansang saklaw para subukan na tanggalin ang mga natatanggap na social benefits ng mga dayuhan.

Sa hindi pinahintulutang kahilingan ng isang 82-taong-gulang na Chinese mula sa Oita Prefecture ay hinusgahan ng pinakamataas na hukuman at inilinaw na ang mga dayuhan na permanenteng residente ay hindi kuwalipikado sa pampublikong pondo para sa welfare benefits sa kadahilanang hindi sila Japanese. Ayon sa Article 1 ng 1950 Public Assistance Law ay nagsasabing ang katagang “lahat ng mamamayan” ay nakaukol lamang sa mga Japanese, ayon sa interpretasyon ng Korte Suprema. 

Sa kabila ng panukala ay patuloy na nagbibigay ng pabuya ang welfare ministry sa matagal ng polisiya sa pagbibigay ng patas na welfare protection sa mga dayuhan katulad ng sa mga Japanese. Ito ay batay sa mga inilabas na anunsyo sa mga munisipyo noong taong 1954.  Sa polisiyang ito, ang mga munisipyo ay namahagi ng welfare benefits mula pagbibigay ng tulong-pinansiyal, libreng paggamot, tulong sa pabahay at iba pa sa mga nangangailangan na dayuhan na may permanent o long term visa, kasama ang mga asawa ng Japanese at mga migrante mula sa Brazil.

Subalit ang patakaran noong buwan ng Hulyo ng Korte Suprema ay nagbigay ng pagkakataon sa ibang puwersang pulitikal kasama ang may mga kontra-dayuhang sentimiento na bawasan ang “sayang daw” na gastusin ng gobyerno at subukan na limitahan ang pagtanggap ng social welfare ng mga dayuhan.

Isa na rito ay ang Jisedai no To (Partido ng Susunod na Henerasyon), isang minoryang partidong oposisyon na nakaporma na magsusumite sa darating na extra Diet session sa katapusan ng Nobyembre, ng panukala na gawing masmahirap ang kalagayan ng mga dayuhan sa Japan kaugnay ng pagtanggap ng social welfare benefits.

Sa labis ng panggigigil ng liderato ng Jisedai no To, ayon sa mga napaulat, ang gustong ipanukala ay bigyan ng isang taon ang mga matagalan ng dayuhan sa bansa na magdesisyong magpa-Japanese citizen o bumalik na sa sariling bansa. Malamang ay nakaukol ang kanilang puntirya sa mga matagal ng naninirahan na mga Chinese at Korean na ayaw maging Japanese citizen.

Sa pananaw naman ni Taro Kono, isang kongresista at pinuno ng proyekto ng mayoryang partido sa Kongreso at Senado ng Japan, ang Liberal Democratic Party o LDP, ay nagsabing hindi maaapektuhan ang mga may permanent residence visa sa pagrebisa ng bagong polisiya sa welfare benefits. Subalit ang may mga mid-to-long term na visa ang maaaring maapektuhan.

Ang maaaring pagbabago na maisagawa ay sa paraan ng hindi pagbibigay ng pampublikong tulong para sa may mga takdang panahon mula ng dumating sa Japan para maiwasan ang pag-abuso ng mga tumutungo sa bansa para lamang makatanggap ng welfare benefits. Dagdag pa, ayon kay Kono, kailangan pang pagdesisyunan ang haba ng buwan at taon ng pananatili bago mabigyan ng pagkakataon ang dayuhan na makakuha ng pabor sa welfare benefits.

Lalong lumalakas din ang pagkilos ng mga kontra-dayuhan para harangan ang pagtanggap ng welfare benefits pati na rin ang mga rasistang komentaryo laban sa mga dayuhan. Sa mga social networking site kagaya ng Twitter ang mga keyword search gaya ng “seikatsu hogo” o welfare at “gaikokujin” o mga dayuhan ay ang may mga pinakamahabang tala ng mga sensational tweets na nananawagan na agadang itigil ang pagbibigay ng pabuyang pinansiyal sa mga dayuhan lalo ang mga Chinese at Koreano.

Ang patakaran ng Korte Suprema noong buwan ng Hulyo ay nag-udyok din sa isang lalaki na naninirahan sa Narashino, Chiba Prefecture na magsumite ng petisyon sa Narashino Municipal Assembly noong Agosto na itigil ang pagbibigay ng welfare benefits sa dayuhan. Hindi pinaburan ang nasabing petisyon na ibinasura ng asembliya ng Narashino noong September 30, 2014. Sa nasabing buwan rin ng Setyembre ay naghain din ng isa pang petisyon ang nasabing lalaki na naninirahan sa Narashino na nanawagan na gumawa ng hotline para sa mga pinaghihinalaang umaabuso sa pagkuha ng welfare benefits ayon sa kagawad ng asembliya Hisako Ichikawa.

Malamang ay marami pang mga pakulo ang gagawin ng mga kontra-dayuhan na tanging damdamin lamang nila, at hindi ng karamihan ng mamamayan sa Japan, ang nagpupumilit na alisan ng benepisyo ang mga dayuhan dito sa bansa. Maliban sa ginagawang patakaran laban sa mga dayuhan na alisan ng welfare benefits ay ang buwanang pag-atake sa pamamagitan ng mga demonstrasyon laban sa mga Koreano na isinasagawa ng mga tinaguriang ultra-rightist ng Japan.

Ang mga masasamang katagang mapanlait na ibinabato sa mga distrito na maraming nakatirang Koreano mula sa mga ultra-rightist na demonstrador ay nakatawag pansin sa U.N. Committee on the Elimination of Racial Discrimination. Sa rekomendasyon ng nasabing kumite laban sa diskriminasyon ng United Nations sa pamahalaan ng Japan ay nagsabing ang “hate speech” o panlalait at ibang pakikitungo na nagpapahiwatig ng rasistang pag-atake sa mga demonstrasyon, media kasama ang sa internet, ay hindi iniimbistigahan at pinarurusahan ng mga kinauukulan ng mga awtoridad.

Iginiit ng nasabing panel ng U.N. laban sa diskriminasyon na dapat imbestigahan ng pamahalaan ng Japan ang mga “panlalait” sa dayuhan sa mga demostrasyon, imbestigahan ang indibiduwal at organisasyon responsable sa mga aktong rasista at parusahan ang mga pampublikong opisyan at politiko na nagbibigay ng “hate speech” laban sa mga dayuhan.

Pinasubali rin ng nasabing U.N. panel na dapat tugunan ng Japan ang mga “ugat ng kadahilanan” ng mga panlalait sa dayuhan at palakasin ang paraan ng pagtuturo, edukasyon, kultura at impormasyon sa pananaw laban sa mapanlait na patungo sa diskriminasyon sa ibang lahi at palaganapin ang pag-uunawaan, pagbibigayan at pagkakaibigan ng mga bansa at sa mga lokal at etnikong grupo.


May kasabihan na kung batuhin ka ng bato ay batuhin mo ng tinapay. Tahimik lamang ang mga dayuhang Filipino sa Japan na sa ngayon ay ang mga nangangalaga sa mga matatanda bilang caregivers. Pinoy rin ang mga nagtuturo sa pag-aaral ng English ng mga batang Japanese pati mga wasto sa gulang. Sa ating panibagong trabaho at misyon ngayon bilang caregiver at English teacher, ito ang tinapay na ating ibinabato sa mga mapanikil na patakaran at mapanlait na pananalita laban sa mga dayuhan.

Linggo, Disyembre 7, 2014

Seguridad at hustisya

Ni Al Eugenio

Tulad dito sa Japan, kinakailangang mayroong maaasahang hustisya at mapagkakatiwalaang seguridad ang isang bansa upang ito ay maging maunlad.

Kung sa Amerika ay may 911, dito naman sa Japan ay may “hyaku to bang” o 110. Bakit kaya ito ang mga numerong napili upang tawagan kung may emergency? Noong araw kasi na wala pang push button na mga telepono, kailangang ipihit ang mga dial nito mula sa mga numerong nais tawagan. Ang mga numerong 1, 0 at 9 ay madaling hanapin hindi tulad ng mga numerong 7 o 4 na nasa loob ng mga dial. Tulad din ng mabilis na pag-dial ang pagresponde ng mga pulis at iba pang kinauukulan. Mayroong mga lugar dito sa Tokyo at Osaka, na sa loob lamang ng kulang sa tatlong minuto ay mayroon na agad darating na responde sa pinanggalingan ng tawag. Maging ito ay aksidente, sunog o pinagganapan ng krimen.

Dahil sa napakalaki naman ng mga bayan at lungsod sa Amerika, hindi bumibitaw ang operator ng 911 sa kausap na humihiling ng tulong habang nagmamadali ang mga rumiresponde patungo sa lugar na kailangang puntahan.

Ang mga imprastraktura na itinatayo sa mga mauunlad na bansa ay may matibay din na seguridad at may kalakip na garantiya na ang mga ito ay tatagal at may mga sistemang hindi basta-basta papalya upang hindi maging abala sa pagsulong ng progreso ng iba’t ibang industriya. Kung sakali mang may maganap na aberya, mayroon ng mga nakahandang mga pamamaraan upang masolusiyunan kaagad ang darating na problema.

Ang mga naglilingkod sa mga ganitong uri ng tungkulin ay hindi lamang naroroon upang tumanggap ng kanilang buwanang sahod ngunit ang bawat isa sa kanila ay mayroong pagpapahalaga sa kanilang mga gawain at ito ay parte ng kanilang dangal. Dahil dito, ang mga naglilingkod sa mga ganitong gawain ay may sapat na benepisyo mula sa pamahalaan upang maipagpatuloy nila ang kanilang mga tungkulin at hindi na nila gaanong iniisip ang mga pangangailangan ng kanilang mga mahal sa buhay.

Kung sakaling may maganap na mga katiwalian sa mga nanunungkulang ito, ang mga batas ng mauunlad na mga bansang ito ay hindi nangingiming parusahan ang mga nagkamali. Walang kai-kaibigan, walang kama-kamag-anak, walang kumpare at inaanak   at lalong walang pagtanaw ng utang na loob.

Ang mga nanunungkulan sa gawaing paglilingkod sa mga mamamayan ay mayroong kahihiyan at delikadesa sa kanilang katawan. Walang nagmamanhid-manhiran at makakapal ang mukha na kung makagagawa ng pagkakamali ay kusa nang nagbibitiw sa kanilang mga tungkulin at hindi na naghihintay pa ng mas malaking kahihiyan. Alam nilang  matatalino rin ang mga mamamayan.

Tulad din sa Pilipinas, ang mauunlad na mga bansang tulad ng Japan ay mayroon rin Konstitusyon at mga batas na naaangkop sa kanilang mga nakaugalian at mga paniniwala. Pinag-usapang mabuti at pinag-aralan ng kanilang mga mambabatas at kapag naisabatas na ay ipinapatupad ng walang pinapanigan at walang kinakaawaan. Sa ganitong pamamaraan ay nagiging maayos ang paghahanapbuhay ng bawat mamamayan na siya rin nagiging dahilan kung bakit patuloy ang pag-unlad ng kanilang bayan.

Papaano natin ihahambing ang ating bansa sa mga mauunlad na mga bansang ito?  Sa kasalukuyan ay ipinagmamalaki ng kasalukuyang administrasyon ang paglaki ng ating ekonomiya. Sinasabi nila na marami na ang nakumbinsi nilang mga dayuhang mangangalakal upang maglaan ng hanapbuhay para sa ating mga mamamayan. Kung ito nga ay totoo, napakalaking tulong talaga ang magagawa nito para sa libu-libo nating mga manggagawa upang magkaroon ng trabaho. Kung totoo nga ito, baka mabawasan na rin ang ating mga kababayan na nangingibang-bansa upang makapaghanapbuhay. Ngunit kung totoo nga ito, hanggang kailan naman kaya ang garantiya na magtutuluy-tuloy ang pangarap na ito.

Hanggang sa kasalukuyan, tulad din ng matagal ng kalakaran sa ating bayan, wala pa rin tayong makikitang malaking pagbabago sa pamamaraan ng ating mga nanunungkulan upang masolusyunan ang mga pangunahing problema sa pang-araw-araw na pamumuhay ng ating mga mamamayan. Mga problemang tulad ng trapik at transportasyon. Mga pangkaraniwan ng mga krimen tulad ng holdap, rape, droga at prostitusyon.

Totoo, kahit na sa mauunlad na bansa man ay may mga problemang ganito ngunit hindi katulad ng sa Pilipinas na halos araw-araw at ang karamihan ng mga nasa likod ng ganitong mga gawain ay ang mga may katungkulan din sa pagpapatupad ng batas.

Ang ating bansa ay maraming magagandang batas ngunit ang problema ay hindi ito mabuting naipapatupad lalo pa at ang uusigin ay mayaman, kilala at may mataas na katungkulan. Ang mga batas sa atin ay para lamang lalo pang pahirapan ang pangkaraniwang mga mamamayan. Mga pamamaraan na punung-puno ng tinatawag na “red tape” o mga kinakailangan upang matapos kahit na isang simpleng papeles lamang na kung dito ikukumpara sa Japan ay ilang minuto lamang ang kailangan. Ang tatlong bagay na magagawa ng isang tao sa munisipyo rito sa Japan ay baka kung sa Pilipinas ay isa lamang at abutin pa ng ilang araw.


Papaano tayo makakasiguro na magtatagal manatili sa Pilipinas ang mga dayuhang mangangalakal? Papaano na kung magbago ang administrasyon? Kung magbago ang ihip ng hangin? Wala pa rin tayong kasiguruhan na magtutuluy-tuloy ang paglago ng ating ekonomiya. Dahil sa ating bansa, hanggang ngayon, ay hindi maaasahan ang seguridad at hustisiya. 

Pasko na Naman Muli

Ni Rey Ian Corpuz

Sinasabi natin na tayo na yata ang bansa na may pinakamahabang pagdiriwang ng Pasko. Ika nga nila ang simula ng “ber” months o simula Setyembre hanggang sa kapistahan ng Three Kings sa unang Lingo ng Enero ay Pasko. Noong bata pa ako, naaalala ko iyong nanay ko na mahilig makinig ng radyo tuwing paggising ng Christmas songs tuwing ala-singko ng umaga simula sa unang araw ng Setyembre. Sa tuwing sasapit ang buwan ng Disyembre ay naaalala ko na lumalamig na at humahaba ang gabi kaysa sa araw.

Sa panahong ito ay ang mga mag-aaral sa atin ay nagbubunutan na o nagpapalitan na ng mga pangalan kung sino ang bibigyan ng regalo. Ang iba naman ay abala na sa kakaisip o kakalista ng mga dapat bilhin na regalo para sa mga kaibigan, kamag-anak o kahit sinong gustong bigyan ng regalo.

Ibang-iba ang pagdiriwang ng Pasko sa Pilipinas. Lahat ng mga ginagawa ukol sa Pasko ay naka-base sa Kristiyanismo.

Sa ika-pitong taon ko sa Japan, ako ay marahil na nasanay na sa pagdiriwang ng Pasko rito. Kalimitan kapag malapit na magtapos ang klase sa ikalawang semestre ay doon ko lang naaalala na malapit na ang Pasko. Naalala ko lang kasi ang mga kasamahan ko sa trabaho na nagyayaya ng “bounenkai” o “year-end-party” at nagsasabi na bumili raw kami ng Christmas Gift para sa palitan ng regalo.

Sa Japan, ang mga opisina o negosyo na nagdiriwang ng “bounenkai” ay hindi ganoon kasaya at binibigyan ng halaga ang pagbibigay ng regalo. Basta may maibigay lang okay na. Kailan man ay hindi ko naramdaman sa aking mga kasamahan sa trabaho na ang pagbibigay ng regalo ay isang bahagi ng pagdiriwang ng Pasko. Sa bagay ay hindi natin sila masisisi dahil hindi naman sila Kristiyano. Iba ang kultura nila at iba ang kinagisnan na diwa ng Pasko.

Pagkatapos ng Halloween ay tadtad na ng mga pamaskong palamuti ang mga tindahan. Ang mga Christmas cakes at fried o roasted chicken na naging “standard” na pagkain sa hapag ng mga Hapon tuwing Christmas eve ay ibinibenta na bilang “reservation.” Kalimitan nagkakaubusan ng Christmas cakes at fried o roasted chicken tuwing pagsapit ng bisperas ng Pasko.

Ang mga himig ng Pasko ay namamayagpag din sa mga malls, grocery at radyo tuwing Pasko. Isa sa pinakagustong kanta ng mga Hapon na sikat na sikat lalong-lalo na sa mga magkasintahan ay ang “Christmas Eve” ni Yamashita Tatsuro at ang Ingles na kanta ng Wham na “Last Christmas.”

Sa mga paaralan, walang nangyayaring Christmas party. May mga silid-aralan na nagsasabit ng mga palamuting pampasko pero ito ay depende sa guro o punong-guro ng paaralan. Sa loob ng anim na taon kong pagtuturo sa mga bata sa pampublikong paaralan, wala pa akong bata na narinig na nagsabi na gusto niyang magbigay ng regalo dahil Pasko. Ang iniisip ng karamihan ng bata rito ay gusto nilang sila ang makatanggap ng regalo sa Pasko lalo na mula sa kanilang mga magulang. Oo nga naman, eh mga bata eh. Pero iyong totoong diwa ng pagbibigayan ay marahil mahirap ipaunawa sa kanila.

Naalala ko noong bago pa ako sa Japan. Natapat ang bisperas ng Pasko ng Lingo. At sa araw mismo ng Pasko ay may trabaho. Talagang naiyak ako sa lungkot. Mahirap talagang mag-adjust sa isang bansa na hindi opisyal na ipinagdiriwang ang Pasko.

Para sa mga single na mga babae rito sa Japan, ang imahe nila ng bisperas ng Pasko ay ang may maka-date sa gabing ito at ipagdiriwang ang romantikong gabi. Sa mga nakaraang Pasko, naging mainit na topic ito sa mga survey at news na maraming mga babae ang nag-aasam ng mga ka-date tuwing Pasko. Maraming “hopeless romantic” na mga babaeng Hapon dito, ayon sa mga ulat sa telebisyon at dyaryo. Ang Pasko para sa kanila ay may maka-date at may magbigay sa kanila ng regalo.

Pero karamihan ng mga bata rito sa Japan ay naniniwala kay Santa Claus. Naniniwala rin sila na bibigyan sila ng laruan o pera kung sila ay magpapakabait.

Ang Pasko sa Japan, kagaya ng Halloween, ay napaka-“commercialized.” Kumbaga isa itong paraan upang mas lalong sumigla ang kanilang ekonomiya. Kung maraming tao ang gagastos ng pera para sa mga regalo at serbisyo na may kaugnayan sa Pasko, mas sisigla ang kanilang ekonomiya.

Kahit saan man ang mga Pilipino, mapa-Japan man o Middle East, Amerika o Europa, may iba’t iba tayong paraan upang mairaos at maipagdiwang ang tunay na diwa ng Pasko.


Maagang Maligayang Pasko sa inyong lahat!

Martes, Disyembre 2, 2014

Charity run/walk para ‘Yolanda’ victims, isinagawa sa Tokyo

Ni Florenda Corpuz

    Mga lumahok sa charity walk/run.
Kuha mula sa JPN: (Japan-Philippines NGO Network)

TOKYO, Japan – Isang non-governmental organization (NGO) ang nanguna sa pagsasagawa ng charity run/walk na ginanap sa Imperial Palace Grounds kamakailan
para sa mga biktima ng bagyong ‘Yolanda’ sa Kabisayaan noong nakaraang taon.

Tinawag na “Japan-Philippines Friendship Run & Walk,” pinangunahan ng Japan-Philippines NGO Network (JPN) ang charity event. Layon nito na matulungan ang mga biktima ng bagyo sa pamamagitan nang pagdo-donate sa nalikom na donasyon mula sa mga partisipante.

 “We are currently preparing the report on the total amount of donations we gathered from this event, as well as the report on the beneficiaries of the donations. We will keep you informed about updates,” pahayag ng grupo.

Dinaluhan ng mahigit sa 100 runners ang charity run/walk na kinabibilangan ng mga estudyante, empleyado at mga NGO workers na pawang mga Pilipino at Hapon. Aabot naman sa 40 ang mga volunteers na tumulong.

 “We were blessed with a good weather, and were graced with the presence of the distinguished guests. More than 100 people joined our event. Thanks to everyone’s cooperation, we were able to finish the event without any accidents,” saad ng grupo sa isang pahayag.


Ang distansya na nilakad at tinakbo ng mga partisipante ay limang kilometro.