Ipinapakita ang mga post na may etiketa na theater. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na theater. Ipakita ang lahat ng mga post

Miyerkules, Mayo 10, 2017

Gerald Santos, pasok sa Miss Saigon UK Tour 2017



Nakuha ng singer na si Gerald Santos ang papel na si Thuy sa Miss Saigon UK Tour 2017 na tatakbo mula Hulyo 1 hanggang 22 sa Curve Theater sa Leicester, England. Bukod kay Gerald, kasama rin sa Miss Saigon ang dalawa pang Pilipino na sina Red Concepcion at Christian Rey Marbella, na magpapalitan sa paggampan sa papel ng Engineer, at si Joreen Bautista bilang kahalinlinan ni Sooha Kim para sa papel ni Kim.

Sa panayam ni Gerald sa ABS-CBN News, sinabi niyang sobra ang kanyang pasasalamat na makuha ang role na pinangarap at pinaghirapan niyang makuha. Si Thuy ang pinsan ng bida na si Kim, isang 17-taong-gulang na babae na napilitang magtrabaho sa Saigon bar na pinamamahalaan ng Engineer at na-in love sa Amerikanong sundalo na si Chris noong mga huling araw ng Vietnam war.

Kwento ng 26-taong-gulang na si Gerald, noong nakaraang taon pa si nag-audition sa papel ni Thuy kung saan kinanta niya ang “Kim’s Nightmare.”

“Grabe, sobrang overwhelmed. Grateful and thankful to God sa wonderful blessing na ito sa aking career and sa buhay po,” pahayag ni Gerald sa ABS-CBN News.

Dumaan sa ilang rounds ng audition si Gerald na umaming hindi madali ang mga audition piece na ipinagawa sa kanya.

“Sinubukan ko lang po. Nag-audition ako and then ito na at thankfully nakapasa ako sa four stages na rigorous audition ng ‘Miss Saigon.’ Medyo matagal po ‘yung paghihintay ng announcement but worth it po lahat,” ani Gerald na nagsimula sa showbiz matapos na manalo sa “Pinoy Pop Superstar” talent competition ng GMA-7.

Laking pasasalamat ni Gerald sa mga nasa likod ng Miss Saigon dahil sa pagtulong ng mga ito kung paano niya gagampanan ang role ni Thuy.

Umaasa si Gerald na mabibigyan siya ng tips ni Robert Seña na noo’y gumanap bilang Thuy sa Miss Saigon run sa London.

“Magre-reach out kami with them. Ang nakausap ko pa lang ay si Ms. Jamie Rivera. Nakapagbigay na siya ng ilang tips at kung ano ang mae-expect ko roon. Hopefully magkaroon ako ng time with them,” dagdag pa ng singer.

Sisikapin umano ni Gerald na gagawin niya ang lahat ng makakaya para maitayo ang bandera ng Pilipinas sa international scene.

“Ipakita natin sa buong mundo kung gaano kagaling ang talento ng Filipino and I will do and give my best to make our country proud. Iwawagayway po natin ang bandila ng Pilipinas sa Europe.”

Martes, Marso 29, 2016

Rachelle Ann Go, bumida sa unang pagtatanghal ng ‘Les Miserables’ sa Pilipinas

 
Rachelle Ann Go bilang Fantine
Ikinatuwa ng maraming mga Pinoy nang mabalita ang opisyal na pagkakapili kay Rachelle Ann Go bilang bagong bida sa pinakabagong West End production ng “Les Misérables” mula kay Cameron Mackintosh at Boublil & Schönberg at base sa French historical novel ni Victor Hugo na itinuturing na isa sa greatest novels ng 19th century.

Nangyari ito pagkatapos ng matagumpay na pagganap at pagkilala kay Rachelle Ann bilang ang bar dancer na si Gigi Van Tranh sa ika-25 anibersaryong edisyon ng “Miss Saigon” sa West End stage sa London noong 2014 hanggang 2015. 

At ngayon, kagaya nina Lea Salonga, Joanna Ampil, Jon Jon Briones at Jose Llana, kabilang na  si Rachelle Ann sa mga bagong hinahangaan ngayon sa ibang bansa pagdating sa likas na galing sa pagkanta, pag-arte at pagsayaw sa mundo ng international musical theatre. Nag-debut si Rachelle Ann bilang Fantine sa West End stage nitong Hunyo 2015.

Ang Les Misérables in Manila ang kauna-unahang pagkakataon na itatanghal ito sa bansa bilang bahagi ng Asia tour ng produksyon. Kaya’t higit na espesyal ang pagkakataong ito dahil mapapanood din sa unang pagkakataon ng mga Pinoy si Rachelle sa pagganap niya sa iconic role na si Fantine.

Hindi naman maitago ni Rachelle Ann ang galak na makapagtanghal para sa mga kababayan. Aniya, magandang pagkakataon ito para maipakita ni Rachelle Ann kung ako ang mga pinagkakaabalahan niya nitong nagdaang mga buwan.

Maging ang mga cast members na sina Simon Gleeson (Jean Valjean), Earl Carpenter (Inspector Javert), Kerrie Anne Greeland (Eponine) at Chris Durling (Enjolras) ay excited na magtanghal sa isang bansa na may kultura ng matinding pagmamahal sa pagkanta.

Ikinatuwa rin ni Cameron Mackintosh ang ideya ng pagdadala sa Les Mis sa Maynila. Aniya, pagkatapos ng magandang takbo ng musical sa Melbourne, Perth at Sydney ay napapanahon ang pagkakataong mapanood ang musical sa Maynila bilang pagbibigay-pugay din sa magandang samahan ni Mackintosh sa mga magagaling na Filipino theatre talents.

Tampok sa Les Mis ang kwento ni Jean Valjean, isang ex-convict noong 19th century France na nakulong ng 19 na taon dahil sa pagnanakaw ng tinapay at ilang beses na nagtangkang tumakas. Dahil sa tulong ng isang obispo, nagdesisyon siya na magbagong-buhay hanggang sa naging alkade ng isang bayan sa France at may-ari ng isang pabrika. At isa sa mga trabahador niya ang single mother na si Fantine na napilitang pasukin ang prostitusyon para sa anak na si Cosette.

Ilan lamang ang mga makasaysayang kanta na “I Dreamed a Dream,” “On My Own,” “Bring Him Home,” “One Day More,” “A Heart Full of Love” at “Do You Hear the People Sing?” ang kabilang sa repertoire ng produksyon na naging tatak na ng Les Mis.

Binuksan ang performances mula Marso 11 at naganap naman ang gala night noong Marso 16. May pagkakataon pa ang mga Pinoy na mapanood ang tinaguriang ‘one of the greatest musicals of all time’ sa The Theatre sa Solaire Resort, Parañaque City hanggang Abril 3.

Martes, Disyembre 16, 2014

Isang pagsilip sa sining ng Kabuki

Ni Florenda Corpuz


Kuha ni Din Eugenio
Isa ang Japan sa mga mayayamang bansa sa mundo na hinahangaan ng marami dahil sa kakayahan ng mga tao rito na mapanatili at mapagyaman ang kanilang pinagmulan. Isang halimbawa ang “kabuki,” ang pinakasikat na uri ng tradisyonal na Japanese theater na hanggang ngayon ay malaking bahagi pa rin ng kulturang Hapon.

Kasaysayan ng Kabuki

Nagsimula mahigit 400 taon na ang nakakalipas ang kabuki. Ito ay hango sa salitang “kabukuna” na ang ibig sabihin ay “eccentric o breaking social norms” na naging pangunahing uri ng artistic expression ng mga urban merchant classes ng bansa.

Noong 1603 unang naitala ang pagtatanghal ng “okuni,” isang babae na itinuturing na ninuno ng makabagong kabuki, sa lugar ng Kyoto. Kilala ang okuni sa paggaya ng mga kasuotan at pag-uugali ng “kabukimono” o mga taong may extreme hairstyle at fashion. Tinawag na kabuki ang uri ng aliwan na ito ngunit ang kahulugan ay nabago sa pagdaan ng panahon kung saan ang “ka” ay tumutukoy sa musika, “bu” sa sayaw at “ki” sa pagkilos.

Taong 1629 nang ipagbawal ng Tokugawa shogunate ang pagtatanghal ng mga kababaihan sa entablado sa pangambang banta ang kanilang kasikatan sa kaayusan at katahimikan ng lugar. Dahil dito, ang mga kalalakihan na lamang ang nagtanghal at gumanap pati na rin sa mga papel ng mga kababaihan at sila ay tinawag na “onnagata.” Sa pagtatapos ng ika-17 siglo, nakita ang pagkakaiba ng mga onnagata at mga aktor na gumaganap sa mga male roles lamang na kung tawagin ay “tachiyaku.”

Kalagitnaan ng Edo period (1603-1868) naman ang itinuturing na Golden Age ng kabuki dahil sa rangya ng mga teatro pati na rin ng mga costumes at sets na nakatulong para mas makilala ito. Yumaman ang mga kabuki actors na hinahangaan dahil sa kanilang talento, itsura at personalidad.

Pagsapit ng Meiji period (1868-1912) ay nanatiling popular ang kabuki kahit na dumami ang nagkaroon ng interes sa modern western culture.

Sa unang bahagi ng ika-20 siglo, isang samahan na tinawag na Shin-kabuki (new kabuki) ang nagbigay ng malaking kontribusyon sa repertoire.

Ang Kabukiza Theater sa Ginza

Itinayo at binuksan sa publiko ang kauna-unahang Kabukiza Theater noong Nobyembre 1889 bilang espesyal na teatro para sa pagtatanghal ng kabuki. Ilang beses itong nasira ng sakuna at ilang beses din inayos. Muli itong nagbukas sa publiko noong Abril 2013 matapos ang tatlong taong malawakang pagsasaayos dito.

Kayang tumanggap ng mahigit sa 1,900 katao ang teatro. Sa loob nito’y may stage equipment at upgraded audio system na may English translation. Mayroon din 29 na palapag na office building at apat na basement floors sa complex.  
Sa ikalimang palapag ng Kabukiza Tower ay matatagpuan ang Kabukiza Gallery kung saan may exhibition space at event hall na makikita. Isa sa pinakabagong exhibit ay ang “Journey of Grand Kabuki Overseas” na nagpapakita sa 86-taong kasaysayan ng mga kabuki performances sa ibang bansa.

Naging popular na catchphrase ng kabuki overseas performances ang “travelling embassy” at maraming beses na itong naitanghal sa maraming bansa. Isa sa mga pangunahing lugar ay ang New York City sa Amerika na sentro ng performing arts. Nagsimulang magtanghal dito ang kabuki noong 1960.

Napabilang ang Kabukiza Theater sa UNESCO bilang Intangible Cultural Heritage of Humanity ng bansa noong 2008.

Ang Sikat na Kabuki Actor na si Nakamura Kyozo

Isa sa mga most performed plays abroad ng kabuki ay ang “Fuji-musume” (The Wisteria Maiden) kung saan isa sa mga onnagata na gumanap ay si Nakamura Kyozo.
           
Kilala si Kyozo sa kanyang natatanging pagganap sa iba’t ibang repertoire mula sa mga onnagata at tachiyaku, bata man o matanda. Siya ay nagtapos sa Hosei University at pagkatapos ay sumali sa Japan Arts Council’s Training School for Kabuki Actors. Nagsimula ang kanyang karera bilang miyembro ng pamilya Nakamura Jakuemon IV. Na-promote siya bilang “Nadai” (upper rank of kabuki actors) sa kanyang pagganap sa papel na maid Oyuki sa “Toribeyama Shinju.”

Isa si Kyozo sa mga kabuki actors na bihasa sa paglalagay ng makeup.

Ilan sa mga parangal na natanggap ni Kyozo ay ang Kabukiza Prize noong 1999 at National Theatre’s Encouragement Prize noong 2002 at 2008. Aktibo rin siya sa pagbibigay ng mga kabuki lectures at workshops sa ibang bansa.

Paglalagay ng Makeup at Pagsusuot ng Costume

Sa paglalagay ng kabuki face makeup, unang inilalagay sa mukha, leeg at batok ang espesyal na oil na kung tawagin ay “bintsuke” na gawa mula sa mga halaman. Susundan ito ng white powder o “oshiroi” na inilalagay sa pamamagitan ng brush at sponge naman para sa finishing touch. Pagkatapos nito’y maglalagay ng eyebrow at kukulayan ang labi ng kulay pula. “Mehari” naman ang tawag sa pagpinta ng kulay pula sa paligid ng mata.

Matapos ang paglalagay ng makeup ay tutulungan ng costume dresser ang kabuki actor sa pagsusuot ng costume. Unang isusuot ang under-kimono na kung tawagin ay “juban” na mahigpit na itinatali gamit ang string. Pagkatapos nito’y isusuot na ang akmang costume para sa pagtatanghal. Matapos nito’y isusuot na ang wig sa tulong ng hair dresser o “tokoyama” na siyang nag-aayos ng wig base sa papel na gagampanan ng aktor. Muling maglalagay ng oshiroi sa mga kamay ang kabuki actor upang hindi marumihan ang costume.

Para sa iba pang impormasyon tungkol sa kabuki, bisitahin ang http://www.kabuki-bito.jp/eng/.



Lunes, Nobyembre 3, 2014

Theater Bits: Time Stands Still, Scrooge, Haring Lear


‘Time Stands Still’ itatanghal sa 2015

Matapos ang pagtatanghal ng “Cock,” “Closer,” at “Rabbit Role,” napili ng Red Turnip productions na isadula ang 2009 Pulitzer Prize nominee for drama na “Time Stands Still” ni Donald Marguilles mula Enero 30 hanggang Marso 8, 2015.

Kuwento ito ng magkasintahang journalists na sina James at Sarah na kailangang makaalis na sa Middle East na may nagaganap na digmaan matapos maging sugatan. Ipapakita ang malaking pagbabago sa kanilang buhay mula sa magulong lugar patungo sa mas ordinaryong buhay.

Gagampanan ng mga batikang actor na sina Ana Abad Santos at Nonie Buencamino ang papel na James at Sarah na magpapakita ng kahalagahan ng responsibilidad sa sarili, sa mga minamahal sa buhay, sa komunidad at sa mundo.

‘Scrooge’ handog ng Repertory Philippines sa Pasko

Itatanghal ng Repertory Philippines sa darating na Nobyembre 21 hanggang Disyembre 14, 2014 ang “Scrooge” na gaganapin sa Onstage sa Greenbelt 1, Makati City bilang pamaskong handog sa mga manonood.

Umiinog ang istorya kay Ebenezer Scrooge na ayaw na ayaw sa Pasko at kasabay nito ay ang kanyang hindi magandang pagtrato sa kanyang empleyadong si Bob Cratchit, kliyente, pamangkin at mga kakilala.

Noong bisperas ng Pasko ay nagpakita sa kanya ang kaluluwa ng kanyang dating kasosyo sa negosyo na si Job Marley upang sabihing may bibisita sa kanyang tatlong ispiritu. Una na rito, ang ispiritu ng nakaraang Pasko na nagpaalala sa kanya ng malungkot na kabataan; pangalawa, ispiritu ng kasalukuyang Pasko na nagpapakita ng mahirap na sitwasyon ni Bob ngunit kahit paano ay masaya pa rin ito; at ikatlo, ispiritu ng mga susunod na Pasko na magpapakita ng kapalaran ni Scrooge.

Tampok sa Scrooge sina Miguel Fautsmann, Chinggoy Alonzo, Raul Montesa, Chino Veguillas, Cara Barredo, Oliver Usison, Gabo Tionson, Steven Conde, Alex Cortez, Sheila Francisco, Ariel Carrion at Christine Flores.


‘Haring Lear’ kinatawan ng Pilipinas sa Kuandu Festival sa Taiwan

Isang malaking karangalan para Pilipinas na maimbitahan kamakailan para itanghal ang “Haring Lear” sa Kuandu Festival sa ilalim ng direksyon ni Nonon Padilla, musika ni Dodjie Fernandez at production design ni Gino Gonzales.

Batay sa nobela ni William Shakespeare, ang istorya nito ay tungkol sa isang hari na naging malupit at kung paano niya nadiskubre ang totoong kahulugan mg pagmamahal at pagiging tapat partikular na ng kanyang anak at mga tagapagsilbi.

Lumipad sa Taiwan para magtanghal sina Bernardo Bernardo (Haring Lear), Abner Delina Jr (Cordelia/Lakayo), George De Jesus Iii (Regan), Buddy Caramat (Goneril), Jack Yabut (Gloster), Juliene Mendoza (Kent), Jay Gonzaga (Edmundo), Myke Salomon (Edgardo), Renan Bustamante (Duke Ng Albanya), Roi Calilong (Hari Ng Francia), Jeff Hernandez (Duke Ng Cornualles), Gilbert Onida (Oswaldo), at Jason Barcial (Duke Ng Burgonia).



Miyerkules, Setyembre 17, 2014

Flipzoids: Handog para sa mga Pilipinong migrante



May tama sa puso ang katatapos lamang na play na pinamagatang “Flipzoids” na pinagbidahan ng beteranong Filipina stage actress na si Becca Godinez kasama sina Maxwell Corpuz at Ellen Williams.

Ang Flipzoids na itinanghal kamakailan sa Music Museum ay tungkol sa mga Pilipino na nangingibang bansa para magtrabaho at ang mga pagsubok na kanilang pinagdadaanan tulad ng paninibago sa kultura, tradisyon at pagkalayo sa pamilya.

Sinasalamin nito ang iba’t ibang uri ng paraan kung paano hinarap ng mga Pilipinong migrante ang pagtira sa ibang bansa – ang iba’y nangungulila sa sariling bansa habang ang iba naman ay niyakap na ang bagong kultura.

Isinulat ang Flipzoids – ang “zoid” na ang ibig sabihin ay parang mga zombie samantalang ang “flip” naman ay isang pang-iinsultong tawag sa mga Pilipino noon – ng Filipino-American na si Ralph B. Pena noong 1996 na itinanghal sa Los Angeles, California.

Ayon kay Godinez, na siyang producer ng naturang play dito sa Pilipinas, layunin  ni Pena na ipaalala sa mga manonood na huwag kalimutang lumingon sa pinanggalingan.

“Ralph Pena wanted to show culturally how different kinds of people react on living in a foreign land that they now have to call their own. He decided to show a story of three characters,” pahayag ni Godinez na nakilala bilang isang mang-aawit, manunulat, direktor at aktres.

“One is the young offspring of a very successful couple, goes to the States and wants nothing to do with the culture (played by Maxwell Corpuz). Second character is the nurse from Pagudpud, Ilocos Norte who goes to the U.S (played by Ellen Williams). Vangie, Aying’s daughter, just wants to belong to a small culture, to belong to a more intelligent group that makes her read the dictionary and memorize it.”

Dagdag pa ni Godinez, gumanap bilang 70-taong-gulang na si Aying na mula sa Pagudpud, Ilocos Norte na napadpad sa Anaheim, California ngunit patuloy na nangungulila sa bansang sinilangan, na nakita niya ang sarili sa kanyang ginampanang karakter.

“The connection of someone who is uprooted from their country to the connection of home, that’s very strong for me. When I went to America, I went through loneliness, personal and cultural adjustments.”

 “How do you allow the next generation to appreciate the culture that I love and the blood that’s running through my veins?”

 “My life happens to be uprooted. We’re lacking with memories when we uproot ourselves. Always remember your roots; this is what ‘Flipzoids’ is all about,” ani Godinez.



Miyerkules, Agosto 13, 2014

Joanna Ampil: Crossing Musical Boundaries

Joanna Ampil

Hindi matatawaran ang galing ni Joanna Ampil sa teatro -- mula sa pagganap bilang Kim sa “Miss Saigon,” Eponine at Fantine sa “Les Miserabes,” Mary Magdalene sa “Jesus Christ Superstar,” Maria sa “Westside Story,” Sheila sa “Hair,” Maria sa “Sound of Music,” at nito lamang bilang Grizabella sa “Cats.”

Sa edad na 17 ay nadiskubre ang ngayon ay 39-taong-gulang na si Joanna ni Cameron Mackintosh, ang kilalang British theatrical producer, para gumanap bilang Kim  sa pamosong play na Miss Saigon.

Isang pangarap na natupad para kay Joanna ang pag-arte at pagkanta sa entablado na labis niyang ipinagpapasalamat. Aminado ang magandang theater actress na ang kanyang mga narating sa kanyang karera ay produkto ng disiplina at patuloy na paglinang ng kanyang kakayahan bilang alagad ng sining.

“Maraming disiplina ang kailangan, that’s number one. Never give up on your dream and do not take things personally.

 “And to keep improving on your craft, kailangan you are never satisfied. You are never contented with what you have and what you are. It really should be about constantly educating yourself to keep learning. It’s never a bad thing,” pahayag ni Joanna.

Kaya sa bagong self-titled album na inilabas ni Joanna sa ilalim ng Viva Records, maririnig ang pagbibigay niya ng saliw sa mga kantang isinulat ng ilang magagaling na kompositor sa bansa tulad nina Vehnee Saturno, Willy Cruz, Jimmy Borja at Tito Cayamanda na nagpapakita ng kanyang galing, lalim, at maemosyong pag-awit.

Carrier single ng album ang “Hanggang Saan” na isinulat ni Vehnee habang ang ilan pang kantang nakapaloob dito ay ang “The Only Place To Be,” “Smile,” “Kailangan Kita,” “Never Thought I’d Feel This Way Again” kasama si Martin Nievera, at “Kumusta Ka” na ang kanyang ka-duet naman ay si Mark Bautista.

“I have 11 songs. And I got 3 duets and few revivals but mostly are originals. Every single one is a choice of mine and of course Boss Vic. I have to fall in love with every single song,” pahayag ni Joanna.

“I like to be challenged, hopefully that’s a good thing because all the songs here are vocally challenging. I think I like belty songs, I do like to exercise my soprano tone and I’ve always been a belty singer. In fact, I’m a huge fan of Mariah Carey.”

Ipinagpasalamat din ni Joanna ang pagtanggap ng “Concert King” na si Martin sa kanyang paanyaya na maka-duet siya sa “Never Thought I’d Feel This Way Again” na komposisyon ng Italian pop star na si Tony Renis na sumulat din ng sikat na kantang “The Prayer.”

“I’m so lucky that Martin said yes to this. We’re corresponding via Facebook, Martin and I, and then he agreed. But because Martin was so busy and I was doing ‘Cats,’ he recorded it in Los Angeles and I recorded mine in Milan and some of the other lines in Los Angeles as well. It works. I mean, it sounds really good. I’m very happy with it!”

Inabot man ng dalawang taon ang paggawa niya ng bagong album ay masayang-masaya si Joanna sa kinalabasan nito dahil sa naging hands-on siya rito.

“It’s 2 years in the making and I’m very proud of it because they gave me the freedom to choose some of the songs as well and to be quite hands-on with this project,” pag-amin ng theater star.
Nakatakda rin niyang gawin ang movie adaptation ng musical play na “Larawan” na hango naman sa obra ni Nick Joaquin na “The Portrait of an Artist as a Filipino.”

“I’m doing “Larawan” next year. I’m very excited about it because I can get to work with the most amazing legends; Mr. C, Loy Arcenas is directing it, Celeste Legaspi who’s producing it along with my manager Girlie Rodis. I’m so happy to be part of this. I’m so lucky.”

Lunes, Agosto 11, 2014

Forrest Gump: Ang Unang Pagsasadula

Ni Herlyn Alegre



 “Life is a box of chocolates, you never know what you’re gonna get.” Sino nga ba ang hindi nakakatanda ng linyang ito na pinasikat ng pelikulang “Forrest Gump” na ipinalabas noong 1994 at pinagbidahan ni Tom Hanks? Base ito sa isang nobela na isinulat ni Winston Groom at inilathala noong 1986.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay itinanghal bilang isang dula ang “Forrest Gump” na ginanap dito sa Japan. Ipinalabas ito sa Globe Tokyo noong Mayo 30 hanggang Hunyo 22. Ang Globe Tokyo, kilala rin bilang Panasonic Globe Theater, ay isang replika ng orihinal na Globe Theater sa England kung saan ipinapalabas ang mga dula ni William Shakespeare.

Ang dulang “Forrest Gump” ay pinagbidahan ni Junnosuke Taguchi, isang kilalang idolo mula sa Johnny’s Entertainment at miyembro ng bandang KAT-TUN. Kasama rin niyang nagtanghal ang iba pang respetadong aktor tulad nina Masahiro Takashima (na gumanap bilang pitong iba’t-ibang tauhan kabilang na si Lieutenant Dan), Hitomi Takahashi (bilang ina ni Forrest) at Aki Maeda (bilang Jenny).

Ang Kwento ni Forrest

Ang dula ay umikot sa kwento ng buhay ni Forrest mula pagkabata hanggang sa kanyang pagtanda. Kakaiba si Forrest dahil mas mababa ang kanyang IQ kumpara sa ibang mga bata at dahil dito kadalasan siyang tinutukso at kinukutya ng kanyang mga kaklase. Hindi naman naging hadlang kay Forrest ang kundisyong ito para hindi siya magtagumpay sa buhay.

Nakapasok siya sa kolehiyo at naging star player ng kanilang rugby team, nagtrabaho siya bilang sundalo at nakaharap niya sa White House ang dalawang pangulo ng Estados Unidos, naipadala siya sa Vietnam War at ginawaran ng Medal of Honor pagbalik niya, naging austronaut din siya, runner, table tennis player at kung anu-ano pa.

Bumili rin siya ng bangka at nagtayo ng isang fishing company tulad ng ipinangako niya sa matalik niyang kaibigan na si Bubba. Mababa man ang IQ ni Forrest, may busilak naman siyang kalooban at tapat na pagmamahal sa mga taong nasa paligid niya.

Ang Pagtatanghal
           
Tumagal ng dalawang oras at kalahati ang dula. Tuluy-tuloy ito kaya halos walang pahinga ang mga nagsiganap dito, lalo na si Taguchi na gumanap kay Forrest, dahil bahagi siya ng halos lahat ng eksena at dire-diretso ang kanyang mahahabang linya.

Para sa isang dulang may mahabang timeline at malawak na setting, napagkasya ng dula sa limitasyon ng teatro ang epektibong pagsasaganap ng iba’t ibang mahahalagang kaganapan sa kasaysayan tulad ng Vietnam War at pagpatay kay Pangulong Kennedy. Tuluy-tuloy ang pag-usad ng kwento at may madalas na pagpapalit ng mga eksena kasabay ng paglilipat ng maliliit na props na mayroon sa entablado.

Hindi kinailangan ng dula na gumamit ng magarbong props o stage design para ma-establish ang lugar at kapanahunan ng dula. Nadaan nila ito sa paggamit ng mga simple at maliliit na props na madaling ipasok at ilabas sa entablado tulad ng mga kahoy na upuan, pinto,  bakod, malalaking kumot, magagaang dingding at iba pa. Nagbukas ang dula na mayroon lamang isang wooden bench sa gitna ng entablado at malaking net na nakabitin sa ibabaw nito. Tumataas at bumababa ang net na ito depende sa eksena sa dula.

Dahil minimal ang props at stage design, mas nakatutuok ang mga manunuod sa galing ng pagbato ng linya at paghugot ng emosyon ng mga aktor at hindi lamang basta-basta sa ganda ng entablado. Kapansin-pansin rin ang stage chemistry ng mga nagsiganap lalo na sa pagitan ni Forrest at ni Lieutenant Dan. Masasabing isa sa pinakamalakas na eksena sa dula ang bahagi kung saan nagpasalamat si Lieutenant Dan kay Forrest sa pagligtas sa buhay niya noong sila ay nasa Vietnam.

Higit na pinasigla ang dula ng live music mula sa violin, gitara, keyboard, at iba pang instrumentong tinugtog ng live ng mga aktor. Kung hindi tumutugtog ang mga aktor ay nagbibitaw naman sila ng linya sa entablado. Kahit si Taguchi mismo ay nag-aral pa ng harmonica para sa pagtugtog niya sa dulang ito. Sa kwento, nagmula kay Bubba ang harmonica na naging paboritong pang-aliw ni Forrest lalo na sa mga panahong malungkot siya.

Ang Sorpresa ng Dula

Kagaya ng isang kahon ng tsokolate, maraming mga hindi inaasahang bagay sa dulang ito ang gumulat, nagpasaya, nagpaiyak at nagpatawa sa mga manunuod. Isa na rito ang natatanging pagganap ni Taguchi. Hindi man siya ang pinakamagaling na aktor na gumanap kay Forrest, pero binigyan naman niya ng kanyang sariling interpretasyon ang tauhang ito. Isang Forrest Gump na hindi mo lang katutuwaan, kung hindi mamahalin rin ng lubusan.

             

Linggo, Abril 6, 2014

August: Osage County, banyagang bersyon ng Pinoy melodrama

Ni Jovelyn Javier

Kuha ni Jovelyn Bajo
Bahagi ang August: Osage County sa prestihiyosong produksyon ng Repertory Philippines ngayon taon sa kanilang Season 77. Isinulat ito ni Tracy Letts at tumanggap ng maraming parangal noong 2008, partikular na bilang best play sa Tony Awards at Drama Desk Award, nanalo rin ito sa Drama League Award, Outer Critics Circle Award, New York Drama Critics’ Circle Award, Theatre World Award, at Pulitzer Prize for Drama.

Unang itinanghal ang August: Osage County sa Steppenwolf Theatre sa Chicago noong Hunyo 28, 2007, Broadway debut sa Imperial Theater noong Disyembre 4, 2007 at UK debut sa London National Theatre noong Nobyembre 2008.

Tampok sa Osage County ang mga nirerespeto at mga bagong pangalan sa industriya ng teatrong Pilipino na gaya nina: Baby Barredo (Violet), Pinky Amador (Barbara), Leo Rialp (Beverly), Tami Monsod (Ivy), Liesl Batucan (Karen), Kenneth Moraleda (Bill), Sheila Francisco (Mattie Fae), Richard Cunanan (Charlie), Angeli Bayani (Johnna), Hans Eckstein (Steve), Noel Rayos (Little Charles), Arnel Carrion (Sheriff Deon), at Thea Gloria (Jean).

Binubuo naman nina Chris Millado (Director), Carmen “Baby” Barredo (Artistic Director), Katsch Catoy (Lighting Designer), Miguel Faustmann (Set Designer), Orlando Pabotoy (Fight Captain), James Reyes (Costume Designer), at Ely Maalat (Hair and Make-Up Designer) ang artistic team ng produksyon. 

Sentro ng produksyon ang kwento ng pamilya Weston na nakatira sa Pawhuska, Oklahoma na nasa hilagang bahagi ng Texas. Makikilala ang mag-asawang Beverly at Violet Weston na mga magulang nina Barbara, Ivy at Karen.

Nagsimula ang kwento kay Beverly, isang dating kilalang makata na kausap ang isang native American na si Johnna Monevata habang ito ay umiinom. Kinuha niya si Johnna bilang live-in cook at caregiver para kay Violet, ang kanyang asawang may oral cancer.

Sa bahay ng mga Weston, katangi-tanging si Ivy na lamang ang madalas bumisita sa kanilang mga magulang. Pangalawa sa tatlong magkakapatid si Ivy at isang guro sa isang kolehiyo. Samantalang malayo naman ang dalawang kapatid nito na si Barbara at Karen. Si Barbara ang panganay na anak, ina ni Jean, asawa ni Bill at isang propesor sa kolehiyo sa Colorado. At si Karen naman ay inilarawan bilang isang hopeless romantic at isang sosyalera.

Nagsimulang magtipon-tipon muli ang mga miyembro ng pamilya nang malamang ilang linggo ng nawawala ang kanilang ama na si Beverly. Kalaunan ay natagpuan na rin ang labi ni Beverly at idineklarang nalunod ito. Kasama ni Barbara na dumating ang asawang si Bill kahit sila ay hiwalay na at anak na si Jean, si Karen at fiancée na si Steve, kapatid ni Violet na si Mattie Fae kasama ang asawang si Charlie at anak na si “Little” Charles.

Dito na nagsimula ang kaguluhan sa pamilya Weston, partikular na nang maglabas ng sama ng loob ang kanilang inang si Violet habang sila ay kumakain. Matindi ang pinagdadaanan ni Violet, una dahil sa kanyang sakit at pangalawa sa pagkawala ng asawang si Beverly. Humantong ang pang-iinsulto ni Violet sa bawat miyembro ng pamilya sa isang malaking away, lalo na sa pagitan niya at ni Barbara. Ito ang nagtulak kay Barbara para pangunahan ang pamamahala sa bahay, una na rito ang paghahanap ng lahat ng itinatagong pills ni Violet.

Nagkaroon din ng hindi magandang kaganapan sa pamamahay ng mga Weston nang muntik ng molestiyahin ni Steve si Jean, nang matuklasan ni Mattie Fae ang itinatagong relasyon ni Little Charles at Ivy, at nang ibinulalas ni Violet na matagal na niyang alam na si Little Charles ay anak ni Beverly at kapatid nina Ivy, Barbara at Karen.

Sa kalaunan, isa-isang umalis ang mga miyembro ng pamilya at nang hindi na rin kinaya ni Barbara ang lahat ng nangyari, tuluyan na rin itong umalis. Sa huli, si Johnna lang ang naiwan na kasama ni Violet na malungkot sa pag-alis ng mga anak.

Miyerkules, Marso 5, 2014

THEATER BITS: Diana Vreeland, Rak of Aegis, August: Osage County, Red


Cherie Gil is Diana Vreeland

Tampok si Cherie Gil bilang Diana Vreeland, isang maimpluwensiyang fashion columnist at editor ng Harper’s Bazaar at Vogue, at pinangalanan sa International Best Dressed List Hall of Fame 1964. Mula sa MyOwnMann Productions, Inc.; Actor’s Actors Inc.; kasama ng Full Gallop at mula sa panulat ni Mary Louise Wilson at Mark Hampton.

Ang one-woman play ay nakatakda noong 1971 sa Park Avenue, apartment ni Vreeland, pagkaraan ng apat na buwang pamamalagi sa Europe – isang pagbiyahe na ginawa niya mula nang matanggal siya sa Vogue magazine.

Mapapanood ang “Diana Vreeland” mula Marso 14, 15, 16, 21, 22, 23. Biyernes at Sabado sa ganap na 8pm at Linggo tuwing 4pm sa Carlos P. Romulo auditorium, RCBC Plaza, Ayala Avenue, Makati.

PETA closes 46th Theater Season with ‘Rak of Aegis’

Muling mapapakinggan ang mga kanta ng 90s pop-rock band Aegis sa “Rak of Aegis” mula sa produksyon ng PETA. Tampok ang mga kantang gaya ng “Luha,” “Halik,” “Sundot,” “Christmas Bonus,” at “Basang-basa sa Ulan” mula sa pagganap ng magagaling na pangalan sa teatro: Isay Alvarez-Seña, Robert Seña, Aicelle Santos at Joan Bugcat.

Isang kwento ng pag-ibig, kasikatan, at katibayan ng loob ang Rak of Aegis. Ang salaysay ay nakasentro sa pamumuhay ng mga residente ng binahang nayon ng Villa Venizia. Dito makikilala si Aileen na nasa gitna ng pag-ibig at kasikatan para suportahan ang pamilya.

Mapapanood ang “Rak of Aegis” hanggang Marso 9 sa PETA Theater Center.

August: Osage County, isang modernong pampamilyang kwento  

Tungkol sa Weston family at ang kanilang hindi pagkakaintidihan dahil sa mga personal na pinagdadaanan ang Tony Award at Pulitzer Prize winning play na “August:Osage County.” Nagtipon-tipon ang mga miyembro ng Weston family nang mawala ang kanilang amang si Beverly. Dito magbubukas ang maraming isyu ng bawat miyembro ng pamilya, na simula ng kaguluhan habang dumadaan sa kalungkutan sa pagkawala ni Beverly.

Pinangungunahan nina Baby Barredo, Leo Rialp, Pinky Amador, at marami pang iba. Mapapanood ang Osage County hanggang Marso 16 at itinatanghal sa Onstage, 2/F Greenbelt1, Paseo de Roxas cor. Legazpi St., Makati.

Tony-award winning play na ‘Red’ nasa ‘Pinas na

Pinahanga ng American playwright/screenwriter John Logan ang mga kritiko at mga tagahanga ng teatro sa West End, London at Broadway, New York nang unang mapanood ang “Red” noong 2009 sa London at 2010 sa New York. Nanalo ito ng maraming parangal sa mga respetadong award-giving bodies sa mundo ng teatro.

Tampok si Bart Guingona bilang Mark Rothko, isang American abstract painter na may dugong Jewish at si Joaquin Pedro Valdes bilang kanyang fictional apprentice.

Mapapanood pa ang Red sa Marso 1-2 sa College of Saint Benilde, School of Design and Arts Theatre.


Lunes, Disyembre 9, 2013

Maxie The Musicale: Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros


Kuha ni Jovelyn Bajo

Naging hit noon bilang isang pelikula, mapapanood na muli ang “Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros” sa pamamagitan ng isang musical na handog ng Bit by Bit Company, PETA Theater Center at Cultural Center of the Philippines (CCP). Tampok dito ang liriko ni Nicolas B. Pichay, musika ni William Elvin Manzano, JJ Pimpinio at Janine Santos, direksyon at choreography ni Dexter Santos.

Pinagbibidahan ito ni Jayvhot Galang, isang batang tubong Sta. Ana, na mahilig kumanta at idolo si Whitney Houston. Bagaman walang karanasan sa pagtatanghal sa teatro, sinanay siya sa PETA Summer Acting Workshop, voice lessons at dance classes sa pangangalaga ni Janine Santos, isang classical opera singer.

Kabilang sa cast ang ilan sa mga respetadong pangalan sa mundo ng teatro tulad nina Roeder Camanag at Nazer Salcedo bilang Paco Oliveros, Jojo Riguerra bilang Victor Perez, Al Gatmaitan at OJ Mariano bilang Boy Oliveros at Jay Gonzaga bilang Bogs Oliveros.  Nandito rin sina Aaron Ching (Nar), Nomer Limatog Jr. (Leslie), Teetin Villanueva (Monique), Eo de Guzman at Merdin Mojica ( Peter) at Greg de Leon (Chief Dominguez).

Unang nakilala si Maximo Oliveros sa 2005 na pelikula mula sa direksyon ni Auraeus Solito at panulat ni Michiko Yamamoto. Pinagbidahan ito ni Nathan Lopez bilang Maxie kasama sina Ping Medina at JR Valentin. Naging official entry din ito ng Pilipinas sa 79th Academy Awards at ipinalabas sa iba’t ibang international film festivals.

Naiuwi nito ang ilang mga tropeo: 2005 Best Film mula sa Asian Festival of First Films, 2005 Best Picture sa Toronto Imagine Native Film Festival, 2005 Zenith Award for Best Picture sa Montreal World Film Festival, Glass Bear Special Mention sa Berlin International Film Festival at 2007 Independent Spirit Award sa IFC Spirit Awards.

Nakasentro ang kwento kay Maxie na isang 12-taong gulang na homosexual at nakatira sa mahirap na lugar kasama ang mga kuya at tatay nito. Sa kabila ng pagiging homosexual ni Maxie, tanggap siya ng kanyang dalawang kuya at tatay. Nakilala niya si Victor nang iligtas siya nito ng may magtangka sa kanya. Mahuhulog ang loob ni Maxie kay Victor ngunit siya ay nababagabag din sa ilegal na ikinabubuhay ng kanyang pamilya.