Martes, Hunyo 9, 2015

Top 6 na kumpulan ng mga Pilipino sa Japan

Ni Rey Ian Corpuz

Mga aktibidad na ginagawa ng mga Pilipino kung saan sila ay nakikitang grupu-grupo o ‘di kaya ay medyo maramihan.

  1. Misa tuwing Lingo (Sabado para sa ibang relihiyon). Karamihan ng mga simbahan sa mga malalaking siyudad sa Japan ay karamihan binubuo ng mga Pilipino ang kanilang miyembro. Halimbawa para sa mga Katoliko sa Tokyo, sikat ang simbahan sa Yotsuya (St. Ignatius), Roppongi (St. Francis) at Meguro (St. Anselmo) na karamihan mga Pilipino ang dumadalo lalo na sa English mass nito. Hindi lang ang mga nananampalataya kung hindi pati na rin ang mga kumakanta sa choir at mga tumutugtog sa misa ay karamihan binubuo ng mga Pilipino. Kalimitan ang Lingong misa ay nagiging mini-reunion ng mga dating magkatrabaho, kaklase o kahit na sinong Pilipino. Minsan lalo na sa mga baguhan dito sa Japan, ang simbahan ang isang magandang lugar upang makahanap ng taong pwedeng tumulong o gumabay sa iyo sa pasikot-sikot sa Japan. Kahit na ipinagbabawal, minsan marami kang nakikitang mga kapwa Pilipino na nagtitinda ng mga pagkain, kakanin at kung anu-ano pang gamit sa labas ng simbahan. Kapag wala namang naninitang pulis ay tiyak na maraming Pilipinong nagkukumpulan habang kumakain at nag-uusap sa gilid ng daan. Parang nasa Pilipinas lang ano?

  1. Christmas party at food bazaar sa mga lokal na simbahan. Tiyak na ito ang isa sa mga pinakasikat na aktibidad ng halos lahat ng simbahan, ang Christmas party. Sa Christmas party din, nararamdaman ng mga Pilipino rito ang totoong diwa ng Pasko sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga regalo lalo na sa mga bata at ang ispiritwal na totong diwa ng Pasko. Tiyak din na may mga grupong Pilipino ang magpe-perform tulad ng sayaw, kanta o ‘di kaya ay isang dula ukol sa Nativity. At dahil potluck party, siguradong lahat ay nagdadala ng kani-kanilang sariling lutong Pilipinong putahe. Maliban sa Christmas party, ang mga international food bazaars o mga fund drive bazaars naman ang isang siguradong okasyon na maraming mga Pilipino. Mahilig tayong kumain at minsan nakakasawa rin ang puro mga Japanese food ang ating kinakain kaya’t tiyak na hindi mo matitiis na pumunta sa mga food bazaar.

  1. Fund raising activities ng mga Filipino groups at maging ng Philippine Embassy. Tulad ng Barrio Fiesta na taun-taun ginaganap, ito ay dinadagsa ng maraming Pilipino. Maraming mga sikat na artista galing Pilipinas ang pumupunta rito upang magbigay aliw at saya para sa ating mga kababayan. May mga fund raising din ang halos lahat ng mga aktibong grupo tulad ng “Lumad” at Samahang Pilipino na kung saan ay dinadaan nila sa konsiyerto at mga shows upang makatulong sa mga foundation sa Pilipinas. Walang humpay naman ang suporta ng mga kapwa Pilipino at maging ibang lahi kaya taun-taun ito ay nagiging matagumpay.

  1. Beauty pageants, singing at talent contests. Maraming magaganda at gwapong mga Pilipino na sumasali sa mga patimpalak na ito kaya marami rin na mga Pilipinong nanonood. Marami mga paligsahan sa pag-awit at pagpapakita ng talento ang ginaganap sa buong Japan ng bawat organisadong Pilipinong grupo kaya tiyak na dinudumog ito ng mga kapwa natin Pilipino.

  1. Bus tours ng mga Filipino groups. Isa sa masayang gawin kasama ng mga Pilipino ay ang bus tours. Mura na, masaya pa! Iyan ang isa sa mga pang-akit ng mga Filipino groups sa mga bus tours. Hindi mo na kailangan gumastos ng pagkamahal hindi tulad ng mga tours na naka-advertise sa mga sikat na travel agencies. Maganda pa dahil puro kayo Pilipino at hindi mo kailangan maging nakapakatahimik at talagang mararamdaman mo ang Filipino hospitality na ibang-iba sa kulturang Hapon. Mapa-onsen man, o mga flower parks, zoo, Mt. Fuji, factories, museums, at theme parks, lahat ito ay dinudumog ng mga Pilipino.

  1. Laban ni Manny Pacquiao. Sa may mga cable TV o magaling maghanap ng libreng online streaming, tiyak maraming Pilipino ang nagkumpulan noong Mayo 3. Masaklap nga lang at natalo ang ating “Pambansang Kamao” pero sa puso ng bawat Pilipino, si Manny Pacquiao pa rin ang champion. Rematch ba kamo? Hindi bale na lang. Kung ang makakalaban din naman niya ay takbo lang nang takbo, mabuti pa huwag na lang. Marahil maraming nagsigawan, hiyawan at nag-cheer para kay Manny noong Mayo 3. Tiyak na naging maingay ang pagtitipon ng mga Pilipino nating kababayan.

Lunes, Hunyo 8, 2015

Iza Calzado, busy with a musical and new international film

Iza Calzado
Tuluy-tuloy ang magagandang pangyayari at proyekto sa karera ni Iza Calzado ilang taon mula nang lumipat ito bilang isang exclusive talent sa ABS-CBN nitong 2012 sa ilalim ng Star Magic. Naging exlusive talent si Calzado sa GMA Artist Center mula 2004-2011. Nakapirma rin si Calzado sa isang non-exclusive contract sa Star Cinema, ang film production arm ng ABS CBN.

Kamakailan natupad ang isa sa pangarap ni Calzado na maipinta ng isa sa nirerespetong pangalan sa industriya ng sining sa bansa, ang National Artist for Visual Arts na si Benedicto “BenCab” Cabrera.  Hindi naitago ng aktres ang kanyang kagalakan sa natatanging pagkakataon na ito. Ipininta si Calzado ng dalawang portrait ni Cabrera, kung saan ang isa rito ay ginamit bilang publicity poster para sa musical na “Sabel” na pinagbibidahan din ni Iza.

Kauna-unahang pagkakataon ito para kay Calzado  na maging pangunahing karakter ng isang musical. Aniya, isang bagong karanasan ito para sa kanya. Dagdag ng aktres, magandang pagkakataon din ito para matuto ng ibang mga bagay at maipakita ang ibang Iza Calzado mula sa kanyang mga pagganap sa telebisyon at pelikula. Naniniwala rin siya ng lubos sa kakayahan ng direktor nitong si Freddie Santos. Isinulat din ni Santos ang mga liriko at libretto sa naturang musical.

‘Sabel: Love and Passion’

Pinamagatang “Sabel: Love and Passion” ang musical na tungkol sa buhay ni Sabel, ang inspirasyon ni Bencab sa kanyang pagpipinta. Tinalakay ng kwento sa pamamagitan ng interpretasyon ng sayaw mula sa Philippine Ballet Theater (PBT) at sinasabayan ng mga makaantig damdaming mga kanta ang pagkasilang ni Sabel hanggang sa pagiging comfort woman, nightclub dancer, isang ina at kalaunan bilang isang babaeng sumasayaw sa kalye na siyang magbibigay inspirasyon sa isang batang magpipinta para sa kanyang pinakamagandang obra.

Nakatakda ang kwento ng Sabel sa mga panahong mahalaga sa kasaysayang ng bansa, nang umalis ang mga Kastila at namuno ang mga Amerikano. Nagmula ang inspirasyon ng Sabel sa 1965 na obra ni Cabrera ng isang babaeng nagngangalang Sabel na namumulot ng mga basura. Nagsilbi rin na pangunahing handog ang Sabel bilang selebrasyon ng ika-50 anibersaryo ni Cabrera sa industriya. Ginanap ang World Premiere Gala ng Sabel kamakailan at regular run sa Hunyo 26-27 sa Music Museum.

‘Showdown in Manila’
Maliban sa musical, abala rin si Calzado sa upcoming international film na “Showdown in Manila” kasama ang mga Fil-Am Hollywood stars na sina Tia Carrere at Mark Dacascos, Casper Van Dien at Cary Hiroyuki Tagawa. Gaganap si Calzado bilang isang pulis sa pelikula na mula sa direksyon ni Dacascos.

Ayon kay Calzado, nagustuhan nito ang kanyang karanasan sa pelikula dahil hindi siya na-typecast. Itinuturing din niyang kakaibang karanasan ang karakter niya bilang pulis. Bagaman natatakot siya kapag may baril, ginawa pa rin ni Calzado ang lahat ng kanyang makakaya para sa karakter niya.

Pangalawang beses na ito kay Calzado sa isang international film, una sa “The Echo” (2008) na English remake ng pelikulang “Sigaw” (2005) kung saan kabilang din siya sa cast. Aniya, bukas siya sa posibilidad na subukan ang mga proyekto sa Hollywood kung mayroong casting calls. Nagbigay inspirasyon din sa kanya ang pagiging bahagi niya ng Showdown in Manila para subukan mag-aral ng acting sa Los Angeles.

Inilunsad din ni Calzado ang isang instructional fitness video, ang “Level Up! Make That Change Now.”


Kilala si Calzado sa mga pelikulang “Moments of Love,” “Mulawin The Movie,” “Batanes: Sa Dulo Ng Walang Hanggan,” “Maria Leonora Teresa” at “Starting Over Again” at sa telebisyon sa “Encantadia,” “Atlantika,” “Impostora,” “Kahit Puso’y Masugatan” at “Hawak Kamay.” 

Linggo, Hunyo 7, 2015

Lagalag sa Moscow: Ang Palibot ng Patriarch's Pond

Ni Herlyn Alegre

Patriarch's Pond sa Moscow, Russia
Isang bansang napakayaman sa kasaysayan ang Russia. Makikita ito sa kanilang naglalakihang mga palasyo, nagkalat na mga museum at teatro, mga estatwa ng mga kilalang tao sa bawat kanto at sulok ng siyudad, mga gusaling kulay pastel na gawa sa solid na bato, mga cobbled streets at maging sa pananaw ng mga taong nakatira rito. 

Marahil ang Red Square, kung saan matatagpuan ang St. Basil’s Cathedral, at Kremlin, kung saan nakalagak ang labi ng makapangyarihang soviet leader na si Lenin, ang pinakakilalang mga lugar sa Moscow na dinadagsa ng milyun-milyong turista bawat taon. Pero bukod sa mga ito, marami pang ibang lugar na dapat bisitahin sa Moscow. Isa na rito ang Patriarch’s Pond o Patriyarshiya Prudy. Isa itong malaking pond sa gitna ng isang high-end residential area kung saan maraming mga kilalang tao ang nanirahan. Sa kasalukuyan, mayroon na lamang isang malaking pond na natira rito pero sinasabing may iba pang pond sa lugar na ito mahigit na 200 taon na ang nakakalipas. 

Mainam puntahan ito ng mga taong mahilig mag-relax at maglakad-lakad sa mga parke, mga taong mahilig sa kasaysayan at pati na rin ng mga taong mahilig kumain!

Ang Patriarch's Pond ay matatagpuan sa Malaya Bronnaya Utilisa at maaaring marating gamit ang Mayakovsky o Tverskaya Metro station. Mayroong isang malaking pond na napapaligiran ng mga puno at mga kahoy na bangko kung saan maaaring magpahinga at masdan ang ganda ng kalikasan. May malapit din na playground dito kung saan maaaring maglaro ang mga kasamang bata. Tuwing winter naman ay ginagawa itong ice skating rink. Sa lugar na ito naka-set ang unang kabanata ng nobelang “Master and Margarita” na isinulat ng kilalang manunulat na si Mikhail Bulgakov.

Sa paligid ng Patriarch's Pond

Sa isang gilid ng pond matatagpuan ang Cafe Margarita. Maaaring magbasa ng libro sa mga upuan sa labas ng cafe o ‘di kaya naman ay makinig sa live jazz, folk at acoustic music sa gabi. 

Ang bahay ni Anton Chekhov ay matatagpuan sa ‘di kalayuan. Ginawa ng museum ang bahay na ito na nagbukas sa publiko noong Abril 25, 1912. Nagkakahalaga ng 250 rubles ang entrance rito at maaaring kumuha ng litrato sa loob ng bahay kung magdaragdag ng 100 rubles. 

Si Chekhov ang isa sa pinakakilalang kwentisya at mandudula sa Russia. Nabuhay siya mula 1860-1904. Ilan sa kanyang mga kilalang likha ay ang “The Cherry Orchard,” “Uncle Vanya,” “The Seagull” at “The Three Sisters.” Tumira si Chekhov sa bahay na ito mula 1886 hanggang 1890 kasama ang kanyang ina na si Yevgenya Yakolevna at mga kapatid na sina Maria at Mikhail. Sa study room ng bahay na ito siya tumatanggap ng mga bisita kabilang na ang kilalang kompositor na si Pyotr Tchaikovaky.

Marami rin na ibang mga manunulat at pintor ang tumira sa lugar na ito. Sa ‘di kalayuan ay matatagpuan ang apartment unit na tinirhan ni Mikhail Bulgakov, isang nobelista at mandudula na nagpasikat sa mga akdang “Master and Margarita” at “Heart of a Dog.” Nabuhay siya noong 1891-1940. Tumira si Bulgakov dito noong 1921-1924 kasama ang kanyang unang asawa na si Tatyana Nikolaevna Lappa.

Binuksan sa publiko ang bahay na ito noong 2007. Katabi  lamang nito ang isa pang museum ni Bulgakov kung saan naka-display ang ilan sa kanyang mga personal na kagamitan. Libre ang museum at may bayad naman ang pagbisita sa bahay ni Bulgakov. Nasa ikaapat na palapag ng gusali ang apartment ni Bulgakov pero bago makarating dito ay madadaanan muna ang makukulay na graffiti na iginuhit ng mga tagahanga ni Bulgakov sa dingding ng gusali. 

Food trip

Kung magutom dahil sa pag-iikot sa lugar, maaaring mananghalian sa Mari Vanna. Napaka-homey ng ambience ng restaurant na ito. Mukha  itong tipikal na bahay  noong 18th century. May mga puting bookshelves sa paligid nito, mga lumang libro at picture frames na inaayos upang magmukhang nasa bahay talaga ang mga kumakain dito. Mayroon din cute na cute na gray na pusa na palakad-lakad sa loob ng restaurant na minsan ay nakikipaglaro sa mga kumakain dito. Russian food ang specialty ng lugar na ito. Huwag palagpasing hindi matikman ang Pirozhki at kompote. Nagkakahaga ng 400-700 rubles ang isang putahe rito.

Para naman sa dessert, subukan ang malahiganteng serving ng Brownie Chocolate Cafe na walking-distance lang din mula sa pond. Maraming iba't ibang flavor ng cake rito tulad ng Brownie Love, cake na gawa sa pinagpatung-patong na brownies at binudburan ng berries sa ibabaw; Titan Berry, chocolate cake na mayroong ding mga strawberries at blueberries sa ibabaw; Titan Nuts, chocolate cake na pinalibutan ng pecan nuts; pistachio, matingkad na kulay green ang kulay nito at malalasahan talaga ang maliliit na piraso ng pistachio sa bawat kagat, at siyempre ang Franklin cheesecake na mayroong mga brownies na nakapatong sa ibabaw nito na nilagyan ng white chocolate at caramel. Nagkakahalaga ng 450 rubles ang isang slice ng cake. Maaari itong ternohan ng double espresso o earl gray tea.

Kung napagod sa pag-iikot, sulit na maghapunan sa Cafe Pushkin, isang high-end restaurant na parang mansyon noong 20th century ang pagkakaayos ng loob. Nagkakahalaga ng 890-8,500 rubles ang bawat putahe. Kilala itong puntahan ng mga businessman, diplomats, expats at siyempre mga turista. Ang unang palapag nito ay parang 19th century drugstore, sa ikalawang palapag naman matatagpuan ang library room at ang ikatlong palapag naman ay ang entresol. Mayroon din itong summer terrace sa may bubong ng restaurant. 


Malaki ang Russia, maraming lugar ang masarap tuklasin, makulay ang kanilang pinagdaanan bilang isang bansa. Hindi dapat palagpasin ang pagkakataong masilip ang kasaysayang ito sa bahaging ito ng Moscow.

Huwebes, Hunyo 4, 2015

Tottori Sand Dunes: Pinakasikat na sand hills sa Japan

Ni Florenda Corpuz


Sino ang mag-aakala na sa isang bansa tulad ng Japan kung saan ang klima ay masasabing temperate na may apat na uri ng panahon ay may matatagpuang sand hills na kadalasan ay sa disyerto lamang makikita?

Sa silangang bahagi ng Tottori Prefecture ay matatagpuan ang Tottori Sand Dunes (Tottori Sakyu), ang pinakasikat at pinakamalaking sand hills sa bansa. Ito ay may habang 16 na kilometro (east to west) at lapad na 2.4 kilometro (north to south) sa tabi ng Sea of Japan.

Ang Tottori Sand Dunes ay nabuo sa pamamagitan ng isang paulit-ulit na cycle na nagsimula sa weathering ng mga bato mula sa mga bundok ng Chugoku na naging buhangin. Ang mga buhangin na ito ay tinangay ng hangin papunta sa dagat at muling bumalik sa pinanggalingan nito sa loob ng humigit kumulang na 100,000 taon.

Isa sa natatanging katangian ng Tottori Sand Dunes ay ang laki ng taas nito at ang mga halaman na dito lamang makikita. Ito ay bahagi ng San’in Kaigan Geopark na itinalagang Global Geopark ng Japan, isang pandaigdigang programa ng UNESCO na may layong gawing world parks ang mga mahahalagang geological heritage sites.

Sa pagbisita sa Tottori Sand Dunes, asahan ang nakakamanghang tanawin tulad ng 40-meter-deep basins, 50-meter-tall hills, wind ripples at pagbaba ng mga buhangin sa ibabaw ng hills na tila isang avalanche. Sa tuktok nito ay masisilayan din ang nakakamanghang tanawin ng karagatan at buhangin.

Bukod dito, dagdag na atraksyon din ang camel at horse drawn cart rides na bumabaybay sa dunes. Maaari rin mag-paragliding o sandboarding dito. Kung gusto naman tanawin lang ang ganda nito ay maaari itong gawin sa observation deck ng Sakyu Center.

Sa kalapit naman na Sand Museum ay makikita ang mga sand sculptures ng mga artists mula sa iba’t ibang bansa. Ngayong taon ay Germany ang tema ng exhibition na tatagal hanggang Enero 3, 2016.

Mula Tottori Station ay mararating ang Tottori Sand Dunes sa pamamagitan ng pagsakay ng bus. May entrance fee rito na ¥600.

Ngayong panahon ng tag-init, mainam na magtungo rito para sa naiibang desert experience!


Lunes, Hunyo 1, 2015

Japan naglaan ng ¥19.5B ODA sa Pilipinas para sa pagsasaayos ng traffic congestion, flood risk management

Ni Florenda Corpuz

Pinirmahan nina Finance Secretary Cesar V. Purisima 
at Chief Representative of the JICA Philippine Office Noriaki Niwa 
ang loan agreement na nagkakahalaga ng ¥19.5 bilyon. 
(Kuha mula sa Department of FInance)


Naglaan ang pamahalaang Hapon, sa pamamagitan ng Japan International Cooperation Agency (JICA) ng ¥19.5 bilyon Official Development Assistance (ODA) sa Pilipinas para sa mga proyekto sa road interchange at flood risk protection ng bansa.

Nilagdaan nina Department of Finance (DOF) Secretary Cesar Purisima at JICA Chief Representative to the Philippines Noriaki Niwa ang loan agreement para sa pagsasaayos ng traffic congestion sa Metro Manila at implementasyon ng flood control project sa Cagayan de Oro River, Northern Mindanao.

Nakapaloob sa ODA ang pagsasakatuparan ng Metro Manila Interchange Construction Project (Phase VI) na nagkakahalaga ng ¥7.929 bilyon at ang Flood Risk Management Project for Cagayan de Oro River Basin na aabot sa ¥11.576 bilyon, sa pakikipagtulungan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Tutulungan ng JICA ang DPWH sa paggawa ng mga flyovers at road links o interchanges sa EDSA/Roosevelt/Congressional, EDSA/West/North, at C-5/Green Meadows at North/Mindanao Ave. upang masolusyunan ang traffic congestion sa Metro Manila.

“To help Metro Manila sustain growth, and develop it as an attractive investment destination, we aim to continue working with the government to enhance connectivity, and mitigate traffic congestion and other hazard risks and urban issues through our cooperation projects,” pahayag ni Niwa.

Katulong ang JICA, ginagawa ng Pilipinas ang Transport Infrastructure Roadmap para sa Metro Manila at karatig-lugar kung saan nakalagay ang “short and long-term strategies to decongest traffic, develop regional growth centers, and enhance the living conditions of people living in Metro Manila, and nearby areas.”
           
Ayon sa JICA, tinatayang aabutin ng anim na bilyon piso kada araw ang taffic cost sa Pilipinas pagsapit ng taong 2030 mula sa kasalukuyang mahigit sa dalawang bilyon piso kung hindi aayusin ang traffic congestion dito.

Tinutulungan din ng JICA ang DPWH sa implementasyon ng structural at non-structural measures para mabawasan ang flood risks sa Cagayan de Oro River Basin. Makakatulong din ang bagong proyekto sa paggawa ng bagong dike at iba pang mga hakbang na proteksyon sa baha sa paligid ng river basin upang tugunan ang mga problema ng pagbaha, at bilang kontribusyon sa sustainable economic development sa mga lugar sa Northern Mindanao. Matatandaang umabot sa humigit-kumulang 1,250 ang nasawi sa paghagupit ng bagyong Sendong sa Cagayan de Oro noong 2011.

Ang JICA ay strategic development partner ng Pilipinas mula pa noong 1960s kung saan umabot na sa 70 bilyon yen ODA (as of 2012) ang nailaan nito sa bansa at nanatiling top donor.