Lunes, Pebrero 15, 2016

Christian Bautista sings his way to the UK charts

Ni Len Armea

Christian Bautista naglabas ng bagong single na
pinamagatang Who Is She To Me? 
Naglabas ng bagong single ang singer na si Christian Bautista na pinamagatang “Who Is She To Me?” na isang love song at isa siya sa mga co-producer. Espesyal ang kantang ito para kay Christian dahil ito ang kauna-unahan niyang awitin na inilabas sa United Kingdom (UK) at simula ng napakinggan ito sa iTunes nitong Disyembre ay nasa #44 ito sa UK Vocal charts at #17 sa Top US New Releases.

Malaking bagay ito para kay Christian lalo na’t hindi madali na makapasok sa international scene lalo na sa United Kingdom at Estados Unidos.

“It’s big for me. If you would look at the numbers, you’d say ‘parang ang layo naman’ pero for me okay na iyon. Hopefully, tumaas pa,” pahayag ni Christian sa Pinoy Gazette.

Tiwala ang sikat na balladeer na tatangkilikin ang bago niyang single dahil maganda ang pagkakagawa sa kanta at sinsero ang lyrics nito na tungkol sa pagmamahal ng tunay na isang babae.

“I’d say it’s a love song from a different perspective. It’s a love song that talks about the beginnings of love. Who Is To Me, it is at that point when one person is starting to feel this feeling. What is this feeling? Who is she to me? Why am I feeling this way? Do I love her already?” Paglalarawan ni Christian sa kanyang bagong single.

“Iba ang melody lines ng kantang ito, alam mo na foreigner ang gumawa and it travelled from different countries – I recorded it in Los Angeles, produced in Italy, and recorded the music video in London,” dagdag pa ni Christian sa kanyang kanta na Who Is She To Me na isinulat ni Michael Shepstone.

Hindi naman bago sa international scene si Christian, na tinaguriang “Asian Pop Superstar,” na ang mga kanta ay popular din sa Indonesia, Singapore, Malaysia at Thailand. Kaya isang malaking hamon para sa binatang tubong Cavite na mapasok ang UK market.

“People say it’s close to impossible, people say it’s hard. A lot of artists have done it already – whether America or UK – sometimes they make it, sometimes they don’t but I am one who just wants to try. I still want to experience it, go with it, or try it at least,” giit ni Christian na nagpasikat sa mga kantang “The Way You Look At Me,” “Colour Everywhere,” “Hands to Heaven,” “Up Where We Belong” at marami pang iba.

Bukod sa pagkanta, naging abala rin si Christian sa pag-arte sa telebisyon at naging host din siya ng katatapos lamang na talent competition sa GMA 7 na “To the Top.” Kahit na ang musika ang kanyang pangunahing pinagkakaabalahan, masaya si Christian na sa mahigit sa 10 dekada sa showbiz ay masasabi niyang marami siyang nasubukang mga bagay at natutuhan.

“There’s really no real formula on how to stay this far in the industry. May be faith, perseverance, hard work, the support of fans and the management, you’re ability to keep on creating – a mix of all that. You just have to continue what you are doing. Just don’t stop.”

Sa taong 2016, nasa plano na ni Christian ang magtanghal sa ibang bansa, maglabas ng bagong OPM album at gumawa ng musical.

“At this point, it’s all about creating creative noise. It’s about conquering different lands and ventures -- finding out what the next step is.”

“Through experience, you learn, you grow up, you mature. You learn from success, you learn from mistakes and hopefully you don’t fall the same way you fell before,” aniya.

Linggo, Pebrero 14, 2016

Travel 2016: Festivals, events, holidays


Taun-taon inaabangan ng lahat ng Pinoy ang ina-anunsyong eksaktong petsa ng mga regular at special holidays mula sa gobyerno sa ikalawang bahagi ng taon. At ngayon na inilabas na ang mga opisyal na petsa para sa taong 2016, hudyat na ito para sa nakararaming Pinoy travel buffs na planuhin at itakda ang mga petsa ng kanilang mga inaasam-asam na bakasyon ngayong taon.

Ayon sa Proclamation No. 1105, limang long weekend ang nakatakda na sa taong ito: Pebrero 6-8 bunsod ng selebrasyon ng Chinese New Year ng Pebrero 8, Marso 24-27 dahil sa Holy Week, Agosto 27-29 dahil sa National Heroes Day, Oktubre 29 – Nobyembre 1 para sa All Saints Day, at Disyembre 30 – Enero 2 ng sunod na taon para sa Pasko at Bagong Taon.

Nariyan din ang EDSA People Power Revolution (Pebrero 25), Araw ng Kagitingan (Abril 9), Labor Day (Mayo 1), Independence Day (Hunyo 12), Ninoy Aquino Day (Agosto 21), Bonifacio Day (Nobyembre 30), at national holidays para sa Eid’l Fitr at Eidul Adha ng ating mga kababayang Muslim na iaanunsyo pa lamang sa mga susunod na buwan.

Ngunit anu-ano nga ba ang mga masasayang piyesta at mga kaganapan sa iba’t ibang panig ng ating bansa? Sa tulong ng Awesome Planet, narito ang ilan sa mga kaabang-abang na pista at iba pang mahahalagang pangyayari ngayong taon.

Sa buwan ng Pebrero, nariyan ang Tinagba Festival na isinasagawa tuwing Pebrero 11. Ipinagdiriwang ng pista ang mga biyaya ng masaganang ani at inaalay ang mga kilalang produkto ng Iriga sa pamamagitan ng isang tradisyonal na ritwal, at binubuo ng mga makukulay na bullcarts at kasuotan ng mga taga-Iriga sa kanilang espesyal na pagtatanghal.

Gaganapin naman sa Zamboanga sa Pebrero 26 ang Dia de Zamboanga kung saan nagtatagpo rito ang dalawa sa pinakamalaking relihiyon sa bansa, ang Katolisismo at Islam. Bagaman magkaibang-magkaiba, dito makikita ang respeto at pagkakaisa ng bawat isa. 

Para sa lahat din ang Philippine International Hot Air Balloon Fiesta na nasa ika-20 taon na sa Clark Field, Pampanga sa Pebrero 11-14. Maliban sa naglalakihan at makukulay na hot air balloons, mayroon din iba pang aktibidades gaya ng aerobatics, skydiving, paragliding, remote control aircraft, aviation discipline exhibition, at kite flying.

Pagdating ng Marso, maghanda na sa Strawberry Festival sa Marso 2 sa La Trinidad, Benguet. Bilang pangunahing contributor ng strawberry sa bansa, rito nagtitipon-tipon ang mga negosyante sa agro-sector at mga turista. Huwag kaligtaan ang Strawberry lane sa Municipal Park at tangkilikin ang mga produkto ng ating mga kababayan sa Benguet. Nariyan din ang strawberry competition, pastries section at siyempre ang masiglang mga sayawan at parada.

Tuwing Marso 13 naman ginagawa ang Pintados Festival sa Passi City, Iloilo na tampok ang mga artistikong pagtatanghal ng mga mananayaw na nakasuot ng tradisyonal na regalia, at kapansin-pansin din ang kanilang mga simetrikong disenyo ng kanilang mga tattoo sa katawan. Huwag din palampasing makita ang Karosa Parada, carabao painting contest, food festival, The Garden Show, at grand coronation night ng Search for Pintados.

Kung papunta naman ng Oriental Mindoro, isama sa bibisitahin ang Banana Festival sa Marso 18 – 19 sa Baco. At dahil ang ‘Pinas ay kilala bilang top importer ng iba’t ibang klase ng saging sa ibang bansa, nararapat lang na ipagbunyi ang isa sa ipinagmamalaki nating industriya ng sagingan. Kaabang-abang ang banana cookfest kung saan maglalaban-laban ang mga bisita sa pinakamasarap na banana meal plans.

At kung mahilig naman sa sasakyan, nariyan ang Manila International Auto Show sa Abril 1 sa Maynila; Magayon Festival sa Abril 10 sa Legazpi, Albay; Mango Festival sa Abril 19 sa Zambales; Aliwan Fiesta sa Abril 23 sa Pasay City; at Binirayan Festival sa Abril 27 sa Antique, Visayas.

Maliban naman sa paboritong Pahiyas Festival sa Lucban tuwing Mayo 15, gaganapin din sa Mayo ang SuMaKaH Festival sa Antipolo at Babanti Festival sa Isabela (Mayo 1), Carabao Festival sa Pulilan, Bulacan (Mayo 14), Sarangani Bay Festival (Mayo 15), at Obando Festival (Mayo 17).

Pagpatak ng Hunyo ay gagawin ang Lechon Festival sa Balayan, Batangas (Hunyo 24) at Kasadyaan Festival sa Tacloban City (Hunyo 29).

Martes, Pebrero 9, 2016

Adachi Museum of Art nanguna sa pinakamagandang Japanese garden

Ni Florenda Corpuz


Kuha mula sa Adachi Museum of Art
Itinanghal ng isang U.S. magazine bilang pinakamagandang Japanese garden sa buong Japan ang Adachi Museum of Art na matatagpuan sa Yasugi City, Shimane Prefecture.

Batay sa Sukiya Living (The Journal of Japanese Gardening), isinagawa ang ranking bilang bahagi ng Shiosai Project na binuo upang piliin ang pinakamagagandang Japanese gardens sa pamamagitan ng pagtuon sa kalidad ng mismong hardin.

Bukod dito ay napili rin ng CNN ang Adachi Museum of Art bilang isa sa 31 pinakamagandang lugar sa Japan. Nakakuha rin ang museo ng tatlong stars, ang pinakamataas na antas na nangangahulugang “worth a trip,” mula sa prestihiyosong Michelin Green Guide Japan at Guide Bleu Japon.

Kabilang sa Top 5 ang Katsura Rikyu (Kyoto) na nasa ikalawang pwesto, Yamamoto-tei (Tokyo) sa ikatlo, Yokokan (Fukui) sa ika-apat at Heian Hotel (Kyoto) sa ikalimang pwesto.

Pasok din sa Top 50 ang lima pang gardens na matatagpuan sa Shimane Prefecture: ang Kasui-en Minami sa ika-pitong pwesto, Minami-kan sa ika-12, Choraku-en sa ika-19 at Yuushien Garden sa ika-32 pwesto.


Ito na ang ika-13 taon na nanguna ang Adachi Museum of Art sa Japanese Garden Ranking. Kabilang din dito ang mahigit sa 1,000 lugar sa buong bansa, kasama ang mga inns, restaurants at historical sites na binigyan ng ranking ng mahigit sa 30 eksperto mula sa iba’t ibang bansa.

Lunes, Pebrero 1, 2016

Anti-terrorism unit inilunsad ng Japan

Ni Florenda Corpuz


Si Prime Minister Shinzo Abe sa ginanap na 23rd Ministerial Meeting 
Concerning Measures Against Crime sa Prime Minister's Office 
kamakailan. (Kuha mula sa Official Website of the Prime 
Minister of Japan and His Cabinet)
Naglunsad ang pamahalaang Hapon ng anti-terrorism intelligence unit kamakailan bunsod ng sunud-sunod na terrorist attacks sa Paris, France.

Ang bagong specialized unit na tinawag na Counterterrorism Unit-Japan o CTU-J ay binuo upang mangolekta at pag-aralan ang mga impormasyon sa mga terrorist attacks sa iba’t ibang bansa sa mundo.

“The CTU-J will collect and collate data on international terrorism. The Prime Minister’s Office will act as the control tower to strongly advance various proactive measures for the prevention of terrorism, and I would like you all to stand in solidarity to fulfill your responsibilities,” pahayag ni Prime Minister Shinzo Abe sa ginanap na 23rd Ministerial Meeting Concerning Measures Against Crime.

Una nang plinano ang paglulunsad nito sa Abril ngunit ito’y inagahan para mas paigtingin ang seguridad ng bansa bilang paghahanda sa nalalapit na G7 Summit na gaganapin sa Mayo sa Mie Prefecture at Tokyo Olympic Games sa taong 2020.

“As Japan prepares for the coming G7 Summit and Olympic and Paralympic Games, we must cooperate with the international community and, with a sense of crisis, exert every effort to implement countermeasures,” ani Abe.

Nangako rin ang lider na gagawin ng kanyang administrasyon na pinakaligtas na bansa sa buong mundo ang Japan.

“Ensuring safety and security is the foundation of all our activities. There are still many issues to be addressed in order to ensure good public order, such as the prevention of crimes aimed at children, women, and the elderly; and measures to counter cyber-attacks. I would like each Minister to demonstrate strong leadership and focus all your efforts towards making Japan the safest country in the world.”

Binubuo ang unit ng 20 eksperto na nakabase sa opisina sa Tokyo na tututok sa Southeast Asia, South Asia, Middle East at north at western Africa habang 20 iba pa ang itatalaga sa mga Embahada ng Japan sa ibang bansa bilang mga intelligence officers. Sila ay mula sa Foreign Ministry, Defense Ministry, National Police Agency at Cabinet Intelligence and Research Office ng Japan.

“This is a brand new initiative that has only just begun. I think this is a challenge we must consider while keeping a close watch on the outcomes of the initiatives,” sagot naman ni Foreign Minister Fumio Kishida sa tanong ng isang mamamahayag kung sapat ba ang bilang ng mga miyembro ng CTU-J.

Maglalaan ang pamahalaan ng ¥126 milyon mula sa reserve fund nito sa fiscal 2015 budget para pondohan ang operasyon ng grupo.

Bumuo rin ng dalawa pang ahensya para ibahagi at pag-aralan ang mga impormasyon na makakalap ng CTU-J sa iba pang ahensya ng pamahalaan.
           
Matatandaang dalawang Hapon ang dinukot at pinatay ng Islamic State group sa Syria habang tatlo naman ang nasawi sa terrorist attack sa isang museo sa Tunisia noong nakaraang taon.