Linggo, Setyembre 30, 2018

Angelina Cruz, committed maging recording artist


Ni MJ Gonzales


Maaari pala na ang pagtugtog ng ukulele ay mauuwi sa pagiging isang recording artist.  Ito ang isa sa mga interesanteng bagay tungkol kay Angelina Cruz na   naglunsad kamakailan ng debut EP sa ilalim ng Universal Records (UR) Philippines. Ayon pa nga sa 16-taong-gulang na singer ay kahit ang kanyang inang si Sunshine Cruz ay nagulat sa kanyang hilig sa pagkanta.

“When creating an EP po I get to be more committed than [doing] guestings and variety shows. I have to practice more and hone my skills more po,” saad ni Angelina sa panayam ng Pinoy Gazette (PG) tungkol sa hamon o saya sa pagre-record ng mga awitin.  

Dagdag pa nito na dahil sa EP n’ya nagawa niyang sumubok ng ibang genre.  Kaya nga raw espesyal at nakakatuwa ang duet song nila ni Iñigo Pascual na “Paraiso.” Ito at ang “The Best of You” ang dalawang upbeat songs sa kanyang EP.  

Bukod sa ito unang pagkakataon na magka-music project, puro orihinal pa ang mga kanta ni Angelina. Kinabibilangan ito ng “Sumilong Ka,” “Kaya Mo Ba,”  “The Boy I Used To Know,” at dalawang bersyon ng The Best of You.   

“Mas masarap po kumanta ng original because I get to have sense of discovery. Pero maganda rin po na mag-cover because I get to know singers and what type of beat or music,” sabi pa dalaga sa PG. “When you sing originals, you start from the scratch and that’s what I’m really into po. Because I’m looking forward to write songs in the future po.”

Pagdating sa pagkatha ng kanta ay ayaw daw niya itong madaliin. Gusto n’yang gawin ito kung kailan inspirado para masaya sa pakiramdam.  Sa kwento pa ni Angelina ay hindi niya nakikita noon na magiging mang-aawit siya. Nagsimula lang ito nang bumili siya ng ukulele mga dalawang taon na ang nakararaan.  

Iyon din ang mga panahon na nagustuhan niya gumawa ng covers at i-post online.  Aniya, ito ang naging susi para madiskubre ng kanyang inang si Sunshine at ng Universal Records ang kanyang talento sa pagkanta.   Ano naman kaya ang naipapayo ni Sunshine sa kanyang pag-awit?

“She tells me to practice, practice, [and] practice because you are not usually born to be good in singing. So you have to practice a lot and that’s what I am doing. Practice makes perfect that’s what my mom tells as well and always be humble. You should know your place,” pagbabahagi pa ni Angelina tungkol sa kanyang ina, na mainit na suporta sa media conference ng kanyang EP.  

Kasalukuyang kumukuha ng kursong may kinalaman sa business management si Angelina.  Ito rin ang dahilan kung bakit umano ay hinay-hinay lamang siya sa pagre-record ng kanyang EP at sa showbiz.  

Aniya, sa showbiz ay iilan pa lang ang masasabi niyang kadikit niya gaya ni Frankie Pangilinan, anak ni Sharon Cuneta, at Leila Alcasid, na anak naman ni Ogie Alcasid.  Subalit kung bibigyan ng pagkakataon ay sino kaya ang gustong makatrabaho ni Angelina? 

“Iyong mga artists po sa UR sina Donny (Pangilinan), Claudia (Barretto), Kuya Shanti Dope,  Julie Anne San Jose basta iyong mga taga UR,” saad ni Angelina. “Also my brother, Diego (Loyzaga), we had a performance in ASAP last year. When we ramped together [recently] in Bench, we [talked about that] we should do songs together. That’s the one thing we want to cross out in our list. So I’m looking forward to do songs with him.”  

Maliban sa pagsulat ng kanta, ang isa pang gustong isama ni Angelina sa kanyang mga susunod na albums ay ang kanyang mga iginuhit.  Aniya, ito ang isang bagay na kanya rin kinahihiligan mula pa noong siya’y bata pa. Kung ito man ay susunod na plano ng dalaga, sa ngayon ay ang kanyang layunin ay gumawa ng sariling pangalan. Sinimulan niya na ito sa kanyang EP na available na para i-download sa iTunes, Apple Music, Deezer, Amazon, at Spotify.

Pinoy films itinampok sa Fukuoka Int’l Film Festival


Ni Florenda Corpuz


Kuha mula sa Focus on Asia Fukuoka International Film Festival 2018
Limang pelikulang Pilipino ang napili ng The Japan Foundation Asia Center para ipalabas sa Focus on Asia International Film Festival Fukuoka 2018 na ginanap mula Setyembre 14 hanggang 23 sa Fukuoka City.

Itinampok bilang main feature na pinamagatang “Philippine Films: Drawn to and Fascinated by a Sacred Chaos” ang mga pelikulang “Nervous Translation” na idinirehe ni Shireen Seno, “The Baggage” ni Zig Dulay, “Smaller and Smaller Circles” ni Raya Martin, “Women of the Weeping River” ni Sheron Dayoc at ang digitally restored version ng acclaimed Filipino film masterpiece ng 1970s na “Nunal Sa Tubig (Speck in the Water)” ni Ishmael Bernal.

“Our special feature on films from the Philippines commemorating a century of their films, is entitled ‘Drawn and Attracted to the Sacred Chaos.’ It introduces film masterpieces directed by young filmmakers who will shoulder the future of motion pictures from the Philippines,” saad ng festival.

Bukod sa mga pelikulang ito ay naghandog din ng symposiums at film markets na kung saan layon ng festival na “discover the diversity and fascination behind Filipino cinema.”

Layon ng ika-28 edisyon ng Focus on Asia Fukuoka International Film Festival na ipakilala sa buong mundo ang mga dekalidad na pelikulang Asyano.

Bench muling dadalhin ang mga Pinoy designers sa Japan Fashion Week


Ni Florenda Corpuz

Sa ikalawang pagkakaton ay ipapakita ng global Pinoy brand na Bench ang talento at husay ng mga Pinoy fashion designers sa international runway sa kanilang pagsabak sa Amazon Fashion Week Tokyo (AFWT) o Japan Fashion Week (JFW) na gaganapin mula Oktubre 15 hanggang 21 sa Shibuya Hikarie.

Nakatakdang irampa sa Amazon Fashion Week Tokyo 2019 Spring/Summer edition ang koleksyon nina Sherwin “Otto” Sacramento ng Ottomondi, Christian Edward Dalogaog ng Ched Studio at Renz Reyes sa isang runway show na pinamagatang “Asian Fashion Meets Tokyo - Philippines.”

Ang tatlo ang napili mula sa 10 finalists ng ikalawang Bench Design Awards na ginanap kamakailan sa Bench Tower sa Bonifacio Global City para maging kinatawan ng Pilipinas.

Inaasahan din na irarampa ng Bench ang kanilang koleksyon sa pangunguna ng founder nito na si Ben Chan na inaasahang dadalo sa naturang pagtatanghal.

Ito na ang pang-apat na beses na makakasali ang mga Pinoy designers/brands sa Japan Fashion Week na isa sa pinakasikat at pinakamalaking fashion events sa buong mundo.

Matatandaang mainit na tinanggap dito noong 2015 sina Renan Pacson, Ken Samudio at John Herrera nang kanilang ibida ang kanilang 2016 S/S collection habang sina Joseph Agustin Bagasao, Carl Jan Cruz at Karen Topacio naman noong 2016 para sa kanilang 2017 S/S collection. Sina Randolph Santos, Jayson Aguilar Glarino at Jennifer Anne Contreras ang bibida sa kanilang 2018 S/S collection sa suporta ng Bench.

Ang Japan Fashion Week ay isang by invitation only event na ginaganap dalawang beses kada taon. Ito ay inoorganisa ng Japan Fashion Week Organization.


Huwebes, Setyembre 27, 2018

Carlo Aquino at Angelica Panganiban nagbabalik sa bagong pelikula na ‘Exes Baggage’


Ni  Jovelyn Javier


“Nakakatakot na rin magmahal, eh? ‘Di ko maintindihan ‘yung mga taong takot nang magmahal pagkatapos masaktan.”

Bahagi ito ng palitan ng usapan nina Carlo Aquino at Angelica Panganiban sa kaabang-abang na pagbabalik-tambalan ng dalawa sa pinakabagong pelikula na pinamagatang “Exes Baggage.” 

Hunyo nang maglabas ng mga nakakakilig na larawan sina Carlo at Angelica sa Instagram, na labis na kinasabikan ng mga masugid na tagahanga ng dalawa.

Itinatampok ang pelikula bilang maiden offering ng bagong studio na Black Sheep, sister film outfit ng Star Cinema at sa direksyon ng award-winning writer-director na si Dan Villegas  na siyang nasa likod ng mga pelikulang “English Only, Please,” “The Breakup Playlist,” “Walang Forever,” “Always Be My Maybe,”  “How to Be Yours,” “Changing Partners,” at “All of You.”

The ultimate exes movie

“So ikaw willing kang magmahal ulit kahit na doble ang sakit? Oo naman, basta huwag mo na kong sasaktan.”  

Hindi naman magkamayaw ang mga CarGel fans na matagal nang naghihintay sa pagbabalik tambalan ng dalawa lalo na nang ilabas ang teaser kung saan makikita ang mga karakter nilang si Nix at Pia sa kanilang unang pagkakakilala sa isang bar habang naririnig naman ang kantang “Maybe the Night” ng indie-folk band na  Ben&Ben.

Sinundan pa ito ng isa pang seryosong pag-uusap ng mga karakter sa second teaser ng pelikula na makikitang binabalikan ng dalawa ang nakaraan sa kani-kanilang naging mga relasyon at mga saloobin sa pagmamahal mula sa mga karanasan na ito.

“Siguro doon tayo sa tungkol siya sa ano ba ang gusto mong matutuhan. Ano ba ang mga gusto mong iwasan sa relasyon para maiwasan na maging mag-ex kayo,” ang kwento ni Angelica sa sentro ng kanilang pelikula.

Reigniting the nostalgic chemistry of CarGel

Isa ang tambalang Carlo at Angelica sa mga pinakapaboritong tambalan noong 90s na mula sa kanilang pagsasama sa youth-oriented shows na “G-Mik” at “Berks.” Parehas na nagsimula sa industriya bilang mga child stars at nakagawa ng pangalan sa kanilang galing sa pag-arte, sabay na lumaki ang dalawa at gumawa ng maraming proyekto nang magkasama.

Nauwi sa totohanan ang tambalan ng dalawa at nagtagal ang relasyon nang anim na taon bago naghiwalay noong 2006. Sa kabila ng nakaraan nila, nanatili ang malapit na pagkakaibigan sa pagitan ng dalawa hanggang ngayon.

Kwento pa ng aktor sa Push website, mas kumportable pa siya ngayon kay Angelica. “Siguro dahil nagsimula kami sa friendship tapos naging kami kaya rin siguro ganoon kami sa isa’t isa. Kumbaga kung ano ‘yung meron kami, kumbaga special siya sa akin, kung ano ‘yung sasabihin ng ibang tao hindi ko na iisipin. And ever since talagang mahal ko naman si Angelica,” aniya.  

Usap-usapan din ang pagdalo ni Angelica kamakailan sa kaarawan ni Carlo kung saan tinukso sila ng mga kaibigan, gayon din ang malalim na mensahe ng aktres sa  Instagram kung saan niya sinabing “Sayo lang hindi nagbago ang salitang pagmamahal. Maligayang kaarawan.”

Balik-telebisyon din ang CarGel sa teleseryeng “Playhouse” ni Angelica at Zanjoe Marudo. Huling napanood si Angelica sa “Dalawang Mrs. Reyes,” samantalang napanood din si Carlo  sa  “Goyo: Ang Batang Heneral” at “Meet Me in St. Gallen.”