Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Bohol. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Bohol. Ipakita ang lahat ng mga post

Lunes, Hulyo 31, 2017

Gurong Hapon tumutulong sa mga kabataang may kapansan sa Bohol

Nagbalik sa Bohol si dating Japan Overseas Cooperation Volunteer 
Akiko Sugiyama sa Bohol para ipagpatuloy ang pagtulong sa mga PWDs.
Para sa mga kabataan na nagtapos sa mataas na paaralan, walang katapusan ang mga posibilidad ng buhay. Maaari silang mag-aral sa mga unibersidad, kumuha ng nais na kurso, sumabak sa sports, o mamuhay sa kanilang nais.

Ngunit ang kaso ay naiiba para sa mga kabataan na intellectually handicapped o disabled na kadalasan ay hindi nabibigyan ng pagkakataon na maranasan ang kasiyahan sa high school maliban na lamang kung kuntento na sila na manatili sa bahay.

Ito ay binabago ng isang gurong Hapon sa Bohol na tinutulungan ang mga kabataan na may mga kapansanan na magkaroon ng pantay na pagkakataon sa buhay.

Si Akiko Sugiyama, isa sa mga volunteers ng Japan Overseas Cooperation Volunteers (JOCV) Program of Japan International Cooperation Agency (JICA)  ay nagtayo ng support center para sa mga kabataan na may kapansanan na nakapagtapos sa SPED Center.

Isang guro sa Yokohama at Kyoto si Sugiyama na nakumpleto ang volunteer work sa ilalim ng JICA para sa Tagbilaran City Central School SPED Center noong 2015 bago bumalik sa Bohol.

“This is my personal project. I really wanted to help young people with disabilities lead productive lives,” ani Sugiyama.

Tinawag na Babita House, isang two-storey dormitory at native house kung saan ang mga kabataan na may kapansanan ay tinuturuan ng Math, sign languages, pagbabasa, pagsusulat at mga gawaing pangkabuhayan tulad nang paggawa ng miniature toy tricycles.

Tulad sa mga centers para sa mga persons with disabilities (PWDs) sa Japan, sinabi ni Sugiyama na ang mga aktibidad sa Babita House ay maaaring makatulong sa mga batang PWDs sa Bohol na maging produktibo at kumita para sa kanilang mga sarili.

Ang mga toy matchboxes na gawa ng mga intellectually handicapped na mga kabataan sa Babita House ay ginaya sa popular na motor tricycle sa Bohol na isang cultural symbol.

Noong una ay isang estudyante lamang ang nakagagawa ng toy tricycle gamit ang matchboxes ngunit ngayon ay mas marami na ang nakagagawa nito gamit ang chipboards.

Sa tulong ng isa pang Japanese volunteer na si Shiro Takaki na nakatalaga sa isang design fabrication laboratory sa Bohol, ang mga materyales para sa mga laruan ay laser cut at dinidikit, pinipintahan at binubuo ng mga kabataan sa Babita House. Ngayon ay ibinebenta ito bilang mga souvenir items kung saan ang pinagbentahan ay binibigay bilang allowance sa mga kabataan na gumagawa nito at suporta sa center.

“The center also receives donations from people in Japan and every now and then we host study tours for Japanese visitors who want to learn more about PWDs and how they can be supported,” dagdag ni Sugiyama.

“Boholanos are kind people. Life here is slow, but for volunteers like me, it makes us happy to see that people with disabilities are able to enjoy life without discrimination,” pagbabahagi pa niya.

Ang mga kabataang may kapansanan ay nahaharap sa mga hamon upang gawin ang mga bagay na ginagawa ng mga normal na bata. Ngunit ang proyekto ng Babita House ay nagpapakita na ang makabuluhang pagbabago ay maaaring mangyari kapag ang mga kabataan ay binibigyan ng pantay na pagkakataon sa buhay.

Linggo, Agosto 9, 2015

Problema sa turismo ng Pilipinas

Ni Rey Ian Corpuz

Isa pa rin malaking hamon para sa sektor ng ating turismo kung papaano nito mapapataas ang bilang ng mga bumibisitang dayuhan. Ang Japan, halimbawa, ay kaliwa’t kanan ang mga programa tulad ng advertising sa lokal na telebisyon at maging sa social media sites gaya ng blogs.

Hindi naman papahuli ang Pilipinas na kung saan kamakailan lang ay naging agaw-atensiyon ang pagpaskil ng mga magagandang tanawin sa labas ng tren ng Yamanote Line sa Tokyo at kung international exposure ang pag-uusapan ay maraming taxi at bus na bumabaybay sa London na kung saan nakapaskil din ang “More Fun in the Philippines” slogan at posters.

Ngunit ayon sa datos ng Department of Tourism noong 2014, nagtala lang ng 463,744 na mga Hapon ang bumisita sa Pilipinas, pangatlo sa pinakamalaki sunod ng South Korea (1,175,472 katao) at Amerika (722,750 katao).           

Kung ating ikukumpara sa mga kapitbahay natin sa ASEAN, medyo kulelat po tayo. Ang mga turistang Hapon sa Thailand ay umabot ng 1,265,307 noong 2014, sa Vietnam ay umabot ng 647,956 at Indonesia na nasa 620,722 katao.

Bakit kaya? Marami namang Pilipino rito sa Japan. Sigurado akong karamihan sa atin ay mga tourist ambassadors kung saan ipinagmamayabang natin ang ating bansa. Tama ba? Pero sa pamamalagi ko rito ng halos pitong taon, may nakikita akong problema na hanggang ngayon ay hindi pa rin naaayos.

1. Walang direktang eroplano papunta sa destinasyon. Sa totoo lang, lahat ng mga Hapon na kilala ko ayaw nang magpalipat-lipat ng eroplano. Gusto nila ay kung ano iyong pupuntahan nila na lugar ay doon lang. Sa ngayon ang NAIA lang sa Manila at Mactan sa Cebu ang may direktang flights mula sa Japan. Kung ibibida natin ang Boracay na worldclass resort, kailangan nilang mag-domestic flight mula sa NAIA o sa Cebu. Sa Japan, “time is platinum.” Hindi basta-basta nakakapagbakasyon ang mga tao at kung pwede man, gusto nila hindi “mendokusai” at mabilis.

2. Poor transportation infrastructure. Isa ito sa mga reklamo ng aking kaibigan. Sabi niya, mas kaya pa raw niya na pumunta ng Paris nang mag-isa. Papaano naman ay galing airport hanggang sa hotel ay kaya niyang mag-tren. Kagaya na lang dito sa Japan, kahit saang major international airport ka dumaong, kaya mong pumunta kahit saan sa pamamagitan ng tren o bus o hindi kaya ay fast craft gaya ng sa Kansai. Sa Pilipinas, kailangan mong pumakyaw ng taxi, swerte ka lang kung hindi ka lolokohin sa presyo. Walang bus sa atin sa Pilipinas na pwedeng sakyan ng mga turista galing airport at lalong walang tren.

3. Manlolokong taxi drivers. Lalung-lalo na sa Metro Manila. Kahit ordinaryong Pilipino ay walang sinasanto ang mga taxi drivers. May mga mabubuti naman din na mga driver pero karamihan namimili ng pasahero, hindi ginagamit ang metro, pakyaw system, humihingi pa ng dagdag at marami pang iba.

4. Kulang sa value-added services ang mga bakasyunan. Halimbawa, dito sa Japan, kung gusto nilang magbakasyon tulad ng onsen, ay may ibang activities na pwedeng gawin ang mga Hapon sa isang resort tulad ng pagpapamasahe o sightseeing sa lugar na malapit sa hotel. Sa Pilipinas, ‘pag dagat, dagat lang. Iyong iba siguro ay may mga restaurants pero karamihan kulang ang serbisyo. Maliban sa main activity, dapat ang mga resorts sa atin ay may mga sub-activities din na pwedeng i-offer sa mga bisita.

5. Kultura ng panloloko sa mga dayuhan. ‘Di porket dayuhan ang customer ay bigla mong tataasan ang presyo ng iyong serbisyo o paninda. Ito ay malaking pagkakamali ng mga Pilipino. Dapat maging tapat tayo sa pagnenegosyo. Hindi porket may pera sila ay ibig sabihin mayaman sila. At hindi porket hindi nila alam ang ating lenggwahe ay pwede na natin silang lokohin.

6. Kulang sa cultural at heritage sites. Mabibilang lang sa mga daliri ang ating UNESCO World Heritage sites tulad ng sa Bohol at Vigan. At karamihan pa nito ay puro simbahan lang. Kung pupunta ka sa siyudad, puro lang malls ang mapupuntahan mo. Kulang na kulang tayo sa park at mga pasilidad na nagpapakita ng ating kultura tulad ng mga museo. Ang mga Hapon ay hindi pupunta sa Pilipinas kung ipapagmayabang mo lang ang SM Mall of Asia at Ayala Mall. Ang kakulangan ng mga ganitong kaakit-akit at magandang tanawin na pwedeng bisitahin ang isa rin sa mga dahilan kung bakit kaunti lang ang mga dayuhan lalo na ang mga Hapon na bumisita sa ating bansa.