Ipinapakita ang mga post na may etiketa na NAIA. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na NAIA. Ipakita ang lahat ng mga post

Lunes, Nobyembre 2, 2015

Luluha ang mga buwaya sa likod ng ‘balikbayan boxes’

Ni Cesar Santoyo

Walang epekto ang pagkausap ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III sa Bureau of Customs (BOC) Commissioner Alberto Lina para itigil ang pagbubukas ng mga “balikbayan boxes.” Wala namang ngipin ang panukalang Balikbayan Law sa Senado na ang layunin ay itaas lamang ang tax exemption ng imported goods at walang patungkol kung paano pangangalagaan ang mga pinaghirapang laman ng mga ipinapadalang balikbayan boxes ng mga OFW para sa mga mahal sa buhay sa Pilipinas.

Makalipas ang buwan ng mga masalitang pag-astang aksyon ng Pangulo at mga Senador sa reklamo ng mga OFW at mga kamag-anak ay wala namang humpay sa social media ang mga personal na dokumentadong reklamo mula sa mga nagpadala at tumanggap ng balikbayan boxes. Makikita sa mga litratong ebidensya at ang mga kahon, ang isang halimbawa ay galing sa Fukuoka, na makikita sa electronic na larawan na parang hinalukay ng uwak na basurahan na ang itsura ng dumating ang mga kahon sa bahay ng pamilya.

Maging ang pakete ng EMS ay hindi nakakaligtas sa mga pagbubukas sa Post Office na madalas makikita ang reklamo ng mga nagpadala mula abroad at maging mga kamag-anak sa Pilipinas. Kung hindi nagkukulang ang laman ng ipinadala ang kasama sa reklamo naman ng kamag-anak na tumanggap ay ang sobrang taas ng tax na ipinataw na mas mahal pa sa halaga ng pagkabili ng produkto rito sa Japan.

Lalo pang lumalala ang usapin ng balikbayan boxes na hindi na lamang sa pagbubukas ng BOC kundi maging sa may mga bitbit kasabay sa biyahe. Sa isang balitang pang-telebisyon ay isiniwalat ang reklamo mula sa nagngangalan Mayden Castillo, isang Fil-Am na umuwi sa Pilipinas makalipas ang 10 taon. October 4, 2015 ng siya ay dumating sa NAIA at pagkakuha ng kanyang tatlong balikbayan boxes ay bukas at butas ang mga ito at nawawala ang mga mahahalagang laman.

Kaugnay ng mga maanomalyang nangyayari sa NAIA ay ang istorya ng isang kababayan na papuntang Japan, si Jennifer Delos Reyes, na hinarang ng airport personnel dahil ang bag daw niya ay may laman na bala ng baril na matinding itinanggi ni Jennifer. Iniuugnay ang balitang ito sa bantog na “laglag bala” modus operandi na kung saan ay maraming biktima ang lumantad sa media at inaakusahan ang ilang mga empleyado ng airport sa kasong pangingikil.

Kung papansinin, may pagtaas ng insidente ng pagrereklamo mula sa mga OFW at pamilya sa Pilipinas kaugnay ng mga pinapadalang balikbayan boxes at maging ang mga pakete ng EMS sa Post Office sa kasalukuyan.

Sa mga pasahero ng eroplano ay patuloy ang pagtaas ng reklamo ukol sa mga nawawalang bagahe sa NAIA maging ang pagdami ng lumalabas na balitang paninikil sa mga pasahero ng airport. Walang humpay na mga nakakalungkot at hindi kaaya-ayang mga balita kagaya ng mga paratang ng mga nagrereklamong nasangkot sa maanomalyang laglag bala. Dahil sa isyung ito, karamihan tuloy ng nasa abroad ay nag-aalala na baka sila naman ang matiyempuhan at maging isa sa susunod na magrereklamo dahil sa nawalang bagahe kagaya ng mga napabalita. O kaya, baka makitaan din na may bitbit na bala kahit sa Japan ay walang baril ang mga tao.

Sobra na at kasuklam-suklam ang pabigat sa isip at damdamin ng mga OFW dala ng mga maiinit na isyu sumasabog sa customs at airport. Ang munting mapagsasaluhan ng pagmamahal na kalakip ng bawat balikbayan boxes ay para bang may nakakatakot na pagdaraanan. Parang may peligrong pipitik o sasakmal sa pinaghirapang biniling bagay na ipapadala para sa pamilya na laman ng balikbayan o pakete ng EMS.

Dahil sa isyu ng mga balikbayan boxes at laglag bala gang ay halos wala ng masasabing ligtas na himpilan ang mga Filipino sa ibayong dagat. Komentaryo nga ng isang kababayan sa isang social network na “binabalot na ng takot, pagkainis at kawalang pasensya ang karamihan sa mga kababayan sa abroad na para bang dadaan palagi sa balwarte ng mga buwaya ang mga padalang gamit at sa pagsakay sa eroplano.”

Pero teka muna kabayan, mas mainam pa nga yata na maglakad sa kuta ng mga buwaya. Dahil ang mga hayop na ito ay tahimik at  hindi mapanganib na huwag mo lang bubulabugin para hindi sila mapilitan lumaban at magtanggol. Malaki ang naitutulong ng mga buwaya dahil sa ang mga balat nito ay nagbibigay ng trabaho sa marami sa paggawa ng mga sapatos, bags at iba pang yaring produkto.

Kung ang mga OFW man ay naghihinagpis, ito ay dahil sa mga inaakusahang “kawatan” sa tanggapan ng BOC, sa mga Post Office at mga personnel ng airport na sangkot sa reklamong pangingikil. Mas may halaga pa ang buhay ng mga buwaya kaysa sa mga akusadong kawatan dahil ang mga buwaya ay mas may silbi sa lipunan kahit pinagmamalupitan ng mga tao.


Tutulo talaga ang luha ng mga buwaya kung sakaling maunawaan nilang inihahanay sila sa mga “akusadong kawatan” sa customs at sa airport. Hindi papayag ang mga buwaya na kahit sila ay mga hayop ay hindi sila dapat ihalintulad sa mga taong walang silbi sa lipunan.

Linggo, Agosto 9, 2015

Problema sa turismo ng Pilipinas

Ni Rey Ian Corpuz

Isa pa rin malaking hamon para sa sektor ng ating turismo kung papaano nito mapapataas ang bilang ng mga bumibisitang dayuhan. Ang Japan, halimbawa, ay kaliwa’t kanan ang mga programa tulad ng advertising sa lokal na telebisyon at maging sa social media sites gaya ng blogs.

Hindi naman papahuli ang Pilipinas na kung saan kamakailan lang ay naging agaw-atensiyon ang pagpaskil ng mga magagandang tanawin sa labas ng tren ng Yamanote Line sa Tokyo at kung international exposure ang pag-uusapan ay maraming taxi at bus na bumabaybay sa London na kung saan nakapaskil din ang “More Fun in the Philippines” slogan at posters.

Ngunit ayon sa datos ng Department of Tourism noong 2014, nagtala lang ng 463,744 na mga Hapon ang bumisita sa Pilipinas, pangatlo sa pinakamalaki sunod ng South Korea (1,175,472 katao) at Amerika (722,750 katao).           

Kung ating ikukumpara sa mga kapitbahay natin sa ASEAN, medyo kulelat po tayo. Ang mga turistang Hapon sa Thailand ay umabot ng 1,265,307 noong 2014, sa Vietnam ay umabot ng 647,956 at Indonesia na nasa 620,722 katao.

Bakit kaya? Marami namang Pilipino rito sa Japan. Sigurado akong karamihan sa atin ay mga tourist ambassadors kung saan ipinagmamayabang natin ang ating bansa. Tama ba? Pero sa pamamalagi ko rito ng halos pitong taon, may nakikita akong problema na hanggang ngayon ay hindi pa rin naaayos.

1. Walang direktang eroplano papunta sa destinasyon. Sa totoo lang, lahat ng mga Hapon na kilala ko ayaw nang magpalipat-lipat ng eroplano. Gusto nila ay kung ano iyong pupuntahan nila na lugar ay doon lang. Sa ngayon ang NAIA lang sa Manila at Mactan sa Cebu ang may direktang flights mula sa Japan. Kung ibibida natin ang Boracay na worldclass resort, kailangan nilang mag-domestic flight mula sa NAIA o sa Cebu. Sa Japan, “time is platinum.” Hindi basta-basta nakakapagbakasyon ang mga tao at kung pwede man, gusto nila hindi “mendokusai” at mabilis.

2. Poor transportation infrastructure. Isa ito sa mga reklamo ng aking kaibigan. Sabi niya, mas kaya pa raw niya na pumunta ng Paris nang mag-isa. Papaano naman ay galing airport hanggang sa hotel ay kaya niyang mag-tren. Kagaya na lang dito sa Japan, kahit saang major international airport ka dumaong, kaya mong pumunta kahit saan sa pamamagitan ng tren o bus o hindi kaya ay fast craft gaya ng sa Kansai. Sa Pilipinas, kailangan mong pumakyaw ng taxi, swerte ka lang kung hindi ka lolokohin sa presyo. Walang bus sa atin sa Pilipinas na pwedeng sakyan ng mga turista galing airport at lalong walang tren.

3. Manlolokong taxi drivers. Lalung-lalo na sa Metro Manila. Kahit ordinaryong Pilipino ay walang sinasanto ang mga taxi drivers. May mga mabubuti naman din na mga driver pero karamihan namimili ng pasahero, hindi ginagamit ang metro, pakyaw system, humihingi pa ng dagdag at marami pang iba.

4. Kulang sa value-added services ang mga bakasyunan. Halimbawa, dito sa Japan, kung gusto nilang magbakasyon tulad ng onsen, ay may ibang activities na pwedeng gawin ang mga Hapon sa isang resort tulad ng pagpapamasahe o sightseeing sa lugar na malapit sa hotel. Sa Pilipinas, ‘pag dagat, dagat lang. Iyong iba siguro ay may mga restaurants pero karamihan kulang ang serbisyo. Maliban sa main activity, dapat ang mga resorts sa atin ay may mga sub-activities din na pwedeng i-offer sa mga bisita.

5. Kultura ng panloloko sa mga dayuhan. ‘Di porket dayuhan ang customer ay bigla mong tataasan ang presyo ng iyong serbisyo o paninda. Ito ay malaking pagkakamali ng mga Pilipino. Dapat maging tapat tayo sa pagnenegosyo. Hindi porket may pera sila ay ibig sabihin mayaman sila. At hindi porket hindi nila alam ang ating lenggwahe ay pwede na natin silang lokohin.

6. Kulang sa cultural at heritage sites. Mabibilang lang sa mga daliri ang ating UNESCO World Heritage sites tulad ng sa Bohol at Vigan. At karamihan pa nito ay puro simbahan lang. Kung pupunta ka sa siyudad, puro lang malls ang mapupuntahan mo. Kulang na kulang tayo sa park at mga pasilidad na nagpapakita ng ating kultura tulad ng mga museo. Ang mga Hapon ay hindi pupunta sa Pilipinas kung ipapagmayabang mo lang ang SM Mall of Asia at Ayala Mall. Ang kakulangan ng mga ganitong kaakit-akit at magandang tanawin na pwedeng bisitahin ang isa rin sa mga dahilan kung bakit kaunti lang ang mga dayuhan lalo na ang mga Hapon na bumisita sa ating bansa.

Huwebes, Nobyembre 6, 2014

Usapang OFW at paliparan

Ni Cesar Santoyo

Maraming mga babasahin sa Internet ang sunud-sunod na naglabasan nitong unang bahagi ng buwan ng Oktubre na may kaugnayan sa pandaigdigang palapagan o international airport ng Pilipinas. Una at may katagalan ng usapin ay ang pagtutol ng mga OFW laban sa bagong patakaran ng terminal fee na inihain ng Manila Airport Authority, ang pagtasa na ang Ninoy International Airport (NAIA) bilang numero unong “worst airport” sa buong mundo, at ang maramdaming pahayag na trauma sa airport bilang karanasan mula kay Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardinal Tagle.

Simula sa November 1, 2014 ay ipapatupad na ng Department of Transportation and Communication (DOTC) sa pamamagitan ng Manila Airport Authority (MMA) ang patakarang Integrated Passenger Service Charge (IPSC). Sa pagpapatupad ng bagong patakarang ISPC, kasama na sa serbisyo ng lahat ng airlines sa buong mundo ang pangongolekta ng ISPC sa halaga ng bibilihing ticket ng eroplano. Sa kasalukuyan at bago ipatupad ang ISPC ay exempted ang mga OFW sa airport terminal fee.

Batay sa pagpapatupad ng ISPC ay maaring i-refund ng mga OFW ang terminal fee sa mga itinalagang lugar ng DOTC-MMA. Maaaring magawa ang pag-refund ng mga OFW kung may kahabaan ang pananatili sa Pilipinas kagaya ng bakasyon o espesyal na okasyon. Subalit mahirap at imposible ang pag-refund, kung hindi man malaking sagabal, sa mga OFW na gipit sa oras dahil sa pangangailangang makabalik agad sa trabaho abroad o sa panahon ng emergency ang dahilan ng pag-uwi sa Pilipinas.

Kaya sa naturang patakaran ISPC ay malinaw na nilabag at hindi inirespeto ng DOTC at MMA ang probisyon ayon sa batas ng Migrant Act of 1995 at iniyamendahan ng Republic Act No. 1022 na malinaw na nagsasabing exempted sa pagbabayad ng airport terminal fee ang mga OFW.

Sa probisyon mismo ng ISPC na kasama ang pagkuha ng refund ng OFW ay pag-amin mismo ng ahensya na inalis nila ang munting benepisyo sa mga OFW para sa libreng airport terminal fee na ginagarantiyahan ng batas.
    
Nakakapagtaka rin ang probisyon ng ISPC sa paglikha ng trust fund sa ilalim ng MMA na magsisilbing busluan ng mga hindi nai-refund na terminal fee ng mga OFW. Walang linaw kung ano ang basehan sa ilalim ng batas ang paglikha ng MMA ng trust fund at kung ano ang pangalan ng trust fund na ito.

Tinatayang mabilis na aabot kaagad sa milyun-milyong piso ang papasok sa trust fund ng MMA mula sa hindi makokolektang airport terminal fee ng mga OFW na gipit sa oras sa sandaling pananatili sa bansa.
Malinaw na nakasaad na ang layunin ng ISPC ay nakatutok lamang para paluwagin ang daloy ng mga pasehero sa airport. Walang pagtukoy ang patakaran para pag-igihin o pagandahin ang mga international airport.

Nanatiling tahimik at walang pagtutol sa napalathalang pahayag ng Airport Sleeping Community na ang NAIA ang tinaguriang worst international airport sa buong mundo. Para sa mga OFW at mga immigrants sa iba’t ibang bansa na regular na bumibiyahe ay may damang pagsang-ayon sa pahayag ng Airport Sleeping Community kung hindi man naiinis, nahihiya, at nalulungkot sa mga pangitain ng lugar ng palapagang pandaigdig sa lupang tinubuan.

Hindi lamang sa tuwinang bumibiyahe ang mga Pinoy sa abroad nakakadama ng pagkadismaya sa ating international airport. Kasama na rin ang hindi maipaliwanag na kahihiyan sa pagtanggap ng puna mula sa mga local ng bansang tinitirahan na bumisita sa Pilipinas sa naging negatibong karanasan sa ating airport. Ang mga punang natatanggap ng mga Pinoy na naninirahan sa ibang bansa mula sa lokal na mamamayan ay magsisilbing pagpiga ng kalamansi sa sugat na matatamo mula sa patakarang ISPC na nag-alis sa benepisyo ng mga OFW sa exemption nito sa airport terminal fee.

Trauma naman ang karanasan ng ating giliw na Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardinal Tagle kung ang airport ang pag-uusapan. Ayon sa naging pahayag ni Archbishop Tagle halaw sa Internet edition ng CBCP News “Alam ninyo ang airport ay naging traumatic na lugar sa akin. Hindi dahil sa panganib ng pagbiyahe, kundi sa mga nakikita at nadidinig, lalo na ang mga nanay na kinakausap ang anak sa airport, nagpapaalam sa pagkawalay. At makikita mo kung papaano nabibiyak ang kanilang mga puso.”

Isa si Archbishop Tagle sa tatlong “Delegadong Presidente” sa idinaos na Third Extraordinary General Assembly of the Synod of Bishops on the Family sa Rome, Italy. Sa nasabing pagtitipon ay hindi maipaliwanag ang kinasasapitan ng Pilipino sa ibayong dagat at ang kanilang mga pamilya, at pagpapahayag ng pagasa na ang realidad sa pangingibang bansa ay mabigyan ng pagtuon ng kaniyang ka-Synod Fathers.

Ayon sa pahayag ni Archbishop Tagle sa nasabing okasyon, “ang isang madramang epekto ng kahirapan ay migrasyon, na nagiging pansamantalang sanhi, subalit kadalasang matagal na pagkakawalay ng pamilyan Pilipino dahil sa pang-ekonomiyang kagipitan.  Tanggap na may pagkawalay ng mag-asawa, at ng magulang at anak. Hindi dahil sa hindi sila maaaring magsama sa isa’t isa. Hindi dahil may sagabal sa komunikasyon. Hindi rin dahil sa may alitan. Sila ay magkawalay dahil mahal nila ang isa’t isa. At ang mahusay na tunguhin ay ang pagpapakita ng pagkalinga, at pagmamahal, at suporta sa pagkawalay.” 

Ang palapagang panghimpapawid ay lugar ng pagtitiyak ng pagmamahal sa tuwinang namamaalam ang mga OFW sa mahal sa buhay. Sa gusaling ito rin naghihintay ang ipapadamang sabik na pagmamahal sa pagbabalik mula sa matagal na pananatili sa ibang bansa ng mga OFW. Ang gusali ay lugar ng pagpapahayag ng tiyak na pag-ibig at pagkalinga sa isa’t isa ng bawat asawa, anak, magulang at mga mahal sa buhay ng OFW.


Sa kabila ng itinakda ng batas ay pilit namang inalis ng patakarang ISPC ang munting benepisyo ng mga OFW na maging libre sa airport terminal fee.  Kaya kung iuugnay ang winika ni Archbishop Tagle at naging trauma sa airport, mistulang ang DOTC-MMA at ang patakarang ISPC lamang ang tanging walang pusong ipinapadamang pagkalinga, pagmamahal at suporta sa mga OFW at pamilya na nasa loob mismo ng gusali ng paliparang panghimpapawid.

Lunes, Hunyo 2, 2014

Pagtawag ng turista sa ating bayan

Ni Al Eugenio

Wala man sa sentro ng kabihasnan tulad ng Tokyo at Osaka, ang mga lugar na kung tawagin dito sa Japan ay “inaka,” ay malayo naman kung ihahambing sa mga probinsya sa atin sa Pilipinas. Maaaring pitong oras o mas malayo pa ang biyahe ng bayang ating pupuntahan, ngunit sa ating pagdating dito ay makakatiyak tayo na halos lahat ng ating mga pangunahing pangangailangan ay hindi mahirap hanapin at laging mayroon lamang. 

Ang bawat bayan dito sa Japan ay mayroong maayos na pamamalakad para sa kanilang mga mamamayan. May mga pagamutan kahit na kaunti lamang ang populasyon sa naturang lugar. May mga pulis, bumbero, post office, munisipyo at community hall na maaaring pagganapan ng mga pagtitipon para sa anumang okasyon ng mga taga-roon.

Bukod sa maaayos na mga tindahan sa mga “shotengai” o shopping streets ay pangkaraniwan na rin ang mga convenience stores. Kung malaki naman ang populasyon, ay siguradong mayroon na rin silang mga shopping malls.

Sa mga probinsya ay pangkaraniwan na pagsasaka o pangingisda ang hanapbuhay ng marami. Bagamat may mga office buildings din na pailan ilan, ay halos ang pinakamalaking pinanggagalingan ng buwis ay ang mga nasabing hanapbuhay.

Marami rin naman ang may maliliit na pagawaan ng kung anu-anong kalakal tulad ng mga piyesa ng mga sasakyan, mga electronics at mga pagkaing  popular sa lugar na iyon na ikinakahon upang dalhin sa mga pamilihan sa malalaking siyudad. Dito sa Japan ay may hanapbuhay kahit saan ka man naninirahan. Bagama’t malayo sa mga kamodernohan ay hindi rin naman sila nahuhuli sa maraming bagay. Ang mga bagay na nagaganap sa buong Japan at maging sa buong mundo, dahil sa maayos na komunikasyon ay palagi lamang nakararating sa kanilang kaalaman.

Dahil sa suporta na rin ng pamahalaan, nakakapagsimula sila ng mga gawaing nakakalibang. Halimbawa, para sa mga kabataan ay pangkaraniwan na ang mga lugar palaruan ng baseball o soccer na pinupuntahan kasama ang mga magulang. Ang ibang lugar naman, bago pa man mag-taglamig ay nagpapakawala na sa mga ilog ng malilit na isda upang pagdating ng tag-araw ay may mapaglilibangan ang mga kabataan na mamingwit.

Para sa mahihilig sa kultura at sining ay lagi lamang may mga nagaganap na mga konsiyerto at mga exhibition ng mga artists. Nagkakaroon din ng mga open market sa mga inilaang lugar para sa mga gustong magtinda ng mga bagay na maaaring hindi na nila kailangan sa kanilang mga tahanan o mga produkto mula sa kanilang mga bakuran. Kahit na masasabing ang mga pook na ito ay may kalayuan sa malalaking siyudad, hindi natin maaaring sabihin na sila ay naiiwanan ng kabihasnan.

Ang bawat lugar dito sa Japan ay nag-iisip ng mga bagay na maaaring maging atraksyon upang sila ay bisitahin ng mga taong hindi tagaroon, mga turistang masasabi na maaaring makatulong sa ikakaunlad ng ekonomiya ng kanilang maliit na lugar. Maaaring isa itong tanawin, halamanan o isang lugar na may historical value ng pook na kanilang kinalakihan. Mga pagkain o mga palamuti na doon lamang ginagawa.

Kaugalian ng mga tao sa Japan na ihanda ang kanilang lugar sa mga pangunahing pangangailangan ng mga taong bibisita sa kanilang lugar. Tulad halimbawa ng maaayos na toilet na kung minsan ay mas magaganda pa sa mga makikita natin sa malalaking bayan. Mga direksiyon papunta sa mga lugar na maaaring puntahan ng sino mang hindi tagaroon upang kahit na walang mapagtanungan ay hindi magiging sagabal sa maikling oras na kanilang ilalagi sa naturang lugar.

Sa matagal na nating pamamalagi rito sa Japan, naranasan na natin kung papaano pinapahalagahan ng mga Hapon ang kanilang mga lugar. Lahat ay nagkakaroon ng tungkulin, kahit na ang maayos na pagtatapon ng basura lamang ay mayroong naitutulong  sa ikakaayos at ikakaunlad ng kanilang lugar.

Ang  Department of Tourism sa Pilipinas ay gumugugol ng libu-libong halaga upang makaakit ng maraming turista sa ating bansa. Ngunit ang malalaking budget na ito ay parang hindi nila alam kung papaano gagamitin nang tama. Halos ang malaking bahagi nito ay napupunta sa mga promosyon ng pag-iimbita ng mga turista na bumisita sa ating bansa. Kung mayroon man mga dumating, marami rin kaya sa kanila ang muling babalik?

Marami kaya sa kanila ang maghahatid ng magandang impresyon sa kanilang  mga pinanggalingan tungkol sa kanilang mga naging karanasan sa pagbisita sa ating bayan? Marami sa mga ipinagmamalaking lugar ng ating bayan ay marami pa ring malalaking kakulangan. Tulad na lamang halimbawa ng maaayos na palikuran na pangunahing pangangailangan ng bawat tao.


Mas makakabuti sana kung iisipin ng ating pamahalaan ang mas pangmatagalang  kapakinabangan na maidudulot ng maraming salaping iginugugol upang ibayo pang  mapaganda ang imahe ng turismo ng ating bayan. Nakahihiya tuloy isipin na sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) pa lamang ay mas nakararaming hindi magagandang impresyon na ang maaaring makita kahit na ng ating sariling mga kababayan.