Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Embassy of the Philippines in Japan. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Embassy of the Philippines in Japan. Ipakita ang lahat ng mga post

Miyerkules, Oktubre 25, 2017

Mga Pinoy sa Japan pinaalalahanan ukol sa paglilimos

Ni Florenda Corpuz

Nagbigay ng paalala ang Embahada ng Pilipinas sa Japan sa lahat ng mga Pilipino sa bansa na itigil ang paglilimos o kaya’y pangangalap ng salapi at donasyon sa mga liwasan at pampublikong lugar sa bansa.

“Ipinaaala po na ang paglilimos at pangangalap ng salapi, lalo pa’t kung ito ay isinasagawa sa loob o ‘di kaya’y sa paligid ng mga himpilan ng tren, ay labag sa batas at sa mga alituntuning pambansa at lokal,” saad ng Embahada sa isang pahayag na inilathala sa kanilang website.

Ayon pa sa Embahada, hindi sila sumasang-ayon sa mga ganitong uri ng gawain.

“Ang Pasuguan ay wala pong sinususugan o itinataguyod na anumang uri ng lantarang pangangalap ng salapi sa mga pampublikong lugar,” pagbibigay-diin ng Embahada.

Dinagdag pa ng Pasuguan na ang mga donasyon ay dapat idaan sa mga ahensya ng pamahalaan ng Pilipinas.


“Sa mga panahon po ng malawakang sakuna at pangangailangan sa Pilipinas, ang mga donasyon at ambag ay nararapat pong idaan lamang doon sa mga kagawaran, kawanihan o ahensiya ng Pamahalaan ng Pilipinas na sadyang itinalaga para sa gawaing ito, tulad halimbawa ng National Disaster Risk Reduction & Management Council (NDRRMC) o Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad (Department of Social Welfare and Development). Sa ganitong paraan po ay makatitiyak na ang ating ambag ay maipararating sa mga nangangailangan,” paalala ng Embahada.

Linggo, Hunyo 1, 2014

'Damo Nga Salamat' concert tampok sa Araw ng Kalayaan

Ni Florenda Corpuz

Inaasahang magiging makulay at puno ng kantahan, sayawan at kasiyahan ang pagdiriwang ng Filipino community sa Japan sa ika-116 na Philippine Independence Day ng Pilipinas mula sa pananakop ng mga Kastila.

Sa pangunguna ng Embahada ng Pilipinas sa Tokyo at sa pakikipagtulungan ng Philippine Assistance Group o PAG, nakatakdang magtatanghal ng isang thanksgiving concert na pinamagatang “Damo Nga Salamat,” ang wika ng pasasalamat sa diyalekto ng mga taga-Tacloban, na gaganapin sa Sun Pearl Arakawa (Arakawa Kumin Kaikan) sa darating na Hunyo 14, 3:00 hanggang 6:00 ng hapon.

Ilan sa mga magtatanghal sa libreng konsiyerto ay ang Beatles-inspired band mula Tacloban City na REO Brothers, mga local Filipino artists sa Japan tulad ng magaling na jazz singer na si Charito, dating AKB48 member na si Sayaka Akimoto, FilCom Chorale at maraming pang iba.

Ang thanksgiving concert ay itatanghal upang gunitain ang Araw ng Kalayaan ng Pilipinas at bilang pasasalamat na rin sa mga Pilipino sa Japan na tumulong sa mga biktima ng bagyong Yolanda sa Tacloban City at iba pang lugar sa kabisayaan.