Miyerkules, Oktubre 25, 2017

Mga Pinoy sa Japan pinaalalahanan ukol sa paglilimos

Ni Florenda Corpuz

Nagbigay ng paalala ang Embahada ng Pilipinas sa Japan sa lahat ng mga Pilipino sa bansa na itigil ang paglilimos o kaya’y pangangalap ng salapi at donasyon sa mga liwasan at pampublikong lugar sa bansa.

“Ipinaaala po na ang paglilimos at pangangalap ng salapi, lalo pa’t kung ito ay isinasagawa sa loob o ‘di kaya’y sa paligid ng mga himpilan ng tren, ay labag sa batas at sa mga alituntuning pambansa at lokal,” saad ng Embahada sa isang pahayag na inilathala sa kanilang website.

Ayon pa sa Embahada, hindi sila sumasang-ayon sa mga ganitong uri ng gawain.

“Ang Pasuguan ay wala pong sinususugan o itinataguyod na anumang uri ng lantarang pangangalap ng salapi sa mga pampublikong lugar,” pagbibigay-diin ng Embahada.

Dinagdag pa ng Pasuguan na ang mga donasyon ay dapat idaan sa mga ahensya ng pamahalaan ng Pilipinas.


“Sa mga panahon po ng malawakang sakuna at pangangailangan sa Pilipinas, ang mga donasyon at ambag ay nararapat pong idaan lamang doon sa mga kagawaran, kawanihan o ahensiya ng Pamahalaan ng Pilipinas na sadyang itinalaga para sa gawaing ito, tulad halimbawa ng National Disaster Risk Reduction & Management Council (NDRRMC) o Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad (Department of Social Welfare and Development). Sa ganitong paraan po ay makatitiyak na ang ating ambag ay maipararating sa mga nangangailangan,” paalala ng Embahada.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento