Ipinapakita ang mga post na may etiketa na DSWD. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na DSWD. Ipakita ang lahat ng mga post

Miyerkules, Oktubre 25, 2017

Mga Pinoy sa Japan pinaalalahanan ukol sa paglilimos

Ni Florenda Corpuz

Nagbigay ng paalala ang Embahada ng Pilipinas sa Japan sa lahat ng mga Pilipino sa bansa na itigil ang paglilimos o kaya’y pangangalap ng salapi at donasyon sa mga liwasan at pampublikong lugar sa bansa.

“Ipinaaala po na ang paglilimos at pangangalap ng salapi, lalo pa’t kung ito ay isinasagawa sa loob o ‘di kaya’y sa paligid ng mga himpilan ng tren, ay labag sa batas at sa mga alituntuning pambansa at lokal,” saad ng Embahada sa isang pahayag na inilathala sa kanilang website.

Ayon pa sa Embahada, hindi sila sumasang-ayon sa mga ganitong uri ng gawain.

“Ang Pasuguan ay wala pong sinususugan o itinataguyod na anumang uri ng lantarang pangangalap ng salapi sa mga pampublikong lugar,” pagbibigay-diin ng Embahada.

Dinagdag pa ng Pasuguan na ang mga donasyon ay dapat idaan sa mga ahensya ng pamahalaan ng Pilipinas.


“Sa mga panahon po ng malawakang sakuna at pangangailangan sa Pilipinas, ang mga donasyon at ambag ay nararapat pong idaan lamang doon sa mga kagawaran, kawanihan o ahensiya ng Pamahalaan ng Pilipinas na sadyang itinalaga para sa gawaing ito, tulad halimbawa ng National Disaster Risk Reduction & Management Council (NDRRMC) o Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad (Department of Social Welfare and Development). Sa ganitong paraan po ay makatitiyak na ang ating ambag ay maipararating sa mga nangangailangan,” paalala ng Embahada.

Linggo, Disyembre 11, 2016

Japan tutulong para sa de-kalidad na childcare training sa Pilipinas

Ni Florenda Corpuz

Tutulong ang bansang Hapon sa pamamagitan ng Japan International Cooperation Agency (JICA) sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at A Child’s Trust is Ours to Nurture (ACTION), isang Japanese non-profit group, sa pagpapalakas ng house parenting standards sa mga childcare institutions sa National Capital Region (NCR) sa Pilipinas.

Nilagdaan ng tatlong organisasyon ang capacity building program para rito kamakailan.

“JICA aims to support the Philippines’ poorest sectors overcome their vulnerability. This cooperation hopes to also ensure that everyone, including marginalized children, will benefit from the economic growth the Philippines achieved. Improving child care standards of house parents and social workers is crucial in teaching children to become self-reliant and productive members of society,” pahayag ni JICA Chief Representative Susumu Ito.

Mainit na tinanggap ni DSWD Secretary Judy Taguiwalo ang kooperasyon ng JICA at ACTION at sinabing “the project supports the present administration’s anti-poverty agenda of reaching out to marginalized children and communities and providing them opportunities to improve their plight.”

Sa Pilipinas, ang DSWD at ang mga accredited childcare facilities sa buong bansa ay nagbibigay ng interventions sa naturang kaso ng mga bata. Ang kakulangan ng house parenting o care giving standards sa mga nasabing pasilidad ang nag-udyok sa JICA, DSWD at ACTION para magtakda ng capacity building program upang mapabuti ang kaalaman at kasanayan ng mga child care workers sa mga pasilidad.

Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2012, mas mataas ang poverty incidence sa children sector na umabot sa 35.2 porsyento kumpara sa ibang sektor. Mas malapit din sa kapahamakan tulad ng karahasan, pagsasamantala, pang-aabuso at diskriminasyon ang mga mahihirap na bata.

Ang kooperasyon ay bahagi ng JICA Partnership Program sa ilalim ng Official Development Assistance (ODA) na sumusuporta sa Japanese non-government organizations, local governments at akademya para masolusyunan ang social at economic development issues sa grassroots level.

Layon din ng proyekto na magbigay ng life skills training at iba pang developmental activities sa mga bata sa residential institutions sa Region 3. Una nang nagsagawa ng pagsasanay sa 180 house parents at 56 social workers sa 38 residential facilities sa Central Luzon.