Ipinapakita ang mga post na may etiketa na architecture. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na architecture. Ipakita ang lahat ng mga post

Martes, Hunyo 5, 2018

Eco-bricks by Green Antz Builders: An innovative way of repurposing single-use plastic sachets




 “A smarter way to build.”

Ito ang konsepto sa likod ng kumpanyang Green Antz Builders, isang innovative provider ng building – housing solutions kung saan ang mga produkto, serbisyo, sistema, at pamamalakad ng kumpanya ay isinasagawa ang mga eco-friendly practices at gumagamit ng mga teknolohiya at mga materyal na maka-kalikasan.

Gaya na lang ng pangunahing produkto ng Green Antz, ang tinatawag na Eco-brick – na isang halimbawa ng modernong pamamaraan ng “repurposing” sa mga plastic sachets na kadalasan ay isang beses lang ginagamit at tinatapon agad. 

Bagaman halos parehas ang itsura sa ordinaryong hollow blocks na gawa sa semento, tubig, at buhangin, ang eco-brick ay sa kumbinasyon ng semento at dinurog na plastic laminates o sachets.

Building towards green sustainability

“To create sustainable and environmentally responsible communities and to be a leading driver of social values through impactful initiatives on sustainability, poverty alleviation, and improving the access to classroom and shelter.”

Tapat ang Green Antz Builders sa mga panuntunan na ito na siyang nagbubunsod sa mga adhikain at proyekto nito bilang isang responsableng kumpanya.

Hindi lingid sa kaalaman ng publiko na isang pangunahing pollutant ang plastic sachets, at nakalulungkot na makitang kinokontamina nito ang mga karagatan na nagiging dulot pa ng pagkamatay ng mga marine animals.

Sa pamamagitan ng makabagong sistema ng Green Antz ay nagkakaroon ng bagong pakinabang ang plastic sachets. Dagdag pa ng kumpanya, gamit ang materyal, nakatutulong ito para paigtingin pa ang thermal insulating properties ng eco-brick.

Ngunit paano nga ba ang proseso nito para maging kapaki-pakinabang bilang materyal sa paggawa ng eco-bricks?

From waste to resource

Limang hakbang ang prosesong ginagawa para gawing materyal ang plastic sachets – una kinokolekta ang mga ito mula sa industrial at commercial waste plants, hinuhugasan at dinudurog nang pinong-pino, hinahalo sa basang semento para makagawa ng mixture, saka ito binubuhos sa brick pressing machine, at pagkatapos ay patutuyuin na ang naprosesong produkto.

Ang bawat piraso ng isang eco-brick ay ginagamitan ng 100 piraso ng maliliit na plastic sachets.

Maliban pa sa dagdag na thermal insulation properties ng eco-brick, marami rin itong iba pang mga kalamangan kumpara sa tradisyonal na hollow block – 550 PSI compressive strength (in comparison – 158 PSI of hollow blocks) at PhP 830 average price per square meter (PhP 900-1,100 average price per square meter).

Aesthetically versatile

Dagdag pa rito, brick stacking ang pamamaraan ng eco-brick sa halip na brick layering ng hollow blocks. Sinasalansan at hinahanay ang eco-brick sa pamamagitan ng mala-lego na connectors saka nilalagyan ng concrete mortar ang mga butas nito para maging matibay ang pagkakadikit-dikit ng eco-bricks.

May iba’t ibang klase rin ang eco-bricks na pwedeng mapagpilian kaya’t swak ito sa mga gusto nang may disenyo – maliban sa Green Antz, mayroon din Red Antz (with a rusty look similar to the classic red brick), River Sand (pure concrete interlocking brick), Red Earth (red clay with sand and cement, tougher than typical red brick), Classic Glazed (smooth shiny finish concrete interlocking brick), at Red Mosaic (with red brick look and extra coating protection).

Miyerkules, Pebrero 7, 2018

Budji + Royal Architecture + Design pangungunahan ang disenyo ng New Clark City


Nito lamang huling bahagi ng Disyembre ay ginanap ang groundbreaking rites ng isinasagawang bagong Clark International Airport (CRK) Terminal, na siyang una sa hybrid infrastructure projects sa ilalim ng “Build, Build, Build” program ng administrasyong Duterte.
At kabilang sa proyektong ito ang designing tandem ng Budji + Royal Architecture + Design, na kinomisyon ng Bases Conversion Development Authority (BCDA) sa pagdidisenyo ng naturang terminal na bahagi ng New Clark City (NCC), ang binubuo na magiging kauna-unahang “smart, green, disaster-resilient city” ng bansa.

Mapupuntahan ang New Clark City sa pamamagitan ng expressway at ang Philippine National Railways (PNR) North na itatayo ng Japan.

Makikipagtulungan ang Budji + Royal sa Aecom, isang American engineering firm at urban planner. Maliban sa bagong Clark terminal, pangungunahan din ng designing duo ang disenyo ng Philippine Sports City Complex.

Asia’s next premier gateway

Ang terminal ay may floor area na 140,000 square meters, na kasing-laki ng Hong Kong International Airport Terminal 2. May kapasidad itong makatanggap ng dagdag na walong milyong pasahero bawat taon at higit na makatutulong sa pagbabawas ng siksikan sa Kamaynilaan.

Sa panayam ng Inquirer kina designer Antonio “Budji” Layug at architect Royal Pineda, nagpahayag ang dalawa ng pagkagalak sa pagiging bahagi ng New Clark City project.
“We were tapped by the government to make sure that the soul of the Philippines will be present,” ang paglalahad ni Layug. Dagdag naman ni Pineda, “From the beginning, we wanted to present our roles as architect and designer without being part of politics. We can influence the country by design.”

Nagsimula ang partisipasyon ng Budji + Layug sa infrastructure program ng gobyerno nang iprinisinta nila ang kanilang disenyo ng “Luzviminda” bridge sa World Design Capital sa Taipei nitong nagdaang taon.

Inspirasyon ng disenyo na pag-ugnayin ang mga isla ng Pilipinas para maisulong ang inter-island tourism para sa mas malawakang pang-ekonomiyang pag-unlad.

Nakatakda itong matapos sa loob ng dalawang taong construction period.

World-class green community that pays homage to Pampanga’s parol

Saklaw ng NCC ang may 9,450 ektarya at ang Philippine Sports City ang magiging sentro nito na bubuuin naman ng aquatic center (2,000 capacity), athlete’s village, at main stadium (20,000 capacity) na mayroong 200 ektarya (first phase). Magkakaroon din dito ng mga gusaling pang-komersyo at retail sa kanlurang bahagi nito, at isang river corridor.

Binibigyang-pugay din ng Budji + Layug ang parol ng mga taga-Pampanga at ang Mt. Pinatubo na makikita sa disenyo ng stadium at ng kabuuang sports complex.

Mula sa inspirasyon ng Mt. Pinatubo, gawa sa lahar ang mga pader ng stadium, ang bubong nito ay parang bunganga ng bulkan, at kulay-ginto na hugis letrang V ang steel frames nito na gaya ng balangkas ng parol. Hango naman sa Capiz parol ang bubungan ng Aquatic Center na may malaking open shed. At sa gabi ay parehas na magliliwanag ang Aquatic Center at stadium. 

Layong matapos ito sa Agosto nang susunod na taon para magamit sa Southeast Asian Games (SEA) Games.

Linggo, Abril 9, 2017

Tao Zhu Yin Yuan: A carbon-absorbing residential tower in Taipei

Kuha mula sa Vincent Callebaut Architectures
“The city is like an ecosystem, the centre is like a forest, and the tower is like an inhabited tree.”

Ito ang pahayag ng Vincent Callebaut Architectures patungkol sa disenyo nito ng Tao Zhu Yin Yuan Tower. Nagsimula ang konstruksyon noong 2013 at nakatakdang matapos sa darating na Setyembre at matatagpuan sa Songyong Road, Xinyi district sa Taipei.

Kahanga-hanga ang disenyo ng skyscraper sa kanyang 90-degrees spiral twist style mula sa baba hanggang sa tuktok nito na ayon sa head architect nitong si Vincent Callebaut ay hango sa double helix ng DNA.

Dagdag pa ni Callebaut sa isang panayam ng CNN, ang proyekto ay kumbinasyon ng Western at Oriental na teknolohiya at kultura. Aniya, ang istruktura ng DNA ang pinagmulan ng buhay at sinisimbolo rin ang pagkakaisa at enerhiya, na isa namang repleksyon ng ultimate balance mula sa pilosopiya ng Taiji.

The perfect fusion of landscape, architecture and sustainability  

“The Retreat of Tao Zhu” ang literal na kahulugan ng Tao Zhu Yin Yuan ngunit tinatawag din na Agoda Tower ang residential complex, na mapapalibutan ng 23,000 na puno at halaman mula sa pundasyon, harapan, balkonahe, hanggang sa bubong ng tower at maging sa loob nito.

Makakasipsip ang mga puno ng 130 tonelada ng carbon dioxide emissions bawat taon sa Taipei na katumbas ng tinatayang 27 sasakyan. Ayon sa datos ng International Energy Agency, nakapaglabas ng mahigit sa 250 milyong tonelada ng CO2 ang Taiwan noong 2014. Bagaman hindi nito mareresolba ang smog sa buong Taiwan, magandang hakbang ito para malabanan ang global warming.

May 20 palapag ang tower, 455,694-square-foot structure, dalawang penthouse na may laking 5,920 square feet, indoor pool, fitness center, at garage na may natural lighting at ventilation. Nariyan din ang rooftop solar panels at rainwater recycling sa iba pang katangian nito. At ang bawat unit naman ay mayroong living room, dining room, family room, kitchen, multiple bedrooms (with walk-in closets) at may magandang view ng buong Taipei mula sa kani-kanilang veranda kung saan makikita ang Taipei 101.

Reintegration of nature into the city

“The tower presents a pioneer concept of sustainable residential eco-construction that aims at limiting the ecological footprint of its inhabitants. Outlandish and futuristic as it may seem, the core of all my designs is an attempt to address the real threat that cities pose for humankind and our ecological balance,” ang paglalarawan ni Callebaut.  

Tinatawag ni Callebaut ang sarili bilang isang “archibiotect” o ecological architect na siya mismo ang bumuo. Kumbinasyon ito ng salitang architecture, biotechnologies at information-communication technologies, kung saan kilala ang Vincent Callebaut Architectures.

Dagdag pa ni Callebaut, mahalagang mapagkasundo ang mga tao at ang kapaligiran sa makabagong pilosopiya ng arkitektura para sa mas sustainable at eco-responsible lifestyles ng mga tao sa siyudad. Aniya, hindi ito isang kalakaran kundi isang pangangailangan para matugunan ang climate change.