Ipinapakita ang mga post na may etiketa na SEC. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na SEC. Ipakita ang lahat ng mga post

Martes, Enero 9, 2018

Paraan kung paanong hindi ka maloko ng mga scammers

Ni MJ Gonzales


Masaya ang Pasko dahil ito ay panahon ng bigayan ng regalo at pati ng bonus sa mga empleyado.  Subalit, isa rin ito sa mga panahon na maraming nagnanakaw, nanlalamang o nanloloko sa kanilang kapwa. Alam mo bang maaari rin na ikaw mismo ang pumapayag na maloko ka? Iyan ay kung hindi ka magiging maingat, mapagmatyag, at maalam sa mga modus operandi ng mga kawatan.

Suriin ang tao o kumpanya bago ka maglabas ng pera.  Ito ang pinakaunang dapat gawin sa investing o anumang usapan na naeengganyo ang isang tao. Mayroong iba na hindi na ginagawa ang hakbang na ito kung interesado na sa sinasabi ng ka-transaksyon nila.

Huwag mo silang gayahin. Hindi masama ang saliksikin ang pagkakakilanlan ng isang tao o  kumpanya para sa iyong proteksyon. Mabuti na ang umalpas ang isang oportunidad na hindi mo naman talaga alam kaysa maloko ka nang matindi.

Sa ngayon nga ay madali na ang makakalap ng impormasyon na dapat mong malaman. Kung sa recruiter ay may tala ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA)  ng kanilang mga lisensyadong ahensya, ganoon din sa mga negosyong rehistrado sa Department of Trade and Industry (DTI)  at Securities and Exchange Commission (SEC).  Gawin mo rin ang pagsusuri sa agent ng real estate property, insurance, at iba pang investments bago mo pasukin.

Alamin ang trend ng scamming scheme ngayon. Kung inaakala mo na fashion at teknolohiya lamang ang pabago-bago ng uso ay nagkakamali ka. Pati ang mga scammer ay patuloy din na gumagawa ng paraan para makapanloko ng kapwa, ito man ay online o offline.

Katunayan ang social media sites gaya ng  Facebook ay hindi na lamang paraan para sa komunikasyon, ito na rin ay kasangkapan para makapanloko. Tandaan din na sa dali na makagawa ng social media accounts ay maaaring nagtatago ng totoong persona ang iyong kausap.

Humingi ng patunay gaya ng resibo, kontrata, at iba pang dokumento.  Bukod sa para malaman kung nagbabayad ng buwis ang iyong ka-transakyon, kung humihingi ka ng resibo ay malalaman mo rin dito kung siya ay sa rehistrado sa kanyang ginagawa.  Ang lehitimong negosyo o ahente ay makakapag-isyu ng rehistradong resibo na may TIN o Tax Identification Number nila.  Kaya kung walang maibibigay sa iyo na resibo ay doon pa lang ay magdalawang-isip ka na.  

Sa ibang transaksyon na wala kang makuhang resibo, gumawa dapat nng kasulatan na pirmado at naka-notaryo. Para kung anuman ang mangyari ay may pagkakataon kang maghabol. Dagdag punto rin pagdating sa kontrata ay huwag kaligtaan o tamarin na basahin ito. Baka hindi mo alam ay ginagawa mong legal na pala ang panloloko sa iyo.

4. Huwag mong papasukin ang investment o transakyon ng wala kang kaalam-alam.  Ang isang paraan para makaengganyo ang isang scammer ay kunin ang loob ng kanyang lolokohin.  Maaaring magkukuwento ito para maawa at magkaroon ka ng simpatya sa kanya, o kaya ay bubuhayin niya ang iyong  pangarap na yumaman. 

Huwag kang padala sa ganitong paraan dahil sa money management, investing, at negosyo ay hindi lamang dapat emosyon ang pinapairal.  Kinakailangan dito ay malinaw na layunin, lohika kung bakit at paano ang dapat mong gawin, at pag-aanalisa.  Huwag mong hayaan na ibang tao ang magdikta sa iyo ng gagawin mo, ang mainam ay pag-aralan mo ang sarili mong diskarte.

Lunes, Hulyo 13, 2015

Pantasya at bangungot sa pyramid at multilevel network marketing

Ni Cesar Santoyo

Sumulpot ngayon ang multilevel marketing na ang prinsipyo ay direktang ibigay sa consumer o customer ang laan na budget sa promotions and marketing pati na ang kikitain ng department store. Kaya sa multilevel marketing ang mga consumer na rin mismo ang nagpapatalastas at nagbebenta ng mga produkto na hindi mabibili sa mga tindahan at department store.

Hindi naman sa dahilan na makapaggawang gawa ang mga kumpanya ng mga produktong pang multilevel marketing. Idinisenyo ang paraan ng negosyong multilevel marketing sa kadahilanan rin na hindi kakayanin tapatan ang mahal na advertisement at may kahirapan rin na mapabilang ang kanilang produkto sa tinda ng mga department store. Sa madaling salita ay para masiguro ng korporasyon ang kanyang malaking tubo sa pamamagitan ng multilevel marketing.

Karaniwang terminolohiya sa multilevel marketing ang upline or downline at iba pang iskema gaya ng binary, step ladder at iba pa para ang lahat, mula sa downline hanggang sa upline ay nakakakuha ng puntos na may katumbas na halaga sa piso.

Sa multilevel marketing na kung saan ang karamihan ay nagbebenta ng mga food supplements at health and beauty products ay may produktong nahahawakan ang namuhunan na maaring gamit pangpersonal or pambenta. Ang pagkakaroon ng palitan ng produkto sa multilevel marketing ang kaibahan sa tinatawag na “pyramid.”

Sa mga pahayagan sa Pilipinas kasama na ang telebisyon na mapapanood din sa YouTube at sa Facebook kahit nasa Japan ay may isang direktang binansagan na “pyramid scam” ang Securities and Exchange Commission o SEC. Ito ay ang Emgoldex Philippines. Dahilan ng paglalabas ng pahayag ng SEC ay batay sa dami ng mga nagrereklamo kasama ang mga OFW sa South Korea at Dubai laban sa Emgoldex Philippines na hindi rehistradong korporasyon o partnership sa ilalim ng SEC.

Bilang mga naninirahan sa Japan ay mabilis naman pinabuluanan ng mga nasa kampo ng Emgoldex ang pahayag ng SEC. Sapagkat ayon sa mga tagapagtanggol ng Emgoldex sa Japan ay marami sa kanila ang nakatanggap ng kanilang tinubo mula sa pamumuhunan. Pagkatapos maiere ang babala ng SEC laban sa Emgoldex Philippines ay mas dumami pa nga ang may iba-ibang magkarugtong na pangalan “goldex” na iniaalok sa mga Pinoy sa buong Japan.

Kumpara sa multilevel marketing, at kung ang pagbabasehan ng “pyramid” ay ang modelo ng Emgoldex ay makikita ang magkaibang istraktura kung papaano kikita ang mga sumasali. Sa multilevel marketing ang tinatawag na upline ay may nakukuhang benepisyo sa bawat produktong naibenta ng kanilang tinatawag na downline.

Sa matiyagang pagpapaliwanag naman ng isang tagapagtangkilik ng Emgoldex, ang kanilang pinakatinatawag na upline ang nasa pinakaibaba ng kanilang istraktura at ang mga downline ang nasa itaas. May table silang tinatawag na 15 tao ang kailangan para mabuo ang isang table na binubuo ng 8 na initial “investor” at 7 tao na nasa ibaba. Ang 8 tao ay magbibigay ng  ng “initial” investment sa halagang Php36,000 na karaniwan din kino-convert ng mga naggodex sa Japan sa 10 lapad. Kailangan din na mag-invest ang 7 para mapuno ang kanilang table na aabot sa Php540,000 ang suma total ng 15 tao na nag-invest ng tig-36,000 pesos.

Nahahati sa apat na level ang isang table ng mga goldex na ang pinaka level 4, ang nasa ibaba, ang makakakuha ng 180,000 Pesos pagkatapos mabuo ang table na ang lahat ay nag-invest ng tig-36,000 pesos. “Exit” na ang nasa level 4 bilang katawagan sa nakakuha ng 180,000 Pesos. May 14 pang natira sa loob ng table na kailangan ding maka “exit” batay sa kanilang abilidad o kung minsan ay sa tulong ng humikayat sa kanilang mag-invest sa goldex.

Ayon naman sa mga kababayan na nakapanayam na minsang inanyayahan na sumali sa Emgoldex, kahit gustuhin rin niya, ay binantaan sila ng kanyang asawang Japanese na pirmahan na niya ang divorce paper sakaling sasali siya sa Emgoldex. Wika pa ng isa nating kababayan ay hindi niya matatanggap na kung sakaling maka-exit siya, o napuno niya ang kanyang mga level ng recruitment, ay may labing-apat siyang maiiwanan na hindi niya siguradong makaka-exit rin. Kawawa naman daw kung sakaling hindi naka-exit ang kaniyang marecruit at kung sakaling hindi maibalik ang ipinuhunan.

Sa nakaraang tatlong dekada ng paninirahan ng malaking bilang nating mga Pinoy sa Japan ay ngayon lamang natin natutunghayan ang taglay na husay ng Pinoy sa pangangalakal sapagkat hindi madali at hindi biro ang ibinigay na oras, tiyaga, at mapanlikhang paraan para maka-exit ang mga nasa “pyramid” at kumita ng sobrang halaga sa pagmu-multilevel marketing. Mas mapapaunlad pa ito kung sakaling ang mga ipinakitang husay ng ating mga kababayan sa pyramid at multilevel marketing ay mabigyan ng mas magandang alternatibong paraan ng pagkakakitaan.

Dapat rin lamang nating unawain na ang isa sa dahilan ng paglipana ng mga multilevel marketing at pyramiding ay dahil sa kawalan ng ating kamalayan at edukasyon sa praktikal na pamumuhay. Wala namang nag-aalok sa ating mga Pilipino sa Japan na magkaroon ng literasiya sa pinansya at suporta para sa pagkakaroon ng bagong pagkakakitaan mula sa mga pamahalaan at maliban na lamang sa mga miminsang inisyatiba ng ating mga kababayan na nagtatawag ng financial literacy session.

Sa ating pagninilay-nilay sakali mang sumali sa multilevel marketing o kaya ay sa binansagan na pyramid, tandaan lamang na ang mga ganitong uri ng pagkakakitaan ay hindi sustenido at pangmatagalan. Alalahanin din na marami sa ating mga kababayan ang nagkaroon ng sariling kabuhayan mula sa pansariling pagsisikap mula sa wala o maliit na puhunan.

Mahirap ang nabubuhay sa pantasya na maka-exit na may limpak-limpak na salapi sa pyramiding at ang mapabilang sa mga millionaires row ng multilevel marketing company kaya susuungin ito. Walang madaliang kitang salapi ang nagtatagal at hindi rin habang panahon ang kitaan sa pyramiding at multilevel marketing.

At kung sakaling nawala ang pinagkatiwalaang tao sa pyramid o nawala ang kanilang website na karaniwan ng karanasan ay totoong bangungot ang kauuwian ng ating pantasya. Kaya ingat lang mga kabayan sa pagdedesisyon at pag-aralan na mabuti ang inyong papasukin kung sakaling interasadong mag-pyramid o mag-multilevel marketing.