Ni Cesar Santoyo
Sumulpot ngayon ang multilevel marketing na ang prinsipyo ay
direktang ibigay sa consumer o customer ang laan na budget sa promotions and
marketing pati na ang kikitain ng department store. Kaya sa multilevel
marketing ang mga consumer na rin mismo ang nagpapatalastas at nagbebenta ng
mga produkto na hindi mabibili sa mga tindahan at department store.
Hindi naman sa dahilan na makapaggawang gawa ang mga kumpanya ng
mga produktong pang multilevel marketing. Idinisenyo ang paraan ng negosyong
multilevel marketing sa kadahilanan rin na hindi kakayanin tapatan ang mahal na
advertisement at may kahirapan rin na mapabilang ang kanilang produkto sa tinda
ng mga department store. Sa madaling salita ay para masiguro ng korporasyon ang
kanyang malaking tubo sa pamamagitan ng multilevel marketing.
Karaniwang terminolohiya sa multilevel marketing ang upline or
downline at iba pang iskema gaya ng binary, step ladder at iba pa para ang
lahat, mula sa downline hanggang sa upline ay nakakakuha ng puntos na may
katumbas na halaga sa piso.
Sa multilevel marketing na kung saan ang karamihan ay nagbebenta
ng mga food supplements at health and beauty products ay may produktong
nahahawakan ang namuhunan na maaring gamit pangpersonal or pambenta. Ang
pagkakaroon ng palitan ng produkto sa multilevel marketing ang kaibahan sa
tinatawag na “pyramid.”
Sa mga pahayagan sa Pilipinas kasama na ang telebisyon na mapapanood
din sa YouTube at sa Facebook kahit nasa Japan ay may isang direktang
binansagan na “pyramid scam” ang Securities and Exchange Commission o SEC. Ito
ay ang Emgoldex Philippines. Dahilan ng paglalabas ng pahayag ng SEC ay batay
sa dami ng mga nagrereklamo kasama ang mga OFW sa South Korea at Dubai laban sa
Emgoldex Philippines na hindi rehistradong korporasyon o partnership sa ilalim
ng SEC.
Bilang mga naninirahan sa Japan ay mabilis naman pinabuluanan ng
mga nasa kampo ng Emgoldex ang pahayag ng SEC. Sapagkat ayon sa mga
tagapagtanggol ng Emgoldex sa Japan ay marami sa kanila ang nakatanggap ng
kanilang tinubo mula sa pamumuhunan. Pagkatapos maiere ang babala ng SEC laban
sa Emgoldex Philippines ay mas dumami pa nga ang may iba-ibang magkarugtong na
pangalan “goldex” na iniaalok sa mga Pinoy sa buong Japan.
Kumpara sa multilevel marketing, at kung ang pagbabasehan ng
“pyramid” ay ang modelo ng Emgoldex ay makikita ang magkaibang istraktura kung papaano
kikita ang mga sumasali. Sa multilevel marketing ang tinatawag na upline ay may
nakukuhang benepisyo sa bawat produktong naibenta ng kanilang tinatawag na
downline.
Sa matiyagang pagpapaliwanag naman ng isang tagapagtangkilik ng
Emgoldex, ang kanilang pinakatinatawag na upline ang nasa pinakaibaba ng
kanilang istraktura at ang mga downline ang nasa itaas. May table silang
tinatawag na 15 tao ang kailangan para mabuo ang isang table na binubuo ng 8 na
initial “investor” at 7 tao na nasa ibaba. Ang 8 tao ay magbibigay ng ng “initial” investment sa halagang Php36,000
na karaniwan din kino-convert ng mga naggodex sa Japan sa 10 lapad. Kailangan
din na mag-invest ang 7 para mapuno ang kanilang table na aabot sa Php540,000
ang suma total ng 15 tao na nag-invest ng tig-36,000 pesos.
Nahahati sa apat na level ang isang table ng mga goldex na ang
pinaka level 4, ang nasa ibaba, ang makakakuha ng 180,000 Pesos pagkatapos
mabuo ang table na ang lahat ay nag-invest ng tig-36,000 pesos. “Exit” na ang
nasa level 4 bilang katawagan sa nakakuha ng 180,000 Pesos. May 14 pang natira
sa loob ng table na kailangan ding maka “exit” batay sa kanilang abilidad o
kung minsan ay sa tulong ng humikayat sa kanilang mag-invest sa goldex.
Ayon naman sa mga kababayan na nakapanayam na minsang
inanyayahan na sumali sa Emgoldex, kahit gustuhin rin niya, ay binantaan sila
ng kanyang asawang Japanese na pirmahan na niya ang divorce paper sakaling
sasali siya sa Emgoldex. Wika pa ng isa nating kababayan ay hindi niya
matatanggap na kung sakaling maka-exit siya, o napuno niya ang kanyang mga
level ng recruitment, ay may labing-apat siyang maiiwanan na hindi niya
siguradong makaka-exit rin. Kawawa naman daw kung sakaling hindi naka-exit ang
kaniyang marecruit at kung sakaling hindi maibalik ang ipinuhunan.
Sa nakaraang tatlong dekada ng paninirahan ng malaking bilang
nating mga Pinoy sa Japan ay ngayon lamang natin natutunghayan ang taglay na
husay ng Pinoy sa pangangalakal sapagkat hindi madali at hindi biro ang
ibinigay na oras, tiyaga, at mapanlikhang paraan para maka-exit ang mga nasa
“pyramid” at kumita ng sobrang halaga sa pagmu-multilevel marketing. Mas
mapapaunlad pa ito kung sakaling ang mga ipinakitang husay ng ating mga
kababayan sa pyramid at multilevel marketing ay mabigyan ng mas magandang
alternatibong paraan ng pagkakakitaan.
Dapat rin lamang nating unawain na ang isa sa dahilan ng
paglipana ng mga multilevel marketing at pyramiding ay dahil sa kawalan ng
ating kamalayan at edukasyon sa praktikal na pamumuhay. Wala namang nag-aalok
sa ating mga Pilipino sa Japan na magkaroon ng literasiya sa pinansya at
suporta para sa pagkakaroon ng bagong pagkakakitaan mula sa mga pamahalaan at
maliban na lamang sa mga miminsang inisyatiba ng ating mga kababayan na
nagtatawag ng financial literacy session.
Sa ating pagninilay-nilay sakali mang sumali sa multilevel
marketing o kaya ay sa binansagan na pyramid, tandaan lamang na ang mga
ganitong uri ng pagkakakitaan ay hindi sustenido at pangmatagalan. Alalahanin din
na marami sa ating mga kababayan ang nagkaroon ng sariling kabuhayan mula sa
pansariling pagsisikap mula sa wala o maliit na puhunan.
Mahirap ang nabubuhay sa pantasya na maka-exit na may
limpak-limpak na salapi sa pyramiding at ang mapabilang sa mga millionaires row
ng multilevel marketing company kaya susuungin ito. Walang madaliang kitang
salapi ang nagtatagal at hindi rin habang panahon ang kitaan sa pyramiding at
multilevel marketing.
At kung sakaling nawala ang pinagkatiwalaang tao sa pyramid o
nawala ang kanilang website na karaniwan ng karanasan ay totoong bangungot ang
kauuwian ng ating pantasya. Kaya ingat lang mga kabayan sa pagdedesisyon at pag-aralan
na mabuti ang inyong papasukin kung sakaling interasadong mag-pyramid o
mag-multilevel marketing.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento