Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Tohoku. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Tohoku. Ipakita ang lahat ng mga post

Linggo, Disyembre 11, 2016

Olympic flag tour sinimulan sa Tohoku

Ni Florenda Corpuz


Kuha mula sa Tokyo 2020

Sinimulan na ng Tokyo 2020 Organising Committee ang Olympic flag exhibition tour sa Tohoku bilang bahagi ng pagsuporta sa muling pagbangon ng rehiyon na matinding naapektuhan ng 2011 Great East Japan Earthquake.

Dumating sa plaza sa harap ng Fukushima Prefectural Government Office sa Fukushima City ang Olympic at Paralympic flags nitong unang linggo ng Nobyembre na mainit at masayang sinalubong ng mga lokal na residente na karamihan ay mga bata.

Iprinisinta ni Tokyo 2020 Olympic and Paralympic Flag Tour Ambassador Mikako Kotani, na bronze medallist sa synchronised swimming sa Seoul 1988 Olympic Games kasama si Tokyo Governor Yuriko Koike, ang mga bandila kay Fukushima Prefecture Governor Masao Uchibori.

Dumalo rin si Tokyo Olympic and Paralympic Games Minister in charge Tamayo Marukawa at sumama sa mga Olympians at Paralympians mula sa Fukushima Prefecture kabilang si Olympic basketball competitor at Tokyo 2020 Athletes’ Commission member Mikiko Hagiwara.

“I can still remember how excited I felt the moment I walked into the stadium at the Atlanta Olympics,” ani Hagiwara.

“Find an athlete who can serve as a role model and work hard to be like that person,” dagdag pa nito.

Nagpahayag din ng kani-kanilang “sense of expectation” ang mga atleta sa Tokyo 2020 sa pamamagitan ng pakikisalamuha, pakikipag-usap at pagwawagayway ng bandila.

Nakatakda rin dumating sa Iwate, Miyagi at Kumamoto Prefecture ang Olympic at Paralympic flags na mga naapektuhan ng lindol at tsunami noong 2011 at 2016.

Samantala, inilunsad din ng Fukushima Prefecture ang isang cultural event sa ilalim ng Tokyo 2020 Support Programme na tinawag na “Future from Fukushima - Local Treasures Folk Culture Preservation Project,” kung saan nagkaroon ng two-day cultural festival na tinawag na “Home Town Festival 2016 in Shirakawa.” Nagtanghal dito ang amputee dancer na si Koichi Omae na nagtanghal din sa Rio 2016 Paralympic Games Closing Ceremony.

“13 years ago I had my left foot amputated, but I came back from that. I came back from it by accepting the change. I wanted to go back to how I was before, but that wasn’t possible. However, change was possible, and with everyone’s support I was able to become a professional dancer once again. I think everyone has gone through such an experience, whether it’s losing ability or youthful looks with age, choosing not to give in to inability but rather adapting to it. I want every one of us to accept change and use that as a resource to help Fukushima and other affected areas,” pagbibigay inspirasyon ni Omae.

“This event is the first under the auspices of the Tokyo 2020 Support Programme’s ‘Recovery’ category to be held in Fukushima prefecture. We consider recovery and support to be a cornerstone of what the Tokyo 2020 Olympics and Paralympics are about. We are here to spread awareness of this project throughout the country so that we can collaborate and work together to boost the recovery of Japan’s earthquake-hit regions,” pagtatapos naman ni Tokyo 2020 Organising Committee Executive Director of the Bureau of Administration Koji Tejima.

Lunes, Pebrero 3, 2014

Bagong taon, bagong sistema

Ni Cesar Santoyo

Patuloy na masasalamin ang mga pagkakahawig at kaibahan ng buhay at karanasan sa naging trahedya ng mga Japanese at Filipino sa Tohoku dulot ng delubyong tsunami noong March 11, 2011 at ng mga biktima ng supertyphoon Yolanda/Haiyan sa Eastern Visayas dalawang buwan na ang nakaraan.

Sa paghupa ng tubig-tsunami at ng typhoon surge sa Tohoku at Tacloban ay natambad sa mata ng madla ang maraming magkakahawig na tanawin. Isa rito ay ang mga naligaw na barko sa lupain ng Eastern Visayas at sa Tohoku naman ay sa ibabaw ng mga bahay at mababang building ang nagsilbing limliman ng mga sasakyang pandagat pagkatapos tangayin at iwanan ng alon ng tsunami.

Isang pambihirang karanasan ng isa nating kababayang naninirahan sa Kesennuma, Miyagi-ken, ay ang pagkakaroon ng kakaibang bisita ang naratnan pagkaraang ang pamilyang nagbakwit para makaligtas sa tsunami ay bumalik sa tirahan. Nasurpresa ang lahat sa isang malaking pating sa loob ng bahay na namatay pagkatapos ang tubig dagat ng tsunami ay bumaba at naiwan ang dambuhala sa loob ng pamamahay ng ating kababayan.

Ang mga naiwan na mga matitibay na mga bahay at gusali na hindi nakayang gupuin ng marahas na alon ng tsunami ang isa sa mga kaibahan sa Tohoku sa halos literal na pinatag na mga munisipalipad sa Eastern Visayas. At ang pagkakahawig: mayaman o mahirap man ang lahat ay patas na babawian ng taglay na yaman o maging buhay ng natural na sakuna.

Nagising ang buong sambayanan ng Pilipinas at Japan pati ang buong mundo para magtulungan at pawiin ang hirap ng mga biktima ng malubhang kalamidad sa Eastern Visayas at Tohoku. Sa bansang salat ang bulsa ng karamihan ay buong puso at sigasig na nag-alay ang mga tao ng makakayanang halaga at oras para sa mga nabiktima ni Yolanda/Haiyan. Sa bansang pangalawa sa pinakamayamang bansa sa buong mundo, tumigil ang buong sambayanan sa regular na pamumuhay upang tugunan ang pangangailangan ng mga biktima ng delubyo ng 3.11.

Malaki ang responsibilidad ng pamahalaan sa panahon ng mga nasabing natural na kalamidad at sa tinatawag na “man-made” na kalamidad kagaya ng pagsabog ng plantang nukleyar sa Fukushima. Sa Tohoku at sa panig ng mga dayuhan kabilang ang mga Pilipino ay kinailangan pang tawagin ang pansin at batikusin ang lokal at pambansang pamahalaan para maisama sa bilang ang mga dayuhang migrante sa relief at rehabilitation program.

Isang malinaw na halimbawa rito ay nang obligahin ng publiko ang Tokyo Electric Power Corporation o TEPCO na namamahala sa plantang nukleyar sa Fukushima na magbayad sa naging kasiraan sa kabuhayan ng mga mamamayan dulot ng nuclear radiation mula sa nasirang plantang nukleyar. Sa bawat notice ng TEPCO ay nakasulat ang mga pangalan ng ama at mga anak subalit wala ang pangalan ng Pilipinang ina ng pamilyang Japanese-Filipino sa talaan ng dapat na tumanggap ng kabayaran mula sa TEPCO. At para sa kaalaman ng lahat ay hindi kukulangin sa dalawang libo ang bilang ng ating mga kababayan nakatira sa Fukushima-ken.

Mabuti na lamang at nakapagtayo ng samahan ang ating mga kababayan sa prefecture, ang Hawak-Kamay Fukushima (HKF) na naipagwagi na kilalanin at isama sa mga dapat tumanggap ng kabayaran ang lahat ng mga dayuhan na nakatira sa Fukushima. Nagdaos rin ng mga konsultasyon at diyalogo sa pagitan ng mga representante ng lokal na pamahalaan ng Iwate, Miyagi, at Fukushima at mga lider at kasapi ng mga Filipino community organization sa tulong ng Sagip-Tohoku/Japan dahil sa pagkawalang bahala sa kalagayan ng mga dayuhan.

Tampok na usapin sa mga konsultasyon ay ang hirap ng buhay ng mga naninirahan sa temporary shelter. Sa kuwento ni Agnes ng Fukushima, nalalaman niyang siya ay may katabi at kasabay sa paggamit ng toilet na manipis na dingding lamang ang pagitan sa katabing silid. Maliit ang magkakatabing kuwarto at nagkakarinigan ang lahat sa ingay pati ang mga paghilik. Parang freezer sa panahon ng tag-lamig at parang pugon naman sa panahon ng tag-init ang mga temporary shelter.

Sa napahayag na kontrobersyal na itinayong bunk-houses para tirahan ng mga biktima ni Yolanda/Haiyan dahil sa nasabing sakit na korapsyon ng pamahalaan, isa itong kagimbal-gimbal na pangitain batay sa magtatatlong taon karanasan ng ating mga kababayan na naninirahan sa temporary shelter sa Tohoku. Kaawa-awa ang stress na inaabot lalo na ng mga bata sa temporary housing sa Tohoku na sana ay hindi na dapat sapitin pa ng mga bata sa Kabisayaan na patitirahin sa ginawang bunk-houses na hindi alinsunod na pamahayan sa international standard.

Magtatatlong taon na rin para muling gunitain ang 3.11 Great East Japan Earthquake and Tsunami at magdadalawang buwan naman makaraan ang pananalanta ng super bagyong Yolanda/Haiyan. Pinatutunayan ng panahon na ang ating kinalulugaran na bansa bilang dayuhan at ang ating bayan na sinilangan ay magkaparehong nakaharap sa peligro ng kalamidad kagaya ng lindol, tsunami at malawakang pagbaha na regular nang bahagi ng ating pamumuhay.

Sa Japan ay kasama na sa kultura ng mga tao at may takdang patakaran ang pambansa at mga lokal na pamahalaan para sa kahandaan sa mga darating na disaster. Sa katunayan ay may palagian na disaster drills mula sa prefectural level, munisipyo, mga opisina, iskuwelahan at maging sa mga kapitbahayan sa buong bansa.

Sa kabilang banda, isang malaking disaster ang pamahalaan na hindi gumagawa ng patakaran at bigyan ng pagsasanay ang mga mamamayan para harapin ang natural na kalamidad. Disaster ito kung panatiliing ipailalim at pakinangin pa ang “pork-barrel” sa kamay ng mga pulitiko bilang tugon sa paghihirap ng mga biktima ng super typhoon Yolanda/Haiyan sa Eastern Visayas.

Naipahiwatig na ng panahon kung papaano ang pagkilos ng mga mamamayan sa Tohoku at Eastern Visayas ay may kakayahan at ang mga tunay na tumutugon sa pangangailangan ng mga bikitima ng mga kalamidad. Kaya hindi nalalayo na sa panahon ng Year of the Horse ay sipain ng nagkakaisang sambayanan ang kinakaharap na pinakamalaking disaster -- ang iresponsable, corrupt at tiwaling opisyal ng pamahalaan sa likod at sa harap ng mga kalamidad.


Martes, Marso 26, 2013


TEPCO idinemanda ng Pinay
Ni Enrique Gonzaga

Dalawang taon na ang nakalipas simula noong niyanig ng malakas na lindol at tsunami ang Fukushima na bahagi ng Tohoku region. Isa sa mga naging epekto nito ay ang nangyaring “meltdown” ng Fukushima nuclear power plant na pinamamahalaan ng Tokyo Electric Power Co. Ltd (TEPCO) at nagdulot ng banta sa kalusugan dahil sa radiation levels.

Isa mga naapektuhan nito ay ang pamilya ni Shigekiyo Kanno na nakapangasawa ng isang Pinay na si Vanessa Abordo at mayroong dalawang anak na lalaki. Pangunahing pinagkakakitaan ng mag-asawa ang sakahan sa Soma, Fukushima na hindi na napakinabangan dahil sa naturang sakuna.

Umabot sa 40 ang baka na inaalagaan ng mag-asawa bago maganap ang trahedya na pinagkukuhanan nila ng binibentang gatas. Subalit, 10 araw pagkatapos ng trahedya ay nagkaroon ng “core meltdown” ang tatlong nuclear reactors ng TEPCO kaya’t inatasan ang mga naninirahan dito na likasin ang kanilang mga tahanan. Ipinatigil din ng gobyerno ang pag-uungkat ng mga produkto na mula sa Fukushima kabilang na ang gatas, na negosyo ng mag-asawa, dahil sa panganib na “radioactive contamination.”

Napilitang umuwi ng Pilipinas si Vanessa noong Abril 2011 upang doon muna patirahin ang kanilang dalawang anak habang naiwan si Shigekiyo sa Japan. Nangako si Shigekiyo kay Vanessa na maghahanap na lamang ng bagong trabaho para pantustos sa gastusin ng pamilya.

Imbes na maghanap ng trabaho ay pinili ni Shigekiyo na magpakamatay. Lingid sa kaalaman ni Vanessa ay nakautang pala ang kanyang asawa ng limang milyong yen para sa pagpapagawa ng compost pit para sa kanilang sakahan.

Nag-iwan si Shigekiyo ng paumanhin sa kanyang asawa at pamilya dahil sa kanyang ginawa dahil nawalan na umano siya ng gana na maghanap ng bagong trabaho matapos ang nangyari sa ipinundar na sakahan.

 “Ipagpatawad mo na naging ama ako sa mga anak natin at hindi nakagawa ng kahit ano para sa inyo,” ayon pa sa isinulat ni Shigekiyo sa kanyang iniwang sulat.

Pinayuhan din ni Shigekiyo ang asawa na huwag ng bumalik ng Japan at siguraduhing palakihin ng mabuti at malusog ang kanilang dalawang anak na lalaki.

Dahil sa malungkot na nangyari, nagpasya si Vanessa na magsampa ng demanda sa TEPCO makalipas ang dalawang taon. Ani Vanessa na hindi siya nagtatanim ng galit sa TEPCO ngunit humihingi siya ng kabayaran sa danyos-perwisyo na sanhi ng nuclear plant meltdown.

“Lahat gagawin ko para sa aking mga anak,” ani Vanessa.

Ayon kay Yukuo Yasuda, abogado ni Vanessa, mabibigyan ito at ang kanyang mga anak ng compensation mula sa TEPCO dahil hindi sila tumira sa pabahay ng gobyerno na inilaan para sa mga biktima ng Fukushima.
Dagdag pa ni Yasuda, ang pagpapakamatay ni Shigekiyo ay bunsod ng nangyaring nuclear plant meltdown kaya’t dapat na magbigay ng compensation ang TEPCO sa pamilya ni Shigekiyo.




Linggo, Marso 10, 2013

Kwento ng 2 Pinay: Tuloy ang buhay pagkatapos ng 3/11 tragedy


Dalawang taon simula nang maganap ang trahedya sa Japan, partikular na sa Tohoku region, kung saan niyanig ang bansa ng lindol na may lakas na 9.0 sa Richter scale na sinundan ng malaking tsunami. Ito ang itinuturing na pinakamalagim na trahedya sa Japan pagkatapos ng ilang dekada.
Ayon sa ulat ng Japan National Police Agency, tinatayang nasa 15, 878 katao, 6, 126 ang sugatan at 2, 713 naman ang nawawala sa loob ng 20 prefectures. Bukod dito, ilang kabahayan at gusali ang gumuho kung saan umabot sa US$14.5 to $34.6 bilyon ang halaga ng danyos.

Sa trahedyang ito, maraming Pilipino ang lubhang naapektuhan ng insidenteng ito – bawat isa ay mayroong istorya ng kalungkutan, pangungulila, pag-asa at muling pagbangon. Dalawa sa kanila ay sina Lovely Pineda Ishii at Itou Charito Navalez.

Para sa kapakanan ng pamilya

Nanginginig at kinikilabutan pa si Lovely Pineda Ishii, tubong Davao, kapag inaalala ang nangyari noong Marso 11, 2011. Sariwa pa sa kanya ang alaala ng araw na iyon kung saan muntik nang mawala sa kanya ang bunsong anak na si Oubi. Halos kalalampas lamang ng sinasakyang school bus ng pitong-taong-gulang na anak nang gumuho ang dinaanang tulay.
Lovely Pineda Ishii

Malapit lamang sa nuclear plant sa Fukushima ang tinitirahan ni Lovely, hiwalay sa asawa, at may tatlong anak kaya’t nang sinabi ng mga awtoridad na kailangan nilang lumikas ng bahay ay agad itong nag-empake at pumunta sa evacuation center.

“Hindi na kami pinapayagang tanggalin ang aming masks dahil sa mataas na rin ang radiation count,” pahayag ni Lovely.

Ilang araw ng pagtigil sa evacuation center, sumabog ang Fukushima plant kaya’t kailangan nilang lumisan sa mas malayong lugar upang makaiwas sa panganib ng radiation. Napadpad ang mag-iina sa Tamura, 40 kilometro, ang layo mula sa planta at pagkatapos ay inilipat sila sa Aizuwakamatsu na mas ligtas na lugar.

Naawa si Lovely sa kanyang tatlong anak na sila Yudai, 12, Daichi, 10, at Oubi, dahil sa isang gymnasium sila nakatira kasama ang ilang daang katao.

“Naaalala ko noong panahon iyon, sa “taikukan” o gymnasium kami nakatira at hindi naging madali lalo na sa mga anak ko dahil halos isang komunidad ang kasama namin sa iisang bubong,” dagdag pa ni Lovely.

Makaraan ang isang taon, nagpasyang lumipat si Lovely sa Ichikawa, Chiba na sa tingin niya ay makakabuti sa kanyang mga anak. Mas ligtas umano dito at mas malayo sa pangamba kaya’t makapag-aaral ng mabuti ang kanyang mga anak ng walang takot.

Sa ngayon, inaatupag ni Lovely ang kanyang negosyo na Loyds International Marketing Kabushiki Kaisha na itinayo kamakailan lamang upang magbigay ng pangkalahatang serbisyo sa Filipino communities sa Japan.

Kwento ng pag-asa at pagbangong muli

Itou Charito Navalez at Bayanihan Kesennuma Flipino Community
Hindi na mawawala ang sakit at pait na idinulot ng trahedya kina Itou Charito Navalez at ng mga kasamahang Pilipino. Nakatira at nagtatrabaho si Charito kasama ang 70 Pilipina sa Kesennuma City, Miyagi Prefecture, kung saan 50% sa mga ito ay nagtatrabaho sa fish factory na malapit sa dagat.

Matapos ang trahedya, nawalan ng trabaho si Charito at mga kasama, na kasal sa mga Hapon, kaya’t umaasa lamang sila sa binibigay ng mga taong may magagandang kalooban sa kanila. Ang iba ay gusto nang umuwi ng Pilipinas ngunit sa huli ay pinili pa rin pumirme sa lugar dahil nagkaroon na sila ng pamilya rito.

Buti na lamang ay nakilala ni Charito at ng kanyang mga kasama ang ilang grupo ng simbahan at asosasyon ng mga Pilipino na tumulong sa kanila sa pinagdadaanang suliranin. Isa na rito ay ang Kesennuma Filipino Community na tumulong sa kanila na magkaroon ng trabaho.

Sa loob ng ilang buwan, binigyan sila ng grupo ng libreng pag-aaral at training para makakuha ng lisensiya bilang isang caregiver at bilang English teacher ng mga batan Hapon. Sa 34 Pilipina, isa si Charito sa nakapasa at nakakuha ng lisensiya bilang unang caregiver sa Miyagi at sa 10 English teachers, isa rin siya sa mga napili.

Hindi man kaagad maibalik ang lahat ng nawala, unti-unti siya at ang kanyang mga kasama na bumabangon at nagpupundar.

“Ang Panginoon ang lagi naming gabay sa pang araw-araw  naming buhay. Ang mga bagay na nawala ay lagging may nakahandang kapalit para sa atin mula sa Kanya. Kung kaya kailangang mahalin at pahalagahan ang mga biyayang ibinigay sa atin dahil maaari itong mag-iwan ng mapait na alaala at pagsisisi kapag ito’y nawala,” pagtatapos ni Charito.