Miyerkules, Hulyo 3, 2013

Richard - Marian: Kakaibang Pagsasanib-Puwersa



Ni Joseph Gonzales


Hindi maikakailang sina Richard Gutierrez at Marian Rivera ang dalawa sa pinakamalalaking bituin ng GMA-7. Base sa tagumpay ng mga proyektong tinampukan ng bawat isa sa bakurang kinabibilangan sa paglipas ng panahon, lalo ngang tumingkad ang kanilang popularidad at nagluklok sa kasalukuyang pedestal sa langit-langitan ng mundo ng aliwan. 

Unang pumutok ang pangalan ni Richard nang mag-bida sa “Mulawin” na naging isang malaking tagumpay sa ratings. Sinundan ito ng ilan pang hit shows na lalong naglapit sa binata sa masa: “Sugo”, “Captain Barbell”, “Lupin”, “Kamandag” at “Zorro.” Sa kanyang dalawang huling tinampukan, ang “Makapiling Kang Muli” at “Love & Lies” pinatunayan ni Richard na kaya niyang magdala ng programa kahit hindi hindi siya superhero tulad ng nakagawian na sa kanya ng mga manonood. Liban sa magandang ratings, nakakuha rin ang binata ng positibong review para sa kanyang akting. 

Ang maganda kay Richard, malawak ang kanyang perspektibo sa pagpapa-unlad ng kanyang karera sa showbiz. Hindi niya itinutuon lang sa isang direksyon ang lahat. Tulad na lamang ng pagho-host niya ng matatagumpay na reality shows at documentaries na tumatalakay sa kalikasan. Hindi nga puwedeng isantabi ang ginawang alingasngas ng “Survivor Philippines” ( dalawang edisyon) at “Oras Na” (isa sa mga highest-rating documentaries na kanyang tinampukan). Ang tagumpay ng mga nabanggit na programa ay nagpakita ng versatility ni Richard, na ‘di lamang siya sa aktingan maaasahan kundi maging sa pagho-host.

Sa larangan naman ng pelikula, hindi rin matatawaran ang rekord ng popular na aktor. Mula pa sa mga matagumpay na pelikulang pinagtambalan nila ni Angel Locsin tulad ng “Let the Love Begin”, “I’ll Always Love You” at “The Promise”, lalong tumaas ang antas ng kasikatan ni Richard. Tinagurian pa nga siyang Box-office Valentine King dahil sa tagumpay ng kanyang mga proyekto na laging ipinapalabas kapag sumasapit ang Araw ng mga Puso. 

Phenomenal namang maituturing ang nangyari sa career ni Marian. Mula sa pagganap bilang supporting star sa ilang hit soap operas ng Kapuso Network, ipinagkatiwala nga sa kanya ang mahalagang papel na “Marimar” na ang orihinal ay si Thalia. Niyakap nga siya ng sambayanang Pilipino dahil sa kanyang nabubukud-tanging interpretasyon ng karakter. Dito rin sila unang nagkakilala ng nobyong si Dingdong Dantes. 

Matapos ang “Marimar” ay binigyan pa siya ng GMA ng surefire hit soaps upang lalong patingkarin ang kanyang namumukadkad na kasikatan. Ginawa nga niya ang “Dyesebel” na naging consistent top-rater sa kanyang block. Lalo na ang “Darna” na talagang namayagpag sa ratings chart, na nagpapatunay na versatile ang mass appeal ni Marian: kahit mga bata ay gustu’ng-gusto siya.

Ang mga sumunod na behikulong ipinagkaloob ng GMA sa magandang bituin ay nagpalutang sa kanyang angking talino sa pagganap: “Ang Babaeng Hinugot sa Aking Tadyang”, “Endless Love”, “Amaya” (na nagpanalo sa kanya ng Best Actress sa Golden Screen Awards), at ang remake ng classic Koreanovela na “Temptation of Wife” kung saan, umani muli siya ng mga papuri. Lumutang din siya sa pagpapatawa sa mga sitcom na “Show Me Da Manny” at “Sweet for My Tweets.”

Hindi rin matatawaran ang mga pelikulang nagawa ni Marian na umukit na sa isipan ng madla tulad ng: “One True Love”, “Desperadas (1 & 2)”, “Bahay-Kubo”, “Tarot”, “Super Inday & the Magic Bibe” at “You to Me are Everything.” Ang tagumpay ng mga ito ay patunay lamang ng natatanging kinang ng bituin ni Marian bilang isa sa pinakasikat na artistang babae sa kasalukuyang panahon.

Sina Richard at Marian ay nagsanib-puwersa na rin sa pelikula at ito ay sa “My Best Friend’s Girlfriend” na tumabo nang husto sa takilya. Kuwela sa publiko ang tambalan nila at maging sa telebisyon ay pinagkatiwalaan din sila ng Kapuso management nang sila ang pinag-host ng remake ng “Extra Challenge.” Dahil sa kanilang chemistry, muli’y nag-rate nang husto ang naturang celebrity reality show. Obserbasyon ng karamihan, complementing ang karakter ng isa’t isa pagdating sa screen kaya laging may “fire” ang kanilang pagsasama.

Ganito rin ang inaasahan sa pagsasama nilang muli sa pelikula, sa “My Lady Boss” na handog ng Regal Entertainment at GMA Films. Kakaiba ang tema nito sa nauna nilang pinagtambalan dahil sa titulo pa lang, si Marian ang amo rito. Mainit ang pagtanggap ng publiko sa trailers ng pelikula. Dama agad na maghi-hit ito kapag ipinalabas ngayong Hulyo 
3. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento