Miyerkules, Hulyo 3, 2013

Ryzza Mae Dizon: Ang Bagong Child Wonder



Sa kasaysayan ng lokal na aliwan, marami sa ating mga sikat na artista ang nagsimula bilang child stars. Nariyan ang Star for all Seasons at Batangas Governor Vilma Santos-Recto. ‘Di rin magpapahuli sina Snooky Serna, Gina Alajar, Roderick paulate, Manilyn Reynes, Sheryl Cruz, Aiza Seguerra at siyempre pa, ang itinuturing na Child Wonder of Philippine Cinema, si NiƱo Muhlach. Kinagiliwan at minahal ng balana, hanggang ngayo’y nariyan pa rin ang nabanggit na mga bituin at patuloy na nagbibigay-aliw sa publiko. 

Ang pagiging child star ay isang mabigat na pundasyon ng isang artista. Maaga pa lang ay nakaukit na sila sa puso’t isipan ng balana. Minamahal sila ng madla dahil sa angking karisma at talent. Ganito nga ang naging kapalaran ng kasalukuyang hottest child star na si Ryzza Mae Dizon.

Produkto ng “Little Miss Philippines” ng malaganap na noontime variety show ng GMA-7 na “Eat Bulaga”, marami nga ang nasorpresa sa mabilis na pag-angat ng career ng bata. Natural na biba, nakakagigil at matalino, napakadali niyang tinangkilik ng lahat. Hindi lahat ng mga batang artista ay pinapalad na maging tanyag tulad ni Ryzza Mae ngayon.

Ang pitong-taong gulang na title holder ng 2012 Little Miss Philippines ay isa sa main attractions ng top-rating noontime variety show ng Kapuso network na “Eat Bulaga” kung saan, patok ang kanyang ka-cute-an. Nakikipagsabayan nga si Ryzza Mae sa husay ng buong cast ng “EB” mula kay Bosing Vic Sotto, Joey de Leon, Jose Manalo, Wally Bayola, Ryan Agoncillo, Ruby Rodriguez, Julia Clarete, Pia Guanio, Pauleen Luna at Isabelle Daza. Mahal na mahal nga ng buong “EB” family ang batang tunay na sikat na sikat sa ngayon.

Nag-set ng trend ang kanyang “Cha-Cha Rap” na naging pambansang sayaw ng mga Dabarkads. Marami sa studio audience ang nata-touch sa ginagawang paglilibot ni Ryzza Mae sa loob upang makipagkamay. Kuwela rin lagi ang kanilang kulitan nila Bosing Vic, Jose at Wally. Opening pa lang ay si Ryzza Mae nga ang hinihintay ng mga manonood.

Dahil sa ‘di matatawarang kasikatan ng bibong bagets, binigyan siya ng morning show ng GMA-7 na “The Ryzza Mae Show” na nagsisilbing primer ng “Eat Bulaga.” Ngayon nga’y siya ang pinakabatang talk show host sa telebisyon. At marami ang namamangha sa galing niyang mag-isip at mag-adlib. Napaka-natural ng dating ng kanyang pakikipagtalamitam sa kanyang mga panauhin. 

Isa sa mga positibong katangian ni Ryzza Mae ay ang kanyang pagiging mabuting bata. Halatang pinalaki siya nang maayos ng mga magulang. Napag-alamang noong bago mag-taping para sa pilot episode ng kanyang programa, inanyayahan niya ang mga nasa loob ng studio na magdasal.

Ayon din sa ina nitong si Ryzza, sa kabila ng pagiging abala ng bata sa kanyang showbiz career, gusto pa rin nitong mag-aral. Alam daw kasi niyang hindi panghabambuhay ang show business. Pero habang mainit pa, sinasamantala na rin ni Ryzza Mae ang panahon upang makapag-ipon at tumulong sa pamilya.

Malayo pa nga ang mararating ng isang Ryzza Mae Dizon sa langit-langitan ng lokal na aliwan. At sa determinasyon, sipag, kakayahan, natural na karisma, mabuting pakikitungo sa kapwa-artista at positibong working attitude, asahang lalong kikinang ang kanyang bituin!










Walang komento:

Mag-post ng isang Komento