Biyernes, Hulyo 5, 2013

Team Lakay, bokya sa ‘One FC: Rise to Power’


Ni Tim Ramos
Kuha ni Tim Ramos

Muling bumalik ng Pilipinas ang isa sa pinakapremyadong liga ng mixed martial arts (MMA) fighting sa Asya, ang Singapore-based na One FC, at sa kanilang inilunsad na palaro sa SM Mall of Asia Arena, ang ‘Rise to Power’, ni isa sa mga Pinoy na lumahok ay hindi pinalad na mag-uwi ng panalo.

Ang mga Pinoy na sumali na sina Eduard Folayang, Kevin Belingon, Rey Docyogen, Geje Eustaquio, at ngayo’y ex-champion na si Honario Banario, ay pawang miyembro ng Team Lakay, ang isa sa pinakamalaking grupo ng mga mixed martial artists sa Pilipinas. 

Marami ang nanghinayang sa pagkatalo ni Banario, na nagawa pang makaganti ng knockdown sa kalabang si Koji Oishi matapos siyang mapatumba ng huli sa unang round. Kung hindi pa sana tumunog ang bell sa pagtatapos ng nasabing round ay hindi malayong matagumpay sanang nadepensahan ni Banario ang kanyang One FC Featherweight World Champion title. Ngunit sa huli ay tila nagpabaya ang Pinoy at naging bukas para sa isang malakas na suntok mula sa Hapon sa 1:45 minuto ng ikalawang round. Naging sapat na ito para ipatigil na ng referee ang laban at ibigay na kay Oishi ang kampeonato.

Sa post-fight press conference, sinabi naman ni Banario na sinuwerte lamang si Oishi, lalo na’t alam niyang tinamaan ito nang matindi sa kanilang laban. Agad isinugod sa ospital ang Hapon pagkatapos ng match at hindi na ito nakadalo sa press con.

“He was lucky,” pahayag ni Banario. “Deep in my heart, I know I should have won the fight, he wasn't moving anymore, I thought the referee would stop it but he just didn't," dagdag pa nito.

Maganda naman ang ipinakita ng isa pang crowd favorite na si Eduard Folayang sa kanyang pakikipagtuos kay Kamal Shalorus. Kapansin-pansin ang pag-angat ng kanyang ground at grappling game, kung kaya’t hindi siya basta-basta nasa-submit ng kalaban. Taglay pa rin niya ang galing sa striking, ngunit nang lumaon ang laban ay naging one-dimensional ang kanyang laro kung kaya’t nagawang maiuwi ni Shalorus ang panalo pagkatapos ng isang unanimous decision na pabor sa kanya.

Isa pang umangat ang laro ay si Kevin Belingon, na noong nakaraang pagbisita ng One FC sa bansa noong isang taon ay halos hindi nakapalag sa kalabang si Soo Chul Kim. Sa Rise to Power ay hindi na nagpatalo sa ground game ang Pinoy kay Masakatsu Ueda, na ilang beses nagtangkang ipa-tapout si Belingon gamit ang iba’t ibang mga submission techniques. 

Naglaro din noong gabing iyon ang dalawang beteranong mula sa premyadong US MMA league na UFC na sina Phil Baroni at former champ Tim Sylvia, ngunit hindi rin pinalad ang mga ito sa kani-kanilang mga laban.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento