Ni Florenda Corpuz
Kuha ni Din Eugenio |
Tuwing panahon ng tag-init, pinananabikan sa buong Japan ang “hanabi” o fireworks display na ginaganap sa mga buwan ng Hulyo at Agosto. Bahagi ang hanabi ng mga masasaya at makukulay na pagdiriwang ng “matsuri” o festivals kung saan ito ang pinakatampok na atraksyon.
Malaki ang papel na ginagampanan ng hanabi sa kulturang Hapon. Sa katunayan, pinaniniwalaang ito ay nakakapagtaboy ng mga masasamang ispiritu. Ang kasaysayan ng hanabi ay nagsimula noong Edo period (1603-1867) kung saan dalawang sikat na pyro technicians, sina Tamaya at Kagiya, ang nagpakitang-gilas sa isang fireworks festival na ginanap sa Ryogoku Bridge (Sumida River). Kamangha-mangha ang ipinamalas nilang husay na nagbigay-daan upang sila ay kilalanin sa buong Edo at pakaabangan ng mga tao ang kanilang tagisan taun-taon. Magpahanggang ngayon ay maririnig na isinisigaw ng mga Hapon ang mga katagang “Tamaya!” at “Kagiya!” sa tuwing sila ay makakapanood ng nakakamanghang fireworks show.
Sinasabing ang hanabi sa Japan ay isa sa pinakamagandang fireworks display sa buong mundo na dinarayo ng libu-libong lokal at dayuhang turista. Ilan sa mga popular na fireworks shows na karaniwan nang dinadagsa ay ang Sumida River Fireworks na pinakamatanda at pinakasikat na fireworks show sa Japan kung saan umaabot sa 21,500 fireworks ang masisilayan; at ang Tokyo Bay Fireworks na nagtatampok sa higit sa 12,000 fireworks shells na ginaganap sa hilagang bahagi ng Rainbow Bridge at mapapanood sa iba’t ibang bahagi ng Odaiba.
Nariyan din ang Omagari National Fireworks Competition na isa sa mga nangungunang fireworks competition sa bansa kung saan pawang mga magagaling na pyrotechnic teams ang naiimbitahan; Nagaoka Fireworks sa Niigata na isa sa pinakamalaki sa buong Japan; ang Miyajima Fireworks na itinuturing na paboritong fireworks show ng mga litratista; ang Minato Kobe Fireworks Festival, Okazaki Summer Fireworks Festival, Lake Suwa Fireworks Festival, Takasaki Festival at marami pang iba pa.
Daan-daang libong fireworks shells na may iba’t ibang kulay, hugis at anyo ang ginagamit sa mga fireworks shows na ito. Isa sa pinakatampok ay ang Yonshakudama, ang pinakamalaking single firework shell sa buong mundo na may sukat na 48 inches sa diameter at may bigat na 930 pounds na kinilala pa ng Guiness Book of Records. Nariyan din ang Niagara sparklers na ipinupwesto sa ilalim ng mga tulay at nagiging hugis puso, smiley o cartoon character kapag sumabog.
Bukod sa hanabi, atraksyon din ang mga manonood na nakasuot ng traditional “yukata” o summer kimono na gawa sa cotton at ang mga kalyeng puno ng mga food stalls kung saan makakabili ang mga paboritong Japanese snacks tulad ng yakisoba, takoyaki, kakigori (shaved ice) at iba pa.
Kaiba man sa Pilipinas at ibang bansa kung saan tuwing Bagong Taon makakakita ng mga naggagandahang fireworks displays, sa Japan ay pangkaraniwan na itong panghalina sa panahon ng tag-init. Bukod sa kahalagahang pang-kultura nito, ang hanabi rin ay isang paraan para magsama-sama ang mga magkakapamilya at magkakaibigan.
Narito ang listahan ng ilang fireworks shows sa Japan na hindi dapat palampasin ngayong taon, ang karamihan ay libre para sa lahat habang ang iba naman ay may bayad:
Koto Fireworks Festival
Agosto 1
Arakawa-Sunamachi-Mizube Park
Kanagawa Shinbun Fireworks Festival
Agosto 1
Rinkou Park, Minato Mirai, Yokohama
Edogawa-ku Fireworks Festival
Agosto 3
Edogawa Riverside
Ichikawa City Nohryo Fireworks Festival
Agosto 3
Edogawa
Itabashi Fireworks Festival
Agosto 3
Arakawa riverside
Koga Fireworks Festival
Agosto 3
Koga City, Ibaraki
Tokyo Bay Grand Fireworks Festival
Agosto 10
Harumi Pier
Utsunomiya Fireworks Festival
Agosto 10
Utsunomiya, Tochigi
Kumagaya Fireworks Tournament
Agosto 10
Kumagaya City, Saitama
Kawasaki City Fireworks Festival
Agosto 17
Tamagawa Riverside
Chofu City Fireworks Festival
Agosto 24
Tamagawa Riverside
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento