Martes, Hulyo 30, 2013

Philippine School sa Japan


Ni Al Eugenio

Kahirapan ang nagbunsod sa marami nating kababayan na mangibang-bansa upang maitaguyod at mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang mga pamilya sa Pilipinas. Bagamat kulang sa karanasan, sinuong nila ang hirap at panganib ng pagdadayuhan. Ngunit sa kabila nito ay patuloy pa rin silang nakangiti na parang hindi iniinda ang nararamdamang pagod at kalungkutan. 

Dahil sa kakulangan ng tamang kaalaman at disiplina sa aspetong pang-pinansiyal, marami pa rin ang hanggang ngayon ay patuloy na nakikipagsapalaran sa legal o illegal man na paraan. Sa Japan, maraming mga OFWs na dito na permanenteng namamalagi dahil sa mga nabuong pamilya na bunga ng Filipino-Japanese marriage. Sa katunayan, pangatlo ang mga Pilipino sa dami ng bilang ng mga dayuhang nasa Japan, kasunod ng Koreans at Chinese. 

Tuwing umaga, patungo sa ating mga opisina o kaya naman sa hapon upang mamili ng ihahain para sa hapunan ay siguradong makakasalubong tayo ng mga batang patungo o kaya naman ay galing sa kani-kanilang paaralan. Kung inyong mapapansin habang tumatagal ang paninirahan natin dito sa Japan ay lalong dumarami ang mga kabataan na may halong lahi. Nakakatuwang pagmasdan dahil tila balewala ang pagkakaiba ng hugis ng kanilang mga mukha at kulay ng balat. Kasama sa mga estudyanteng ito ang mga kabataang may dugong Pilipino na dito na lumaki at nagkaisip.

Karamihan sa mga kabataang Filipino-Japanese ay sa mga Japanese public schools nag-aaral. Subalit ang mga magulang naman na nakakaangat sa buhay ay mas pinili ang international schools upang matuto ng ng wikang Ingles ang kanilang mga anak na maaaring makatulong pagdating ng panahon sa kanilang paghahanap ng trabaho. 

Ngunit para sa marami nating mga kababayan, ang mapag-aral ang kanilang mga anak sa isang international school na lubhang napakamahal ay suntok sa buwan. Kaya naman nakakalungkot na marami sa mga kabataang Pilipino dito sa Japan ay salitang Hapon at konting Filipino lamang ang tanging alam. 

Nakakapanghinayang na kahit ang iba sa kanila ay natuto ng Ingles, bilang may dugong Pilipino, patuloy silang nabubuhay na unti-unting nalalayo sa pagiging Pilipino. Napakararami sa kanila ang sabik na maging bahagi ng masayang kultura natin. Ang maintindihan ang ating mga biro, ang mga kahulugan ng ating mga awitin at ang marami pang bagay na tanging mauunawaan lamang kung lumaki sa paraan ng mga Pilipino. Hindi ba nakakalungkot isipin na ang mga kabataang ito ay hindi nakakaunawa ng masasayang bahagi ng ating kultura?

Marami ang nagsasabi na ang pagkakaroon ng Philippine school ay isang paraan upang mailapit sa ating kultura ang ating mga kabataang Pilipino na naririto sa Japan. Kung iisipin, bakit kaya tila napakadali para sa mga Koreans, Chinese, Indians, British at iba pang nasyonalidad na magbukas ng mga international schools dito? Siguro kung lahat ng Pilipino sa Japan ay magkakaisa at kung tutulong ang pamahalaang Pilipinas sa pamamagitan ng ating Embahada ay magagawan ng paraan na magkaroon ng Philippine school dito. 

Totoo, panahon na upang magkaroon ng sariling paaralan para sa mga Pilipino dito sa Japan, subalit taliwas sa akala ng marami, ang parang napakadaling deklarasyon na ito ay hindi ganoon kadali ipatupad. Maraming bagay ang dapat na isaalang-alang. Nariyan ang kinakailangang pera upang makapagpatayo o makaupa man lang ng gusali na magiging paaralan, ang mga pangunahing pangangailangan tulad ng lamesa, upuan, lugar na makakainan, lugar na mapaglalaruan. Mga gastusin sa mga bayarin sa gas, kuryente, tubig at telepono. Mga staff tulad ng tagapaglinis at tagabantay at higit sa lahat magagaling na mga guro. 

Ang lugar kung saan itatayo ang paaralan ay importanteng isyu rin na dapat bigyan ng kahalagahan sapagkat alam naman natin na partikular ang mga Hapon pagdating sa pag-iingay. Napakahalaga para sa kanila ng katahimikan. Kaya naman kung ating mapapansin maluluwang ang bakuran ng mga paaralan dito para hindi naiipon ang idinudulot nitong ingay.

Marahil marami ang magsasabi na ang mga mag-aaral ay magmamatrikula naman at mula sa matrikula nila kukunin ang mga kakailanganing gastusin. Totoo, ngunit magkano naman kaya ang nararapat na maging matrikula ng mga mag-aaral na hindi naman magiging mabigat para sa kanilang mga magulang, at ang paaralan ba ay maaaring kumita ng sapat upang maipagpatuloy ang operasyon ng institusyon?

Sa pananaw ng iba ay hindi naman kinakailangan na kumpleto agad ang mga antas sa bubuksang paaralan. Maaaring magsimula sa mga Philippine Nursery o Day Care Center para na rin makatulong sa mga magulang na parehong naghahanapbuhay. Maaari rin naman na para sa elementarya o high school muna kung saan ang curriculum sa Pilipinas ang sinusunod. Maaari rin na magkaroon ng isang paaralan na ang ituturo ay tungkol lamang sa wikang Filipino at tungkol sa ating mga kultura na hindi kailangang mamili ng edad o nasyonalidad. 

Kung sakaling magkaroon ng katuparan ang pangarap na ito, maaari itong magdulot ng pagbabago sa pananaw ng lipunang Hapon sa ating mga Pilipino. Hindi lamang marami ang matututuhan sa atin ang mga kabataang Pilipino na dito na lumaki, kung hindi tayo rin na hindi masyadong nakakaunawa sa kultura ng Japan ay may matututuhan mula sa kanila.

Marami pa ang mga suliranin na kakaharapin bago magkaroon ng Philippine school sa Japan ngunit sana ay dumating ang panahon na ang bawat isa sa atin ay magkaisa at makahanap ng paraan upang mabigyan ng pagkakataon ang mga kabataang Pilipino dito na mas maunawaan ang kulturang kanilang pinagmulan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento