Ni Florenda Corpuz
Kuha ni Din Eugenio |
Matagumpay na ginanap ang prestiyosong pre-pageant night ng “Miss Philippines-Japan 2013” sa New Japan Club sa Shinjuku kamakailan sa pangunguna ni
Dabawenyos’ Organized Society Japan (DOS-J) founder Joseph Philip Quitain Banal.
Labing-apat na naggagandahang dilag mula sa iba’t ibang sulok ng Japan ang opisyal na ipinakilala na siyang magtatagisan ng talino’t ganda para sa titulong “Miss Philippines-Japan 2013” sa isang engrandeng pagtatanghal na gaganapin sa Agosto 18 sa lungsod ng Yokohama.
Kabilang sa mga kandidata sila Sheryl Lenie Esumi ng Shizuoka-ken, Yuuki Du Sonoda ng Chiba-ken, Mai Patawaran, Kaori Sta. Ana Ebihara at Nika Maling Okaochi ng Kanagawa-ken, Mariz Jean Bautista Solano ng Gifu-ken, Sayaka Sebastian ng Nagano-ken, Dayanara Argarin Polangcos ng Saitama-ken, Marina Molina Asano, Yuuki Ponteras Akimoto, Midori Naviamos Sakurai, Seira Castro Suzuki, Naomi Bernardo Takahashi at Mayu Eustaquio Murakami ng Tokyo.
Nagpakitang-gilas sa pag-rampa ang mga kandidata nang sila ay ipakilala sa mga manonood. Nagpasiklaban din ng husay sa pagkanta, pagsayaw, pag-arte, pagpinta at pagtugtog ang bawat isa sa kanilang talent portion.
Naging mas espesyal ang gabi nang magtanghal ang ilang miyembro ng DOS-J. Pinalakpakan si Carol Inagaki sa kanyang sariling rendisyon ng Tina Turner hit na “Addicted to Love” na sinabayan pa ng kanyang funny antics.
Bukod sa pinaglalabanang titulo, may tatanghalin din na “Miss Luzon”, “Miss Visayas”, at “Miss Mindanao”. Mayroon din bibigyan ng special awards na “Best in Talent, “Best in Evening Gown”, “Best in Yukata” at “Best in Swimwear”.
Kabilang sa mga hurado ng patimpalak ay sina Madame Maria Teresa Lopez, Captain at Philippine Navy Defense and Armed Forces Attaché Samuel Felix, Erika Nakazato, Daisy Jumilla at Chie Koshida.
Nagbigay naman ng mainit na pagbati si Ambassador Manuel M. Lopez samantalang nagpahayag naman ng pasasalamat at pagtanggap sa mga panauhin si DOS-J founder Joseph Philip Quitain Banal.
“Noong una ako ay napaisip kung magtatagumpay ang proyektong ito ng DOS-J pero ngayon sa ikalawang taon nito ay may 14 na kandidata, nakakatuwang may general acceptance na from all over Japan,” pahayag ni Ambassador Lopez.
“Kung mahusay ang ating kandidata, Madame Lopez will not be reluctant to endorse our candidate to Mrs. Stella Araneta,” dagdag pa ng ambassador.
Ito ang ikalawang taon ng patimpalak na bahagi ng taunang Kadayawan Festival sa Tokyo na ino-organisa ng DOS-J.
Nagsilbing hosts ng gabi sina Ana Margarita Teodoro at Sharon Francisco.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento