Lunes, Hulyo 29, 2013

75 undocumented OFWs sa Japan, deported


Ni Florenda Corpuz
Kuha ni Din Eugenio

Tinatayang 75 Pinoy deportees na lumabag sa immigration laws ng Japan ang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sakay ng isang chartered plane ng Japan Airlines kamakailan.

Dumating sa NAIA ang mga deportees kung saan 54 ang lalake, 13 ang babae at walo ang bata. Maliban sa mga babae at bata, nakaposas na dumating ang mga lalakeng deportees na bahagi ng standard operating procedure ng pamahalaang Hapon sa tuwing may mga dayuhan na idine-deport.

Sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Spokesman Asstistant Secretary Raul Hernandez sa isang press briefing na ang mga nasabing deportees ay ang unang batch ng mga undocumented OFWs sa Japan na pinauwi sa Pilipinas bunga ng mass deportation tactic ng pamahalaang Hapon. 

Ayon pa kay Hernandez, ang mga undocumented OFWs na may malubhang karamdaman, may mga kamag-anak sa Japan at may mga nakabinbing kaso sa korte ay hindi kabilang sa deportation. Sinabi rin niya na ang mga Pilipino ang pangatlo sa bilang ng mga dayuhan na may pinakamaraming immigration violations sa Japan kasunod ng mga South Koreans at Chinese.

“Prior to the deportation of the 75 Filipinos by chartered flight, there were over 200 Filipinos in Japanese immigration centers, constituting the highest number of foreign nationals detained in these centers,” dagdag pa ni Hernandez. 

Samantala, ayon sa pahayag ng Migrante-Japan ang mga nabanggit na deportees ay pwersahang kinuha mula sa mga detention facilities umaga ng Hulyo 6 kung saan ang iba ay nakapantulog pa. Sila ay sinakay sa bus patungong Narita International Airport. 

Itinanggi naman ni Philippine Embassy to Japan Consul General Marian Jocelyn Tirol-Ignacio sa panayam ng GMA News Online ang mga alegasyon na target lamang ng ongoing crackdown ng pamahalaang Hapon ay ang mga undocumented OFWs.

“This year, Japan decided to deport undocumented persons without their consent. The ‘forced’ deportations were already public knowledge,” pahayag ni Ignacio sa panayam ng GMA News Online.

Sinabi rin ni Ignacio sa panayam naman ng Pinoy Gazette na may seminar na ibinibigay ang Embahada sa mga OFWs na nananatiling nakapiit sa mga detention facilities. Tinatalakay dito ang pang-ispiritwal, pang-emosyonal at pampinansiyal na aspeto ng buhay ng mga detainees at ang re-integration program ng pamahalaang Aquino na naghihintay sakaling sila ay mapauwi ng Pilipinas. 

Sinamahan ng mga Japanese immigration officials, interpreter, doctor at mga kinatawan ng Embahada ng Pilipinas sa Japan ang mga deportees. Prinoseso ang kanilang mga dokumento sa tarmac ng NAIA kung saan sila ay sinundo ng mga kinatawan ng Department of Foreign Affairs, Bureau of Immigration, Overseas Workers Welfares Administration at Department of Social Welfare and Development. 
Naglaan ng 30 million yen ang pamahalaang Hapon para sa mass deportation tactic na sinimulan ngayong taon. Ayon sa Immigration Bureau of Japan, ang paggamit ng chartered plane ay mas mura at hindi makakaabala sa pangkaraniwang pasahero ng mga commercial flight.

Aabot sa 62,000 ang illegal immigrants sa Japan kung saan 5,700 ay mga Pilipino.  

2 komento:

  1. naku di naman mangyayari yan kung meron silang proper documents kawawa naman pati mga bata nadamay :(

    TumugonBurahin
  2. kasinungalingan! ang pinaka illegal lng ng mga Pinoy/Pinay dito sa Japan is being undocumented residence.Panong mangyayaring pangatlo ang Pilipino sa pag labag ng BATAS ng Bansang Hapon? Ung mga nasa loob ng Philippine Embassy no disrespect po pero baket di nyo po itry ang mamuhay sa LABAS ng opisina ng Embahada ng Pilipinas para mas lalo nyong makita kung pano mamuhay ng maayos at matino ang mga kapwa PILIPINO nyo kasama ng mga Hapon? LORD HAVE MERCY!!!!

    TumugonBurahin