Martes, Hulyo 30, 2013

Sec. Alcala, hinimok ang OFWs na mamuhunan sa agribusiness


Ni Florenda Corpuz


“Hinihikayat ko ang mga OFWs na maglaan ng kanilang kita at mag-negosyo sa agrikultura sa kanilang mga probinsya upang mabigyan ng magandang pagkakakitaan ang kanilang pamilya at makatulong sa pag-unlad ng ating kanayunan”, ito ang panawagan ni Department of Agriculture (DA) Secretary Proceso J. Alcala sa agribusiness investment forum na idinaos sa Multi-Purpose Hall ng Embahada ng Pilipinas sa Tokyo kamakailan. 

Hinimok ng kalihim ang mga dumalong Overseas Filipino Workers (OFWs) na mamuhunan sa pagsasaka at pangisdaan sa Pilipinas.

Iprinisinta nina Alcala at mga kasamang opisyal ng kagawaran ang agribusiness program na ginawa bilang bahagi ng National Re-integration o Balik-Manggagawa Program ng administrasyong Aquino. Sa kanilang presentasyon, tinalakay ang iba’t ibang oportunidad sa agrikultura (crops, livestocks at fisheries) at ang malaki nitong business potential sa mga gustong mamuhunan. Kabilang rin sa agribusiness program na ito ang pagbibigay ng ahensya ng libreng tulong teknikal at pagbibigay ng suporta sa mga negosyo na sisimulan ng mga OFWs upang makapasok sa merkado.

Sa ginanap na forum, namigay ng modules sa mga OFWs kung saan nakalagay ang mga impormasyon tulad ng pagtatayo ng negosyo sa agri-fishery kasama na ang start-up capital, viability of location, market, prevailing costs at return on investments. 

Nabigyan din ng pagkakataon ang mga OFWs na interesadong mag-negosyo na humingi ng payo mula sa mga eksperto galing sa DA-Agribusiness and Marketing Assistance Service (AMAS), Livestock Development Council (LDC) at Bureau of Plant Industry (BPI).

Umigting din ang interes ng daan-daang dumalong OFWs sa agribusiness nang magkaroon ng raffle kung saan iginawad ng mga opisyal ng kagawaran sa mga maswerteng nanalo ang mga premyong start-up packages ng crop seedlings, fingerlings at goat/sheep livestock kung saan ide-deliver sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas.

Ayon kay Alcala, ang proyektong ito ng DA ay bahagi ng pasasalamat ng administrasyong Aquino sa mga OFWs na may malaking ambag sa ekonomiya ng Pilipinas. 

“Sa pag-asenso ng ating bansa, wala na dapat maiwanan. Lumingon at magpasalamat sa mga OFWs at pakinabangan nila at ng kanilang mga pamilya ang kanilang mga pinagpaguran sa kanilang pangingibang-bansa,” ani Alcala.

“Bilang isang dating OFW, sinasabi ko sa inyo na may mangyayari rito. May pera rito at malaki ang kita rito. Wala nang sasarap sa bumalik sa sariling bansa kasama ang pamilya at may pagkakakitaan,” dagdag pa ng kalihim.

Samantala, malaki rin ang pasasalamat ng mga OFWs na dumalo sa forum. Ayon sa kanila, maaari na silang umuwi ng Pilipinas at magsimula ng negosyo sa sariling bansa.

Ang agribusiness investment forum ay proyekto ng DA sa pakikipagtulungan ng Department of Labor and Employment (DOLE). Ito ay bahagi ng PhP2 billion OFW Re-integration at agribusiness program na inilunsad kamakailan ng dalawang ahensya. Layunin nitong hikayatin ang mga OFWs at kanilang pamilya na bumalik sa pagsasaka at makatulong sa pag-unlad ng ekonomiya sa bansa. Hangad din ng proyektong ito na makamit ng Pilipinas ang seguridad sa pagkain. 

Ito ang pang-anim na forum na inorganisa ng DA kabilang na ang ginanap na forum sa United Arab Emirates, Italy, Singapore at Hong Kong.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento