Martes, Oktubre 1, 2013

26th Tokyo Int’l Film Fest gaganapin sa Oktubre



Ni Florenda Corpuz




TOKYO, Japan – Idaraos ang prestihiyosong 26th Tokyo International Film Festival na may slogan na “A Films-First Festival” sa darating na Oktubre 17-25 sa Roppongi Hills at iba pang lugar sa Tokyo.

“This year, we will be celebrating the 26th Film Festival. Our predecessors have achieved a lot, many of which we should inherit. To remember the spirit of those who started 1st TIFF, we made a slogan “A Films-First Festival,” pahayag ni TIFF Director General Yasushi Shiina.

Napiling opening film ng 26th TIFF ang pelikulang “Captain Phillips” ni Paul Greengrass na pinagbibidahan ng two-time Oscar winner na si Tom Hanks. Ito ay hango sa tunay na pangyayari kung saan isang barko ang na-hijack ng mga Somali pirates noong 2009. 

Nakatakdang bumisita si Hanks sa Japan para ipakilala ang pelikula na kanyang pinagbibidahan. Matatandaang huling binisita ng aktor ang bansa taong 2009 nang kanyang i-promote ang pelikulang “Angels and Demons”. Samantala, ang “The Kiyosu Conference” naman ng magaling na Japanese director na si Koki Mitani ang magsisilbing closing film.

Pinakilala rin ang singer at aktres na si Chiaki Kuriyama bilang “festival muse” na sumikat internationally dahil sa kanyang pagganap sa mga pelikulang “Battle Royale” at “Kill Bill Vol. 1.” 

“I am very happy to serve as the festival muse for the 26th Tokyo International Film Festival. I love watching movies but also as an actress, I feel the joy of entertainment in filmmaking through strong teamwork. So this is a great honor for me to be a part of this wonderful festival that connects Japan and the world. I am looking forward to fulfilling my role with delight and commitment,” ani Kuriyama. 

Nahahati sa limang bahagi ang festival na kinabibilangan ng Competition, Asian Future, Special Screenings, Japanese Eyes at World Focus sections.

Magsisilbing jury president ng international competition ang magaling na Chinese filmmaker na si Chen Kaige. Si Kaige ay nakilala sa kanyang pelikulang “Farewell My Concubine” na ginawaran ng Palme d'Or sa Cannes Film Festival. Siya rin ay recipient ng Akira Kurosawa Award bilang most talented director noong 21st TIFF.

Samantala, napili naman ang pelikulang “Norte, The End of History” ng Filipino multi-awarded independent filmmaker na si Lav Diaz na ipalabas sa World Focus section ng 26th TIFF. Ito ay pinagbibidahan nina Sid Lucero, Angeli Bayani at Archie Alemania. Tanging mga internationally-acclaimed films sa iba’t ibang film festivals sa buong mundo ang ipinapalabas sa bahaging ito ng festival. Ang pelikula ay co-presented ng Yamagata International Documentary Film Festival.

Isa rin sa highlight ng festival ay ang Competition section kung saan gagawaran ng “Tokyo Sakura Grand Prix” award ang mananalong pelikula. Noong nakaraang taon, nakatanggap ng 1,332 movie entries mula sa 91 bansa ang TIFF committee.

Ang Tokyo International Film Festival ay isa sa pinakamalaking film festivals sa buong Asya. Layon nitong bigyan ng pagkakataon ang mga film fans na mapanood ang mga high-quality at world-class films mula sa Japan at ibang bansa. 


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento