Linggo, Agosto 31, 2014

‘Rurouni Kenshin: Kyoto Inferno’ – Ang Ikalawang Hirit

Ni Herlyn Alegre at Jovelyn Javier


Ang “Rurouni Kenshin,” mas kilala sa Pilipinas bilang “Samurai X,” ay orihinal na nagsimula bilang isang popular na manga sa Japan na isinulat ni Nobuhiro Watsuki at inilathala mula 1994-1999 sa Shonen Jump. Ipinalabas ang anime version nito na binubuo ng 95 episodes mula 1996-1998. Noong 2012, ginawa itong pelikula na dinirek ni Otomo Keishi at pinagbidahan ni Sato Takeru bilang Kenshin. Kasami rin dito sina Takei Emi bilang Kaoru, Munetaka Aoki bilang Sanosuke, Yu Aoi bilang Megumi, Tanaka Taketo bilang Myojin Yahiko at Eguchi Yosuke bilang Saito.

Ngayong Agosto ay ipinapalabas ang pangalawang pelikula nito, ang “Rurouni Kenshin: Kyoto Inferno” kung saan kasama sa cast si Maryjun Takahashi, isang half-Japanese, half-Filipino na actress at modelo, bilang Komagata Yumi. Ang ikatlong bahagi ng pelikula, “Rurouni Kenshin: The Legend Ends,” ay ipapalabas ngayong Setyembre.

Ang Pagtanggap sa Unang Pelikula

Unang ipinalabas ang “Rurouni Kenshin” noong Agosto 25, 2012 sa Japan. Kumita ito ng higit $36M sa Japan lamang at higit $60M sa buong mundo. Ipinalabas din ito sa iba’t ibang bansa sa Asya, Europa at Amerika.

Ang Kwento ni Kenshin

Sa unang pelikula ipinakita kung paano tinalikuran ni Kenshin, isang bihasang assassin, ang pagpaslang. Matapos siyang maging bahagi ng isang digmaang nagpabagsak sa shogunate at nagbibigay-daan sa isang bagong era sa kasaysayan ng Japan, ang Meiji Period.
           
Sa ikalawang bahagi ng pelikula, ipinakita kung paanong namumuhay ng tahimik si Kenshin kasama ang mga kaibigan niya sa Kamiya Dojo. Hindi nagtagal ang kapayapaang ito dahil ipinatawag siya ng isang opisyal ng gobyerno para sa isang espesyal na misyon – ang pumunta sa Kyoto at harapin si Shishio, isa ring dating assassin na ngayon ay nagbabalak na pabagsakin ang gobyerno.

Kasaysayan at Pop Culture

Ang Rurouni Kenshin ay nagsimula bilang manga, naging anime at ngayon ay pelikula na. Isa itong halimbawa ng mayamang pop culture ng Japan. Naililipat nila sa iba’t ibang genre ang isang kwento. Isa sa kagandahan ng kwentong ito ay ang pagiging grounded sa kasaysayan ng mga kaganapan dito. Historical ang setting pero fictional ang plot. Ang Meiji Period, kung saan naka-set ang kwento ay isa sa pinakamahalagang bahagi ng kasaysayan ng Japan dahil ito ang panahon kung kailan nagsimulang magbukas ang Japan sa impluwensiya ng Kanluran. Mainit na naipakita ng kwento ang maraming mga magkakalabang ideolohiya na nagbubungguan, mga paniniwala at prinsipyo na ayaw isuko at bitawan. Naging behikulo ang pop culture para ipakita ang mensahe na nakapaloob sa kwento at hindi lamang ito naibahagi sa mga manonood sa Japan kung hindi sa mga nasa ibang bahagi pa ng mundo.

Pagbisita sa Pilipinas

Dumating kamakailan sa bansa ang tatlo sa main cast ng Rurouni Kenshin movies na sina Sato Takeru (Himura Kenshin), Takei Emi (Kamiya Kaoru), Aoki Munetaka (Sagara Sanosuke) at ang kanilang direktor na si Otomo Keishi para sa ginanap na Asian Premiere ng Rurouni Kenshin: Kyoto Inferno, ang pangalawang pelikula sa three-part live action film adaptation ng popular na anime at manga na Rurouni Kenshin mula sa panulat at ilustrasyon ni Watsuki Nobuhiro.

Personal na pinili ng Warner Bros. Japan ang Manila para pagdausan ng kauna-unahang Asian Premiere sa isang Japanese movie, bilang pagkilala sa napakagandang record na naitala ng unang pelikula na ipinalabas noong 2012 dito sa bansa. Ani William Ireton, presidente and representative director ng Warner Entertainment Japan, mahalaga ang Philippine market para sa Rurouni Kenshin franchise at ang pagbisita ng cast at direktor ay magandang pagkakataon para personal na makasalamuha at magpasalamat sa suporta ng mga masugid na tagahanga ng Rurouni Kenshin.

Dalawang araw ang naturang event, kung saan ginanap sa SM Megamall ang red carpet procession at premiere ng pelikula at sinundan ng public press conference sa Glorietta Activity Center ng sumunod na araw.

Mainit silang sinalubong ng mga fans sa pagdating nila sa SM Megamall at kitang-kita ang kanilang pagkamangha sa malaking suporta ng mga Pinoy. Unang bumati sa mga fans si Aoki Munetaka nang sumigaw siya ng “Magandang gabi po!” na siyang nagpalakas lalo ng hiyawan. Hindi rin naman nagpahuli si Takei Emi sa pagsasalita ng Tagalog gaya ng “Mahal ko kayo” at “Salamat po.” Sobrang ikinatuwa naman ng mga fans nang magpakilala si Sato Takeru sa Tagalog, “Kumusta? Ako po si Sato Takeru. Masaya ako, nagkita tayo.” 

Bago matapos ang press con, isang malalim na sagot ang binigay ni Sato Takeru patungkol sa magandang aral na makukuha ng mga tagapanood, lalo na sa mga hindi pamilyar sa kwento nito.
People would say to just forget the past and move on. But in my case, I feel how Kenshin is, how he still lets his past influence his life. I feel that it's also very admirable that he still remembers and looks back to his past and tries to live a better life based on that past. And for me, hopefully everyone could also learn that way of looking at the past, living and moving forward.
Natapos ang press conference sa positibong mensahe ni Sato Takeru. “I hope that RK will pave the way for more Japanese movies in the Philippines, with that I hope I can come back again. Looking forward to meeting all of you again. Thank you so much for coming today.” 
Pinarangalan din sila ng Makati City Council bilang cultural friendship ambassadors sa pag-uugnay nila ng kulturang Japanese at Pinoy sa pamamagitan ng Rurouni Kenshin.
Base ang dalawang sequels sa Kyoto Arc ng sikat na manga at naka-sentro sa pagharap muli ni Kenshin sa isang malaking hamon at ang posibleng pagbalik niya sa dating buhay bilang isang “hitokiri” (assassin) dahil sa nagbabadyang panganib sa Japan mula sa isa ring “hitokiri” na si Shishio Makoto.
Palabas na sa ‘Pinas ang Rurouni Kenshin: Kyoto Inferno nitong Agosto 20 at sa Setyembre 24 naman ang Rurouni Kenshin: The Legend Ends.
Tampok din sa dalawang pelikula sina Iseya Yusuke (Shinomori Aoshi), Aoi Yu (Takani Megumi), Tanaka Min (Kashiwazaki Nenji), Eguchi Yosuke (Saito Hajime), Fujiwara Tatsuya (Makoto Shishio), Kamiki Ryunosuke (Seta Sojiro) at marami pang iba.


Miyerkules, Agosto 13, 2014

Joanna Ampil: Crossing Musical Boundaries

Joanna Ampil

Hindi matatawaran ang galing ni Joanna Ampil sa teatro -- mula sa pagganap bilang Kim sa “Miss Saigon,” Eponine at Fantine sa “Les Miserabes,” Mary Magdalene sa “Jesus Christ Superstar,” Maria sa “Westside Story,” Sheila sa “Hair,” Maria sa “Sound of Music,” at nito lamang bilang Grizabella sa “Cats.”

Sa edad na 17 ay nadiskubre ang ngayon ay 39-taong-gulang na si Joanna ni Cameron Mackintosh, ang kilalang British theatrical producer, para gumanap bilang Kim  sa pamosong play na Miss Saigon.

Isang pangarap na natupad para kay Joanna ang pag-arte at pagkanta sa entablado na labis niyang ipinagpapasalamat. Aminado ang magandang theater actress na ang kanyang mga narating sa kanyang karera ay produkto ng disiplina at patuloy na paglinang ng kanyang kakayahan bilang alagad ng sining.

“Maraming disiplina ang kailangan, that’s number one. Never give up on your dream and do not take things personally.

 “And to keep improving on your craft, kailangan you are never satisfied. You are never contented with what you have and what you are. It really should be about constantly educating yourself to keep learning. It’s never a bad thing,” pahayag ni Joanna.

Kaya sa bagong self-titled album na inilabas ni Joanna sa ilalim ng Viva Records, maririnig ang pagbibigay niya ng saliw sa mga kantang isinulat ng ilang magagaling na kompositor sa bansa tulad nina Vehnee Saturno, Willy Cruz, Jimmy Borja at Tito Cayamanda na nagpapakita ng kanyang galing, lalim, at maemosyong pag-awit.

Carrier single ng album ang “Hanggang Saan” na isinulat ni Vehnee habang ang ilan pang kantang nakapaloob dito ay ang “The Only Place To Be,” “Smile,” “Kailangan Kita,” “Never Thought I’d Feel This Way Again” kasama si Martin Nievera, at “Kumusta Ka” na ang kanyang ka-duet naman ay si Mark Bautista.

“I have 11 songs. And I got 3 duets and few revivals but mostly are originals. Every single one is a choice of mine and of course Boss Vic. I have to fall in love with every single song,” pahayag ni Joanna.

“I like to be challenged, hopefully that’s a good thing because all the songs here are vocally challenging. I think I like belty songs, I do like to exercise my soprano tone and I’ve always been a belty singer. In fact, I’m a huge fan of Mariah Carey.”

Ipinagpasalamat din ni Joanna ang pagtanggap ng “Concert King” na si Martin sa kanyang paanyaya na maka-duet siya sa “Never Thought I’d Feel This Way Again” na komposisyon ng Italian pop star na si Tony Renis na sumulat din ng sikat na kantang “The Prayer.”

“I’m so lucky that Martin said yes to this. We’re corresponding via Facebook, Martin and I, and then he agreed. But because Martin was so busy and I was doing ‘Cats,’ he recorded it in Los Angeles and I recorded mine in Milan and some of the other lines in Los Angeles as well. It works. I mean, it sounds really good. I’m very happy with it!”

Inabot man ng dalawang taon ang paggawa niya ng bagong album ay masayang-masaya si Joanna sa kinalabasan nito dahil sa naging hands-on siya rito.

“It’s 2 years in the making and I’m very proud of it because they gave me the freedom to choose some of the songs as well and to be quite hands-on with this project,” pag-amin ng theater star.
Nakatakda rin niyang gawin ang movie adaptation ng musical play na “Larawan” na hango naman sa obra ni Nick Joaquin na “The Portrait of an Artist as a Filipino.”

“I’m doing “Larawan” next year. I’m very excited about it because I can get to work with the most amazing legends; Mr. C, Loy Arcenas is directing it, Celeste Legaspi who’s producing it along with my manager Girlie Rodis. I’m so happy to be part of this. I’m so lucky.”

Martes, Agosto 12, 2014

Blogging tips for newbies



Mapapansin natin na marami na ang nagbago sa pagdaan ng panahon kung teknolohiya ang pag-uusapan – kung dati’y makinilya ang gamit, ngayon ay computer na o kaya kung dati’y nagpapadala ng sulat sa mga kartero, ngayon ay sa pamamagitan na ng e-mail, at kung dati’y telepono lamang ang paraan ng pakikipagkomunikasyon, ngayon ay may mobile phones na may iba’t ibang applications.

Isa rin patok na patok na ngayon ay ang pagba-blog na isang makabagong bersyon ng pagsusulat sa diary.  Sa pamamagitan ng blog na maaaring makita sa pamamagitan ng Internet, naipapahayag ng isang blogger ang kanyang mga kaalaman at opinyon sa maraming bagay na maaaring mabasa ng netizens.

Marami na ngayon ang kilalang bloggers sa larangan ng pulitika, fashion, entertainment, teknolohiya, negosyo, pagluluto, relihiyon, at iba pa. Bukod sa nagagawa nila ang kanilang hilig sa pagsusulat tungkol sa mga pinagkakainteresang mga bagay, naibabahagi rin nila ito sa maraming mambabasa at maaari rin silang kumita rito batay sa popularidad ng kanilang blog.
Kung nagbabalak na gumawa ng blog ay narito ang ilang tips na dapat ikunsidera:

Nilalaman ng blog. Isa sa pinakakritikal sa paggawa ng blog ay ang pag-iisip at pagdedesisyon kung ano ang nilalaman nito. Maganda na isulat sa iyong blog ang mga bagay na mayroong kang sapat na kaalaman at kinahihiligan mo dahil sa pamamagitan nito ay mararamdaman ng mga mambabasa na gusto mo ang ginagawa mo. Ito ba’y tungkol sa mga bagong gadgets? Sa mga artista? Sa mga pagkaing iyong niluluto? Sa mga nagaganap sa iyong kapaligiran? Musika? Gawing kakaiba at makabuluhan ang bawat isusulat dahil nais ng iyong mambabasa na matuto at malibang.

Layout ng blog. Mas babasahin ang iyong blog kung kanais-nais ang layout nito, “reader-friendly” kumbaga. Siguraduhin na maganda ang disenyo ng iyong blog; iyong paraan na unang kita pa lamang sa iyong isinulat ay maeenganyo na silang basahin ito kaysa tamarin. Marami ng themes na maaaring pagpilian kapag gagawa ng blog sa Wordpress, Blogger o Tumblr. Subalit, kung mayroon ka namang sapat na pera o mga kaibigan na may kaalaman sa pagdidisenyo ng website ay huwag magdalawang-isip na magbayad o humingi ng tulong.

Paglalaan ng oras. Matrabaho rin ang pagba-blog. Upang hindi mawalan ng mambabasa ay dapat na mag-post ka ng isang entry sa iyong blog ng regular. Dapat ay kada araw o dalawa ay mayroong bagong nababasa sa iyong blog at hindi iyong kung kailan mo lang gusto magsulat at mag-post. Dapat ay laging may aabangan ang iyong mga mambabasa upang makagawian nila ang pagpunta sa iyong blog.

Litrato. Mas magiging kawili-wili ang iyong blog posts kung may kasama itong magagandang litrato. Mas tatangkilikin ang iyong blog kung maganda at makabuluhan na ang nilalaman ng iyong post ay mayroon pa itong kasamang litrato.

Mga komento. Gawing madali para sa iyong mga mambabasa na makapaglagay ng komento sa iyong isinulat. Ugaliin na sagutin ang kanilang mga komento sa maayos na paraan at kung maaari ay makipagkaibigan sa kanila sa pamamagitan din ng pagbisita sa kanilang blog kung mayroon man.

Chino Roque: Kauna-unahang Filipino Astronaut


Chino Roque. (Kuha mula sa AXE Philippines)
Marami ang nangangarap na maging astronaut at malibot ang kalawakan ngunit kakaunti lamang ang pinapalad na marating rito. Dalawa sa pinakakilala ay sina Neil Armstrong at Buzz Aldrin na kauna-unahang astronauts na nakapaglakad sa buwan noong 1969 Apollo 11 space mission, isang makasaysayang pangyayari sa mundo.

Ilan dekada ang nakalipas, isang Pilipino na kinilalang si Chino Roque ang pinalad na mapasama sa grupo ng 23 katao na maglalakbay sa kalawakan sakay ng XCOR aerospace’s Lynx spaceplane na nakatakdang umalis sa taong 2015.

Puspusan ang paghahanda ng 23-taong-gulang na si Roque para sa pinakahihintay niyang pagkakataon na makalibot sa kalawakan sa susunod na taon. Isang psychology graduate mula sa De La Salle University at isang Crossfit trainer, isa si Roque sa 23 nanalo sa AXE Apollo Space Academy (AASA) space camp na ginanap noong 2013.

Ilang buwan matapos manalo sa naturang patimpalak ay tuluy-tuloy si Roque sa pag-eensanyo at pagkundisyon sa sarili -- sa aspetong pisikal, mental, emosyonal at ispirtiwal – sa pamamagitan ng Crossfit, Bikram Yoga, at pag-alam ng mga impormasyon na makakatulong sa gagawing space trip.

Isang pagkilala

Nito lamang Hulyo ay nagkaroon ng maternal clan reunion ang pamilya ni Roque sa Torrance, California na nagsilbi na rin despedida party para sa first Filipino astronaut. Sa naturang reunion na dinaluhan ng 160 kamag-anak na ang iba ay galing pa sa Europe at Middle East, nadama ni Roque ang labis na pagkatuwa at pagmamalaki ng kanyang pamilya sa kanyang naging tagumpay.

Sa katunayan, binigyan ng parangal si Roque ng kanyang tiyuhin na si Elito Santarina na siyang Mayor Pro tempore ng Carson, dahil sa kanyang pagkakapanalo sa space camp sa halos 100 katao na sumailalim sa mga pagsubok.

Hindi rin napigilan ng ilang mga kamag-anak ni Roque na magpakuha ng litrato at magpa-autograph sa larawan nito kasama si Buzz Aldrin, ang ikalawang astronaut na nakatungtong sa buwan at ang committee chairman ng AASA Space Camp.

Kinatawan ng Pilipinas

Dumaan sa butas ng karayom si Roque para makuha ang pagkakataon na makalibot sa kalawakan. Tinatayang 28,000 applicants ang sumali sa hamon na ito ng AXE Philippines kung saan 400  lamang ang pinalad hanggang sa naging 50. Mula sa 50 aplikante, tatlo ang napili na makapunta sa Florida camp matapos nilang makapasa sa mga pagsubok. Nagtungo sa Kennedy Space Center si Roque kasama ang dalawa pang Pinoy na kalahok na sina Evan Ray Datuin at Ramil Santos.

Kasama ang tatlo sa 107  kalahok mula sa 60 bansa na dumaan sa iba’t ibang physical tests at simulated launch orbit at re-entry situations tulad ng zero gravity, air combat at G-Force. Hinati-hati ang mga kalahok sa ilang grupo na pinangalanang Apollo, Genesis, Discovery, Enterprise, Hubble at Atlantis.

Sa 107, isa si Roque sa 23 kalahok na makakasama sa naturang space craft. Hindi naman pinalad ang dalawa pang Pinoy. Ang hakbang na ito ng AASA ay may layunin na ilunsad ang commercial space travel sa 2015. Upang makasama at makasakay ang isang sibilyan sa spacecraft ay kailangan muna nitong magbayad ng US$100,000 o humigit-kumulang sa Php4.3 milyon.

Kaya para kay Roque, isa itong natatanging oportunidad na hindi niya makakalimutan sa buong buhay niya.

Pepper: Robot na may emosyon

Ni Len Armea
Kuha mula Softbank website
Sino nga ba ang hindi naaaliw sa robots? Maraming mga palabas sa telebisyon at pelikula ang tungkol sa mga robots. Marami rin kumpanya ang patuloy na nag-iimbento ng robots na sinasabing nakakatulong para mapadali ang trabaho ng mga tao.

Kaya kamakailan lamang ay ipinakilala ng kumpanyang Softbank, isang Japanese telecommunications company, ang ginawa nitong robot na pinangalanang Pepper. Kakaiba ang robot na ito dahil idinisenyo ito upang makabasa ng emosyon ng tao.

Ayon kay Softbank CEO Masayoshi Son, isang makasaysayang kaganapan para sa kanila at maging sa publiko ang makalikha ng robot na nakababasa ng emosyon. Aniya, madalas ay laging isinasalarawan ang isang tao na “parang robot” kapag manhid ito.

“People describe others as being robots when they have no emotions, no heart. For the first time in human history, we’re giving robot a heart, emotions,” ani Son.

Si Pepper, na may taas na 4”, may bigat na 62 pounds at kulay puti, ay mayroong emotional engine at cloud-based artificial intelligence system na nakababasa ng emosyon, tono ng boses at galaw. Sa katunayan, maaaring makipagkomunikasyon kay Pepper na parang kausap mo ang iyong kapamilya o kaibigan.

Bukod dito, mayroong nakalagay na facial-recognition technology, cameras, audio recorders at sensors na ulo ni Pepper na kailangan para sa interaksyon nito sa tao. Mayroon din tablet na nakalagay sa dibdib nito kung saan nakalagay ang ilang communicating programs at maaari rin itong makipagkomunikasyon sa 17 lenggwahe.

Nang ipakilala ni Son si Pepper ay nagbigay pa ito ng traditional Japanese bow, nakipagkamay kay Son at nagsalita rin.

Dalawa sa prototype nito ay nasa dalawang tindihan ng Softbank sa Japan upang makisalamuha sa mga tao at makita kung paano ito makipagkomunikasyon.

Nakatakdang ibenta ang naturang robot Pebrero ng susunod na taon sa halagang Y198,000 o $1,900 sa Japan. Wala pang pahayag ang Softbank kung ibebenta rin ito sa ibang bansa.
Si Pepper ay ginawa ng Softbank sa pakikipagtulungan sa Aldebaran Robotics, isang French company, habang ang manufacturing ay nakatalaga sa Hon Hai Precision Industry Co. Ltd. Na isa namang Taiwanese company.




Lunes, Agosto 11, 2014

Forrest Gump: Ang Unang Pagsasadula

Ni Herlyn Alegre



 “Life is a box of chocolates, you never know what you’re gonna get.” Sino nga ba ang hindi nakakatanda ng linyang ito na pinasikat ng pelikulang “Forrest Gump” na ipinalabas noong 1994 at pinagbidahan ni Tom Hanks? Base ito sa isang nobela na isinulat ni Winston Groom at inilathala noong 1986.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay itinanghal bilang isang dula ang “Forrest Gump” na ginanap dito sa Japan. Ipinalabas ito sa Globe Tokyo noong Mayo 30 hanggang Hunyo 22. Ang Globe Tokyo, kilala rin bilang Panasonic Globe Theater, ay isang replika ng orihinal na Globe Theater sa England kung saan ipinapalabas ang mga dula ni William Shakespeare.

Ang dulang “Forrest Gump” ay pinagbidahan ni Junnosuke Taguchi, isang kilalang idolo mula sa Johnny’s Entertainment at miyembro ng bandang KAT-TUN. Kasama rin niyang nagtanghal ang iba pang respetadong aktor tulad nina Masahiro Takashima (na gumanap bilang pitong iba’t-ibang tauhan kabilang na si Lieutenant Dan), Hitomi Takahashi (bilang ina ni Forrest) at Aki Maeda (bilang Jenny).

Ang Kwento ni Forrest

Ang dula ay umikot sa kwento ng buhay ni Forrest mula pagkabata hanggang sa kanyang pagtanda. Kakaiba si Forrest dahil mas mababa ang kanyang IQ kumpara sa ibang mga bata at dahil dito kadalasan siyang tinutukso at kinukutya ng kanyang mga kaklase. Hindi naman naging hadlang kay Forrest ang kundisyong ito para hindi siya magtagumpay sa buhay.

Nakapasok siya sa kolehiyo at naging star player ng kanilang rugby team, nagtrabaho siya bilang sundalo at nakaharap niya sa White House ang dalawang pangulo ng Estados Unidos, naipadala siya sa Vietnam War at ginawaran ng Medal of Honor pagbalik niya, naging austronaut din siya, runner, table tennis player at kung anu-ano pa.

Bumili rin siya ng bangka at nagtayo ng isang fishing company tulad ng ipinangako niya sa matalik niyang kaibigan na si Bubba. Mababa man ang IQ ni Forrest, may busilak naman siyang kalooban at tapat na pagmamahal sa mga taong nasa paligid niya.

Ang Pagtatanghal
           
Tumagal ng dalawang oras at kalahati ang dula. Tuluy-tuloy ito kaya halos walang pahinga ang mga nagsiganap dito, lalo na si Taguchi na gumanap kay Forrest, dahil bahagi siya ng halos lahat ng eksena at dire-diretso ang kanyang mahahabang linya.

Para sa isang dulang may mahabang timeline at malawak na setting, napagkasya ng dula sa limitasyon ng teatro ang epektibong pagsasaganap ng iba’t ibang mahahalagang kaganapan sa kasaysayan tulad ng Vietnam War at pagpatay kay Pangulong Kennedy. Tuluy-tuloy ang pag-usad ng kwento at may madalas na pagpapalit ng mga eksena kasabay ng paglilipat ng maliliit na props na mayroon sa entablado.

Hindi kinailangan ng dula na gumamit ng magarbong props o stage design para ma-establish ang lugar at kapanahunan ng dula. Nadaan nila ito sa paggamit ng mga simple at maliliit na props na madaling ipasok at ilabas sa entablado tulad ng mga kahoy na upuan, pinto,  bakod, malalaking kumot, magagaang dingding at iba pa. Nagbukas ang dula na mayroon lamang isang wooden bench sa gitna ng entablado at malaking net na nakabitin sa ibabaw nito. Tumataas at bumababa ang net na ito depende sa eksena sa dula.

Dahil minimal ang props at stage design, mas nakatutuok ang mga manunuod sa galing ng pagbato ng linya at paghugot ng emosyon ng mga aktor at hindi lamang basta-basta sa ganda ng entablado. Kapansin-pansin rin ang stage chemistry ng mga nagsiganap lalo na sa pagitan ni Forrest at ni Lieutenant Dan. Masasabing isa sa pinakamalakas na eksena sa dula ang bahagi kung saan nagpasalamat si Lieutenant Dan kay Forrest sa pagligtas sa buhay niya noong sila ay nasa Vietnam.

Higit na pinasigla ang dula ng live music mula sa violin, gitara, keyboard, at iba pang instrumentong tinugtog ng live ng mga aktor. Kung hindi tumutugtog ang mga aktor ay nagbibitaw naman sila ng linya sa entablado. Kahit si Taguchi mismo ay nag-aral pa ng harmonica para sa pagtugtog niya sa dulang ito. Sa kwento, nagmula kay Bubba ang harmonica na naging paboritong pang-aliw ni Forrest lalo na sa mga panahong malungkot siya.

Ang Sorpresa ng Dula

Kagaya ng isang kahon ng tsokolate, maraming mga hindi inaasahang bagay sa dulang ito ang gumulat, nagpasaya, nagpaiyak at nagpatawa sa mga manunuod. Isa na rito ang natatanging pagganap ni Taguchi. Hindi man siya ang pinakamagaling na aktor na gumanap kay Forrest, pero binigyan naman niya ng kanyang sariling interpretasyon ang tauhang ito. Isang Forrest Gump na hindi mo lang katutuwaan, kung hindi mamahalin rin ng lubusan.

             

Linggo, Agosto 10, 2014

Tom Cruise, inikot ang Japan para sa promosyon ng pelikula

Ni Florenda Corpuz

Tom Cruise, Doug Liman, at Erwin Stoff
Kuha ni Din Eugenio)

TOKYO, Japan – Binisita ng Hollywood superstar na si Tom Cruise ang tatlong siyudad sa bansa sa loob ng isang araw para sa promosyon ng kanyang pinakabagong sci-fi film na “Edge of Tomorrow” at inilabas dito bilang “All You Need Is Kill” na base sa nobela ni Hiroshi Sakurazaka.

Dumating sa Kansai Airport si Cruise Hunyo 25 ng gabi kung saan daan-daang fans ang naghintay sa kanyang pagdating. Kinabukasan, sinimulan ng 51-taong gulang na aktor ang promotional event ng kanyang pelikula sa Dotonbori Riverside, Osaka 9:30 ng umaga. Pagsapit ng 1:30 ng hapon, tumuloy siya sa Hakata City, Fukuoka para sa isang fan event. Isang red carpet event naman ang naghintay sa kanya sa Roppongi Hills Arena, Tokyo kung saan ginanap ang premiere ng kanyang pelikula 7:25 ng gabi.

“Konnichiwa! I love you. I love Japan. I love Tokyo. I’m so happy to be here. Thank you so much for this warm welcome. I’m overwhelmed and humbled. I truly appreciate it,” nakangiting bati ng aktor paglabas sa entablado.

“This is a very special film because the novel originated here in Japan. It’s a very unique love story, very unique characters, wonderful humor. I can’t wait for you to see it. I’m very proud of it,” dagdag nito.

Kasamang nag-promote ni Cruise ang direktor ng pelikula na si Doug Liman at producer na si Erwin Stoff.

“Konnichiwa! Thank you for giving us this wonderful book to make into a movie and thank you for welcoming us back to show you the movie. We made it for you,” pagbati ni Stoff.

“I love Japan and I love Tokyo. It’s my favorite city. I can’t thank you enough for making me feel like I’m home,” pahayag naman ng magaling na direktor na si Liman.
           
“Do you love Tom Cruise? Because I love Tom Cruise. And after you see the film, you will love him even more,” sabi pa ng direktor na nagpatili sa mga fans.

Hindi naman matawaran ang pasasalamat ni Cruise sa mga fans na patuloy at walang sawang sumusuporta sa kanya sa tuwing siya ay bumibisita sa bansa, “This is so special and such an exciting moment for all of us. Thank you so much for this welcome. I can’t tell you how much it means to me. Arigato.”

Nabigla din ang aktor nang handugan siya ng isang surprise birthday song ng mga fans. “That is the best birthday present I’ve ever gotten. Thank you,” madamdaming pahayag ng aktor.

Matapos ang stage appearance, masayang pumirma ng autograph at nagpakuha ng litrato ang aktor kasama ang mga excited fans. Matapos nito’y isang photo call ang naganap.

Samantala, dumalo rin sa premiere ang may-akda ng nobela na si Sakurazaka. Unang sumikat ang kanyang libro nang una itong lumabas noong 2004 at kalaunan ay naging manga adaptation sa isang weekly magazine.

Ang ‘loop around Japan’ publicity campaign ni Cruise kung saan siya ay naglakbay ng 1,770 kilometro mula Osaka patungong Fukuoka at papuntang Tokyo ay may layong gayahin ang time loop na naranasan ng kanyang karakter sa pelikula na si William Cage na napasabak sa isang labanan kontra sa mga aliens para isalba ang mundo.

Dumalo rin si Cruise sa isang press conference noong Hunyo 27. Ipinalabas sa bansa ang pelikula noong Hulyo 4.


            

Angelina Jolie, Elle Fanning nag-promote ng pelikula sa Japan

Ni Florenda Corpuz


Elle Fanning at Angelina Jolie
(Kuha ni Din Eugenio)
TOKYO, Japan – Muling bumisita sa bansa ang Hollywood actress at UN Goodwill Ambassador na si Angelina Jolie kasama ang kanyang mga anak upang dumalo sa premiere ng kanyang pelikulang “Maleficent” na ginanap sa Ebisu Garden Place kamakailan.

Lumapag sa Haneda Airport ang eroplanong sinasakyan ng magaling na aktres kasama ang apat na anak na sina Pax, Shiloh at kambal na sina Knox at Vivienne na unang beses lumabas sa pelikula. Bago ang premiere ay ipinasyal muna ng aktres ang mga anak sa Shibuya kung saan sila ay nagtungo sa Kiddyland at kumain ng masarap na shabu-shabu.

“I always love Japan. I’ve been here many times and I look forward to the next time,” pahayag ng 39-taong-gulang na aktres.

Unang beses naman sa bansa ng 16-taong-gulang na si Elle Fanning na kasama rin dumalo sa Japanese premiere ng kanilang pelikula kung saan siya gumanap bilang si Princess Aurora. Namasyal muna sa Harajuku ang batang aktres bago ang premiere.
           
“This is my first time in Japan and I love it. It’s fantastic and you guys are so great and so sweet,” masayang sambit ni Fanning.

Hindi binigo ng “Maleficent” stars ang kanilang mga Japanese fans at supporters na ilang oras na naghintay sa kanilang pagdating sa red carpet. Sakay ng black Mercedes Benz, unang bumaba sa red carpet si Fanning suot ang puting Alexander McQueen gown. Siya ay masayang nagpaunlak ng interbyu sa mga tv crews, pumirma ng mga autographs at nag-selfie kasama ang mga fans.

Sunod naman na dumating ang eleganteng si Jolie suot ang itim na strapless Atelier Versace dress na masaya rin nakihalubilo sa mga fans.

Panay ngiti ang dalawang aktres pagharap sa mga photographers para sa isang photocall sa entablado.

 “Hello, Japan! Good evening! Thank you so much for coming out. We’re so excited to be here with all of you and we hope that you enjoy the film,” bati ni Jolie sa kanyang mga fans.

“I think what is unique about this film is that it follows a character that we’ve known as a villain; that I think the lesson we all know is that for all of us who have felt different or bullied or less than, we feel that way sometimes. But then we have the choice to rise above and to change and also love others, we can do that. I think it’s a very strong message for all people, especially children,” sagot ng aktres sa tanong kung ano ang mensahe ng pelikula.

“I think that love comes in all forms. It’s not just a romantic love, but there’s also love for your mom, your dad and your grandparents. I think that our film shows that it comes in all shapes and sizes. Love is all around you and it’s not difficult to find it,” sagot naman ni Fanning.

Ang “Maleficent” ay tungkol sa untold story ng kontrabida sa “Sleeping Beauty.” Ito ay may elemento ng panlilinlang na naging dahilan upang ang kanyang mabait na puso ay naging bato. Ito na ang pinakamalaking box office opening ni Jolie sa UK at Ireland na umabot sa £1.5 million. Ipinalabas ito sa Japan noong Hulyo 5.

Philippine Arena ng Iglesia ni Cristo pinasinayaan na

Kuha mula sa Malacanang Photo Bureau

Binuksan na ng religious group na Iglesia ni Cristo ang Philippine Arena, na itinayo sa 50-ektaryang lupain sa Bocaue, Bulacan na kanilang tinawag na Ciudad de Victoria o “City of Victory” kamakailan.

Ang Philippine Arena ang tinagurian ngayon na pinakamalaking indoor arena sa buong mundo na mayroong kapasidad na 55,000-seat --- dalawang beses na mas malaki sa Mall of Asia Arena na kaya ang 20,000-seat at tatlong beses na mas malaki sa Smart-Araneta Coliseum na may kapasidad na 18,000-seat.

Mas malaki rin ito sa ilang popular na arena sa ibang bansa gaya ng Madison Square Garden ng New York City (20,000), Staples Center ng Los Angeles (21,000) at O2 Arena ng London (20,000).

Umabot sa humigit-kumulang sa $200 milyon o P7.8 milyon ang gastos sa pagpapatayo ng Philippine Arena na dinisenyo ng Popolous, ang grupo na nagdisenyo ng O2 Arena at itinayo ng Korean construction firm na Hanwha Engineering and Construction Corp.
Sentro ang Philippine Arena ng ika-100 anibersaryo ng Iglesia ni Cristo na ngayon ay pinamumunuan ni Ka Eduardo Manalo.

Sa naganap na inagurasyon, humigit-kumulang sa 55,000 miyembro ng Iglesia ni Cristo ang dumagsa sa Philippine Arena sa Bocaue upang makita sa unang pagkakataon ang naturang imprastruktura at saksihan ang pagbubukas nito.

Dumalo sa naturang pagdiriwang si Pangulong Benigno Aquino III kasama ang ilan pang opisyal ng gobyerno. Sa kanyang ibinigay na talumpati, sinabi ng Pangulo na ang pagbubukas ng Philippine Arena ay isang simbolo ng maganda at matibay na pagsasamahan ng Iglesia bilang isang pamilya at komunidad.

“Kongkretong patunay nga po ang paglulunsad ng Ciudad de Victoria sa diwa ng pagkakaisang nangingibabaw sa Iglesia ni Cristo. Naipatayo ito mula sa buong-pusong paghahandog ng inyong mga kasapi, kaakibat ang hangaring makatulong sa mabubuting gawain at misyon ng Iglesia. Patunay din po ito sa tayog ng mithiing kayang maabot ng mga Pilipino, at sa kakayahan nating makipagsabayan sa buong mundo,” ani Aquino.

Pinasaringan din ni Aquino ang ilang kritiko ng kanyang gobyerno sa gitna ng kontrobersiyang kinasasangkutan nito hingil sa Disbursement Acceleration Program (DAP).

“Mayroon pong iilan na anuman ang gawin ko, gaya ng pagdalo rito, ay maghahanap pa rin ng puwedeng ibatikos. Paalala ko lang sa kanila: Kung kapwa ko Kristiyano, tungkulin nating magmahalan sa ngalan ng Panginoon, sa halip na maghasik ng agam-agam at ‘di-pagkakaunawaan.”

Ayon sa pamunuan ng Iglesia, bukas sa iba’t ibang organisasyon – lokal man o international – basta’t gagamitin ang Philippine Arena nang naaayon sa mga aral sa Bibliya at kabutihang asal.

Wala rin kunkretong sagot ang Iglesia sa tanong kung papayagan nilang ipagamit sa ibang religious group ang Philippine Arena.

“We reserve the right to determine what kinds of activities will be held here based on wholesome Christian principles and values that our church upholds,” pahayag ni Iglesia ni Cristo evangelist Bro. Bienvenido Santiago, Jr. sa isang panayam.

Huwebes, Agosto 7, 2014

Pagpapatupad ng batas

Ni Al Eugenio

Isang batang mag-aaral ang nakitang may kinupit sa convenience store sa isang lugar dito sa Tokyo. Bagama't nais nitong bayaran ang kanyang kinupit matapos siyang mahuli, tumawag pa rin ng pulis ang manager ng tindahan upang ipaalam ang ginawa ng menor de edad.

Para sa mga Hapon, hindi maaaring palampasin ang ganitong asal ng sinuman kahit na gaano man kaliit ang kinupit, ito ay isa pa ring pagnanakaw. Hindi pinag-uusapan ang halaga ng kinuha, kung hindi ang pagkatao at ang magiging problema nito sa lipunan. Kung pababayaan at patatawarin na lamang ang mga gumagawa ng ganitong pagnanakaw, hindi magkakaroon ng takot at kahihiyan ang karamihan na gagawa ng ganito. 

Mahigpit ang bansang Japan pagdating sa pagpapatupad ng kanilang mga batas. Tulad halimbawa ng batas trapiko, kapag may nahuli ay malaki ang babayarang multa bukod pa sa ibabawas na puntos sa kanilang mga lisensya. Ang tumanggap ng pera o suhol ay wala sa kaugalian ng mga awtoridad. Ang tumanggap ng pera o kaya naman ay regalo mula sa mga mamamayan ay maaaring maging dahilan nang pagkatanggal nila sa kanilang trabaho.

Dito sa Japan, malaki ang pagpapahalaga ng mga Hapon sa pagkatao ng bawat isa. Inaalagaan nila itong mabuti na huwag magkaroon ng bahid na maaaring ikahiya nila sa lipunan at sa mata ng mga taga-ibang bansa. Pinapanatili nila ang kaayusan ng bawat antas ng lipunan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng kanilang mga batas ng walang kinikilingan at higpit na hindi pinaiiral ang awa. Naniniwala sila na ang pagtupad sa mga batas ang tamang paraan upang maging maayos ang lipunan.
           
Halimbawa, sa problema ng ipinagbabawal na gamot, bagama't  hindi naman bitay agad ang parusa sa mga nahuhuling may kaugnayan dito, mahigpit ang kanilang mga batas na siguradong may paglalagyan ang sinumang mahuhulihang may dala nito. Sa mga bansang tulad ng China, Malaysia at iba pa, kamatayan ang parusa sa  sinumang lumabag sa mga pagbabawal na ito.

Kung ihahambing natin ang ating bansa sa kanila, marami rin tayong magagandang batas na makakatulong upang maging maayos sana ang ating lipunan.  Subalit, dahil na rin sa maraming kaugalian na ating nakagisnan, marami sa ating mga batas ay nananatiling mga batas na lamang na hindi lubusang naipapatupad.

Maraming dahilan kung bakit ang Pilipinas, sa napakatagal ng panahon,  ay nananatiling isang bansang nasa ilalim pa rin ng kategoryang developing country. Ang mga Pilipino ay likas na palakaibigan, mapagbigay, maunawain at hindi mahirap pakiusapan. Dahil sa mga kaugaliang ganito,  marami ang nananamantala.

Madalas, kahit na napakalaki na ng nagawang kasalanan sa bayan ay napapawalang-sala pa rin at kapag lumaon ay tuluyan na ring nalilimutan. Katulad na lang halimbawa ng nakaraang 20 taon ng pananamantala ng rehimeng Marcos sa ating bayan,   ang marami sa mga mamamayan ngayon ay halos wala ng alam. Hindi kasi pinahahalagahan ang ating mga kasaysayan.

Ang ugali natin na madaling makalimot sa mga pangyayaring nagbigay ng malaking problema sa ating mga nakaraan, ay isa rin sa mga dahilang nakakapigil sa tuluyang pag-unlad ng ating bayan. Hindi natin masyadong ikinababahala ang mga implikasyon ng ating mga ginagawa. Tulad halimbawa ng ating paulit-ulit na pagkakamali sa pagpili ng mga magpapalakad ng ating pamahalaan.

Ipinagsasawalang-bahala ng marami sa atin kung ang mga manunungkulan ba ay makakagawa ng mga pagbabago upang maiangat ang uri ng pamumuhay ng nakararami sa ating lipunan. Sadya lamang kaya na hindi tayo gaanong seryoso sa pagmamahal sa ating bansa at mga kababayan? Mas pinapahalagahan natin ang pagiging makasarili. Hindi tulad ng marami sa ating mga karatig-bansa, sa Pilipinas, ang magkaroon ng pagkakaisa ay parang isang malabong pangarap na lamang.

Sa ibang bansa, tulad ng Korea, China at dito sa Japan, hindi nila basta-bastang kinakalimutan ang kanilang mga nakaraan. Pilit silang gumagawa ng paraan upang ang mga panahong iyon ay manatili sa isipan ng kanilang mga mamamayan. Para sa mga bagong henerasyon, nagtatayo sila ng mga bagay na makapagbibigay ng alaala upang hindi malimutan ang kanilang mga kasaysayan.

Ang mga pamamaraang ganito ang nagbibigay sa kanila ng mga bagong pananaw na maaari nilang pagbasehan sa kanilang pagsulong patungo sa makabagong uri ng pamumuhay. Pinag-aaralan nilang mabuti ang kanilang mga pagkakamali, pati na rin ang kanilang mga tagumpay. Dahil sa kanilang mga karanasan, hindi nila ipinagsasawalang bahala ang kanilang mga batas at isinasaayos ang kanilang mga nakaugalian.

Ang mga ganito nilang pananaw ay matagal na nilang inumpisahan. Mayroon nang mahigit na 60 taon mula ngayon.  Noong mga panahong iyon, matapos ang pangalawang digmaan, isa ang Pilipinas sa mga bansang kanilang kinaiinggitan. Ang magkaroon ng kamote sa hapag kainan ay masaya na kung mayroon man. Hanggang noong 1980's, bihirang-bihira sa Korea ang nakakatikim ng saging at mga laman-dagat na kung tawagin ay isda. Para lamang sa eksportasyon ang mga nahuhuling isda upang may pumasok na dolyar sa kanilang bansa. 

Ang komunistang China naman noon, dahil sa sila ay nakabukod sa karamihan ng mga bansang demokratiko, ay matagal na nagtiis ng kahirapan. Mula lamang noong mga 1980's,  nang magkaisa ang ilang bansa sa pangunguna ng Japan na bigyan ng hanapbuhay ang kanilang mamamayan,  sila ay hindi na napigil, at sa ilalim ng mahigpit at seryosong panunungkulan, ay nakamit ng China ang pagiging pangalawa sa pinakamauunlad ang ekonomiya sa buong mundo.


Sa panahong ito, nasaan na tayong mga Pilipino? Makalipas lamang ang 30 taon,  ang ilang sa mga bansang mas mahirap pa sa atin noon ay mayayaman na ngayon. Maayos ang kanilang lipunan at iginagalang ang kanilang mga mamamayan. Dahil sa seryoso at mahigpit na pagpapatupad ng kanilang mga batas,  nagawa ng kanilang pamahalaan na maisagawa ang mga kinakailangang hakbang upang maisulong ang kaunlaran sa kanilang bayan.

Miyerkules, Agosto 6, 2014

Filipino English teachers bilang mga propesyonal

Ni Cesar Santoyo

Nailathala sa mga pahayagan kamakailan ang pinakahihintay na resulta ng deliberasyon ng pamahalaan ng Japan ukol sa pagbibigay ng visa sa mga mamamayan ng Indonesia, Vietnam at Pilipinas. Tanging ang mga Indonesian lamang ang nabigyan ng pahintulot ng libreng visa patungong Japan at ang mga Vietnamese at Pilipino ay binigyan ng mas madaling paraan ng pagkuha ng visa para sa turismo.

Madali na sa mga kababayan nating turista ang magpunta sa Japan. May mga nakatalagang travel agencies na pinahihintulutan ng Embahada ng Japan na magproseso ng visa application. Ibig sabihin nito ay package tour o group tour na may nakatakdang destinasyon sa pangangalaga ng travel agency bilang dokumento sa pagproseso ng visa at takdang panahon ng pananatili sa bansa. Nauna sa kalalabas na patakaran ay ang pagbibigay ng multiple re-entry visa sa mga indibidwal na aplikante ng tourist visa sa Japan.

Pareho pa rin ang proseso ng aplikasyon para sa “visiting relatives visa” at huwag nating ipagkamali na may pagluluwag sa ganitong uri ng visa application. Kaya kung tutuusin ay para lamang talaga makaakit ng turista mula sa Pilipinas, Indonesia at Vietnam ang bagong panukalang patakaran sa pagbibigay ng visa.

Niluwagan rin ang pagbibigay ng “permanent professional visa” at may probisyon na rin ng “domestic helper visa” na limitado ang pag-isyu sa sakop lamang ng Kansai region. Tatlong taon na lamang ng pananatili sa bansa ang kinakailangan para mag-apply ng permanent visa ang may mga kategoryang professional visa.

Bagama’t ang bagong patakaran para sa mga propesyunal ay nakatuon sa mga pangunahing industriya gaya ng Information Technology at iba pa, laganap na rin ang pagkuha ng mga Filipino English teachers mula sa Pilipinas patungo sa Japan. Professional ang kategorya ng English teacher sa ating bansa subalit nasa ibang kategorya ng aplikasyon ng visa rito sa Japan.

Kahit na sa ngayon ay ilang daan pa lamang ang mga guro na direct-hired mula sa Pilipinas ay dapat lamang na maayos ang kategorya ng English teacher bilang professionals. Sila ay dapat na  mapabilang sa luwag ng pag-apply ng permanent visa sa loob ng tatlong taon ng paninilbihan sa Japan. Dahil sa pirmihan na ang pangangailangan ng English teachers sa mga paaralan ay importanteng mailagay sa tamang kategorya ng visa ang mga English teacher na mula Pilipinas bilang professionals.

Hindi imposibleng ihanay sa kategoryang professionals ang mga English teachers kung may tamang pamamaraan ng paghiling at sapat na pagbibigay ng batayan para pagbasehan ng mga mambabatas ng Japan. Sa Japan, ang batas ay nakabatay sa bawat isinumiteng dokumento para iwasto ang mga patakaran. At kung umaayon tayo sa kultura ng Japan maging sa gawi ng paggawa ng mga mambabatas, palagi silang bukas at handang makiharap sa may mga kahilingan kahit sa mga dayuhan.

Ang pag-aangat ng kategorya ng mga direct-hired English teacher bilang mga professionals sa industriya ng edukasyon ay may malaking kaugnayan sa libu-libong bilang ng mga Assistant Language Teachers o ALT sa mga pampublikong paaralan. Bago pa man iangat ang kategorya ng mga manggagaling sa Pilipinas ay nararapat na unahing iangat ang kalagayan ng mga ALT na kasalukuyang naninilbihan.

Ang direct hiring ng mga local Board of Education sa ALT ay lumalaganap na sa ngayon sa maraming siyudad at mga prefectures. Dati ay sa mga agency o “hakengaisha” lamang ang paraan ng pagkuha ng English teacher ng mga pampublikong paaralan. Sa kasalukuyan ay marami pa rin ang mga ALT sa ilalim ng mga agencies bilang direktang employer ng mga ALT.

Sa darating na taong 2018 ay ang takdang panahon na ipapatupad sa grade five elementary students ang English bilang isang buong subject. Sa mga nagdaang panahon ay kasama sa pag-aaral ng kultura ang wikang English sa  mga paaralan. Sa taong 2020 naman ay magsisimula na rin ang pag-aaral ng English sa mga batang nasa grade three ng pampublikong paaralang elementarya.

Pundasyon ng programang pang-edukasyon na ito ang mga English teacher na marami sa ating mga kababayan, na dahil sa karamihan ay mga permanent visa at bihasa sa pagsasalita ng Japanese ay nasa mabuting puwesto para punuan ang pangangailangan ng English teacher ng mga pampublikong paaralan.

Bukas ang pinto ng pamahalaan ng Japan para suriin kung sakaling may mag-apela para iangat ang kalagayan ng mga dayuhang English teachers. Subalit wala yatang may lakas ng loob na English teacher mula sa hanay ng ating mga kababayan na kumilos para iangat ang propesyon bilang guro ng wikang Ingles.

Maraming mga grupo at samahan ng mga Filipino English teachers dito sa Japan. Subalit, para bang istorya ng dalawang kalabaw na nakatali ang mga leeg sa iisang lubid ang kanilang sitwasyon. Gustong kumain ng isa sa kanan at ang isa ay sa kaliwa ang hatak. Kaya ang parehong kalabaw ay hindi makakain at hindi maabot ang pagkain dahil sa paghihilahan sa magkahiwalay na direksyon.

Dapat lamang na matuto ang ating mga kababayan na English teacher na magkaisa at sama-samang kumilos para iangat ang kanilang propesyon sa antas ng lipunan ng Japan.

May sapat na bilang ang libu-libong mga kababayan natin na mga English teacher para dumulog at iapela sa pamahalaan ang pag-aangat ng propesyon ng English teacher sa tamang kategorya. Kinakailangan ng kinatawan para isagawa ito upang magsilbing hamon para tugunan ang pagiging tunay na lider ng komunidad ng English teachers na hindi lamang sa pagbigkas ng tamang wikang Ingles ang inaatupag kundi pati na rin ang proteksyunan ang kapakanan at kinabukasan ng propesyon sa lipunan ng Japan.

Bukas palagi ang pintuan ng pamahalaan ng Japan para sa ganitong ehersisyo ng paggigiit ng karapatan dahil ito ay hindi lamang para sa sariling propesyon lamang kundi para sa pagpapaunlad pa ng lipunan na multi-cultural.

May aral tayong makukuha sa mga batang Japanese-Filipino na nagawang baguhin ang Family Law ng Japan para sila kilalanin bilang mga Japanese. Kung ang mga paslit at mga ina nito ay may nagawang pagbabago sa batas, hindi nalalayo ang paghirit ng mga Filipino English teacher.

Patotoo lamang na kung ang mga may nagmimithi sa pagluwag sa pagbibigay ng visa para sa ating mga kababayan, ang mga Filipino na naninirahan dito sa Japan mismo ay may taglay na lakas para tulungan ang mga mambabatas ng Japan sa kanilang pagsusulat ng mga patakaran.

Sana magising ang mga magigiting na English teachers at kanilang mabatid na hindi kailanman ang kanilang husay sa pagbigkas ng tamang English grammar ay maitatanghal sila bilang propesyunal. Kundi sa kanilang paninindigan sa pamahalaan upang kilalanin at ilagay sa tamang kategorya bilang propesyunal, at higit sa lahat, bilang etnikong kasapi ng lipunan ng Japan ang mga Filipino English teacher.