Lunes, Nobyembre 2, 2015

Ang kahalagahan ng ating kasaysayan

Ni Al Eugenio

Marami sa mga nakapanood ng pelikulang “Heneral Luna” ang nagtatanong kung bakit nakaupo lamang si Apolinario Mabini sa lahat ng kanyang eksena. Nakalulungkot na malaman na marami sa ating mga kababayan ang hindi sapat ang kaalaman tungkol sa ating nakaraan. Ang pagiging lumpo ni Apolinario Mabini, ang tinaguriang “Utak ng Himagsikan,” ay hindi nila alam. Marahil sa panahong ito ay marami rin sa ating mga kababayan ang hindi tunay na nakakikilala sa katauhan ni Jose Rizal.

Malaki talaga ang naibabahagi ng kahirapan sa paglalayo ng isang mamamayan sa mga pangkaraniwang kaalaman. Kailangan laging isipin ang mga pangunahing pangangailangan ng pang-araw-araw na pamumuhay. Halos wala ng panahon upang bigyan ng pansin ang mga kahalagahan ng maraming bagay. Sining? Kalusugan? Kaayusan? Kasaysayan? Ang panahong ibibigay ng isang taong pagod sa paghahanapbuhay ay marahil ay ipagpapahinga na lamang o gagamitin kaya upang makapaglibang.

Nagkataon lamang na isang uri ng paglilibang ang panonood ng pelikulang “Heneral Luna” kaya nabigyan ng pansin ang mga nabanggit na pangyayari na hindi alam ng maraming nakapanood na lumpo si Apolinario Mabini. Dahil dito ay marami ang nagtatanong kung ano na ang nangyari sa pamamaraan ng ating edukasyon.

Dapat kaya nating isisi sa mga paaralan kung bakit parang nawawala na ang kahalagahan ng ating kasaysayan sa mga pinag-aaralan? Nagkukulang kaya ang mga guro sa pagbibigay-diin na dapat malaman ng mga mag-aaral ang ating kasaysayan? Kung kailan pa naman na mas madali nang magsaliksik na hindi na kailangang bumili ng aklat o magpunta sa mga library.

Pangkaraniwan na kapag History ang pinag-aaralan, parang dapat ay laging natatandaan lamang ang mga petsa kung kailan naganap ang nasabing kaganapan at kung saan. Tulad halimbawa ng petsa ng “Unang Sigaw ng Himagsikan” at kung saan ito naganap.

Kung atin lamang bibigyan ang tanong na ito ng sagot na sa “Pugad Lawin” at noong Agosto 24, 1896, maaaring maging tama na sa test paper ang ganitong sagot.  Ngunit nararamdaman ba natin ang nararamdaman ng mga taong nagsagawa ng unang sigaw na ito? Nararamdaman ba natin ang mga kaba sa kanilang mga dibdib nang punitin nila ang kanilang mga sedula at nagpahayag na lalaban sila hanggang sa kanilang huling hininga?

Sa kabila ng kakulangan sa gamit na pandigma, mga itak at kaunting baril, agad silang nakipaglaban nang lusubin sila ng mga gwardiya sibil ng sumunod na araw at dalawa agad ang nasawi sa kanila. Mararamdaman kaya ito sa sagot na petsa at lugar sa mga pagsusulit?

Ang pagkakaroon ng kaalaman sa kasaysayan ay makatutulong na maisaayos ang pagsulong  ng ating pamumuhay. Ang kasaysayan ay mga nakaraang pangyayari at mga karanasan na naganap sa iba’t ibang uri ng pamumuhay. Maaaring ito ay kwento ng buhay ng isang tao o kasaysayan ng isang digmaan. Maaari rin kuwento ng kalamidad o kasaysayan ng isang pamahalaan.

Ang mga nakaraang kaganapang ganito ay makakapagbigay at makakapagturo sa atin ng mga kaalaman kung papaano natin haharapin ang mga bagong pangyayari na darating sa ating buhay. Isang halimbawa na lamang sa pagpili ng ating iboboto sa darating na halalan.

Dahil sa pagbabasa ng kasaysayan ay maaari nating malaman ang pagkatao ng isang kandidatong bago natin ito piliin upang makapaglingkod sa atin. Dahil din sa kaalaman sa kasaysayan ay mapapaghandaan natin ang mga bagay-bagay na maaaring kailanganin ng ating mga mahal sa buhay sa pagpapatuloy ng kanilang mga pangarap.

Dito sa Japan, laging pinapahalagahan ng mga mamamayan ang mga naganap sa kanilang kasaysayan. Tulad halimbawa ng mga nakaraang digmaan. Ang malalakas na bagyo, lindol, sunog at atomic bomb. Marami sa kanila ang nagkaroon ng mapapait na karanasan na hanggang ngayon sa marami, ang mga kasaysayang ganito ay hindi pa nabibigyan ng kasagutan.

Sa kabila ng mapapait na nakaraan ng Japan, marami rin namang magagandang bagay ang nakaukit sa kanilang kasaysayan. Tulad halimbawa ng mga karangalang natatamo ng kanilang mga kababayan. Marami man silang madidilim na kasaysayan, marami rin naman silang karangalan.

Sa Pilipinas ay parang hindi pinapahalagahan ang ating mga masasamang nakaraan, mga kasaysayan ng paulit-ulit na kawalang pagmamalasakit sa kapakanan ng mas nakararaming mamamayan. Paulit-ulit na maling pagpili sa mamumuno sa ating bayan. Matagal ng kasaysayan ng mahina o mapiling hustisya na para sa may mga salapi lamang. Ganito ang ating kasaysayan. Patuloy na pagmamaang-maangan o sadyang kamangmangan lang.

Ang bawat isa sa ating mga mamamayan ay may tungkulin na malaman ang ating kasaysayan. Ang tinatamasa nating kapayapaan ngayon ay bunga ng mga paghihirap at pagbubuwis ng buhay ng marami sa mga nauna nating mga kababayan. Nagkaroon sila ng mga adhikain na ang ating bayan ay dapat na maging malaya.


Marami sa kanila ang hindi na nakita ang kalayaang kanilang ipinaglaban. Kaya naman bilang isang paraan man lamang ng pasasalamat, ang pagbabalik-tanaw sa ating kasaysayan ay makapagbibigay sa atin ng kaalaman kung papaano ipinaglaban ng ating mga bayani ang tinatamasa natin ngayong kalayaan ng atin itong lubos na mapahalagahan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento