Lunes, Nobyembre 9, 2015

Indie film tungkol sa mga OFWs sa Japan, pinuri sa Fukuoka

Ni Florenda Corpuz

(Mula kaliwa) Dumalo sina Boy Yniguez, Bernardo Bernardo,
Cynthia Luster, Lawrence Fajardo at Herlyn Alegre sa
Focus on Asia International Film Festival Fukuoka 2015 na ginanap kamakailan.
Kinilala ng mga organizers ng Focus on Asia International Film Festival Fukuoka 2015 at mga Hapon at dayuhang manonood ang husay ng pelikulang “Imbisibol” na tumatalakay sa buhay ng apat na Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Japan.

Dinaluhan ng direktor na si Lawrence Fajardo, producer na si Krisma Fajardo, screenwriter na si Herlyn Alegre, cinematographer na si Boy Yniguez, bidang aktor na si Bernardo Bernardo at Japanese actress na si Cynthia Luster ang opening ceremony ng prestihiyosong festival na ginanap sa Canal City Hakata kamakailan.

“It’s actually my first red carpet abroad so kakaiba, saka foreign language kaya nag-a-adjust ka. Maganda, very warm welcome. Kakaiba doon sa Toronto International Film Festival na hectic din. I look upon these two festivals, at mga susunod na mag-iimbita sa ‘Imbisibol’ na major blessing kasi it started as a one-act play, maswerte kami,” pahayag ng batikang aktor na si Bernardo Bernardo sa eksklusibong panayam ng Pinoy Gazette.

“Natutuwa ako na binibigyan pa ako ng pagkakataon na makadaupang-palad ang mga tumatangkilik. I’m praying for more opportunities to make people laugh, cry and share the Filipino journey. Mahal ko ang mga Pilipino abroad. Kayo ang ipinakikipaglaban ko hanggang ngayon. The last 12 years ko sa Amerika, ang ipinakikipaglaban ko talaga ay mga OFWs. Much neglected, but very important component ng ating lipunan sa Pilipinas,” dagdag na mensahe nito para sa kanyang mga kababayang tagasubaybay sa Japan.

Ibinahagi naman ng direktor na si Fajardo na pangatlong beses na niyang pagdalo ito sa festival.

Bigo man ang “Imbisibol” na maiuwi ang Audience Award na nakuha ng pelikulang “Little Big Master (Hong Kong-China), nakuha naman nito ang respeto at paghanga ng mga hurado at manonood mula sa Japan at iba pang bansa sa Asya.

Ang “Imbisibol” ay kinunan sa iba’t ibang lugar sa Japan kabilang ang Fukuoka sa tulong ng Fukuoka Film Commission. Pinagbibidahan din ito nina JM De Guzman, Allen Dizon, Ces Quesada at Ricky Davao.

Layon ng ika-25 edisyon ng Focus on Asia International Film Festival Fukuoka na ipakilala sa buong mundo ang mga dekalidad na pelikulang Asyano.



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento