Ipinagdiriwang ng RnB Queen na si
Kyla ang kanyang ika-15 anibersaryo sa music industry at magiging kulminasyon
ng selebrasyon nito ang upcoming concert na pinamagatang “Flying High” na
gaganapin sa Nobyembre 20 sa Kia Theater, Cubao. Inilabas din kamakailan ang
limited edition 15th anniversary album na “My Very Best” mula sa PolyEast
Records at mabibili na sa record bars at iTunes.
Inaabangan na ang pagkanta niya ng
kanyang breakthrough hit na “Hanggang Ngayon” at bersyon niya ng “On The Wings
of Love” na theme song ng Primetime Bida teleseryeng pinagbibidahan nina James
Reid at Nadine Lustre sa Flying High concert. Ilan lamang sina Jay-R, Erik
Santos, Angeline Quinto at KZ Tandingan sa mga guest performers niya.
Shift to ABS-CBN and Cornerstone
Pagkaraan ng 15 taon ay nananatili
pa rin na matibay ang musika ni Kyla sa OPM at isa na sa mga nirerespetong
singers ng bansa. Ngayon, siyam na studio albums na ang nailunsad niya, apat na
compilation at 11 Awit Awards. Nakatrabaho rin niya sina Brian McKnight na
nagsulat at featuring sa kantang “My Heart” mula sa “Journey” album, Ronan
Keating, Blue, Keith Martin at Fralippo Lippi.
At sa kabila ng tagumpay niya sa
karera, higit na mahalaga pa rin kay Kyla ang mas lumalaki pang dedikasyon at
pagmamahal niya sa musika. Hindi rin napigilan ng singer na balikan ang mga
panahong kumakanta siya sa lounge bars noong nasa kolehiyo siya. Aniya, noo’y
jazz at standards ang mga kinakanta niya na malayo sa ginagawa niya ngayon.
Malaking pagbabago din ang
paglipat ng singer sa ABS-CBN mula sa mahigit 10 taon niya sa GMA. Aniya, hindi
naging madali ang desisyon ngunit para sa kanya ito na ang sagot sa kanyang
dasal ng bagong tapang at direksyon, gayon din bilang bagong bahagi ng Cornerstone
Entertainment na siyang nag-aasikaso na ng kanyang karera.
Ibinahagi ng singer ang sayang
magtrabaho sa isang bagong kapaligiran kasama ang mga bagong kasama. Hindi rin
niya naitago ang kagalakan at kaba na makakasama na niya ang mga idolo niya sa
ASAP gaya na lang nila Gary Valenciano at Martin Nievera.
Kyla and her early years
Sa murang edad pa lang ay nakitaan
na si Kyla ng malaking interes at talento sa pagkanta at musika dahil na rin sa
pagkakalantad nito sa soul at jazz music collection ng kanyang mga magulang.
Sampung taong gulang pa lang siya nang manalo sa DZRH “Hamon sa Kampeon.”
Naging grand champion noong 1993 ang kanyang bersyon ng “I Am Changing” ni
Jennifer Holiday.
Naging bahagi rin siya ng “That’s
Entertainment” na afternoon variety show ng GMA nang madiskubre ng direktor na
si Al Quinn at kinatawan ng bansa sa ikaapat na Yamaha Music Quest sa Japan
noong 1995. Nagtapos din siya bilang third place sa ’97 Metropop Young Singers’
Competition. Sumali ulit ngunit hindi pinalad na mapasama ang “One More
Try” sa top 12 ngunit dito na siya
napansin ng EMI Philippines.
At noong 2000 ay inilabas niya ang
kanyang debut album na “Way to Your Heart.” Higit siyang nakilala sa second
single na Hanggang Ngayon na nanalo ng MTV Viewers’ Choice Award (for Southeast
Asia) sa 2001 MTV Video Music Awards at nagtakda sa kanya bilang kauna-unahang
East Asian female artist na nagwagi sa MTV Video Music Awards. Tumanggap din
siya ng dalawang tropeo sa MTV Pilipinas Awards, ang Best New Artist at Video
of the Year.
Nakilala rin siya sa versatile
qualities ng kanyang boses: airy/raspy singing voice, soulful RnB, paggamit
niya ng vocal style na melisma, scat singing at vocal range ng mahigit sa 4
octaves.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento