Ni
Rey Ian Corpuz
Noong nakaraang buwan ay naging
usap-usapan sa pahayagan at telebisyon dito sa Japan ang pag-apruba sa batas kung
saan sa unang pagkakataon pagkaraan ng World War II ay maaaring sumabak sa
giyera ang mga sundalong Hapon sa labas ng bansa. Sa tingin ng ibang Hapon,
nakababahala ang pangyayaring ito dahil ayon sa kanila, maaaring malagay muli
ang Japan sa banta at panganib ng giyera.
Ang “Right to Collective
Self-defense” ay ang batas na kung saan pwedeng tulungan ng Japan ang mga
bansang gigiyerahin ng ibang bansa. Kahit hindi mismo direktang inaatake ang
Japan, tutulong pa rin ang Japan upang protektahan ang naturang bansa.
Ang batas rin na ito ay nagbibigay
pahintulot sa Japan Self-defense Forces na magsagawa ng humanitarian missions
sa labas ng Japan sa ilalim ng pangangasiwa ng United Nations gaya ng pagtatayo
ng mga infrastructure tulad ng daan, eskuwelahan, at iba pa. Kabilang na rin
dito ang pagpapatrolya sa mga ruta ng mga pangkalakal na barko na nagdadala ng
langis at iba pa sa Gitnang Silangan upang protektahan ito laban sa mga naglipanang
pirata.
Nakasaad din sa batas na ito ang
pagbibigay ngipin at bangis sa mga sundalo nito na protektahan ang kanilang bansa
lalo na kung may direktang atake ito mula sa mga kalapit na bansa tulad ng
China at North Korea.
Isa sa mga makikinabang nito ay ang
Pilipinas at ang mga bansa sa Timog-Silangang Asya na sa ngayon ay nanganganib
sa pagiging agresibo ng China. Ang pagiging lampa ng ating bansa sa isyung
militar ay isang dahilan kung bakit halos lahat ng Pilipino ay pabor sa batas
na ito.
Magkakaroon ng Mutual Defense Pact
ang bansang Pilipinas at Japan dahil sa batas na ito na kung saan magtutulungan
ang isa’t isa sa aspetong militar. Sa ilalim ng kasunduang ito, pwedeng
magpatrolya ang mga pandigmang barko ng Japan sa mga dalampasigan ng Pilipinas
at pwede rin itong dumaong. Kapalit nito ay ang military exercises na pwedeng
ibahagi ng Pilipinas sa Japan.
Ang mga sundalong Hapon pagkatapos
ng World War II ay walang gaanong karanasan sa tunay na combat operations dahil
ipinagbawal ito ng kanilang Konstitusyon. Sa pamamagitan nito, mas mapapalawak
ng Pilipinas ang kanilang kaalaman sa aspetong teknikal dahil sa mga makabagong
pandigmang sasakyan ng Japan at mapapalawak ng Japan ang kanilang “marksmanship”
tulad ng jungle survival, assault at closed-quarter battle sa pamamagitan ng
mga war exercises na matagal nang ginagawa ng Amerika at Pilipinas sa
pamamagitan ng Visiting Forces Agreement.
Sa kasamaang palad, ang pag-apruba
ng batas na ito ay nagkaroon ng negatibong pananaw sa karamihan ng ordinaryong
Hapon. Maraming may ayaw dahil hindi nila nais na magkagiyera.
Mayroon silang punto pero kung ating
iisipin ay nalalagay ang kanilang bansa sa panganib ng giyera laban sa China at
dahil sa pagiging “dormant” o walang kibo ng Japan sa matagal na panahon,
hinayaan ng mundo ang China na maging hari-harian at “bully” sa West China Sea.
Halos nawalan ng pangil ang Japan
kaya’t kahit na ang mga ilegal na mangingisda ay hindi marendahan gaya ng pagwasak
ng mga ito sa mga coral reefs ng
Ogasawara Peninsula dahil sa pagkuha ng mamahaling red corals upang ibenta ng
milyun-milyong halaga sa China.
Dahil rin sa patuloy na pag-angkin
ng China sa West Philippine Sea at paggawa ng reclamation sites ay maaaring mawalan
ng trade route kinalaunan ang buong Asya dahil sa kasakiman ng China.
Paano na ang export-driven economy
ng Japan na umaasa sa mga ruta ng barko patungo sa ibang bansa? Kapag ito ay
naharang at ma-harass ng China ay siguradong masasaktan ang ekonomiya ng Japan.
Paano na kung isang araw gigising ang mga Hapon na sinakop na pala sila ng
China? Hindi ba dapat lagyan ng pangil ang kanilang JSDF?
Bago pa man mangyari ito ay dapat
pro-active na ang mga Hapon. Ang pagiging walang kibo ng Japan sa pagkatagal na
panahon ay ang isang dahilan kung bakit naging mas agresibo ang China. Kailangan
ng Japan na tumayong “Big Brother” sa Asia-Pacific region. Sa pamamagitan nito,
mapapanatili ang kapayapaan at balanse ng kapangyarihang militar sa Asya.
Ang ibang mga Hapon ay nag-aalala
na baka raw mamatay sa bakbakan ang mga JSDF na sundalo. Panata nila iyon bilang
isang sundalo at kung nagkataon man ay hindi sila mamamatay ng walang dahilan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento