Lunes, Nobyembre 2, 2015

Luluha ang mga buwaya sa likod ng ‘balikbayan boxes’

Ni Cesar Santoyo

Walang epekto ang pagkausap ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III sa Bureau of Customs (BOC) Commissioner Alberto Lina para itigil ang pagbubukas ng mga “balikbayan boxes.” Wala namang ngipin ang panukalang Balikbayan Law sa Senado na ang layunin ay itaas lamang ang tax exemption ng imported goods at walang patungkol kung paano pangangalagaan ang mga pinaghirapang laman ng mga ipinapadalang balikbayan boxes ng mga OFW para sa mga mahal sa buhay sa Pilipinas.

Makalipas ang buwan ng mga masalitang pag-astang aksyon ng Pangulo at mga Senador sa reklamo ng mga OFW at mga kamag-anak ay wala namang humpay sa social media ang mga personal na dokumentadong reklamo mula sa mga nagpadala at tumanggap ng balikbayan boxes. Makikita sa mga litratong ebidensya at ang mga kahon, ang isang halimbawa ay galing sa Fukuoka, na makikita sa electronic na larawan na parang hinalukay ng uwak na basurahan na ang itsura ng dumating ang mga kahon sa bahay ng pamilya.

Maging ang pakete ng EMS ay hindi nakakaligtas sa mga pagbubukas sa Post Office na madalas makikita ang reklamo ng mga nagpadala mula abroad at maging mga kamag-anak sa Pilipinas. Kung hindi nagkukulang ang laman ng ipinadala ang kasama sa reklamo naman ng kamag-anak na tumanggap ay ang sobrang taas ng tax na ipinataw na mas mahal pa sa halaga ng pagkabili ng produkto rito sa Japan.

Lalo pang lumalala ang usapin ng balikbayan boxes na hindi na lamang sa pagbubukas ng BOC kundi maging sa may mga bitbit kasabay sa biyahe. Sa isang balitang pang-telebisyon ay isiniwalat ang reklamo mula sa nagngangalan Mayden Castillo, isang Fil-Am na umuwi sa Pilipinas makalipas ang 10 taon. October 4, 2015 ng siya ay dumating sa NAIA at pagkakuha ng kanyang tatlong balikbayan boxes ay bukas at butas ang mga ito at nawawala ang mga mahahalagang laman.

Kaugnay ng mga maanomalyang nangyayari sa NAIA ay ang istorya ng isang kababayan na papuntang Japan, si Jennifer Delos Reyes, na hinarang ng airport personnel dahil ang bag daw niya ay may laman na bala ng baril na matinding itinanggi ni Jennifer. Iniuugnay ang balitang ito sa bantog na “laglag bala” modus operandi na kung saan ay maraming biktima ang lumantad sa media at inaakusahan ang ilang mga empleyado ng airport sa kasong pangingikil.

Kung papansinin, may pagtaas ng insidente ng pagrereklamo mula sa mga OFW at pamilya sa Pilipinas kaugnay ng mga pinapadalang balikbayan boxes at maging ang mga pakete ng EMS sa Post Office sa kasalukuyan.

Sa mga pasahero ng eroplano ay patuloy ang pagtaas ng reklamo ukol sa mga nawawalang bagahe sa NAIA maging ang pagdami ng lumalabas na balitang paninikil sa mga pasahero ng airport. Walang humpay na mga nakakalungkot at hindi kaaya-ayang mga balita kagaya ng mga paratang ng mga nagrereklamong nasangkot sa maanomalyang laglag bala. Dahil sa isyung ito, karamihan tuloy ng nasa abroad ay nag-aalala na baka sila naman ang matiyempuhan at maging isa sa susunod na magrereklamo dahil sa nawalang bagahe kagaya ng mga napabalita. O kaya, baka makitaan din na may bitbit na bala kahit sa Japan ay walang baril ang mga tao.

Sobra na at kasuklam-suklam ang pabigat sa isip at damdamin ng mga OFW dala ng mga maiinit na isyu sumasabog sa customs at airport. Ang munting mapagsasaluhan ng pagmamahal na kalakip ng bawat balikbayan boxes ay para bang may nakakatakot na pagdaraanan. Parang may peligrong pipitik o sasakmal sa pinaghirapang biniling bagay na ipapadala para sa pamilya na laman ng balikbayan o pakete ng EMS.

Dahil sa isyu ng mga balikbayan boxes at laglag bala gang ay halos wala ng masasabing ligtas na himpilan ang mga Filipino sa ibayong dagat. Komentaryo nga ng isang kababayan sa isang social network na “binabalot na ng takot, pagkainis at kawalang pasensya ang karamihan sa mga kababayan sa abroad na para bang dadaan palagi sa balwarte ng mga buwaya ang mga padalang gamit at sa pagsakay sa eroplano.”

Pero teka muna kabayan, mas mainam pa nga yata na maglakad sa kuta ng mga buwaya. Dahil ang mga hayop na ito ay tahimik at  hindi mapanganib na huwag mo lang bubulabugin para hindi sila mapilitan lumaban at magtanggol. Malaki ang naitutulong ng mga buwaya dahil sa ang mga balat nito ay nagbibigay ng trabaho sa marami sa paggawa ng mga sapatos, bags at iba pang yaring produkto.

Kung ang mga OFW man ay naghihinagpis, ito ay dahil sa mga inaakusahang “kawatan” sa tanggapan ng BOC, sa mga Post Office at mga personnel ng airport na sangkot sa reklamong pangingikil. Mas may halaga pa ang buhay ng mga buwaya kaysa sa mga akusadong kawatan dahil ang mga buwaya ay mas may silbi sa lipunan kahit pinagmamalupitan ng mga tao.


Tutulo talaga ang luha ng mga buwaya kung sakaling maunawaan nilang inihahanay sila sa mga “akusadong kawatan” sa customs at sa airport. Hindi papayag ang mga buwaya na kahit sila ay mga hayop ay hindi sila dapat ihalintulad sa mga taong walang silbi sa lipunan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento