Ipinapakita ang mga post na may etiketa na DOTC. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na DOTC. Ipakita ang lahat ng mga post

Linggo, Hulyo 10, 2016

China’s ‘straddling bus’ could be the future of public transportation


Sa nalalapit na pagtatapos ng termino ng administrasyong Aquino, napag-alaman ang limang naunsyaming public-private partnership (PPP) projects. Isa rito ang Php374.5 bilyon na Makati-Pasay-Taguig Mass Transit Loop System (MTSL) na sana ay kauna-unahang subway system ng bansa na proposal ng Department of Transportation and Communication (DOTC).

Kung natuloy sana, higit na makakaluwag ito sa trapiko, mababawasan ang polusyon at mapapabilis ang transportasyon ng mga Pinoy ngunit tinanggal ito sa proyekto dahil sa scheduling constraints partikular na sa final alignment ng subway.

Bagaman iminumungkahi sa bagong Department of Transportation (DOT) na buhayin muli ang MTSL project, malabo pang makitaan ito ng kasiguruhan lalo na’t kailangan pa aniya ng ibayong pag-aaral ng Japan International Cooperative Agency (JICA).

Ngunit isang imbesyon sa China ang maaari nang maging tugon din ng bansa sa parehong problema ng trapiko at polusyon, ito ang tinatawag na “straddle bus.” Agaw-pansin ang pinakabagong concept design nito mula sa Beijing-based na Transit Explore Bus (TEB) na inilunsad sa 19th International High Tech Expo sa Beijing kamakailan.   

Hindi man world’s largest polluter ang bansa at ‘di kasing-tindi ang trapiko ng sa China ay mayroon din tayong problema sa tumataas na car ownership at overpopulation gaya nila na nagdudulot ng traffic jams. Ang parehas na sitwasyon ay maaaring gamitin ng mga eksperto sa bansa bilang basehan na posibleng ang straddle bus ang mas madaling solusyon sa dalawang pangunahing problema na ito kumpara sa isang full-scale subway system na mas mahal, mas matagal itayo at mas kailangan ng maintenance.

Tinawag itong straddle bus dahil sa haba nitong 60 metro at two lanes-wide o halos walong metro ang lapad kung saan maaaring dumaan ang mga sasakyan na may taas na mas mababa sa pitong metro kahit tumatakbo o nakatigil ang bus. At dahil dito, hindi nakakaharang ang bus sa daloy ng trapiko. Sa kasalukuyang estado ng trapiko sa bansa, malaking bahagi ng pagsisikip ay dahil sa mga malalaking sasakyan gaya ng bus.

Ayon kay Chief Engineer Song Youzhou, kaya rin nitong palitan ang 40 karaniwang bus sa kalsada dahil 1,400 pasahero ang kapasidad nito na may bilis na 60 kph kung saan sasakay ang mga pasahero sa mga designated stations sa pamamagitan ng elevator. At dahil kuryente ang gamit nito, makakatipid ng mahigit 800 tonnes ng gasolina bawat taon at makakaiwas ng 2,480 tonnes ng carbon emissions sa kalikasan.

Hindi na gaanong bago ang ideya dahil ang orihinal nito ay una nang nabuo noong 1969 ng dalawang arkitekto na sina Craig Hodgetts at Lester Walker bilang redesigning proposal para sa New York. Ito ay tinawag na Bos-Wash Landliner na mula Washington, D.C. hanggang Boston ngunit nanatili lamang itong ideya.

Hindi rin ito ang unang pagkakataon na binuhay muli ang konsepto dahil noong 2010 ay una nang ipinakilala ni Song ang ideya sa tulong ng Shenzhen-based Huashi Future Parking Equipment. Bagaman maraming siyudad sa China ang nagpakita ng interes, sa ikalawang pagkakataon ay hindi pa rin ito nabuo.

Ngayon, posibleng “third time’s the charm” nga ang kapalaran ng konsepto dahil muli ay may mga siyudad nang nagpapakita ng interes para buuin ang ideya, at kasalukuyan ay gumagawa na ang TEB ng life-size prototype sa Changzou na nakatakdang isagawa ang test-run nito sa huling bahagi ng Hulyo o Agosto.


Malaking tulong man ang ganitong teknolohiya, tandaan natin na bahagi tayo ng kasalukuyang problema at dapat lamang magbigay tayo ng kontribusyon na makakatugon dito. Ilan sa mga simpleng paraan ay ang pagbabago ng ating saloobin at interpretasyon sa pagmamay-ari ng sasakyan at sa polusyon, disiplina sa pagmamaneho at pagsunod sa batas trapiko at ang paggamit ng eco-friendly fuel alternatives para sa mga may sasakyan.   

Huwebes, Nobyembre 6, 2014

Usapang OFW at paliparan

Ni Cesar Santoyo

Maraming mga babasahin sa Internet ang sunud-sunod na naglabasan nitong unang bahagi ng buwan ng Oktubre na may kaugnayan sa pandaigdigang palapagan o international airport ng Pilipinas. Una at may katagalan ng usapin ay ang pagtutol ng mga OFW laban sa bagong patakaran ng terminal fee na inihain ng Manila Airport Authority, ang pagtasa na ang Ninoy International Airport (NAIA) bilang numero unong “worst airport” sa buong mundo, at ang maramdaming pahayag na trauma sa airport bilang karanasan mula kay Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardinal Tagle.

Simula sa November 1, 2014 ay ipapatupad na ng Department of Transportation and Communication (DOTC) sa pamamagitan ng Manila Airport Authority (MMA) ang patakarang Integrated Passenger Service Charge (IPSC). Sa pagpapatupad ng bagong patakarang ISPC, kasama na sa serbisyo ng lahat ng airlines sa buong mundo ang pangongolekta ng ISPC sa halaga ng bibilihing ticket ng eroplano. Sa kasalukuyan at bago ipatupad ang ISPC ay exempted ang mga OFW sa airport terminal fee.

Batay sa pagpapatupad ng ISPC ay maaring i-refund ng mga OFW ang terminal fee sa mga itinalagang lugar ng DOTC-MMA. Maaaring magawa ang pag-refund ng mga OFW kung may kahabaan ang pananatili sa Pilipinas kagaya ng bakasyon o espesyal na okasyon. Subalit mahirap at imposible ang pag-refund, kung hindi man malaking sagabal, sa mga OFW na gipit sa oras dahil sa pangangailangang makabalik agad sa trabaho abroad o sa panahon ng emergency ang dahilan ng pag-uwi sa Pilipinas.

Kaya sa naturang patakaran ISPC ay malinaw na nilabag at hindi inirespeto ng DOTC at MMA ang probisyon ayon sa batas ng Migrant Act of 1995 at iniyamendahan ng Republic Act No. 1022 na malinaw na nagsasabing exempted sa pagbabayad ng airport terminal fee ang mga OFW.

Sa probisyon mismo ng ISPC na kasama ang pagkuha ng refund ng OFW ay pag-amin mismo ng ahensya na inalis nila ang munting benepisyo sa mga OFW para sa libreng airport terminal fee na ginagarantiyahan ng batas.
    
Nakakapagtaka rin ang probisyon ng ISPC sa paglikha ng trust fund sa ilalim ng MMA na magsisilbing busluan ng mga hindi nai-refund na terminal fee ng mga OFW. Walang linaw kung ano ang basehan sa ilalim ng batas ang paglikha ng MMA ng trust fund at kung ano ang pangalan ng trust fund na ito.

Tinatayang mabilis na aabot kaagad sa milyun-milyong piso ang papasok sa trust fund ng MMA mula sa hindi makokolektang airport terminal fee ng mga OFW na gipit sa oras sa sandaling pananatili sa bansa.
Malinaw na nakasaad na ang layunin ng ISPC ay nakatutok lamang para paluwagin ang daloy ng mga pasehero sa airport. Walang pagtukoy ang patakaran para pag-igihin o pagandahin ang mga international airport.

Nanatiling tahimik at walang pagtutol sa napalathalang pahayag ng Airport Sleeping Community na ang NAIA ang tinaguriang worst international airport sa buong mundo. Para sa mga OFW at mga immigrants sa iba’t ibang bansa na regular na bumibiyahe ay may damang pagsang-ayon sa pahayag ng Airport Sleeping Community kung hindi man naiinis, nahihiya, at nalulungkot sa mga pangitain ng lugar ng palapagang pandaigdig sa lupang tinubuan.

Hindi lamang sa tuwinang bumibiyahe ang mga Pinoy sa abroad nakakadama ng pagkadismaya sa ating international airport. Kasama na rin ang hindi maipaliwanag na kahihiyan sa pagtanggap ng puna mula sa mga local ng bansang tinitirahan na bumisita sa Pilipinas sa naging negatibong karanasan sa ating airport. Ang mga punang natatanggap ng mga Pinoy na naninirahan sa ibang bansa mula sa lokal na mamamayan ay magsisilbing pagpiga ng kalamansi sa sugat na matatamo mula sa patakarang ISPC na nag-alis sa benepisyo ng mga OFW sa exemption nito sa airport terminal fee.

Trauma naman ang karanasan ng ating giliw na Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardinal Tagle kung ang airport ang pag-uusapan. Ayon sa naging pahayag ni Archbishop Tagle halaw sa Internet edition ng CBCP News “Alam ninyo ang airport ay naging traumatic na lugar sa akin. Hindi dahil sa panganib ng pagbiyahe, kundi sa mga nakikita at nadidinig, lalo na ang mga nanay na kinakausap ang anak sa airport, nagpapaalam sa pagkawalay. At makikita mo kung papaano nabibiyak ang kanilang mga puso.”

Isa si Archbishop Tagle sa tatlong “Delegadong Presidente” sa idinaos na Third Extraordinary General Assembly of the Synod of Bishops on the Family sa Rome, Italy. Sa nasabing pagtitipon ay hindi maipaliwanag ang kinasasapitan ng Pilipino sa ibayong dagat at ang kanilang mga pamilya, at pagpapahayag ng pagasa na ang realidad sa pangingibang bansa ay mabigyan ng pagtuon ng kaniyang ka-Synod Fathers.

Ayon sa pahayag ni Archbishop Tagle sa nasabing okasyon, “ang isang madramang epekto ng kahirapan ay migrasyon, na nagiging pansamantalang sanhi, subalit kadalasang matagal na pagkakawalay ng pamilyan Pilipino dahil sa pang-ekonomiyang kagipitan.  Tanggap na may pagkawalay ng mag-asawa, at ng magulang at anak. Hindi dahil sa hindi sila maaaring magsama sa isa’t isa. Hindi dahil may sagabal sa komunikasyon. Hindi rin dahil sa may alitan. Sila ay magkawalay dahil mahal nila ang isa’t isa. At ang mahusay na tunguhin ay ang pagpapakita ng pagkalinga, at pagmamahal, at suporta sa pagkawalay.” 

Ang palapagang panghimpapawid ay lugar ng pagtitiyak ng pagmamahal sa tuwinang namamaalam ang mga OFW sa mahal sa buhay. Sa gusaling ito rin naghihintay ang ipapadamang sabik na pagmamahal sa pagbabalik mula sa matagal na pananatili sa ibang bansa ng mga OFW. Ang gusali ay lugar ng pagpapahayag ng tiyak na pag-ibig at pagkalinga sa isa’t isa ng bawat asawa, anak, magulang at mga mahal sa buhay ng OFW.


Sa kabila ng itinakda ng batas ay pilit namang inalis ng patakarang ISPC ang munting benepisyo ng mga OFW na maging libre sa airport terminal fee.  Kaya kung iuugnay ang winika ni Archbishop Tagle at naging trauma sa airport, mistulang ang DOTC-MMA at ang patakarang ISPC lamang ang tanging walang pusong ipinapadamang pagkalinga, pagmamahal at suporta sa mga OFW at pamilya na nasa loob mismo ng gusali ng paliparang panghimpapawid.