Martes, Disyembre 6, 2016

Business Management 101: Mayroon bang ‘good debt?’

Ni Hoshi Laurence


Ang pangungutang ay isang usaping pera na madalas na natatalakay lamang kapag may problema na sa pamilya.  Maaari rin kasi na ikaw ay nautangan o kaya ikaw ang kailangang umutang. Samantala, habang may mga taong sanay na mangutang ay mayroon din naman na takot, partikular na sa paggamit ng credit cards.

Sa pangkalahatan, hanggang maaari ay dapat iwasan na magkaroon ng utang.  Subalit dahil hindi palaging sakto ang perang paggastos ay maikukunsidera nga ng sinuman na humiram ng pera. Isa sa dahilan ng pag-utang na walang kinalaman sa emergency o heath cases ay ang oportunidad na makapagnegosyo.  Kung may pagkakataon na makahihiram ka ng pera ay alin nga ba ang masasabing mabuting utang o “good debt?”

Kung ang paglalaanan ng perang iyong hihiramin ay mapagkakakitaan sa nalalapit na hinaharap ay masasabi itong good debt. Ayon sa Investopedia (“Good Debt vs. Bad Debt”), ang ilan sa magandang halimbawa nito ay pagkuha ng real estate property, panggastos sa college education, pagpapatayo ng maliit na negosyo, at pamumuhunan sa mga short-term investments.

Samantala, hindi naman ibig sabihin na kapag good debt ang pinaglaanan ng pera ay wala na itong peligro.  Kung ang inutang na pera ay ginamit nga sa short-term investments pero naipalugi naman nang humahawak ay maaaring mauuwi rin ito sa “bad debt.” Hindi rin naman ganoon kadelikado ang paggamit ng credit cards pagdating sa pagnenegosyo basta ba may kamalayan sa tamang paggamit nito.

Ayon sa ulat ng Fox News na may pamagat na “Is There Any Such Thing as Good Debt for a Small Business?” ay may mga matatagumpay na negosyante na  credit cards ang ginagamit para sa kanilang capital at pagbili ng equipment.

Dagdag pa sa nasabing report, ang mahalaga ay mabilis na mababawi ang perang inutang, hindi maaapektuhan ang iyong “cash flow” o perang panggastos sa pagnenegosyo, at nakababayad sa takdang oras.  Ang usapin din naman sa pag-utang sa credit card o anumang loan sa financial institutions ay pag-alam ng termino nito at due date.

“It’s a matching game, where you want to make sure your long-term debt is matched with your long-term assets and your short-term debt is matched with your short-term assets,” saad ni Nat Wasserstein ng New York crisis management firm Lindenwood Associates, sa Fox News.

Ang importanteng tandaan sa tinatawag na “mabuting utang” ay gagamitin ito sa kung saan mababawi mo rin ang pera at interes. 

 “There’s no better example of the old adage ‘it takes money to make money’ than good debt. Good debt helps you generate income and increase,” paliwanag pa sa ulat ng Investopedia, sulat ni Lisa Smith, na binanggit din halimbawa ng bad debt ang  kotse, damit, at credit cards. Dagdag pa rito ay ang mga bagay na consumables gaya ng groceries, gasolina, at pagkain sa labas.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento