Ni
Florenda Corpuz
Kuha mula sa MHI/JAXA |
Matagumpay na inilunsad ng Japan ang
kanilang backup at successor next-generation weather satellite na tinawag na
“Himawari-9” sa Tanegashima Space Center kamakailan.
Lulan ng H-IIA Launch Vehicle No.
31 rocket (H-IIA F31) na gawa ng Mitsubishi Heavy Industries Ltd, kinumpirma ng
Japan Aerospace Exploration Agency (JAXA) na maayos na humiwalay dito ang
Himawari-9 humigit-kumulang 27 minuto at 51 segundo matapos itong umangat sa
lupa.
Nakapasok ito sa geostationary
orbit na matatagpuan 35,800 kilometro mula sa taas ng equator, 140 degrees east
longitude 10 araw makalipas itong lumipad mag-isa.
“At the time of the launch, the
weather was fine, a wind speed was 6.1 meters/second from the north-east and
the temperature was 21.3 degrees Celsius,” pahayag ng JAXA.
Nahuli ng isang araw ang
paglulunsad nito dahil sa masamang panahon.
May bigat na aabot sa 1.3 tonelada,
magsisimula ang operasyon ng Himawari-9 sa taong 2022 at matatapos sa 2029
bilang kapalit ng Himawari-8 na inilunsad noong Oktubre 2014. Ito ang
magbibigay ng observational data sa loob ng mahigit sa 30 bansa at rehiyon sa
Asya Pasipiko sa loob ng 15 taon.
Tulad ng Himawari-8, ang Himawari-9
ay may kakayahang makapagbigay ng mas pinabuting now casting at numerical
weather prediction at mas mapabuti ang environmental monitoring. Mas may
kakayahan din ito na i-monitor ang galaw ng bagyo sa karagatan. Kaya rin nitong
sukatin ang volcanic dust distribution matapos ang pagsabog ng bulkan.
Made-detect din nito ang mga ulap na mabilis na mabuo na nagiging sanhi ng
malakas na pag-ulan. Kaya nitong magkuha ng mga imahe kada 10 minuto at i-cover
ang buong Japan sa agwat na 2.5 minuto.
Ang Himawari ay salitang Hapon na
may kahulugang “sunflower.”
Ang JMA ay nagsimulang magpatakbo ng
geostationary meteorological satellite taong 1978 kung saan sila ay
nakakapaglabas ng mga datos na nakatutulong upang maiwasan ang mga sakuna na
dulot ng mga weather conditions sa rehiyon ng Asia-Oceania.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento