ni MJ Gonzales
Bakit nga ba noong
naghahanap pa lang ng trabaho ay pursigido tayong makamit ang ating mga pangarap? Subalit, kapag kumikita naman na ay natutuksong
bumili ng mamahaling gadgets, gumimik ng gumimik o gumastos para sa iba’t ibang
bagay. Sa bandang dulo naman ay napapatanong na lang tayo kung bakit parang ang layo-layo ng ating mga
pangarap? Nasaan ka nga ba lima o 10 taon mula ngayon? Mayroon ka na kayang
sariling bahay?
Ilagay sa tama ang iyong pera
Kung tutuusin ay konektado ang oras at pera para makamit ng isang tao ang kanyang pinakamimithi sa buhay. Maaaring sa ngayon ay kumikita tayo ng sapat, nakakukuha ng kaliwa’t kanang sideline, at kakayanin pang mag-overtime kung kinakailangan. Pero hanggang kailan?
Mabilis ang takbo ng
oras, hindi na natin namamalayan na nagkakaedad na rin tayo, mayroon ng sariling
pamilya, at sa kaunting panahon na lamang ay
magreretiro na. Sana nga lang ay
nasa mas mabuting kundisyon at lugar na sa nalalapit na hinaharap.
Para sa mga
result-oriented na tao, professional man o hindi, walang imposibleng pangarap
basta’t masusing pinag-aaralan ang mga hakbang. Hindi rin puro plano kundi gumagawa ng kunkretong aksyon para makamit ang pangarap sa
takdang panahon. Magkaibang bagay ang
sumasahod nang malaki pero dumadaan lamang sa palad kaysa sa kumikita at inilalagay
sa tamang lugar ang kanyang pera.
Isang magandang halimbawa
nito ay ang pag-i-invest para makabili nang maayos at magandang bahay. Ito ay uri ng ari-arian na pangangailangan
ninuman at mabibili paunti-unti depende sa iyong kakayahan. Tipo bang mainam na
pagganyak sa iyong pagtitiyaga at pagbabanat ng buto. Para bang sarap tawagin na “katas ng pagiging empleyado” o ng “pag-a-abroad” kapag hawak mo na ang susi
at titulo.
Ano bang ideal place mo?
Bawat tao ay may
kanya-kanyang gusto na nababagay sa kanyang istilo ng pamumuhay. Mas detalyado
sa klase ng bagay, kundisyon o lugar ang iyong nais makamit ay mas mainam. Dito mo rin kasi mas klarong mapagtatanto
kung anu-anong hakbang ang iyong pwede at kakayaning gagawin. Bukod pa riyan ay
malalaman mo rin kung gaano ba kahaba o kaiksi ang iyong igugugol na
panahon. Halimbawa ay sa pagkuha ng
condo unit, may terms na 5, 10, o mas mahaba pang taon. Depende rin ang presyo nito sa laki ng floor
area, may garahe o hardin ba?
Siyempre maigi na isama
sa pag-aanalisa kung alin-alin ang pinakamainam na pamuhunan. Mahirap iyong
kahit saan na lamang at kung alin lamang ang sikat sa inyong lugar. Hindi
madaling kumita ng pera at nasasayang ang panahon sa pag-i-invest sa maling
property.
Kasama nga dapat sa
paghahanap ng mga bagay ng gusto mo ay kung sino ba ang iyong malalapitan. Sa real estate, may mga respetadong kumpanya.
Mayroon klase rin ng lugar na maganda nga ang pagkakagawa pero kulang naman sa
seguridad at mahirap ang lagay ng transportasyon.
Mayroon naman na akala mo
ay makakamura ka pero mapapamahal ka pala sa huli dahil sa mga hidden and other
charges. Ganito rin naman sa iba pang klase ng investments. Kailangan mong mapagtanto kung saan sigurado
at may patutunguhang mabuti ang iyong pera.
Hindi lamang nakapanghihinayang sa bulsa ang walang kasiguraduhang
investment kundi pagtatapon din ng mga taon ng iyong mga pangarap.
Nasaan ka na nga ba lima
o 10 taon mula ngayon? Mas madali at klaro mo itong masasagot kung ngayon pa
lang ay mayroon kang alam na dapat paglaanan. Alam mo na rin kung saan tamang ilagay
ang iyong perang pinaghihirapan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento