Martes, Disyembre 6, 2016

Filipino clothing brand tampok sa Japan Fashion Week

Ni Florenda Corpuz

Si Ben Chan kasama sina Joseph Agustin Bagasao, Carl Jan Cruz,
at Karen Topacio.
Nagtanghal sa unang pagkakataon ang Filipino clothing brand na Bench sa Amazon Fashion Week Tokyo (AFWT) o Japan Fashion Week sa isang runway show na pinamagatang “Asian Fashion Meets Tokyo - Philippines” na ginanap sa Hikarie sa Shibuya kamakailan.

Itinampok ng Bench ang kanilang spring/summer 2017 collection na binubuo ng mga easy-to-wear na mga damit at napapalamutiang mga sandals na bagay isuot sa panahon ng tagsibol at tag-init.

“I’m very happy that Bench participated here at Amazon Fashion Week Tokyo,” pahayag ni Ben Chan, ang founder ng global Pinoy clothing brand, sa isang press conference matapos ang pagtatanghal.

Inanunsyo rin niya ang nakatakdang pagbubukas ng kauna-unahang Bench store sa Okinawa na ayon sa kanya ay lugar sa Japan na bagay ang kanilang mga damit dahil sa klima rito na hindi nalalayo sa Pilipinas.

“It’s very timely that Bench was able to join the AFWT because we are opening a store in Okinawa early next year.”

Bukod sa Bench ay inirampa rin ang mga likha ng mga batang Pinoy designers na sina Joseph Agustin Bagasao, Carl Jan Cruz, at Karen Topacio na binubuo ng mga men’s & women’s / ready to wear and accessories.

Pinasalamatan din ni Chan ang mga organizers ng AFWT sa pagkakataong maipamalas ang koleksyon ng Bench at ng mga Pinoy designers sa isa sa itinuturing na fashion capitals sa buong mundo.

“I hope this is not going to be the last time that a Filipino brand and designer will be a part of the AFWT.”

Ito na ang ikalawang pagkakataon na naging bahagi ang mga Pinoy designers/ brands sa Japan Fashion Week na isa sa pinakasikat at pinakamalaking fashion events sa buong mundo. Matatandaang mainit na tinanggap dito noong nakaraang taon sina Renan Pacson, Ken Samudio, at John Herrera nang kanilang ibida ang kanilang 2016 S/S collection.

Ang Japan Fashion Week ay isang by invitation only event na ginaganap dalawang beses kada taon. Ito ay inoorganisa ng Japan Fashion Week Organization.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento