Lunes, Abril 2, 2018

PHL Embassy pinag-iingat ang mga Pilipino sa mga alok na refugee visa


Ni Florenda Corpuz

Pinag-iingat ng Philippine Embassy sa Tokyo ang mga mamamayang Pilipino laban sa mga indibidwal at organisasyon na nag-aalok ng refugee visa kapalit ng malaking pera para manatili at makapagtrabaho sa Japan.

Ayon sa advisory na inilabas ng Pasuguan sa kanilang website nitong Marso, nanguna ang mga Pilipino sa bilang ng mga aplikante na umabot sa 4,895 batay sa talaan ng Ministry of Justice subalit wala kahit isa sa mga aplikasyong ito ang naaprubahan.

“Ayon sa batas ng Japan, ang mga aplikante para sa refugee visa na hindi kikilalanin ng Ministry of Justice ay hindi na mabibigyan ng pagkakataong mamalagi at magtrabaho sa Japan,” saad sa advisory.

“Ang pagtrabaho sa Japan na walang working visa ay paglabag sa Immigration Control Act ng Japan na may kaparusahang pagkulong, deportasyon at isa (1) hanggang sampung (10) taong hindi pagpasok sa Japan,” dagdag pa rito.

Inilarawan din dito ang refugee bilang “isang taong napilitang lumikas sa kanyang bansa dahil sa pag-uusig, digmaan, o karahasan. Ang isang refugee ay may malinaw at matatag na batayan ng pagkatakot sa pag-uusig dahilan sa kanilang lahi, relihiyon, nasyonalidad, opinyon sa pulitika o pagiging kasapi sa isang partikular na grupo ng lipunan.”

Dinagdag pa ng Embahada na “hindi kinikilala na refugee ang mga mamamayang lumikas ng kani-kanilang bansa dahil may kaalitan na kapitbahay, kakilala, o gang dahil sa pagkakautang at iba pa; may kaalitan na kamag-anak dahil sa mana, away ng mag-asawa, pagkakautang at iba pa; nagnanais magtrabaho sa Japan; at nagnanais na magpagamot sa Japan.

Matatandaang nauna nang pinayuhan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mga manggagawang Pilipino na iwasan ang mga alok na trabaho sa Japan gamit ang “tourist-to-refugee” recruitment scheme.

Ito ay matapos iulat ng Office of the Undersecretary of Migrant Workers Affairs (OUMWA) ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang isang nagngangalang “Mara” na nanghihikayat sa mga aplikante na pumunta sa Japan gamit ang tourist visa at tinuturuan sila na mag-apply ng refugee visa sa Immigration Bureau ng Japan para sa employment purposes sa pamamagitan ng social media.

Hiniling ng OUMWA sa POEA na magsagawa ng imbestigasyon para sa posibleng kaso ng illegal recruitment o trafficking in persons kung saan sangkot ang sindikato na nag-o-operate sa Saitama Prefecture.

Binanggit din sa ulat na isang broker na nakabase sa Maynila ang naghahanda ng mga pekeng dokumento tulad ng certificate of employment at bank statement para sa visa application ng aplikante. Naniningil umano ang sindikato ng Php55,000 hanggang  Php95,000 bawat aplikante para sa mga pakunwaring serbisyo.

Sa hiwalay na ulat, sinabi ng refugee recognition office ng Immigration Bureau na ang tumataas na bilang ng mga Pilipinong aplikante bilang technical trainees ay nag-a-apply ng refugee status kapag mawawalan na ng bisa ang kanilang visa.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento