Martes, Abril 3, 2018

Libreng Wi-Fi sa bullet train ilulunsad ng Japan Railway


Para matugunan ang demand ng mga dayuhang turista bago sumapit ang 2020 Tokyo Olympics and Paralympics ay sisimulan na ng Japan Railways (JR) ang paglalagay ng libreng serbisyo ng wi-fi sa mga Shinkansen bullet trains nito.

Nakatakdang ilunsad ng East Japan Railway Co. (JR East) ang free wi-fi service nito sa Akita, Hokuriku at Tohoku Shinkansen lines sa darating na Mayo, sa Yamagata Shinkansen Line sa fiscal 2019 at sa fiscal 2020 naman sa Joetsu Shinkansen Line.

Sisimulan naman ng Central Japan Railway Co. ang free wi-fi service nito sa Tokaido Shinkansen Line sa kalagitnaan ng 2018. Sa parehong taon din ay isasagawa din ito ng West Japan Railway Co., Kyushu Railway Co. at Hokkaido Railway Co.

Una nang naglunsad ng libreng serbisyo ng wi-fi ang Toei subway at Tokyo Metro subway noong 2015 at inaasahang mailalagay sa lahat ng tren nito pagsapit ng 2020.

Isinagawa na rin ito ng Toei buses na una nang nagpatupad sa libreng serbisyo ng wi-fi noong Marso 2014.

Target ng administrasyon ni Prime Minister Shinzo Abe na magtala ng 40 milyong foreign tourist arrivals pagsapit ng taong 2020 kasabay ng pagho-host ng Tokyo sa Olympic at Paralympic Games.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento