Linggo, Hunyo 17, 2018

Aireen Oikawa: Pinay on the Rise


Isa si Aireen Oikawa, na kasalukuyang naninirahan sa Iwate-ken, sa mga Pilipina na gumagawa ng sariling pangalan sa pagkanta. Nito lamang ay siya ang napiling kumanta ng “If We Believe in Love,” kung saan siya rin ang composer, para sa music video ng pelikulang “Maid in London” na pinagbibidahan nina Andi Eigenmann, Matt Evans, at Polo Ravales sa ilalim ng Viva Films. Ipapalabas ang pelikula sa mga sinehan sa Pilipinas ngayong darating na Hunyo 13.

Subalit, hindi naging madali para sa 42-taong-gulang na Pinay ang magkaroon ng karera sa pagkanta sa Japan at tuparin ang pangarap na maging singer-songwriter. Puspusang pag-eensayo at pagsali sa mga singing contests ang ginawa ni Aireen para sanayin ang sarili sa pagkanta at magkaroon ng sapat na karanasan para magtanghal.

Noong bata pa lamang siya ay pinanghihinaan siya ng loob dahil sa hindi siya madalas manalo sa singing contests.

“Sa Bulacan, nasabak ako sa mga singing contest sa iba’t ibang barangay tapos maraming beses na talo ako kasi maraming magagaling sa Bulacan. Lagi akong nagmumukmok kapag natatalo ako tapos sinasabi ko sa pamilya ko na ayoko nang sumali,” pahayag ni Aireen sa Pinoy Gazette.

“Pero sabi ng tatay ko sa akin, ‘paano mo malalaman na mananalo ka kung hindi ka sasali uli.’ Iyong singing contests ang naging training background ko,” dagdag pa ni Aireen na ipinanganak sa Bicol at lumaki sa Bulacan.

Napasali sa isang female band sa Sampaloc, Manila si Aireen noong siya ay 16-toang-gulang at pagkaraan ng dalawang taon ay lumipad siya sa Japan para maging entertainer.

Matiyaga at may pangarap, nagsikap si Aireen at hindi nagsayang ng oras sa pagtatrabaho at pagpapayaman ng kaalaman para mapagbuti ang sarili at mapaghusay ang talento. Aniya, hindi niya iniisip ang mga sakripisyo at hirap dahil sa kanyang pananaw ay bahagi ito upang maging matagumpay sa larangang napili.

“Ako kasi kapag pumasok sa isang bagay, I make sure na mag-stand out ako. Katwiran ko kasi, nandito na ako so why not make the most out of it. Lahat naman tayo may kanya-kanyang kakayahan. Pagyamanin mo ang bagay na alam mong kaya mong gawin at magiging masaya ka,” ani Aireen na nakapag-asawa ng Japanese sa edad na 30.

“Importante kasi na masaya ka sa ginagawa mo,” paninindigan ng Pinay na isa rin asawa, ina, radio DJ at songwriter.

Ilan sa mga piyesang kanyang inawit at isinulat ay ang “Ika’y Biyaya,” “Lahat Para Sayo,” at “Hanggang Kailan.”

Patuloy si Aireen sa pag-aaral ng bagong kanta at lengguwahe ng Japan, pag-alam sa mga pasikot-sikot sa radio broadcasting, at paghingi ng payo mula sa mga tao na mas bihasa sa kanya pagdating sa pagkanta at pagtatanghal.

“Huwag mahiyang magtanong at matuto sa ibang tao. Maging mapagkumbaba na napakaimportante kapag nasa entertainment world ka. Kailangan marunong kang mag-adapt sa lahat ng sitwasyon at taong makakaharap mo,” ani Aireen.

Sa huli, simple lamang ang kahulugan ng tagumpay para kay Aireen.

“Para sa akin, ito iyon malaman mo na suportado ka ng pamilya mo at mga kaibigan mo sa gusto mong gawin at kasama mo silang natutuwa sa mga nangyayari sa career mo,” pagtatapos ni Aireen na nangangarap din na makapagtayo ng restaurant business sa Pilipinas at makagawa ng music video na isasali sa international competition. 

Martes, Hunyo 5, 2018

Eco-bricks by Green Antz Builders: An innovative way of repurposing single-use plastic sachets




 “A smarter way to build.”

Ito ang konsepto sa likod ng kumpanyang Green Antz Builders, isang innovative provider ng building – housing solutions kung saan ang mga produkto, serbisyo, sistema, at pamamalakad ng kumpanya ay isinasagawa ang mga eco-friendly practices at gumagamit ng mga teknolohiya at mga materyal na maka-kalikasan.

Gaya na lang ng pangunahing produkto ng Green Antz, ang tinatawag na Eco-brick – na isang halimbawa ng modernong pamamaraan ng “repurposing” sa mga plastic sachets na kadalasan ay isang beses lang ginagamit at tinatapon agad. 

Bagaman halos parehas ang itsura sa ordinaryong hollow blocks na gawa sa semento, tubig, at buhangin, ang eco-brick ay sa kumbinasyon ng semento at dinurog na plastic laminates o sachets.

Building towards green sustainability

“To create sustainable and environmentally responsible communities and to be a leading driver of social values through impactful initiatives on sustainability, poverty alleviation, and improving the access to classroom and shelter.”

Tapat ang Green Antz Builders sa mga panuntunan na ito na siyang nagbubunsod sa mga adhikain at proyekto nito bilang isang responsableng kumpanya.

Hindi lingid sa kaalaman ng publiko na isang pangunahing pollutant ang plastic sachets, at nakalulungkot na makitang kinokontamina nito ang mga karagatan na nagiging dulot pa ng pagkamatay ng mga marine animals.

Sa pamamagitan ng makabagong sistema ng Green Antz ay nagkakaroon ng bagong pakinabang ang plastic sachets. Dagdag pa ng kumpanya, gamit ang materyal, nakatutulong ito para paigtingin pa ang thermal insulating properties ng eco-brick.

Ngunit paano nga ba ang proseso nito para maging kapaki-pakinabang bilang materyal sa paggawa ng eco-bricks?

From waste to resource

Limang hakbang ang prosesong ginagawa para gawing materyal ang plastic sachets – una kinokolekta ang mga ito mula sa industrial at commercial waste plants, hinuhugasan at dinudurog nang pinong-pino, hinahalo sa basang semento para makagawa ng mixture, saka ito binubuhos sa brick pressing machine, at pagkatapos ay patutuyuin na ang naprosesong produkto.

Ang bawat piraso ng isang eco-brick ay ginagamitan ng 100 piraso ng maliliit na plastic sachets.

Maliban pa sa dagdag na thermal insulation properties ng eco-brick, marami rin itong iba pang mga kalamangan kumpara sa tradisyonal na hollow block – 550 PSI compressive strength (in comparison – 158 PSI of hollow blocks) at PhP 830 average price per square meter (PhP 900-1,100 average price per square meter).

Aesthetically versatile

Dagdag pa rito, brick stacking ang pamamaraan ng eco-brick sa halip na brick layering ng hollow blocks. Sinasalansan at hinahanay ang eco-brick sa pamamagitan ng mala-lego na connectors saka nilalagyan ng concrete mortar ang mga butas nito para maging matibay ang pagkakadikit-dikit ng eco-bricks.

May iba’t ibang klase rin ang eco-bricks na pwedeng mapagpilian kaya’t swak ito sa mga gusto nang may disenyo – maliban sa Green Antz, mayroon din Red Antz (with a rusty look similar to the classic red brick), River Sand (pure concrete interlocking brick), Red Earth (red clay with sand and cement, tougher than typical red brick), Classic Glazed (smooth shiny finish concrete interlocking brick), at Red Mosaic (with red brick look and extra coating protection).

Lunes, Hunyo 4, 2018

Kontribusyon ni Koji Yakusho sa Japanese film industry kikilalanin sa Tokyo Film Fest


Ni Florenda Corpuz


Kuha mula sa TIFF 2018
Inanunsyo ng Tokyo International Film Festival (TIFF) ang pagkakapili sa legendary Japanese actor na si Koji Yakusho bilang “Actor in Focus” sa Japan Now section ng kanilang 31st edition.

Magsasagawa ang TIFF ng retrospective ng kanyang mga pinagbidahang pelikula mula sa mga classic films hanggang sa pinakabagong masterpiece na nagpapakita ng kanyang hindi matatawarang kontribusyon sa Japanese film industry pati na rin sa mga foreign co-productions.

“Koji Yakusho is Japan’s leading international actor, demonstrating unparalleled versatility in wide-ranging roles across every genre. In one film, he plays the enigmatic defendant in a murder case, changing his story at whim as if he’s a god; in another, he portrays a cop investigating a series of gruesome murders, gradually becoming a monster himself. He has indelibly played dozens of characters, and imbued them with humanism and inimitable imagination. In a romantic comedy, he portrayed a lonely salaryman who becomes obsessed with ballroom dance; in several historical epics, he has portrayed spirited samurai characters.

“His work has been internationally recognized, with accolades and nominations in Japan and overseas, including at Cannes. We are pleased to present a selection of Yakusho’s finest roles,” saad ni Kohei Ando, TIFF Programming Advisor.

Sa mahigit 40 taong karera ni Yakusho, maraming parangal na ang kanyang natanggap mula sa iba’t ibang international film festivals: “Cure” (1997) mula sa TIFF, “Warm Water Under the Red Bridge” (2001) mula sa Chicago International Film Festival, “Walking My Life” (2007) sa Film Madrid, “The Woodsman and the Rain” (2011) sa Dubai International Film Festival at “The World of Kanako” (2014) sa Sitges Film Festival.

Bumida rin siya sa ilang award-winning films: “The Eel” (1997) na nanalo ng Palme d’Or, “Eureka” (2001) na nakatanggap ng Cannes Ecumenical Jury Prize at “Babel” (2006) na nominado ng Academy Award para sa Best Foreign Language Film.

“It has been 40 years since I first developed an interest in acting. For someone who has not been able to stick to a single thing since childhood, it’s a miracle that I’ve been able to pursue this profession for four decades. Our profession is a strange one — no matter how many times you fail and make a fool of yourself, you find yourself thinking, ‘Next time, I just might get it right…’ Perhaps that is the poison we all fall victim to. I am very honored to have my work featured in the Tokyo International Film Festival. I am also indebted to all the people who have inspired me
throughout my life,” komento ni Yakusho.

Gaganapin ang 31st TIFF mula Oktubre 25 hanggang Nobyembre 3.

Unang 16 na miyembro ng MNL48 pinangalanan na




Kuha mula sa ABS-CBN
Buo na ang kauna-unahang girl idol group ng bansa matapos pangalanan ang 16 na miyembro na bubuo ng MNL48 sa pangunguna ni Sheki Arzaga ng Quezon City, ang tinaguriang center girl nito.

Inilabas ang resulta ng kumpetisyon sa unang general election ng idol group sa “It’s Showtime” kamakailan matapos ang isang linggong botohan na siyang tumukoy kung sinu-sino ang bubuo sa MNL47, ang Pinoy version ng popular na grupong AKB48 ng Japan.

Kilala si Sheki bilang ang “powerful stage queen” ng grupo dahil sa kanyang agaw-pansing paghataw at galing sa pagbirit.

Kasama naman niya sa top seven o “Kami 7” sina Abby Trinidad ng Cavite, Sela Guia ng Laguna, Tin Coloso ng Iloilo, Zen Inot ng Cebu, Alice De Leon ng Quezon City, at Trixie Tano ng Marikina.

Nakaabang sa kanila ang international recording at endorsement deals, at sila rin ang mangunguna sa performances ng grupo sa itatayong MNL48 theater. Bukod pa riyan, mayroon din silang pagkakataong mag-perform kasama ang sister group nilang AKB48 at lilipad patungong Japan para sumailalim sa exclusive trainings.

Pasok din sa grupo bilang first generation members ang top eight to 16 girls o “Senbatsu” na sina Ella Amat at Jem Caldejon ng Quezon, Ash Garcia ng Las PiƱas, Gabb Skribikin ng Pasig City, Sayaka Awane ng Legazpi City, Faith Santiago ng Malabon, Lara Layar ng General Santos City, Grace Buenavidez ng Nueva Vizcaya, at Quincy Santillan ng Albay.

Kagaya ng top seven girls, nasungkit din nila ang mga premyo gaya ng recording at endorsement contracts, pati na ang pagkakataong bumida sa music videos ng grupo at mag-perform kasama ang AKB48.

Ang kumpetisyon ay nilikha sa pagsasanib-puwersa ng ABS-CBN at Hallohallo Entertainment (HHE) ng Japan.

May mga sister groups ang AKB48 sa iba’t ibang lugar sa Japan: Ang SKE48 sa Nagoya, NMB48 sa Osaka, HKT48 sa Hakata, at NGT48 sa Niigata. Mayroon din itong sister groups sa ibang bansa: JKT48 sa Jakarta, Indonesia; TPE48 sa Taipei, Taiwan; at BNK48 sa Bangkok, Thailand.


10th Okinawa Int’l Movie Fest, inulan ng bituin at kasiyahan


Ni Florenda Corpuz
Kuha ni Din Eugenio


Dumagsa ang mga sikat na bituin mula sa Japan at ibang bansa sa red carpet event ng ika-10 edisyon ng Okinawa International Movie Festival (OIMF) na ginanap sa Kokusai Dori sa Naha City kamakailan.

Hindi inalintana ng daan-daang movie fans ang malakas na buhos ng ulan at kulog makita lamang ang kanilang mga paboritong artista na lumakad sa red carpet na inilatag sa kahabaan ng dalawang kilometrong kalsada mula Mutsumibashi Intersection hanggang Tenbusu Plaza.

Naghiyawan ang mga tagahanga nang makita ang sikat na Okinawan-born comedian na si Toshiyuki Teruya na direktor ng pelikulang “Born Bone Born” na ipinalabas sa festival.

Pinatingkad din ng presensya ng iba pang Okinawan stars tulad nina Shogen ng inventive drama na “Smokin’ On The Moon,” Rino Nakasone ng food drama na “Jimami Tofu” at Meisa Kuroki ang red carpet event.

“It took 10 years for me to be invited,” biro ni Kuroki na nagsilbi rin bilang host ng “My Favorite Movie” na bagong kaganapan sa festival.

Hindi naman binigo ng sikat na aktor na si Hiroshi Abe ang kanyang mga tagahanga nang siya ay makipagkamay at lumagda ng autographs habang nilalakad ang kahabaan ng red carpet.

“I am so thankful people are here to support us even in the rain,” aniya.

Dumalo rin ang Myanmar-born Hollywood star at Japanese boyband singer na si Win Morisaki na bumida sa pelikulang “Memories of Whale Island.” Ito ang kanyang kauna-unahang international film festival.

Naging bahagi rin ng apat na araw na kasiyahan ang grupong HPN3, ang Japanese comedy trio na naninirahan sa Pilipinas, na binubuo nina Yuki Horikoshi, Tanaka Kazuki at Inoue Kazuo.

Opisyal na nagtapos ang OIMF 2018 sa pagsasagawa ng closing ceremony kung saan nagtanghal ang comedy duo na Garage Sale kabilang si Teruya. Ginawaran din ng Audience Choice Award ang mga pelikulang “In Pursuit of the General,” isang Chinese historical epic na napili ng mga manonood bilang paboritong foreign language film habang ang body-switch comedy na “Reon” naman bilang best-loved Japanese film.

Nagpatuloy ang kasiyahan ng mga tao sa konsyerto na ginanap sa harbor side ng Naminoue Umisora Park kung saan nagtanghal ang mga Okinawan musicians mula sa iba’t ibang grupo kabilang ang Kariyushi58, Begin at Kiiyama Shouten. Kumanta rin sina Rimi Natsukawa, Hiro at Hiroaki Kato.

Ang OIMF ay inisponsoran ng Yoshimoto Kogyo Co, Ltd., ang pinakamalaki at pinakakilalang entertainment agency para sa mga komedyante sa bansa. Sumesentro ang tema nito sa “fun, peace and laughter.”