Ipinapakita ang mga post na may etiketa na K to 12. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na K to 12. Ipakita ang lahat ng mga post

Miyerkules, Oktubre 26, 2016

Tech-voc education sa Pilipinas suportado ng Japanese gov’t

Ni Florenda Corpuz

Inanunsyo ng Japan International Cooperation Agency (JICA) na susuportahan nito ang technical vocational education sa K to 12 program ng Pilipinas para makatulong sa employability ng mga kabataang Pilipino na magtatapos sa ilalim nito.

“Technical-vocational trainings in secondary schools could help bridge the gap in linking the academe with industry particularly in developing sufficient skills for the job market,” ani JICA Poverty Reduction Section Chief Flerida Chan.

Binanggit ng JICA ang pinakamahusay na pagsasanay ng Rogongon Agricultural High School (RAHS) sa Iligan City sa Mindanao na kanilang tinutulungan sa community-based, hands-on trainings para sa mga senior high school na estudyante.

Bumuo ng community-based technical vocational program for horticulture ang paaralan na nagbibigay din ng pagkakataon para sa mga out-of-school high school students, community members at indigenous people na miyembro ng Higaonon Tribe.

Ayon sa pamunuan ng paaralan, nakapagbibigay sila ng kabuhayan sa mga mag-aaral at komunidad sa lugar dahil nagagamit nila ang agricultural land habang ang mga mag-aaral ay nakikinabang naman mula sa kanilang practicum sa pamamagitan ng mentored community immersion para sa agricultural crop production.

“We hope that more students will realize the opportunities in technical vocational education, including agriculture-related courses,” ani Richard Talaid, school head ng RAHS na isa sa 25 partisipante mula sa Pilipinas na sinanay ng JICA sa Japan.

“Our training in Japan made me realize the importance of not only classroom knowledge but more importantly practical applications given availability of agricultural land in the area,” sabi nito.

“The challenge is to help change the perception about technical vocational education and that graduates of this track have equal chances of getting quality jobs as those that took the conventional education pathway,” dagdag pa nito.

Ang RAHS ay isa sa mga recipients ng grant na ibinigay ng JICA sa mga technical vocational school sa Pilipinas upang matulungan na mapahusay ang implementasyon ng technical vocational curriculum.

Binigyan ng JICA ng mga kagamitan para sa agrikultura ang paaralan para magamit ng mga estudyante sa kanilang mga proyekto.

Kabilang din sa mga pilot technical vocational high schools sa ilalim ng DepEd-JICA cooperation ang Don Alejandro Roces Sr. Science and Technology High School, Rizal Experimental Station and Pilot School of Cottage Industries, Subangdaku Technical Vocational High School at San Pedro Relocation Center National High School na mas pinalawak din ang kanilang work immersion program, ang mga guro ay nagsanay sa  Japan at nakatanggap ng technical guidance mula sa ekspertong Hapon.

Ang grant ay bahagi ng senior high school modelling program ng Department of Education (DepEd) at JICA upang matulungan ang K to 12 system link schooling para sa industry needs at employment.


Lunes, Hulyo 13, 2015

Ang pagpapatupad ng K to 12 program

Ni Al Eugenio

Sinasabi na sa buong mundo iilan na lamang ang mga bansa ang hindi nagpapatupad ng sistemang K to 12 o mula sa kindergarten ay 12 taon pang pagpasok sa eskwelahan ang kailangan ng mga batang mag-aaral bago sila maka-graduate sa high school. Pagkatapos nito ay saka pa lamang nila maipagpapatuloy ang pagpapakadalubhasa nang anumang kurso na gusto nilang pag-aralan sa kolehiyo.

Dito sa Japan, ang sistemang K to 12 ang matagal nang sinusunod ng bawat paaralan. Ang sistema rin na ito ang ginagamit sa mas nakakaraming bansa maging mga mayayaman na o mga bansang developing pa lamang. Sinasabi na rito sa Asya, Pilipinas na lamang ang natatanging bansa ang hindi nagpapatupad ng sistemang K to 12.

Nang maupo sa pagkapangulo si Pangulong Benigno Aquino III,  agad niyang sinabi na ang Pilipinas ay magpapatupad na rin ng sistemang K to 12. Ang pamahalaan ng Pilipinas ay binigyan ng bilyong pisong budget para maisakatuparan ang sistemang ito.

Upang maipatupad ang K to 12, kakailanganin ng mga bagong subject na mapag-aaralan sa loob ng dalawang taong idadagdag. Siyempre, kasama nito ang mga bagong mga textbooks at mga libro bukod pa sa mga pasilidad at mga kagamitan tulad halimbawa ng mga laboratory at iba pa.

Mangangailangan din ng mga karagdagang silid-aralan ang bawat eskwelahan upang makapagpatuloy ang mga mag-aaral sa karagdagang dalawang taon pang pag-aaral upang makatapos ng high school. Mangagailangan din ng mga guro na may kaalaman sa mga bagong subject na ibibigay sa mga mag-aaral ng bawat paaralan. Ang paghahandang ito ay hindi madali kaya’t bilyong salapi ang inilaan para rito ng ating pamahalaan.

Sa panig naman ng mga mag-aaral at ng kanilang mga magulang, ang karagdagang dalawang taon para sa pangkaraniwang pamilya na halos sapat lamang ang kita at talagang iginagapang na lamang ang pag-aaral ng mga anak, ito’y mistulang parusa sa pangarap na mapagtapos ang kanilang mga anak at nang baka sakali ay makaahon sila sa matagal na nilang dinaranas na hirap ng buhay.

Hindi katulad dito sa Japan, ang bawat bata ay kinakailangang makatapos ng K to 12 kahit na walang kakayahang pinansiyal ang mga magulang. Tungkulin ng pamahalaan na suportahan ang bawat mag-aaral sa anumang paraan. Ang mga guro, lalo pa at sila ay nagtuturo sa mga pampublikong paaralan, bilang kaanib ng pamahalaan ay sinisiguro nila na nabibigyan ng nararapat na kaalaman ang bawat mag-aaral upang maging isang mabuting mamamayan.

Sa kung anong kadahilanan, sa loob ng ilang taong nakaraan mula noong unang pag-usapan ang pagpapatupad ng K to 12, napakalaking kakulangan sa paghahanda ang naipapakita ng ating pamahalaan sa mga mamamayan. Kakulangan sa silid-aralan, mga maling paglilimbag ng mga aklat na matapos maiimprenta ay lumalabas na hindi na kailangan. Kaya ang tanging paraan ay itapon na lamang o gawing pandewang.  Kakulangan sa mga paaralan na makapagtuturo ng karagdagang dalawang taong pag-aaral.

Papaano kung walang sapat na pantustos sa mga pangangailangan ng mga mag-aaral tulad ng pamasahe, proyekto, baon sa araw-araw? Papaano na ang mga mag-aaral sa mga lugar na malayo sa kabihasnan? Kapag masama ang panahon, naiisip kaya ito ng ating mga nasa pamahalaan habang sila ay na sa loob ng kanilang mga airconditioned na inuupuan? 

Walang masama sa K to 12, matagal na itong kailangan. Hindi natin sinasabi na  ito ay mali. Dapat nga ay noon pa ito isinakatuparan. Ngunit sa uri ng ating mga nanunungkulan na isang tambak na hindi maaasahan. Napakahina ng mga pamamaraan. Laging iginigiit ang mga sariling kapakanan. 

“Nakakainis na,” ang sigaw ng bawat mamamayan. Kailan kaya tayo makaaalis  sa pagiging isang developing na bansa. Marami ng kababayan natin ang ipinanganak at namatay, iilang porsyento lamang ang nagkaroon ng dignidad at kaginhawahan sa buhay. Marami sa kanila ay ang mga nakatapos ng pag-aaral. Kailan kaya magkakaroon ng pagkakataon na ang bawat kabataang Pilipino ay magkakaroon ng kasiguruhan na makakatapos ng pag-aaral?

Hindi salapi ang kakulangan ng ating bansa, marami tayo niyan! Tayong mga OFW na lamang ay Php 22 bilyong ang naiaambag sa kaban ng ating bayan. Isipin na lamang natin ang daan-daang milyong pisong kinukurakot ng marami sa mga nanunungkulan sa ating pamahalaan. Kung nagagamit lamang ng tama  ay wala sana tayo sa ganitong kahihiyan.

Habang isinusulat ang artikulong ito, pilit na ipinatutupad na ng ating pamahalaan ang K to 12 sa kabila ng maraming protesta. Hindi lamang mula sa mga magulang, kasama rin dito ang maraming guro, mga iba’t ibang mga organisasyon. 

Marami rin sa ating mga mambabatas ang hindi sang-ayon sa agad na pagpapatupad nito. Marami ang nagsasabi na kahit hindi pa man lubos na handa ang pamahalaan, at kahit na marami sa ating mamamayan ang magdurusa, ipipilit pa rin ang K to 12 upang maisama ito sa legacy na masasabi ng kasalukuyang administrasyon. 

Hindi sa hindi natin sinasang-ayunan ang K to 12, napapanahunan upang ito ay ikasatuparan. Subalit sana ay kung ang lahat ay nakahanda na. Hindi ito dapat madaliin lalo pa’t ang mga nanunungkulan ay mahina ang mga pamamaraan. Huwag nating isipin na ang kabataang Pilipino ay maiiwanan. Mayroong sadyang talino at galing ang ating mga kababayan. Kaya nilang makipagsapalaran kahit saan. Hindi nga ba’t ang mga nakikipagsapalarang mga kababayan nating ito, na nasa mga bayang sila ay dayuhan,   ang siyang patuloy na sumasapo sa ekonomiya ng ating bayan?