Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Pinoy. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Pinoy. Ipakita ang lahat ng mga post

Lunes, Nobyembre 2, 2015

Filipino art sa Fukuoka Asian Art Museum


Ni Florenda Corpuz

“Juan Luna’s Blood Compact” by Vicente Manansala
Isa ang Pilipinas sa mga bansa sa buong mundo na may mayamang kultura na makikita sa kasaysayan, musika, sayaw, sining at panitikan nito. Ito ay bahagi ng buhay ng bawat Pilipino kaya naman hindi iilan ang kinilala ang husay at galing sa kanilang mga obra tulad na lamang ng mga alagad ng sining na sina Carlos V. Francisco, Vicente Manansala at Robert Feleo. Ang ilan sa kanilang mga likha ay matatagpuan sa Fukuoka Asian Art Museum (FAAM).

Ang FAAM ay matatagpuan sa Fukuoka City, ang kapital ng Fukuoka Prefecture sa hilagang bahagi ng Kyushu, ang pangatlo sa pinakamalaking isla sa buong Japan. Ito ay nagbukas noong 1999 bilang bahagi ng progressive strategy ng lungsod para sa interaksyon sa iba’t ibang kultura sa Asya.

Ang FAAM ang nag-iisang museo sa buong mundo na sistematikong nangongolekta at nagpapakita ng Asian modern at contemporary art.

Ilan sa mga Filipino art na naka-exhibit dito ay ang “Progress Through Education” ng National Artist in Painting na si Carlos V. Francisco o mas kilala sa tawag na “Botong.” Ito ay kanyang nilikha noong 1964 bilang mural para sa isang Manila textbook publishing firm. Ipinapakita rito ang pagdating at paglaganap ng edukasyon sa Pilipinas, mula sa pag-impluwensiya ng Katolisismo sa bansa sa pamamagitan ng mga Kastila hanggang sa pagdating ng mga Amerikano, pati na rin ang kahalagahan nito.

Nilikha naman ni Vicente Manansala ang “Juan Luna’s Blood Compact” noong 1962 bilang tribute sa obra ni Luna na “Blood Compact” na tumutukoy sa sumpaan na isinagawa noong ika-16 na siglo sa pagitan ng Spanish conqueror na si Miguel López de Legazpi at Bohol chieftain na si Datu Sikatuna.

Si Manansala ay miyembro ng “13 Moderns” isang mahalagang modern art group sa Pilipinas at idineklarang National Artist in Painting noong 1981.

Ang makulay na “Mga Manliligaw ni Narda” ay nilikha naman ni Roberto Feleo noong 1987. Ipinapakita rito ang dalawang lalake, isang cowboy (two-faced Morion na ang pinagmulan ay bansang Mexico) at isang Pilipino na nagngangalang Ding ang nag-aalok ng kasal sa isang babae na nagngangalang Narda, (heroine on Filipino comics). Ang dalawang manliligaw ay simbolo ng Western culture habang si Narda naman ay Filipino spirit. Sa obra ay mapapansin na mas maliit si Ding kesa sa cowboy dahil nais ipakita ng maylikha ang kolonyal na pag-iisip o pagtangkilik sa kultura at produkto ng mga dayuhan habang minamaliit ang gawang Pilipino.

Maaaring sadyain ang Fukuoka Asian Art Museum sa ika-pito at ika-walong palapag ng Riverrain Center Building, 3-1 Shimokawabata-machi, Hakata-ku, Fukuoka City para sa iba pang Filipino art na nakahanap ng “tahanan” sa dayuhang lupain.

Martes, Hunyo 3, 2014

Imbayah 2014: Isang pagdiriwang ng kulturang Pilipino

Ni Tim Ramos

Kuha ni Tim Ramos
Hindi maitatanggi na makulay ang kultura natin. Mula sa mga okasyong maliliit gaya ng mga piyesta sa mga barangay hanggang sa mga malalaki at kilalang festival sa iba't ibang probinsya sa bansa na dinarayo ng mga turista taun-taon, taglay nito ang likas na pagiging malikhain at makulay ng mga Pilipino.

Pero kung iisipin, marami sa mga pagdiriwang na bahagi ng ating kultura, ay may kinalaman sa ating pagiging Katoliko at nag-uugat sa ating pagiging kolonya ng Espanya ng mahigit 300 taon.

Dito naiiba ang Imbayah Festival sa Banaue, Ifugao, na ginaganap isang beses kada tatlong taon. Ang Imbayah ay isang pagdiriwang na kumikilala sa mga matatandang kaugalian at tradisyon ng mga taga-Ifugao. Dahil mula sa salitang "bayah" na isang alak na gawa sa bigas at "bumayah" o "imbayah" na ang ibig sabihin ay kasaganahan, ang selebrasyon na ito ay unang ginagawa lamang ng mga "elite" na Ifugao bilang pagkilala sa mga taong umaangat ang estado sa lipunan. Ngayon, ipinapakita na sa lahat ang mga sinaunang ritwal at gawin kaugnay nito upang mapanatiling buhay ang kanilang kultura.

Bukod sa mga ritwal, tampok din sa Imbayah festival ang iba't ibang mga tribal games gaya ng pagkarera gamit ang mga bisikletang gawa sa kahoy, at mga tradisyunal na katutubong sayaw na ipinapakita hindi lamang ng mga matatanda kundi pati ng mga bata, tanda na malaki ang kanilang pagpapahalaga sa kanilang mga sinaunang mga tradisyon.

Iba rin ang Imbayah dahil 'di katulad ng ibang mga mas malalaking festivals sa bansa ay simple lamang ang kanilang selebrasyon. Masasabing hindi lamang para sa turista ang kanilang ginagawa, kundi para rin sa kanilang mga sarili, hindi lamang bilang pagpapasalamat sa kanilang masaganang ani, ngunit upang magsilbing paalala ng kanilang makulay at bukod-tanging kultura.

Pangkaraniwang tumatagal ng tatlo hanggang apat na araw ang buong selebrasyon, kung saan nakakalat ang iba't ibang mga events. Ngayong taon, pinasimulan ang Imbayah sa pamamagitan ng isang limang oras na nature hike mula sa viewpoint ng pamosong Banaue Rice Terraces hanggang sa kabayanan. Tinahak ng mga sumali ang trail na lumulusot sa ilang bahagi ng kagubatan at kabundukan ng lugar, kasama na rin ang mga rice terraces. Habang naglalakad ay ginagamit na rin ng mga local guides ang pagkakataon upang ipaliwanag sa mga dumalo ang iba't ibang mga sinaunang kaugalian sa probinsya na ang ilan ay ginagamit pa ng mga nakatira sa malalayong barrio hanggang ngayon.

Nagkaroon rin ng parada ng iba't ibang mga barrio sa probinysa, kung saan tinampok nila ang iba't iba nilang mga ritwal at sayaw. Ang iba ay may dala pang mga pagkain na doon mo lamang makikita, gaya ng mga malalaking langgam na kanilang ipinirito at kinakain kasama ng ube.

Tunay talagang maipagmamalaki ng mga taga-Ifugao ang Imbayah Festival na iilan lamang sa mga pagdiriwang natin na mas matanda pa sa ating kolonyal na kasaysayan, isang bagay na maituturing nating likas na Pinoy.


Martes, Enero 7, 2014

Rex Angeles inspires Pinoy actors in Japan

Ni Florenda Corpuz

Kuha ni Julius Angelo Pascua

             Hindi matatawaran ang angking galing ng Pinoy sa larangan ng pag-awit at pag-arte. Sa katunayan, isa ang lahing kayumanggi sa itinuturing na best performers in the world. Lingid sa kaalaman ng marami, mayroong isang Pinoy na aktor na tahimik at patuloy na gumagawa ng ingay sa entertainment scene ng Japan sa katauhan ni Rex Angeles. Kilalanin siya sa panayam ng Pinoy Gazette.

Kamakailan ay napanood ka sa documentary TV show na “Kiseki Taiken Unbelievable.” Paano ka naghanda para sa role na Chief Pastika?

            Nakipag-coordinate ako ng husto at nakipag-usap sa direktor kung paano niya gustong palabasin ang character. Binigyan niya ako ng mga ideya at tips tungkol sa tunay na personalidad ni Chief Pastika at ‘yun ang aking sinunod dahil ito ay isang true story. Hindi dapat na maging iba ang karakter na maipakita sa mga manonood.

Ano ang pinakapaborito mong eksena rito? Bakit?

            Iyong eksena na nalaman ni Chief Pastika na tumataas na ang bilang ng mga biktima ng pagsabog, at wala pa rin nakikitang clue kung sino ang may kagagawan ng pagsabog. Dito ni-request ng direktor na ipakita ko sa isang shot ang halu-halong emosyon ng galit, kabiguan at kahinaan sa loob ng 15 segundo. Medyo naging challenging para sa akin, pero sa huli, na-satisfy ko naman siya sa gusto niyang mangyari.

Kung isang araw ay alukin ka na i-feature ang iyong kwento sa “Kiseki Taiken Unbelievable” tulad ni Charice, papayag ka ba? At sino ang gusto mong gumanap bilang Rex Angeles?

            Naku, magandang tanong pero malayong mangyari na ma-feature ang kwento ng buhay ko sa “Unbelievable” kasi wala naman espesyal sa pagkatao at sa career ko. Para sa akin, I’m just an ordinary person at malayong ihalintulad kay Charice.

Ano ang pakiramdam na marami sa mga Pilipino sa Japan ang nakapanood sa iyong pagganap dito at nagsasabing ipinagmamalaki ka nila?

            Actually, maraming Pilipino sa Japan ang hindi ako kilala at hindi pa nakikita sa TV. Naisip ko dahil siguro mas nae-enjoy nila ang mga Tagalog programs sa Pilipinas na napapanood nila sa GMA VOX TV at TFC. Pero doon po sa mga nakakaintindi ng salitang Hapon na nakapanood at naging proud sa akin, masaya po ako at maraming salamat po.

Ano ang iyong susunod na proyekto pagkatapos ng iyong paglabas sa “Kiseki Taiken Unbelievable”?

            Nagkaroon ako ng guest appearance sa pelikulang “SPEC” na ipinalabas sa mga sinehan noong Nobyembre. Nabigyan din ako ng maikling guest appearance sa TV drama na “Doctor X” sa huling araw ng palabas nito noong Disyembre 19 sa TV Asahi. Isang milyonaryong Thai ang role ko rito at sa Thai language din ang mga linya ko kagaya ng aking ka-eksenang si Ms. Ryoko Yonekura.

Sa kakatapos pa lamang na 26th Tokyo International Film Festival, itinanghal na best actress si Eugene Domingo, unang pagkakataon para sa isang Pilipino. Sa iyong palagay, paano ito makakatulong sa iyo bilang Filipino actor na aktibo sa entertainment scene ng Japan?

            I’m very happy for Eugene Domingo. Maaaring ang pagkapanalo niya ay makatawag pansin sa mga ilang Japanese directors at maisip nilang bigyan ng pagkakataon na subukan naman ang galing sa pag-arte ng mga Japan-based Filipino actors na katulad ko.

Ano ang iyong dream role at project?

            Isa sa mga dream roles ko ang gumanap ng karakter na may split personality, o ‘di kaya ay isang tao na may napakaamong mukha pero bad guy pala. Basta mga extremes. Very exciting sa palagay ko at siguradong makakahasa ng galing sa pag-arte. Para naman sa dream project, isang very entertaining TV program na ang main purpose ay ipahatid at i-educate ang viewers tungkol sa mga hindi magandang kaugalian nating mga Pilipino na dapat natin sigurong baguhin para sa ating ikakaangat at ikakaunlad.

Ano ang sikreto ng isang Rex Angeles at tumagal ka sa industriyang ito sa Japan?

            Siguro, respeto sa sarili at sa lahat ng obligasyon ko. Malaking punto rin siyempre ang abilidad at ang reputasyon. Kapag alam nilang maayos kang katrabaho at professional ka, mahirap ka nilang makalimutan. Kuntento ako sa aking kalagayan na hindi ako kasikatan at nae-enjoy ko pa ng husto ang privacy ko. Takot akong umabot sa sobrang taas dahil pagdating mo roon, usually wala kang ibang direksyon kung hindi pababa.

Ano ang iyong mensahe sa mga mambabasa ng Pinoy Gazette?

            Lagi po nating suportahan at itaguyod ang babasahing ito. Sana po ay nagustuhan ninyo ang aking naibahagi sa inyo tungkol sa aking propesyon dito sa Japan. Lagi po tayong magkaisa at ipagmalaki na ang mga Pinoy ay may angking galing at talino sa anumang larangan ng industriya. A Blessed Christmas and a Happy New Year to all! At sa lahat na bumubuo ng Pinoy Gazette, maraming salamat at mabuhay po kayo!