Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Arts. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Arts. Ipakita ang lahat ng mga post

Martes, Disyembre 6, 2016

‘Kimi no Na wa’ director Makoto Shinkai: The master of his own art

Ni Jovelyn Javier


Tinatawag ngayong “The New Miyazaki” ang anime director na si Makoto Shinkai na direktor ng pinakamatagumpay na anime film ngayong taon, ang “Kimi no Na wa” (Your Name). Ito ay dahil number one sa box office ang naturang pelikula na kumita ng mahigit ¥17.9 bilyon matapos maipalabas nitong Agosto at ikalima na sa highest-grossing films of all-time ng bansa.

Unprecedented success from a non-Ghibli film

Naipalabas na rin ang animated masterpiece sa Singapore, HongKong, Taiwan, UK, Busan International Film Fest sa South Korea, at world premiere noong Hulyo sa Anime Expo sa Los Angeles. Nakatakda itong ipalabas sa 85 pang bansa kabilang ang Pilipinas.

Pinarangalan din ito ng special distinction at audience prize (feature category) sa Bucheon International Animation Festival at best feature-length film (animation category) sa Sitges International Fantastic Film Festival.

Inamin ni Shinkai na hindi siya kumportable sa tinatamasang tagumpay ngayon ng obra. Aniya, wala masyadong promosyon sa media ang pelikula at noo’y layon lang nilang maabot ang ¥2 bilyon sa box office.

Nakaantig sa mga manonood maliban sa artistic visuals nito ang kumbinasyon ng modernismo at tradisyon sa anime film na natatanging Japanese — ang “kumihimo” (art of braiding coloured silk cords) ay makikita na tradisyon ng pamilya ng babaeng karakter na si Mitsuha Miyamizu at ginamit din na talinghaga para ipaliwanag ang pagdaloy ng panahon.

Ang isa pa ay ang pag-aalay ng “kuchikami” sake sa mga diyos na bahagi ng isang Shinto shrine ceremony at ang shrine maiden dance ni Mitsuha at Yotsuha, reference sa multiverse theory, coming-of-age, adolescent dreaming, at ang natural-disaster element nito na isang paalala sa 2011 Great East Japan earthquake.

The Shinkai touch

May sariling istilo si Shinkai na nagsisilbing tatak niya, mula sa mga time-lapse sequences, 3D landscapes, beautifully-colored skies, delicate shades, at sparkling light effects; gayon din ang mga pangunahing karakter nito na nakasentro sa isang babae at lalake; at ang tema nito ng pananabik at distansya sa pagitan ng dalawang karakter.

Naiiba ang Kimi no Na wa dahil sa unang pagkakataon ay nagkaroon ng humorous element ang pelikula.

“I wanted to incorporate all kinds of emotion with a broad range of expression,” ani Shinkai.  
Nagmula Koumi, Nagano prefecture ang 43-taong-gulang na si Shinkai at nag-aral ng Japanese literature sa Chuo University.


Ilan sa kanyang mga obra ay ang “She and Her Cat” (1999), “Voices of a Distant Star” (2002), “The Place Promised in Our Early Days” (2004), “5 Centimeters per Second” (2007), “Children Who Chase Lost Voices” (2011), at “The Garden of Words” (2013). 

Martes, Nobyembre 1, 2016

Lav Diaz: The virtuoso of immaculate, deep-seated cinema


It looks beautiful. This is for my country, for the Filipino people, for our struggle, for the struggle of humanity. Thank you, thank you, thank you so much,” ang pahayag ni Lav Diaz sa kanyang pagtanggap ng Golden Lion trophy para sa “Ang Babaeng Humayo” (The Woman Who Left), sa awarding ceremony ng 73rd Venice Film Festival na ginanap kamakailan sa Sala Grande Theater.

Pinangungunahan ni Charo Santos-Concio ang pelikula sa kanyang pagbabalik sa pag-arte bilang si Horacia, isang guro na 30 taong nakulong dahil sa krimen na hindi niya ginawa. Makaraan ang 30 taon, lumaya siya kung saan naging matinding pagsubok sa kanya kung paano muling magsisimula sa lipunang batbat na ng maraming pagbabago.

May tagal na 228 minuto ang pelikula na si Diaz din ang nasa likod ng editing, screenplay at cinematography. Umani ng maraming papuri ang obra mula sa media at nirerespetong film critics.

“A succinct, poignant revenge drama with immaculate imagery in high-contrast black and white. It is an immensely immersive and engaging tale about a wronged individual’s grueling struggle between reconciliation and revenge,” ang pahayag ni Clarence Tsui ng Hollywood Reporter.

A master of art house Philippine cinema

Ayon kay Diaz, nakuha niya ang inspirasyon sa Ang Babaeng Humayo mula sa “God Sees the Truth, But Waits,” isang maikling kwento ni Leo Tolstoy noong 1872 na pangunahing karakter din ang isang preso na huli na nang mapawalang-sala ngunit ang pagkakaiba ay sa unang bahagi pa lang nito ay nabigyang patawad na ang mga nagkasala.

Inilalarawan ng maestro ang sarili niya bilang isang tagapagsalaysay na gumagawa ng mga obra tungkol sa mga pagsusumikap ng kanyang mga kababayan. Ang mga pelikula niya ay mga kalmadong salaysay ng kalungkutan at katibayan ng mga mamamayang ipinagkanulo ng isang nasyon pagkatapos ng maraming taon nito ng kolonisasyon, na layuning ipamahagi ang self-renewal at patuloy na pagtatanggol sa kalayaan sa mga tao.

Malaking inspirasyon ni Diaz ang premyadong direktor na si Lino Brocka, na isa sa mga itinuturing na haligi ng industriya ng pelikulang Pilipino. At inihahalintulad din ang istilo niya sa pamamaraan noon ni Brocka sa kanyang mga rebolusyonaryong obra.

Breakthrough in international cinema

Nagtrabaho sa Maynila bilang direktor at scriptwriter si Diaz, na lumaki sa Cotabato, noong 1990s at sa gitnang bahagi ng dekada ay sinimulan niya ang “Ebolusyon ng Isang Pamilyang Pilipino” na natapos lamang noong 2004. Bago nito, naunang nailabas ang “Serafin Geronimo: Kriminal ng Barrio Concepcion” at “Hubad sa Ilalim ng Buwan.”

Taong 2001 naman nang magsimulang makilala si Diaz sa industriya sa pelikulang “Batang West Side” na umani ng maraming papuri sa loob at labas ng bansa gaya ng Cinemanila International Film Festival, Brussels Independent Film Festival, at Gawad Urian.

Nasundan ito ng “Hesus, Rebolusyunaryo” (2002), “Heremias (Book One: The Legend of the Lizard Princess” (2006), “Kagadanan sa Banwaan Ning Mga Engkanto” (2007), “Melancholia” (2008), “Walang Alaala ang mga Paru-paro” (2009), “Siglo ng Pagluluwal” (2011), “Elehiya sa Dumalaw Mula sa Himagsikan” (2011), at “Florentina Hubaldo” (2012).

Ngunit dumating ang pinakamalaking international break ni Diaz sa “Norte, Hangganan ng Kasaysayan” (2013) na binigyan ng Un Certain Regard sa 2013 Cannes Film Festival, na hinirang din sa Gawad Urian. Nagtuluy-tuloy ito hanggang sa “Mula sa Kung Ano ang Noon” (2014) na pinarangalan ng Golden Leopard, International Critics’ Prize at Don Quixote Prize, gayon din ang best actress para kay Hazel Orencio sa  Locarno International Film Festival at grand prize sa World Premieres Film Festival.

Ginawaran din ng Silver Bear (Alfred Bauer Prize) ang isa pang obra ni Diaz, ang “Hele sa Hiwagang Hapis” (A Lullaby to the Sorrowful Mystery) sa 66th Berlin International Film Festival nitong unang bahagi ng taon.





Lunes, Oktubre 24, 2016

‘Die Beautiful’ ni Jun Lana, pasok sa Tokyo Int’l Film Festival 2016

Ni Florenda Corpuz
Kuha mula sa The IdeaFirst Company Octobertrain Films


Muling magbabalik sa Tokyo International Film Festival (TIFF) ang award-winning director na si Jun Lana sa pagkakapasok ng kanyang bagong pelikulang “Die Beautiful” sa main competition ng prestihiyosong festival ngayong taon.

Sumali si Lana noong 2012 at nagwagi ng Special Mention prize para sa kanyang pelikulang “Bwakaw” na pinagbidahan ni Eddie Garcia. Muli siyang sumali taong 2013 para sa pelikulang “Barber’s Tales” na nagbigay ng Best Actress award kay Eugene Domingo na kauna-unahang acting award ng Pilipinas mula sa TIFF.

Makikipagtunggali ang “Die Beautiful” sa 15 pang pelikula para sa Tokyo Grand Prix award. Napili ang mga ito mula sa 1,502 pelikula mula sa 98 na bansa at rehiyon.

“Kinikilig kami sa tuwa! Our newly finished film ‘Die Beautiful’ has been selected in the Main Competitoon of the Tokyo International Film Festival,” pahayag ni Lana sa kanyang Instagram.

Pinagbibidahan ni Paolo Ballesteros ang transgender comedy drama kasama sina Gladys Reyes, Christian Bables at Joel Torre.

Lalaban naman sa Asian Future section ang “I America” na idinirehe ni Ivan Andrew Payawal at ang “Birdshot” na idinirehe naman ni Mikhail Red.

Ipapalabas naman sa World Focus section ang obra ni Lav Diaz na “A Lullaby to the Sorrowful Mystery” habang mapapanood din ang omnibus film ni Brillante Mendoza na “Shiniuma (Dead Horse)” sa Asian Three-Fold Mirror 2016: Reflections.

Pangungunahan ng direktor na si Jean-Jacques Beineix ang jury ngayong taon.

Inaasahan ang pagdalo ng mga sikat na Hollywood stars tulad nina Meryl Streep at Hugh Grant na mga bida ng “Florence Foster Jenkins” na opening film ng festival.

Ang Tokyo International Film Festival ay isa sa pinakamalaking film festivals sa buong mundo. Layon nitong bigyan ng pagkakataon ang mga film fans na mapanood ang mga high-quality at world-class films mula sa Japan at ibang bansa.

Gaganapin ang 29th Tokyo International Film Festival sa Roppongi Hills, EX Theater Roppongi at iba pang other lugar sa Tokyo mula Oktubre 25 hanggang Nobyembre 3.


Lunes, Nobyembre 2, 2015

Filipino art sa Fukuoka Asian Art Museum


Ni Florenda Corpuz

“Juan Luna’s Blood Compact” by Vicente Manansala
Isa ang Pilipinas sa mga bansa sa buong mundo na may mayamang kultura na makikita sa kasaysayan, musika, sayaw, sining at panitikan nito. Ito ay bahagi ng buhay ng bawat Pilipino kaya naman hindi iilan ang kinilala ang husay at galing sa kanilang mga obra tulad na lamang ng mga alagad ng sining na sina Carlos V. Francisco, Vicente Manansala at Robert Feleo. Ang ilan sa kanilang mga likha ay matatagpuan sa Fukuoka Asian Art Museum (FAAM).

Ang FAAM ay matatagpuan sa Fukuoka City, ang kapital ng Fukuoka Prefecture sa hilagang bahagi ng Kyushu, ang pangatlo sa pinakamalaking isla sa buong Japan. Ito ay nagbukas noong 1999 bilang bahagi ng progressive strategy ng lungsod para sa interaksyon sa iba’t ibang kultura sa Asya.

Ang FAAM ang nag-iisang museo sa buong mundo na sistematikong nangongolekta at nagpapakita ng Asian modern at contemporary art.

Ilan sa mga Filipino art na naka-exhibit dito ay ang “Progress Through Education” ng National Artist in Painting na si Carlos V. Francisco o mas kilala sa tawag na “Botong.” Ito ay kanyang nilikha noong 1964 bilang mural para sa isang Manila textbook publishing firm. Ipinapakita rito ang pagdating at paglaganap ng edukasyon sa Pilipinas, mula sa pag-impluwensiya ng Katolisismo sa bansa sa pamamagitan ng mga Kastila hanggang sa pagdating ng mga Amerikano, pati na rin ang kahalagahan nito.

Nilikha naman ni Vicente Manansala ang “Juan Luna’s Blood Compact” noong 1962 bilang tribute sa obra ni Luna na “Blood Compact” na tumutukoy sa sumpaan na isinagawa noong ika-16 na siglo sa pagitan ng Spanish conqueror na si Miguel López de Legazpi at Bohol chieftain na si Datu Sikatuna.

Si Manansala ay miyembro ng “13 Moderns” isang mahalagang modern art group sa Pilipinas at idineklarang National Artist in Painting noong 1981.

Ang makulay na “Mga Manliligaw ni Narda” ay nilikha naman ni Roberto Feleo noong 1987. Ipinapakita rito ang dalawang lalake, isang cowboy (two-faced Morion na ang pinagmulan ay bansang Mexico) at isang Pilipino na nagngangalang Ding ang nag-aalok ng kasal sa isang babae na nagngangalang Narda, (heroine on Filipino comics). Ang dalawang manliligaw ay simbolo ng Western culture habang si Narda naman ay Filipino spirit. Sa obra ay mapapansin na mas maliit si Ding kesa sa cowboy dahil nais ipakita ng maylikha ang kolonyal na pag-iisip o pagtangkilik sa kultura at produkto ng mga dayuhan habang minamaliit ang gawang Pilipino.

Maaaring sadyain ang Fukuoka Asian Art Museum sa ika-pito at ika-walong palapag ng Riverrain Center Building, 3-1 Shimokawabata-machi, Hakata-ku, Fukuoka City para sa iba pang Filipino art na nakahanap ng “tahanan” sa dayuhang lupain.

Lunes, Disyembre 9, 2013

Maxie The Musicale: Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros


Kuha ni Jovelyn Bajo

Naging hit noon bilang isang pelikula, mapapanood na muli ang “Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros” sa pamamagitan ng isang musical na handog ng Bit by Bit Company, PETA Theater Center at Cultural Center of the Philippines (CCP). Tampok dito ang liriko ni Nicolas B. Pichay, musika ni William Elvin Manzano, JJ Pimpinio at Janine Santos, direksyon at choreography ni Dexter Santos.

Pinagbibidahan ito ni Jayvhot Galang, isang batang tubong Sta. Ana, na mahilig kumanta at idolo si Whitney Houston. Bagaman walang karanasan sa pagtatanghal sa teatro, sinanay siya sa PETA Summer Acting Workshop, voice lessons at dance classes sa pangangalaga ni Janine Santos, isang classical opera singer.

Kabilang sa cast ang ilan sa mga respetadong pangalan sa mundo ng teatro tulad nina Roeder Camanag at Nazer Salcedo bilang Paco Oliveros, Jojo Riguerra bilang Victor Perez, Al Gatmaitan at OJ Mariano bilang Boy Oliveros at Jay Gonzaga bilang Bogs Oliveros.  Nandito rin sina Aaron Ching (Nar), Nomer Limatog Jr. (Leslie), Teetin Villanueva (Monique), Eo de Guzman at Merdin Mojica ( Peter) at Greg de Leon (Chief Dominguez).

Unang nakilala si Maximo Oliveros sa 2005 na pelikula mula sa direksyon ni Auraeus Solito at panulat ni Michiko Yamamoto. Pinagbidahan ito ni Nathan Lopez bilang Maxie kasama sina Ping Medina at JR Valentin. Naging official entry din ito ng Pilipinas sa 79th Academy Awards at ipinalabas sa iba’t ibang international film festivals.

Naiuwi nito ang ilang mga tropeo: 2005 Best Film mula sa Asian Festival of First Films, 2005 Best Picture sa Toronto Imagine Native Film Festival, 2005 Zenith Award for Best Picture sa Montreal World Film Festival, Glass Bear Special Mention sa Berlin International Film Festival at 2007 Independent Spirit Award sa IFC Spirit Awards.

Nakasentro ang kwento kay Maxie na isang 12-taong gulang na homosexual at nakatira sa mahirap na lugar kasama ang mga kuya at tatay nito. Sa kabila ng pagiging homosexual ni Maxie, tanggap siya ng kanyang dalawang kuya at tatay. Nakilala niya si Victor nang iligtas siya nito ng may magtangka sa kanya. Mahuhulog ang loob ni Maxie kay Victor ngunit siya ay nababagabag din sa ilegal na ikinabubuhay ng kanyang pamilya.