Martes, Hunyo 3, 2014

Imbayah 2014: Isang pagdiriwang ng kulturang Pilipino

Ni Tim Ramos

Kuha ni Tim Ramos
Hindi maitatanggi na makulay ang kultura natin. Mula sa mga okasyong maliliit gaya ng mga piyesta sa mga barangay hanggang sa mga malalaki at kilalang festival sa iba't ibang probinsya sa bansa na dinarayo ng mga turista taun-taon, taglay nito ang likas na pagiging malikhain at makulay ng mga Pilipino.

Pero kung iisipin, marami sa mga pagdiriwang na bahagi ng ating kultura, ay may kinalaman sa ating pagiging Katoliko at nag-uugat sa ating pagiging kolonya ng Espanya ng mahigit 300 taon.

Dito naiiba ang Imbayah Festival sa Banaue, Ifugao, na ginaganap isang beses kada tatlong taon. Ang Imbayah ay isang pagdiriwang na kumikilala sa mga matatandang kaugalian at tradisyon ng mga taga-Ifugao. Dahil mula sa salitang "bayah" na isang alak na gawa sa bigas at "bumayah" o "imbayah" na ang ibig sabihin ay kasaganahan, ang selebrasyon na ito ay unang ginagawa lamang ng mga "elite" na Ifugao bilang pagkilala sa mga taong umaangat ang estado sa lipunan. Ngayon, ipinapakita na sa lahat ang mga sinaunang ritwal at gawin kaugnay nito upang mapanatiling buhay ang kanilang kultura.

Bukod sa mga ritwal, tampok din sa Imbayah festival ang iba't ibang mga tribal games gaya ng pagkarera gamit ang mga bisikletang gawa sa kahoy, at mga tradisyunal na katutubong sayaw na ipinapakita hindi lamang ng mga matatanda kundi pati ng mga bata, tanda na malaki ang kanilang pagpapahalaga sa kanilang mga sinaunang mga tradisyon.

Iba rin ang Imbayah dahil 'di katulad ng ibang mga mas malalaking festivals sa bansa ay simple lamang ang kanilang selebrasyon. Masasabing hindi lamang para sa turista ang kanilang ginagawa, kundi para rin sa kanilang mga sarili, hindi lamang bilang pagpapasalamat sa kanilang masaganang ani, ngunit upang magsilbing paalala ng kanilang makulay at bukod-tanging kultura.

Pangkaraniwang tumatagal ng tatlo hanggang apat na araw ang buong selebrasyon, kung saan nakakalat ang iba't ibang mga events. Ngayong taon, pinasimulan ang Imbayah sa pamamagitan ng isang limang oras na nature hike mula sa viewpoint ng pamosong Banaue Rice Terraces hanggang sa kabayanan. Tinahak ng mga sumali ang trail na lumulusot sa ilang bahagi ng kagubatan at kabundukan ng lugar, kasama na rin ang mga rice terraces. Habang naglalakad ay ginagamit na rin ng mga local guides ang pagkakataon upang ipaliwanag sa mga dumalo ang iba't ibang mga sinaunang kaugalian sa probinsya na ang ilan ay ginagamit pa ng mga nakatira sa malalayong barrio hanggang ngayon.

Nagkaroon rin ng parada ng iba't ibang mga barrio sa probinysa, kung saan tinampok nila ang iba't iba nilang mga ritwal at sayaw. Ang iba ay may dala pang mga pagkain na doon mo lamang makikita, gaya ng mga malalaking langgam na kanilang ipinirito at kinakain kasama ng ube.

Tunay talagang maipagmamalaki ng mga taga-Ifugao ang Imbayah Festival na iilan lamang sa mga pagdiriwang natin na mas matanda pa sa ating kolonyal na kasaysayan, isang bagay na maituturing nating likas na Pinoy.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento