Martes, Enero 7, 2014

Rex Angeles inspires Pinoy actors in Japan

Ni Florenda Corpuz

Kuha ni Julius Angelo Pascua

             Hindi matatawaran ang angking galing ng Pinoy sa larangan ng pag-awit at pag-arte. Sa katunayan, isa ang lahing kayumanggi sa itinuturing na best performers in the world. Lingid sa kaalaman ng marami, mayroong isang Pinoy na aktor na tahimik at patuloy na gumagawa ng ingay sa entertainment scene ng Japan sa katauhan ni Rex Angeles. Kilalanin siya sa panayam ng Pinoy Gazette.

Kamakailan ay napanood ka sa documentary TV show na “Kiseki Taiken Unbelievable.” Paano ka naghanda para sa role na Chief Pastika?

            Nakipag-coordinate ako ng husto at nakipag-usap sa direktor kung paano niya gustong palabasin ang character. Binigyan niya ako ng mga ideya at tips tungkol sa tunay na personalidad ni Chief Pastika at ‘yun ang aking sinunod dahil ito ay isang true story. Hindi dapat na maging iba ang karakter na maipakita sa mga manonood.

Ano ang pinakapaborito mong eksena rito? Bakit?

            Iyong eksena na nalaman ni Chief Pastika na tumataas na ang bilang ng mga biktima ng pagsabog, at wala pa rin nakikitang clue kung sino ang may kagagawan ng pagsabog. Dito ni-request ng direktor na ipakita ko sa isang shot ang halu-halong emosyon ng galit, kabiguan at kahinaan sa loob ng 15 segundo. Medyo naging challenging para sa akin, pero sa huli, na-satisfy ko naman siya sa gusto niyang mangyari.

Kung isang araw ay alukin ka na i-feature ang iyong kwento sa “Kiseki Taiken Unbelievable” tulad ni Charice, papayag ka ba? At sino ang gusto mong gumanap bilang Rex Angeles?

            Naku, magandang tanong pero malayong mangyari na ma-feature ang kwento ng buhay ko sa “Unbelievable” kasi wala naman espesyal sa pagkatao at sa career ko. Para sa akin, I’m just an ordinary person at malayong ihalintulad kay Charice.

Ano ang pakiramdam na marami sa mga Pilipino sa Japan ang nakapanood sa iyong pagganap dito at nagsasabing ipinagmamalaki ka nila?

            Actually, maraming Pilipino sa Japan ang hindi ako kilala at hindi pa nakikita sa TV. Naisip ko dahil siguro mas nae-enjoy nila ang mga Tagalog programs sa Pilipinas na napapanood nila sa GMA VOX TV at TFC. Pero doon po sa mga nakakaintindi ng salitang Hapon na nakapanood at naging proud sa akin, masaya po ako at maraming salamat po.

Ano ang iyong susunod na proyekto pagkatapos ng iyong paglabas sa “Kiseki Taiken Unbelievable”?

            Nagkaroon ako ng guest appearance sa pelikulang “SPEC” na ipinalabas sa mga sinehan noong Nobyembre. Nabigyan din ako ng maikling guest appearance sa TV drama na “Doctor X” sa huling araw ng palabas nito noong Disyembre 19 sa TV Asahi. Isang milyonaryong Thai ang role ko rito at sa Thai language din ang mga linya ko kagaya ng aking ka-eksenang si Ms. Ryoko Yonekura.

Sa kakatapos pa lamang na 26th Tokyo International Film Festival, itinanghal na best actress si Eugene Domingo, unang pagkakataon para sa isang Pilipino. Sa iyong palagay, paano ito makakatulong sa iyo bilang Filipino actor na aktibo sa entertainment scene ng Japan?

            I’m very happy for Eugene Domingo. Maaaring ang pagkapanalo niya ay makatawag pansin sa mga ilang Japanese directors at maisip nilang bigyan ng pagkakataon na subukan naman ang galing sa pag-arte ng mga Japan-based Filipino actors na katulad ko.

Ano ang iyong dream role at project?

            Isa sa mga dream roles ko ang gumanap ng karakter na may split personality, o ‘di kaya ay isang tao na may napakaamong mukha pero bad guy pala. Basta mga extremes. Very exciting sa palagay ko at siguradong makakahasa ng galing sa pag-arte. Para naman sa dream project, isang very entertaining TV program na ang main purpose ay ipahatid at i-educate ang viewers tungkol sa mga hindi magandang kaugalian nating mga Pilipino na dapat natin sigurong baguhin para sa ating ikakaangat at ikakaunlad.

Ano ang sikreto ng isang Rex Angeles at tumagal ka sa industriyang ito sa Japan?

            Siguro, respeto sa sarili at sa lahat ng obligasyon ko. Malaking punto rin siyempre ang abilidad at ang reputasyon. Kapag alam nilang maayos kang katrabaho at professional ka, mahirap ka nilang makalimutan. Kuntento ako sa aking kalagayan na hindi ako kasikatan at nae-enjoy ko pa ng husto ang privacy ko. Takot akong umabot sa sobrang taas dahil pagdating mo roon, usually wala kang ibang direksyon kung hindi pababa.

Ano ang iyong mensahe sa mga mambabasa ng Pinoy Gazette?

            Lagi po nating suportahan at itaguyod ang babasahing ito. Sana po ay nagustuhan ninyo ang aking naibahagi sa inyo tungkol sa aking propesyon dito sa Japan. Lagi po tayong magkaisa at ipagmalaki na ang mga Pinoy ay may angking galing at talino sa anumang larangan ng industriya. A Blessed Christmas and a Happy New Year to all! At sa lahat na bumubuo ng Pinoy Gazette, maraming salamat at mabuhay po kayo!


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento