Ni Len Armea
Naging mabilis ang pag-usad ng music career ni Darren
Espanto simula nang maging runner-up siya sa “The Voice Kids” noong nakaraang taon.
Simula ng matapos ang palabas, dumagsa ang mga proyekto sa 13-taong-gulang na
bata tulad ng kanyang first solo concert sa Music Museum at ang pagkakaroon
niya ng self-titled debut album, “Darren.”
Lahat ng proyekto na kanyang gawin ay pumapatok gaya ng
kanyang album na noong lumabas nitong Disyembre 2014 ay agad na nag-number one
sa music stores at maging sa iTunes chart at naging gold record kaagad.
Inamin ni Darren sa ibinigay sa kanya na mini-presscon ng
MCA Music na hindi siya makapaniwala sa tagumpay na kanyang nakamit sa loob ng
halos isang taon simula ng pumunta siya ng Pilipinas mula sa Calgary, Canada
kung saan siya lumaki.
“It’s been less than a year since The Voice Kids. After
po ng show, parang ang bilis po ng mga pangyayari and up until now I’m still
adjusting but I’m enjoying everything that I do and I’m taking things step by
step,” pahayag ni Darren sa panayam ng Pinoy Gazette.
Kaya naman puspusan ang paghahanda ni Darren sa
gaganaping major concert sa Mall of Asia Arena sa darating na Mayo 29 bilang
regalo sa kanyang mga fans partikular na ang Darrenatics. Pinamagatang “Darren
Espanto D birthday Concert,” aminado ang binatilyo na kinakabahan siya lalo
na’t malaking venue ang Mall of Asia Arena na kayang pumuno ng 20,000 katao.
“I was a bit nervous but I’m very excited because it’s my
first time to perform at MOA Arena. Meydo kinakabahan po ako sa magiging
reaction ng tao pero sabi po nila the sales are going well and it’s almost sold
out. I’m hoping that it’s going to be a soldout concert,” pag-amin ni Darren.
Kaya naman puspusan ang kanyang paghahanda at pag-eensayo
upang mabigyan ng magandang palabas ang libu-libo niyang tagahanga na
nagpahayag ng pagsuporta sa kanyang birthday concert. Nagdiriwang ng kanyang
kaarawan si Darren ngayong Mayo 24.
Sinabi ni Darren na maraming sorpresa ang kanyang
ihahanda partikular na ang pagkanta niya ng medley songs, ballads at acoustic.
Mayroon din dancing production numbers na aniya ay kakaiba dahil unang beses
niya itong gagawin sa concert.
“Marami pong pasabog and there are things that I’ll be doing
for the first time. I am very happy and excited to perform the setlist.
“Mayroon pong acoustic, marami pong medley anf ballads.
We’re going to do production numbers that I hope have the same effect as when
we’re doing The Voice Kids. Marami pong surprises, there’s a lot of dancing,
too,” ani Darren na binansagang “The Total Performer.”
Ilan sa special guests ni Darren sa concert ay ang “The
Voice of the Philippines” Season 1 and 2 Grand Champion Mitoy Yonting at Jason
Dy, at ang runner-up na si Alisah Bonaobra, host/actor Robi Domingo at marami
pang iba.
Kung mayroon man natutuhan si Darren sa mga nagaganap sa
kanyang karera, ito ay ang pagiging mapagpakumbaba sa gitna ng tinatamasang
kasikatan. Kaya naman hindi maikakaila na magiging isa sa pinakamalaking pangalan
sa music industry si Darren sa mga darating na panahon.
“Always stay humble. Without humility, you wouldn’t go as
far as you would want to go and always look back to where you started. Sa The
Voice po, hindi mo kailangang manalo para mapatunayan ang sarili mo. Just keep
doing your best, sabi po sa akin ni coach Sarah [Geronimo],” pagtatapos ni Darren.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento