Linggo, Mayo 17, 2015

‘Omotenashi’ program ng Narita airport para sa int’l transit passengers mas pinalawak

Ni Florenda Corpuz

Kuha mula sa Wikipedia
 Dinarayo ng milyun-milyong dayuhang turista taun-taon ang Japan kaya naman upang mas lalo pang maengganyo ang mga ito na bisitahin ang bansa ay mas pinalawak ng Narita airport ang kanilang “Omotenashi” o Japanese hospitality program para sa mga international transit passengers ngayong Abril.

Kabilang sa hospitality program ang libreng paggamit ng mga international transit passengers (lilipat sa pagitan ng dalawang international flights sa Narita airport) sa Traveler’s Lounge Rassurants na kadalasan ay may bayad na ¥1,030. Dito ay may kape, tsaa at wifi connection.

Magagamit din ng mga international transit passengers ang shower rooms sa halagang ¥500 mula sa dating ¥1,030 sa Terminal 1 at ¥1,000 sa Terminal 2.

Para ma-enjoy ang mga serbisyong ito ay kailangan lamang ipakita ng mga international transit passengers ang kanilang connecting flight ticket o boarding pass sa reception counter ng pasilidad na gustong gamitin.

Bukod sa mga special offers na ito ay may cultural events din na mae-enjoy ang mga international transit passengers na layong hikayatin sila na bumalik sa bansa.

Rickshaw Ride

Masasakyan ang rickshaw, isang tradisyonal na Japanese vehicle, na kadalasang makikita lamang sa mga popular na tourist spots sa bansa. Lilibot ito sa Narita Sky Lounge “WA”, isang bagong pasilidad na nagbukas noong Abril 24. Maaari rin itong kunan ng litrato.

Kimono Experience

Kung nais naman maranasan na makapagsuot ng kimono ay hindi ito imposible sa loob ng Narita Sky Lounge “WA.” May shooting spot din dito kung saan maaaring magpakuha ng litrato habang suot ang kimono.

Maiko Apprentice Geisha Walk-by Event

Tiyak na hahangaan ang mga “maiko” o apprentice geisha na lumilibot sa boarding area sa kanilang naggagandahang suot na kimono at mahinhin na paggalaw.

Bukod sa mga ito ay mayroong din na calligraphy at origami workshops, Japanese concerts at bonsai exhibition.



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento