Ni
Florenda Corpuz
Muling nagtipun-tipon ang mga fashion designers, models, manufacturers, apparel
retailers, fashion journalists at bloggers mula sa iba’t ibang bansa para
daluhan ang pinakamalaking fashion event sa Japan, ang Japan Fashion Week (Mercedes-Benz
Fashion Week Tokyo) na ginanap sa Shibuya Hikarie
at iba pang lugar.
Tinatayang 52 fashion
brands (46 Japanese brands, 6 international brands) ang nagsagawa ng runway
show at installation para ipakita sa publiko ang kanilang 2015-16 Autumn/Winter
collection.
Bawat brand ay
nagpamalas ng orihinal at kakaibang konsepto at tema sa kanilang mga palabas. Sinimulan
ito ng “Sretsis,” isang popular na brand mula Thailand sa kanilang floral at
fairy tale-inspired show.
Dalawa rin sa mga
runway shows na pinakaabangan ng publiko ay mula sa mga sikat na Japanese fashion
brands na Hanae Mori at Jotaro Saito.
Tampok sa Hanae Mori ang
kanilang 2015-16 Autumn/Winter collection na idinisenyo ng Japanese fashion
designer na si Yu Amatsu. Makikita sa kanyang disenyo ang basic brand concept
ng Hanae Mori na “Graceful, Gorgeous and Stylish.”
Nagsimula ang karera
ni Yu noong 2002. Lumipat siya sa New York noong 2004 kung saan niya unang
inilunsad ang kanyang koleksyon. Ang “edgy design and creative theme” na kanyang
ipinakita sa GEN ART International Design Competition ang nagbigay-daan upang
siya ay makilala internationally. Sa magkasunod na taon ng 2006 at 2007 ay iginawad
sa kanya ang “Avant-Garde Grand Prix.”
Ang Hanae Mori ay isa
sa pinakasikat na Japanese fashion houses sa buong mundo.
Hindi naman binigo ng
sikat na Japanese kimono designer na si Jotaro Saito ang kanyang mga tagahanga
sa kanyang nakakabighaning 2015-16 Autumn/Winter collection.
Sumabak si Saito sa fashion
industry noong siya ay 27-taong-gulang at tinaguriang pinakabatang kimono
fashion designer ng bansa. Kilala siya sa istilo na may “classic and
contemporary sensibilities, in the pursuit of creating kimono as fashion that
compliments contemporary space.” Sa kasalukuyan, kanyang ipino-promote ang “lifestyle
of enjoying Japanese taste,” sa kanyang interior at product designs.
Ang Japan Fashion Week ay isa sa pinakasikat at pinakamalaking fashion events
sa buong mundo na kinabibilangan din ng Milan, Paris, London at New York.
Ilang Japan-based
Pinoy bloggers na ang naimbitahang dumalo rito tulad nina Gervin Paulo Macion ng “Jenne
Chrisville”, Carey Kho-Watanabe ng “Chic Sensei,” Ashley Dy ng “Candy Kawaii
Lover” at Florenda Corpuz ng “The Filipino-Japanese Journal.”
Ang Japan Fashion Week ay isang by
invitation only event na ginanap dalawang beses kada taon. Ito ay inoorganisa
ng Japan Fashion Week Organization.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento