Martes, Agosto 27, 2013

AFSJ nagtanghal sa 8th ASEAN Festival


Ni Florenda Corpuz

Kuha ni Arrianne Dumayas
Mahigit sa 40 Pilipinong estudyante sa Japan ang nagtanghal sa matagumpay na pagdiriwang ng 8th ASEAN Festival na ginanap sa Hollywood University of Beauty sa Roppongi, Tokyo kamakailan. 

Ipinamalas ng mga estudyante na miyembro ng Association of Filipino Students in Japan (AFSJ) ang kanilang talento sa pamamagitan ng pag-awit ng Kundiman, pagsayaw ng Tinikling at pagrampa sa isang fashion show kung saan ipinagmalaki nila ang mga tradisyunal at modernong kasuotang Pilipino. Nagtinda rin sila ng mga paboritong pagkain at inuming Pinoy tulad ng adobo, buko juice at mango juice.

“Activities like the ASEAN Festival helps promote not only traditional Filipino culture but also the modern and hip culture of today's Filipino youth. And I think with the merge of the old and the new in our presentation, fashion show and the way we marketed our booth, we were able to show that to the Japanese and other cultures,” pahayag ni Mario Rico Florendo, pangulo ng AFSJ. 

May temang “和ASEAN”, ang 8th ASEAN Festival ay taunang pagdiriwang na may layong ipakilala sa mga Hapon at iba pang dayuhan ang kultura ng mga bansa sa Timog Silangang Asya na kinabibilangan ng Pilipinas, Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Singapore, Thailand at Vietnam. Ito ay in-organisa ng ASEAN Youth Network sa Japan kung saan kasapi ang AFSJ. 

Humigit-kumulang sa 80 ang miyembro ng AFSJ na may misyong pag-isahin ang lahat ng Pilipinong estudyante sa Japan, tulungan sila sa kanilang pag-aaral at gawing masaya at kapaki-pakinabang ang kanilang buhay-estudyante.

Tinatayang aabot sa 2,000 panauhin ang dumalo sa kasiyahan.

Ang 8th ASEAN Festival ay bahagi ng ika-40 taong pagdiriwang ng ASEAN-Japan Friendship and Cooperation.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento