Huwebes, Agosto 29, 2013

Sulyap sa mga Kabataang Pilipino sa Japan


Ni Al Eugenio


“Papa, si Mark, wala  na… Patay na siya.” Ito ang umiiyak na tinig ni Sebie  na narinig ng kanyang ama mula sa telepono. “Pinatay siya, ‘Pa! Paano nangyari  ‘yun ‘Pa? Nandito tayo sa Japan.” Pilipino rin ang pumatay kay Mark na dati nilang kasamahan sa trabaho. Dating kasintahan ng pumatay ang kasama ni Mark nang maganap ang krimen.

Sabay lumaki sina Mark at Sebie. Magkalaro noong sila ay maliliit pa, magkatabing matulog at magkasalong kumain. Bagama't iba ang kanilang mga magulang, higit pa sa tunay na magkapatid ang kanilang turingan. Hindi nila kasama ang kanilang mga magulang sa kanilang paglaki dahil OFW ang mga ito. 

Marami ang mga kabataang katulad nila na lumaki sa Pilipinas habang ang mga magulang ay naghahanapbuhay sa Japan. Kadalasan ay nag-aasawa ng Hapon ang kanilang mga ina upang mapalawig ang kanilang pamimirmihan dito at pagdating ng panahon at magkaroon na ng tamang dokumentasyon ay saka pa lamang aasikasuhin ang pagpapapunta sa kanilang mga anak dito sa Japan para makapaghanapbuhay.

Subalit ang nakakalungkot ay marami sa mga kabataang ito ang hindi makakasama sa normal na pamumuhay ang kanilang mga magulang. Ito ay dahil marami sa kanilang mga ina ay nahihirapan na sila ay ipakisama sa asawang Hapon. Kaya naman ang marami sa mga kabataang ito ay nakabukod ng tirahan at nag-iisang binubuhay ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagbabanat ng buto. Palipat-lipat ng iba't ibang trabaho sa iba't  ibang lugar hanggang sa makatagpo ng tamang trabaho na aangkop sa mga pangangailangan sa isang maayos na pamumuhay. 

Mapalad ang mga kabataang Pilipino na nakakapasok sa kumpanya kung saan madali ang trabaho, may maayos na pasahod, may health insurance at may mga kasamang magiging kaibigan na maaaring mapagdaingan ng mga problema. Sa ganitong proseso, kapwa kabataan din ang kanilang nakikilala na kalaunan ay nagiging kaibigan o katropa. Mga kabataang tulad din nila ay hindi pa masyadong malalim ang mga karanasan sa buhay. 

Sila-sila ang nagbibigayan ng mga impormasyon,  opinyon at mga kwento ng karanasan upang pilit na maisaayos ang kanilang pamumuhay. Sa kanilang mga murang kaisipan ay unti-unti nilang iwinawasto ang kanilang mga pag-uugali nang sa gayon kahit na salat sa sapat na edukasyon at patnubay ng magulang ay magkaroon sila ng puwang sa lipunan.

Maaari na dahil sa kakulangan sa pagmamahal  na dapat ay ibinibigay sa kanila ng kanilang mga magulang, sabik ang mga kabataang ito na magkaroon ng makakasama na higit pa sa kaibigan. Isang kasama sa buhay na tunay na mamahalin at mapagkakatiwalaan na kung maaari ay makasama habambuhay upang ang solong buhay nila ay magkaroon ng katuturan. Marahil hangad din nila na pagdating ng panahon ay magkaroon ng sariling pamilya na matatag at hindi matulad sa kanilang malungkot at kumplikadong pinagmulan.

Marami sa atin dito sa Japan, hindi lamang ang mga kabataang ito, ang naghahangad ng tapat na makakasama sa buhay. Subalit dahil sa masyado tayong okupado ng ating mga trabaho ay kulang tayo sa pagkakataon na makapili o kaya naman ay makahanap ng tamang taong makakasama natin sa buhay. Kaya naman madalas na tayo ay nagkakamali. At kung minsan ay hindi na lang natin binibigyan ng masusing pansin dahil sa nakakatulong ito na mailayo tayo sa kalungkutan at pangungulila. 

Kaya kapag ang taong ating nakasanayan nang kasama sa araw-araw ay nawala sa ating buhay ay doon natin mapapagtanto kung gaano kahalaga ang laging may kasama -- kakwentuhan, kaaway, kabiruan, kasalong kumain at kaakbay sa paglalakbay sa pang-araw-araw na buhay. Doon natin maiisip kung gaano kahirap ang mag-isa sa buhay dito sa Japan. 

Ang kalungkutang ganito kaya ang naramdaman ng batang nagbigay ng labing-siyam na saksak kay Mark o simpleng batang-isip lamang na hindi makapayag na ang dati niyang kasintahan ay kapiling na ni Mark? Beinte-tres lamang ang edad ng batang ito na mismong sumuko sa mga pulis bilang pag-amin sa nagawa niyang krimen. At si Mark naman ay katatapos lamang ng kanyang ikadalawampu't isang kaarawan.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento