Ni Kate Lariosa
“Nasa Okinawa, Japan ako ngayon.” Ito ang lagi kong sagot sa mga kamag-anak, kaibigan at kakilala na walang sawang tinatanong kung nasaang bansa na ako ngayon. Pero sa tuwing sinasagot ko sila, samu’t saring reaksyon ang nakukuha ko gaya ng: “Malapit ba kayo sa tsunami na nangyari sa Japan?”, “Siguro malapit ka sa Tokyo, ano?”, “Marami bang harajuku dyan?”, “Nakarating ka na ba sa Tokyo, Disneyland?”, “Genki desu ka?”, “Ohayou gozamaisu!”, “Konnichiwa!” na para bang bigla ko na lang natutuhan ang mga salitang ito nang dumating ako sa bansang ito.
Nakakatuwang isipin na halos ganito rin ang mga tanong at reaksyon ko nang natanggap ng aking kabiyak ang travel orders namin apat na taon na ang nakakalipas. Isang sundalo sa United States Air Force ang aking asawa at itinuturing namin na isa sa mga benepisyo ang mapapunta sa iba’t ibang lugar. Pero sa totoo lang, hindi man lang ito napabilang sa listahan ng mga magagandang lugar na ninais kong puntahan. Pagkasambit niya ng Japan, biglang pumasok sa isip ko ang Tokyo, Kyoto at Yokohama na talagang popular sa mga turista na gustong bumisita sa bansa. Pero sabi nga naming mga asawa ng sundalo ng USAF, “Home is where our airman is.” Kaya kahit hindi namin alam kung ano ang naghihintay sa aming pamilya rito, nagdesisyon kaming tanggapin ang oportunidad na ito.
Nobyembre 30, 2009 nang kami ay dumating dito sa Okinawa. Tandang-tanda ko pa dahil sa hindi man lang nakapag-trick or treat ang anak ko dahil sa wala pa kaming kakilala rito. Maalinsangan pa noon ang panahon at palibhasa’y galing kami sa Amerika, ang pagkasanay sa ibang klima ang nagpaalala sa akin na para akong nasa Pilipinas. Pero ano nga ba ang nagpabago ng puso ko kung bakit ngayon ay sobra ang pagmamahal ko sa lugar na ito? Kung tutuusin, iilang lugar pa lamang sa mundo ang napuntahan ko. Mga ilang lugar sa Amerika, Pilipinas at dito pa lang sa Okinawa ang nararating ko. Hindi ako eksperto o bihasa sa pagsasabi na ito na ang pinakamagandang lugar sa buong mundo. Pero sa ngayon, sa isang dayuhang katulad ko, nanaisin ko na balang araw ay dito na kami manirahan ng pamilya ko.
Ilan sa mga bagay na nagustuhan namin dito ay ang kultura ng mga Okinawans. Sa halos apat na taon naming pamamalagi rito, wala pa kaming masamang karanasan kung pakikisalamuha ng mga Okinawans sa mga dayuhang kagaya namin ang pag-uusapan. Marahil isa na ito sa mga dahilan kung bakit hindi kami masyadong nanibago sa lugar. Ang pagiging magalang at maayos na pakikitungo nila sa amin ang ilan sa mga dahilan kung bakit marami sa mga pamilya ng US military ang gustong dito manirahan.
Maraming mga Pilipino rin kaming nakilala kinalaunan. Mahilig sa basketball ang aking asawa at marami kaming nakilalang mga kapwa-Pilipino sa mga liga ng basketball sa loob at labas ng military base. Ang aking anak naman ay kasalukuyang pumapasok sa paaralan sa labas ng base. Napanatag ang loob namin dito dahil halos lahat ng kanilang mga guro ay Pilipino at maganda ang kalidad ng pagtuturo nila.
Dahil sa napakagagandang lugar na maaari mong puntahan dito, naengganyo akong bumili ng camera para makuhanan ang mala-paraisong lugar na ito. Malilinis na dagat ang pinakapaborito kong lugar dito kagaya ng Tonnaha Beach, Ikei Beach, Okuma at marami pang iba. Nasa Okinawa din ang Charaumi Aquarium, ang pangatlo sa pinakamalaking aquarium sa buong mundo. Marami ka rin mapupuntahang dam, falls, shrines at recreational park. Kaya naman marami sa mga taga-mainland Japan ang nagpupunta rito para magbakasyon. Tipikal na island life ang buhay namin dito.
Dahil sundalo ang aking asawa, may mga pagkakataon na napapalayo siya sa amin kapag na-deploy. Hindi rin ito nagkaiba sa mga pamilya ng OFW na kailangang malayo sa pamilya upang magtrabaho sa ibang bansa. Ang pinagkaiba lang, wala ka sa Pilipinas na kasama ang iyong mga pamilya. Dito, sarili mo lang ang iyong maaasahan. Mabuti na lang, may mga programa ang military base upang matulungan ang mga maybahay ng deployed military kung kinakailangan nila ng tulong. Nagkaroon na rin ako ng trabaho sa loob ng military base kaya halos dito nauubos ang oras ko maliban sa oras ko sa aking pamilya.
Masaya na mahirap ang buhay namin sa Okinawa. Masaya dahil ang paraisong ito ang nagpapasaya sa amin sa pansamantalang paninirahan dito. Mahirap dahil katulad ng kahit sinong Pilipino na naninirahan sa ibang bansa, hindi mo pa rin maiiwasan ang hanap-hanapin ang mga tradisyon at lugar na kinasanayan mo na sa ating lupang sinilangan. Ngunit hindi ito dapat maging dahilan ng pagkalungkot o pagkadismaya. Kahit saan mang lugar tayo mapadpad, importanteng matuto tayong tanggapin at yakapin ang iba’t ibang kultura at tradisyon ng mga bansang ito. Hindi lahat ng tao ay nabibigyan ng pagkakataon na maranasang marating ang mga lugar na ito kaya ito ang dapat nating ipagpasalamat.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento