Ni
Al Eugenio
Halos isang linggo pa lamang ang
nakakalipas matapos ang mapayapang pagbisita ng Santo Papa sa ating bansa ay
naganap naman ang pagkamatay ng 44 na miyembro ng PNP Special Action Forces (SAF)
sa Mamasapano, Maguindanao. Ikinalungkot at ikinagalit ng buong sambayanan ang
paraan ng pagpatay na ginawa sa mga kapulisan.
Marami sa mga ito ay buhay pa at maaari namang gawin na lamang bihag ayon
sa batas ng bawat labanan, ngunit nagtatawanan pang pinagbabaril sa ulo ang mga
nagmamakaawang kawal. Halos hindi na sila makilala nang sila ay matagpuan.
Dahil sa ganitong pamamaraan ng
pakikipaglaban ng mga nasa kabilang panig, marami ang nagtaas ng kilay sa usaping pangkapayapaan
na sana ay malapit nang lagdaan upang ganap na raw magkaroon ng katahimikan sa buong
Mindanao.
Sa mga ginawang imbestigasyon ng
Senado at Kongreso tungkol sa insidenteng naganap sa Mamasapano, nalaman ng
marami na hindi sa mga MILF lamang dapat makipagkasundo. Marami pang iba’t ibang
grupo ng mga rebelde sa Mindanao ang dapat kausapin upang ganap na magkaroon ng
pangmatagalang katahimikan, bukod pa sa mga grupo tulad ng Abu Sayaff na hindi
naman para sa kaayusan ang hangarin kundi ang makapaghanap lamang ng pagkakaperahan.
Mapapansin din na sa likod ng mga
nakikipag-usap nating mga kapatid na Muslim sa Mindanao ay inaalalayan sila ng
mga kapwa nila Muslim na taga-Malaysia at Indonesia. Marami tuloy ang
nagsasabing kung maisasakatuparan ang Bangsamoro Basic Law at magkakaroon ng karapatan
ang mga MILF sa Mindanao, tuluyan nang malilimutan ang hinahabol na karapatan
ng Pilipinas sa mga pag-aari natin sa ilang bahagi ng Sabah.
Ano ba ang nilalaman ng Bangsamoro
Basic Law (BBL)? Halos lahat ng mamamayang Pilipino ay hindi ito alam. Kahit
ang mga nasa Senado at Kongreso, marami sa kanila ang hindi lubusang nalalaman
ang mga nilalaman nito. Ngayon lamang, dahil sa insidente sa Mamasapano, ay marami
ang nagsimulang magtanong. Marami rin naman ang pumipigil sa pag-usad ng
usapang ito.
Habang pinag-uusapan ang mga
pangyayari sa Mamasapano, marami ang nagkakaroon ng kaalaman sa kasalukuyang
sitwasyon sa Mindanao na hindi masyadong binibigyan ng pansin ng nakakarami
mula pa noon.
Marami rin ang ating natutuhan
tungkol sa kakayahan ng ating sandatahang lakas at mga kapulisan. Ang kanilang
mga kagitingan at mga kapalpakan. Nagkaroon din tayo ng pagkakataon na malaman
ang mga pamamaraan ng ating pamahalaan sa mga ganitong sitwasyon. Ang kanilang
mga kanya-kanyang tungkulin at ang kanilang mga kahinaan.
Ang paglaki ng mga problema sa
Mindanao ay kagagawan ng kawalan ng maayos na pamamahala ng mga nakaraang administrasyon. Pinagkaitan
ng kaunlaran ng mga namumuno ang mayamang bahaging ito ng ating bansa. Mistulang
kinalimutan, pinabayaan, at dahil malayo mula sa kinalalagyan ng pamahalaan, naaalala
lamang ang Mindanao sa panahong mayroong malaking pinakikinabangan.
Ipinagsawalang bahala ng ating
pamahalaan ang mga kasaysayan ng maraming lugar ng Mindanao. Ang mga natatangi
nitong kultura at mga kaharian. Ang mayaman nitong kalikasan na sana ay patuloy
na pinakikinabangan hindi lamang sa turismo at agrikultura kung hindi pati na
rin sa industriyal.
Mula pa noon,
sa Mindanao nanggagaling ang pinakamaraming saging at pinya na
natitikman sa iba’t ibang panig ng mundo. Bukod sa masaganang lupa nito ay
mayaman din ang mga karagatan dito. Kaya naman mula sa General Santos, marami ang
umaangkat ng tuna patungo sa ibang bansa. Sa Dipolog naman nagmumula ang
masasarap na sardinas na natitikman natin sa Maynila.
Subalit sa kabila ng malaking pakinabang
mula sa mga produktong nagmumula sa lugar na ito, walang maipagmamalaking
kaunlaran ang naibabahagi sa Mindanao. Tulad din sa maraming lugar sa ating
bansa, ang may mga kapangyarihan lamang ang may karapatang yumaman, ang pangkaraniwanng mamamayan ay palaging nagtitiis
na lang.
Ginagamit ng mga pulitiko ang
maraming lugar sa Mindanao upang makakuha ng maraming boto. Sa pamamagitan ng
bala at pera, marami ang natatalong kandidato sa lugar na ito. Gaano ka man
ka-popular, gaano ka man ka-paborito. Isang
halimbawa na lamang ang pagkatalo rito ng yumaong si Fernando Poe Jr. Sa
pelikula ni FPJ, binabaril ng mga manonood ang screen ng sinehan kapag sa palabas
ay nasa likod niya at hindi nakikita ang kalaban. Hindi makapaniwala ang marami
na natalo siya rito sa eleksyon.
Marami ang nagalit sa pamamaraan ng
pagpatay sa 44 na SAF commando. Marami
ang gusto ng “all-out war” sa Mindanao. Sinasabi ng marami na mas mabuti ang
ginawa ni Erap. Halos naubos niya ang mga kalaban. Ngunit marami ang naniniwala
na hindi ganito ang paraan. Hindi lamang
marami ang mapipinsala at mamamatay, marami rin ang magtatanim ng galit at
paghihiganti na siyang magdudulot ng walang katapusang hindi pagkakaunawaan.
Papaano na ang mga darating pang
henerasyon? Ang mga kabataan. Marahil, dahil sa naganap sa Mamasapano, marami
ang nabuksan ang isip. Marami ang nagising. Marami na ang mga nagbibigay ng
iba’t ibang kuro-kuro. Marami ang nagmumungkahi ng iba’t ibang paraan upang mapagbuti
na ng magkabilang-panig ang mga dapat gawin para sa kaayusan ng usaping
pangkapayapaan sa Mindanao.
Sana ay hindi pa huli ang lahat.
Sana, sa kabila ng pagkakawatak-watak, hindi pagtitiwala at labis na poot dahil
sa mga nakaraang karanasan, ay magkaroon pa rin ng pagkakataon ang kapayapaan
sa buong Mindanao para sa ating mga nakakabatang mga kababayan doon, maging ano
man ang kanilang relihiyon, maging ano man ang kanilang tribo. Sana lahat sila
ay magkaroon ng pagkakataon na mamuhay tulad ng pangkaraniwang Pilipino.