Lunes, Setyembre 7, 2015

Ang Catherine Palace sa St. Petersburg: Yaman at Kasaysayan ng Russia

Ni Herlyn Alegre


Sa labas pa lamang ng Catherine Palace ay makikita na ang mga poste at estatwang tubog sa ginto at ang malalawak na hardin na mayroong magagandang damo at puno na alagang-alaga sa dilig at tabas. Dinadayo pa ito sa Russia ng napakaraming turista taun-taon mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Ano nga ba ang gandang taglay ng Catherine Palace?

Kasaysayan ng Catherine Palace

Ang Catherine Palace ay matatagpuan sa Tsarkoye Selo (Pushkin) na may layong 25 kilometro mula sa sentro ng St. Petersburg. Ipinangalan ang palasyo kay Catherine I, ang maybahay ni Peter the Great. Namuno ng bansa sa loob ng dalawang taon si Catherine I matapos pumanaw ang kanyang asawa. Ipinatayo ni Peter para kay Catherine I ang palasyo noong 1717 upang gawing tirahan tuwing panahon ng tag-init. Higit na pinaganda at pinatingkad ng kanilang anak na si Elizabeth I ang arkitektura at disenyo ng palasyo nang muli niya itong ipagawa sa apat na iba’t ibang arkitekto mula 1743.
           
Natapos ang palasyo noong 1756 sa pangunguna ni Bartholomeo Rastrelli, Chief Architect of the Imperial Court, na siyang inutusan para gawing kasing glamoroso ng Versailles ng Pransiya ang disensyo nito. Mayroong halos 100 kilogram ng ginto ang ginamit para itubog ang mga estatwa at poste sa labas pa lamang ng palasyo.

Ang Amber Room

Ang Amber Room ay isa sa pinakaglamorosong silid sa buong palasyo. Gawa ito sa 450 kilogram na Amber na nagmula pa sa Germany. Bukod sa Amber, mayroon din na magagarbong Ural at Caucasus gemstones ang mga dingding sa silid, mga salamin at mga inukit na estatwa ng bata at anghel na tubog sa ginto. Bago ang digmaan, ang Amber Room ay kilala sa tawag na “Eighth Wonder of the World.”
           
Nang makuha ng Germany ang Tsarkoye Selo noong 1941 sa gitna ng  Ikalawang Digmaang Pandaigdig, binaklas ng mga Germans ang Amber Room sa loob lamang ng 36 oras at agad na dinala sa Konigsberg Castle sa Germany. Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay hindi na malaman ang kinahitnan ng Amber Room. Sinasabing nasira ito noong atakihin ang Konigsberg Castle noong 1945.

Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig

Malaki ang naging sira ng Catherine Palace noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Halos walang natira sa magagandang silid nito. Naiwan na lamang na nakatayo ang façade ng palasyo. Hindi na rin makita ang mga labi ng Amber Room na tinangay sa Germany.
           
Isa sa mga major reconstruction na ginawa sa palasyo ay ang muling pagbuo ng Amber Room. Nagsimula itong gawin noong 1979 na tumagal ng mahigit 20 taon. May halos 40 Russian at German na mga eksperto sa paglilok at paghawak ng amber ang kinomisyon para sa sensitibong trabahong ito.

Gamit lamang ang mga lumang ginuhit at kinuhanan na larawan, sinikap ng mga eksperto na gayahin ng eksakto ang orihinal na Amber Room at ibalik ito sa dati nitong karangalan. Tinatayang mayroong 350 shades ng amber sa mga dingding nito ang sinikap na muling gawin.
           
Noong 2003 ay muling binuksan ang bagong Amber Room. Pinangunahan ito ni Russian President Vladimir Putin kasabay ng ika-300 selebrasyon ng pagkakatatag ng St. Petersburg. Ang reconstruction ng Amber Room ay tinatayang umabot sa 12 milyong dolyar.

Para sa mga Nais Pumunta

Bukas ang Catherine Palace araw-araw mula alas-10 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi. Siguraduhin lamang na darating doon bago mag-alas-5 dahil hindi na sila nagpapapasok pagkatapos nito. Sarado ito tuwing Martes at tuwing huling Lunes ng bawat buwan. Nagkakahalaga ang tiket nito ng humigit-kumulang ¥700 para sa mga matatanda at ¥400 para sa mga estudyante. Maaari rin na manghiram ng audio-guide sa Ingles na nagkakahalaga ng ¥300.
           
Mula sa St. Petersburg, maaaring magtren mula sa Vitebsky Railway Terminal o Kupchino Railway Station hanggang Tsarkoye Selo (Pushkin) Railway Station. Pagbaba dito ay maaari nang sumakay ng Bus 371, 372 o Minibus Taxi 371, 377, 382 papuntang Catherine Palace.
           

Ang palasyong ito ay nagpapakita hindi lamang ng pinansyal na yaman ng Russia kundi pati na rin ang yaman sa talento ng kanilang mga arkitekto at manggagawa na may kakayahang bumuo ng ganitong obra maestra. Ipinakita rin nito ang mayamang kasaysayan ng Russia ilang daang taon na ang nakararaan hanggang sa mga pakikipagsapalaran nito noong Ikalawang Digmaang dasigdig. 

Linggo, Setyembre 6, 2015

Ryogoku Fireworks Museum: The Birthplace of ‘Hanabi’

Ni Florenda Corpuz

Makikita sa loob ng museo ang iba’t ibang exhibits na nagdedetalye sa
 kasaysayan ng hanabi sa bansa. (Kuha ni Din Eugenio)
Limang minutong lakad mula sa Ryogoku Station na sinasabing pinagmulan ng Japanese fireworks o “hanabi” ay matatagpuan ang Ryogoku Fireworks Museum kung saan makikita ang kasaysayan at sining ng fireworks sa bansa.

Nagbukas ang Ryogoku Fireworks Museum sa publiko noong 1991. Naka-exhibit sa loob nito ang mga fireworks shells, launching tubes at cross sections na may iba’t ibang hugis at bigat mula sa pinakamaliit na lampas tatlong pulgada hanggang sa pinakamalaki na aabot sa halos 24 pulgada. Naka-display din dito ang mga lumang litrato, paintings, kasuotan at memorabilia na nagpapakita ng detalyadong kasaysayan ng Sumida River Fireworks.

Ayon sa Ryogoku Fireworks Association, ginanap ang kauna-unahang fireworks display sa Sumida, ang pangunahing water artery ng Tokyo, noong 1733 nang magsagawa ang Shogunate na si Yoshimune Tokugawa ng rites of condolence para sa mga kaluluwa ng humigit-kumulang isang milyong katao na namatay dahil sa labis na gutom ng mga panahong iyon.

Nang umpisa ay naging pag-alala lamang ito ngunit kalaunan ay naging Ryogoku Kawabiraki Fireworks Festival na isinasagawa taun-taon. Pangunahing atraksyon ito tuwing summer sa mga lokal at dayuhang turista sa ilalim ng patnubay ng Yanagibashi, ang nag-iisang riverside gay-quarters sa Tokyo na kilala sa tradisyonal na katangian nito ng mga babaeng “geisha.”


Itinuturing na pinakamalaking summer event sa Tokyo, ginanap ang Sumida River Fireworks Festival noong Hulyo 25 kung saan daan libong manonood ang nagtiis sa init ng panahon masilayan lamang ang nakakamanghang fireworks display sa bahaging ito ng lungsod.

Huwebes, Setyembre 3, 2015

Tom Cruise, balik-Japan para sa kanyang bagong ‘Mission’

Ni Florenda Corpuz


    Dumalo sa Japanese premiere ng “Mission: Impossible – Rogue Nation” 
    ang bidang aktor na si Cruise at direktor na si McQuarrie. (Kuha ni Din Eugenio)

Balik-Japan ang premyadong Hollywood actor na si Tom Cruise para sa promosyon ng kanyang bagong pelikula na “Mission: Impossible – Rogue Nation.”

Lumapag sa Haneda Airport kamakailan ang eroplanong sinasakyan ni Cruise at mga kasama kung saan humigit-kumulang 700 Japanese fans ang matiyagang naghintay at sumalubong sa kanya.

Sinimulan ng 53-taong gulang na aktor na muling gumanap sa papel ng IMF agent na si Ethan Hunt ang press tour ng ikalimang installment ng “Mission” franchise sa pamamagitan ng pagdalo sa isang press conference na ginanap sa Peninsula Hotel Ballroom noong Agosto 2.

“Thank you very much again for having me. I’m very honored to be here today, and I’ll always come and visit your extraordinary country. It’s kind of amazing that I’m here in Japan,” bati ni Cruise sa Japanese press.

Kasama ang direktor na si Christopher McQuarrie, magiliw na nagkwento at sinagot ng dalawa ang mga katanungang ibinato sa kanila.

“’Mission’ allows me to have a series that I can go to work in different countries. I feel privileged to be able to do it,” pagbabahagi ng magaling na aktor na tinaguriang Japan’s most beloved Hollywood superstar.

Dumalo rin ang dalawa kasama ang producer na si Bryan Burk sa premiere ng kanilang pelikula na ginanap sa Shinjuku Toho Building noong Agosto 3.

Suot ang itim na maong pants at itim na polo shirt ay hindi binigo ni Cruise ang kanyang mga fans na nagtiis sa ilalim ng init ng araw masilayan lamang ang kanilang idolo. Dalawang oras na nagpaunlak ng TV interview at lumagda ng autographs at nagpakuha ng litrato ang aktor sa red carpet na hindi rin inalintana ang sobrang init ng panahon.

Matapos ang kanyang red carpet appearance ay sumampa sa entablado sina Cruise at McQuarrie kasama ang Japanese guitarist na si Miyavi na nagtanghal ng MI5 theme sa premiere.

“Thank you so much to all of you for coming out in this heat. It is always such a privilege to be here in Japan. I think you want to know what you’re gonna see in ‘Mission.’ Well, you’re gonna see great drama, some things that are impossible to pull off, some wonderful characters, some dangerous action, edge of your seat suspense and a lot of humor. This is a summer popcorn movie! So if you wanna have fun, this is the movie you’re gonna go see,” masayang pahayag ni Cruise na 21 beses nang bumisita sa bansa.

Kasama rin ni Cruise sa “Mission: Impossible – Rogue Nation” sina Alec Baldwin, Jeremy Renner, Simon Pegg, Ving Rhames at Rebecca Ferguson. Ito ay ipinalabas sa Japan noong Agosto 7 mula sa Paramount Pictures at Skydance Productions.

2015 Eiga Sai: Japanese films bring vivid colors to family and friendship

Ni Jovelyn Javier


Idinaos muli kamakailan ang taunang Eiga Sai na inilunsad sa Edsa Shangri-La Mall Cineplex 2 at dinaluhan ng mga espesyal na panauhing pandangal gaya nina  Japan Foundation Director  Shuji Takatori, Film Development Council of the Philippines Executive Director Ted Granados, Shang-ri La Plaza Vice President –General Manager Lala Fojas, Japanese Embassy Manila Consul General Tetsuro Amano,  Film Producer Takuro Nagai at direktor ng opening feature na “Our Family (Bokutachi no Kazoku)” na si Yuya Ishii.

A family at the center of hopes and struggles

Personal na ipinakilala at nagbigay ng pananaw sina Ishii at Nagai sa mga manonood patungkol sa kultura ng pamilyang Hapon at mga pangkaraniwang pagsubok na kinakaharap nila sa modernong lipunan. Ayon kay Ishii, isa sa dahilan na ginawa niya ang pelikula ay dahil naiintindihan niya ang ilang mga isyu at sitwasyon na naihanlintulad nito sa kanyang pamilya.

Sentro ng pelikulang Our Family ang pamilya Wakana na nahaharap sa hindi inaasahang pagkakasakit ng inang si Reiko (Mieko Harada) na napag-alamang may brain tumor. Sunud-sunod ang natuklasang problema ng dalawang anak na sina Kosuke (Satoshi Tsumabuki) at Shunpei (Sosuke Ikematsu) sa pagkakalantad ng mga patung-patong na utang na napabayaan ng kanilang mga magulang.

Base ang pelikula mula sa nobela ni Kazumasa Hayami na parehas ang pamagat. Ito rin ang follow-up project ni Ishii sa award-winning na “The Great Passage” (2013) kung saan pinakakilala ang direktor at base naman sa nobela ni Shion Miura.  Napili rin ang pelikula bilang kinatawan ng Japan sa Best Foreign Language Film sa ika-86 na Academy Awards.

Si Ishii ang pinakabatang awardee ng best director nang manalo ito sa 2011 Blue Ribbon Awards.

Amazing chemistry leads a handymen buddy movie

Isa naman ang “Tada’s Do-It-All House: Disconcerto (Mahoro Ekimae Kyosokyoku)” na pinagbibidahan nina Ryuhei Matsuda at Eita bilang handyman duo sa pinakapopular at matagumpay na series of film at television adaptations na nagsimula sa “Mahoro Ekimae Tada Benriken” (2011 film) at sinundan ng “Mahoro Ekimae Bangaichi” (2013 TV drama). Base ang mga ito sa Naoki Prize-winning series of novels ni Miura.

Nagpapatakbo si Tada (Eita) ng isang “benri-ya” (handyman shop) sa tapat ng Mahoro station, isang kathang-isip na lugar, at tumatanggap ng halos lahat ng klase ng trabaho, mula sa pag-aayos ng pinto, paglilinis, pag-aalaga ng aso at iba pa.

Tatlong taon nang permanente si Gyoten (Ryuhei Matsuda) sa maliit na negosyo ni Tada at naging kasa-kasama nito sa trabaho at kadalasa’y nadadawit sila sa kanilang mga kliyente ng higit pa sa hinihingi sa kanila. Parehas na diborsyado ang dalawa at may nakaraang gustong takasan.


Pangunahing kredito ng tagumpay ng serye ang kakaibang on-screen chemistry at likas na galing sa pag-arte ng parehas na nirerespeto at award-winning na sina Matsuda at Eita na nagdadala sa buong kwento at direksyon nito. Maging ang direktor na si Tatsushi Omori ay hanga sa magandang samahang nabuo ng dalawa na anim na beses nang nagkakasama sa pelikula at drama.

Kabilang din sa kategorya ng contemporary films ang “Parasyte,” “Wood Job,” “Thermae Romae II” at “Princess Jellyfish.” At sa savory Japan category naman ang “It’s A Beautiful Life – Irodori,” “A Tale of Samurai Cooking – A True Love Story,” “Patisserie Coin de Rue,” at dalawang dokumentaryo na “The God of Ramen” at “Wa-shoku – Beyond Sushi.”

Miyerkules, Setyembre 2, 2015

Event outline ng 28th Tokyo Int’l Film Festival, inanunsyo na

Ni Florenda Corpuz


Mula sa kaliwa ay sina Isao Yukisada, Sotho Kulikar, Brillante Mendoza.
(Kuha ni Din Eugenio)
Pormal nang inanunsyo ang event outline ng 28th Tokyo International Film Festival (TIFF) sa isang press conference na ginanap sa Roppongi Hills noong Hulyo 28.

Pinangunahan ni TIFF Director General Yasushi Shiina ang pag-anunsyo kung saan ilan sa mga highlights ay ang karagdagang festival venues sa Shinjuku, bagong sections na Panorama, Japan Now at Japanese Classics at ang paglulunsad ng omnibus film project na “Asian Three-Fold Mirror.”

“This year is a milestone year for TIFF, which started 30 years ago in 1985. While we respect Cannes and Venice, which have much longer histories than TIFF, we would like to maintain ‘Tokyo taste.’ TIFF is a significant platform in which Japanese films gain exposure from overseas. To enhance the role, we reestablished sections this year to display the diverse works of Japanese cinema. To attract wider audience, we will expand the festival area and number of screenings and hold special events that everyone can enjoy,” pahayag ni Shiina sa kanyang welcome remarks.

Magsisilbi bilang jury president ang Hollywood director na si Bryan Singer na kilala sa kanyang pagdirihe sa mga pelikulang “X-Men.”

Napili bilang opening film ang “The Walk” na idinirehe ni Robert Zemeckis at pinagbibidahan ni Joseph Gordon-Levitt. Habang ang pelikula ni Tetsuo Shinohara na “The Terminal” na pinagbibidahan ni Koichi Sato ang closing film.

Ipinakilala rin ang tatlong direktor ng “Asian Three-Fold Mirror” na kinabibilangan nina Isao Yukisada ng Japan, Sotho Kulikar ng Cambodia at Brillante Mendoza ng Pilipinas. Kukunan nila ang omnibus film project sa mga bansa sa Asya at ang mabubuong obra ay ipapalabas sa TIFF sa susunod na taon.

“I did some similar project in the past, and I am thrilled to work on this,” pahayag ni Mendoza na ang ilan sa mga pelikula ay itatampok sa Crosscut Asia section.

“Also, I appreciate that TIFF will show five of my films this year,” dagdag pa ng 2009 Cannes best director para sa pelikulang “Kinatay.”

May ilang special programs din na mapapanood tulad ng screening ng mga pelikula ng pumanaw na Japanese actor na si Ken Takakura, animation na “Mobile Suit Gundam” at 4K digital restored version ng “Ran” ni Akira Kurosawa.

Inanunsyo rin ang kolaborasyon ng TIFF sa Kyoto Historica International Film Festival.

Nakatakdang ianunsyo ang kabuuan ng film line-up ng festival sa Setyembre 29 kung saan inaasahan ang muling pagpasok ng mga Pinoy indie films.

Gaganapin ang 28th TIFF sa darating na Oktubre 22 hanggang 31 sa Roppongi Hills at iba pang lugar sa Tokyo.

Ang TIFF ay isa sa pinakamalaking film festivals sa buong mundo. Layon nitong bigyan ng pagkakataon ang mga film fans na mapanood ang mga high-quality at world-class films mula sa Japan at ibang bansa.

Martes, Setyembre 1, 2015

Philippine Army, wagi sa Japan Dragon Boat Championships

Ni Florenda Corpuz


(Kuha mula sa Facebook page ng
Philippine Army Dragon Boat Team)
Patuloy ang pagbibigay-karangalan ng Philippine Army Dragon Boat Team sa bansa matapos nilang masungkit ang kampeonato sa Japan Dragon Boat Championships na ginanap sa Okawa River sa Osaka kamakailan.

Tinalo ng pambato ng Pilipinas ang 17 koponan mula sa iba’t ibang bansa sa 250-meter race men’s category na kanilang tinapos sa loob lamang ng 53 segundo.

“We grabbed the gold medal in the 250m Men’s Open event in Japan! We are waving the Philippine flag here in Osaka! World-class army athletes, source of national pride!” pahayag ng 28-man team.

“Mga kapatid, kakagutom ang lumaban sa kampeonato! Masarap ang pakiramdam na magdadala ng karangalan para sa bansa! Salamat sa inyong suporta at sa mga panalangin!” saad pa ng grupo.

Naging mahigpit ang labanan sa pagitan ng koponan ng Pilipinas at Japanese National Team – na ang ilan sa mga miyembro ay sinanay ng Philippine Army – ngunit nanaig ang galing ng Pilipino.

“The Philippine Army Dragon Boat Team mentored these Japanese athletes back in 2010. They have emerged as a strong contender in the just concluded 250m finals. Sports diplomacy at its best!”

Ang Philippine Army ang tinaguriang “world’s fastest dragon boat team” na pinatunayan ng hindi mabilang na medalya na kanilang inuwi sa bansa mula sa iba’t ibang kumpetisyon sa buong mundo.

Pacquiao, dismayado sa pagkabigo ng Pilipinas na mapiling host ng 2019 FIBA World Cup

Ni Florenda Corpuz
Yao Ming at Manny Pacquiao
(Kuha ni Florenda Corpuz)

Tokyop, Japan – Dismayado si eight-division Filipino boxing champion Manny Pacquiao sa pagkabigo ng Pilipinas na mapili bilang host country ng 2019 FIBA World Cup.

Sa host announcement ceremony na ginanap sa Tokyo Prince Park Tower Hotel noong Agosto 7, idineklara ni FIBA President Horacio Muratore ang desisyon ng FIBA Central Board na gawin sa China ang pinakamalaking basketball tournament sa buong mundo sa botong 14-7.

Pinangunahan ni Pacquiao ang delegasyon ng Pilipinas na kumumbinsi sa FIBA Central Board habang ang dating NBA Houston Rockets center na si Yao Ming naman ang nanguna sa delegasyon ng China.

“Nakakalungkot, but we did our best. Hindi pa para sa atin. Next time. Ibibigay ito ng Diyos sa Pilipinas sa tamang panahon,” pahayag ng pambansang kamao at KIA player-coach ng PBA sa panayam ng Pinoy Gazette.

Tagos sa puso ang naging presentasyon ng Pilipinas na sumentro sa pagmamahal ng bansa at mga Pilipino sa larong basketball. Ipinagmalaki rin ang pagiging social media capital ng bansa na pinatunayan ng pag-trend worldwide ng campaign hashtag na #PUSO2019 bago pa man magsimula ang final pitch.

Kabilang din sa delegasyon ng Pilipinas sina Samahang Basketbol ng Pilipinas President Manuel V. Pangilinan, Hollywood Fil-Am actor Lou Diamond Phillips, dating Gilas Pilipinas captain Jimmy Alapag at dating coach Chot Reyes na pare-parehong nagpahayag ng pagkalungkot sa naging desisyon ng FIBA Central Board.

“We gave our best shot,” malungkot na pahayag ni MVP na sinabing magpapahinga muna sila matapos ang mahabang preparasyon na kanilang ginawa para rito.


Ito ang unang pagkakataon na magiging host ang China ng FIBA World Cup na naging host ng FIBA World Championship for Women noong 2002. Binida ng delegasyon ang kakayahan ng kanilang bansa na mag-host ng malalaking international sporting events kabilang ang 2008 Beijing Olympics pati na rin ang malaking populasyon nito na aabot sa halos 1.4 bilyon katao at malaking merkado nito.

Edo-Tokyo Open Air Architectural Museum: A Glimpse into Tokyo’s Historic Architectures

Ni Florenda Corpuz


Jisho-in Mausoleum (Otama-ya) (Shinjuku Ward, 1652)
(Kuha ni Din Eugenio)
Sa Koganei Park, Koganei City ay matatagpuan ang Edo-Tokyo Open Air Architectural Museum, isang museo kung saan makikita ang ilan sa mga “relocated, reconstructed, preserved at exhibited” na makasaysayang gusali ng lungsod na imposibleng mapreserba sa orihinal na lokasyon ng mga ito.

Simula noong Edo period (1603–1867) ay marami sa mga mahahalagang gusali sa Tokyo ang nasira at napinsala dahil sa mga sakuna tulad ng baha, lindol, sunog at digmaan. Naisipan ng Tokyo Metropolitan Government na buksan ang Edo-Tokyo Open Air Architectural Museum noong 1993 bilang bahagi ng Edo-Tokyo Museum na matatagpuan naman sa Ryogoku.

Karamihan sa mga gusali na naka-exhibit ay itinayo noong Meiji period (1868-1912).

West Zone

Masisilayan dito ang mga restored houses na may iba’t ibang istilo tulad ng Tokiwadai Photo Studio, Residence of Hachirouemon Mitsui, Elevated Granary from Amami-Oshima Island, Farmhouse of the Yoshino Family, House of the Leader of the Hachioji Guards, House of Kunyo Mayekawa, House of Okawa in Den’enchofu, Farmhouse of the Tsunashima Family, House of Koide at House of George de Lalande.

Ang Tokiwadai Photo Studio ay dinivelop bilang isang “healthy residential area.” Ang guest room at dining room ng Residence of Hachirouemon Mitsui ay itinayo noong 1897 sa Kyoto at na-relocate noong World War II habang ang storehouse na itinayo noong 1874 ay naibalik sa orihinal na kundisyon.

Center Zone

Sa bahaging ito matatagpuan ang Visitor Center (Former “Kokaden” Palace), Jisho-in Mausoleum (Otama-ya) na isang cultural asset ng Tokyo, House of Korekiyo Takahashi, Second House of the Nishikawa Family, Gate of Date Family Residence (Collection of the former Musashino Folklore Museum) at Tea Arbor “Kaisuian.”

East Zone

Dito sa bahaging ito ay mae-enjoy ang “downtown are of the olden days.” Naka-display sa loob ng mga restored na gusali ang mga lumang mga produkto at mga kagamitan.

Naririto rin ang Farmhouse of the Tenmyo Family, “Kodera” Soy Sauce Shop, Bar “Kagiya,” Public Bathhouse “Kodakara-yu,” “Tailor’s Workshop,” Stationery Store “Takei Sanshodo, “Hanaichi” Flower Shop, Police Box at the Mansei Bridge, House of Uemura, “Maruni Shoten” Kitchenware Store, Cosmetic Manufacture “Murakami Seikado,” “Kawano Shoten” Oil-paper Umbrella Wholesale Store, “Yamatoya” Grocery Store at Mantoku Inn.


Bukas ang museo araw-araw, maliban sa araw ng Lunes at tuwing Disyembre 28 hanggang Enero 4. May bayad na ¥400 ang entrance fee rito.

Judy Ann Santos-Agoncillo: Of family, motherhood, and cooking



Abalang-abala ngayon ang teleserye queen na si Judy Ann Santos-Agoncillo sa maraming bagay tungkol sa kanyang pagbubuntis, sa buhay-pamilya at pagiging ina sa dalawang anak na sina Yohan at Lucho pati na rin ang paglulunsad ng kanyang cookbook.

Kamakailan lang ay opisyal nang inanunsyo ng mag-asawang Ryan at Judy Ann ang pangalawang pagbubuntis ni Juday. Taong 2010 nang ipanganak ni Juday ang kanilang unang anak na si Lucho kaya’t ayon sa batikang aktres ay medyo naninibago siya ngayon.

Unang ipinasilip ni Juday ang kumpirmasyon ng kanyang pagbubuntis sa isang larawan ng ultrasound na ibinahagi niya sa publiko sa Instagram.

Bagaman nasa maagang estado pa lang si Juday ng kanyang pagbubuntis, hindi rin maitago ng kanyang asawang TV host-actor na si Ryan ang tuwa sa magandang balita.

Gayon din ang reaksyon nina Yohan at Lucho, lalong-lalo na si Lucho na excited ng maging kuya sa bagong baby. Ayon kay Juday, medyo nag-mature na si Lucho sa kanyang mga galaw na nagpapakitang handa na itong maging kuya.

‘Judy Ann’s Kitchen’

Inilunsad din kamakailan ni Juday ang kauna-unahan niyang cookbook na “Judy Ann’s Kitchen” na naglalaman ng kanyang mga paboritong recipe na kinalakihan niya at mga putaheng niluluto niya para sa kanyang pamilya. Mula ito sa Anvil Publishing at ilustrasyon ni Raymund Isaac.

Nahahati sa iba’t ibang bahagi ang cookbook, mula sa comfort food gaya ng triple chocolate champorado, wifey duties na naglalaman ng recipes ng seared scallop salad with arugula / orange segments at grilled rib eye steak with oven-roasted sweet potatoes and jalapeño, kiddie parties, at iba pang mga kilalang pagkaing Pinoy. May mga bahagi rin na tumatalakay sa pantry essentials, preparing before cooking, kitchen emergency, fridge tips, at table setting.

Kitang-kita sa cookbook ang personalidad ni Juday, bilang isang maybahay, asawa, ina, anak, at aktres sa kanyang recipes, mga sangkap na ginagamit at kanyang paghahanda sa pagluluto.

Isa ang pagluluto sa pinakamalaking interes ng TV host-actress at nag-aral pa siya ng culinary studies para mas mapaghusayan pa ang kanyang kakayahan. At kahit na busy sa showbiz schdules ay gumagawa pa rin siya ng paraan para mapagluto ang kanyang pamilya. Nariyan din ang karanasan niya sa pagpapatakbo ng sarili niyang restaurant at ang pagiging host sa cooking shows.

Dagdag pa ng aktres, itinuturing niyang isang katuparan na napapangiti niya ang mga tao, lalo na ang pamilya sa mga pagkaing inihahanda niya. May kakaiba umano sa paghahanda ng pagkain para sa mga taong mahalaga sa’yo dahil naipapakita mo ang iyong pagmamahal at pagpapahalaga sa kanila.

Family and motherhood

Malaking bahagi ng masayang pamilya ng aktres ang asawang si Ryan. Aniya, bilib siya kay Ryan sa kakayahan nitong balansehin ang maraming bagay. Nirerespeto siya ng kanilang mga anak at itinuturing na modelo. Nagpapasalamat din ang aktres sa walang patid na suporta ng asawa sa lahat ng bagay. At laging team effort ang mag-asawa pagdating sa pagpapalaki ng kanilang mga anak.

Ibinagi rin ni Juday kamakailan sa press con ng kanyang pagbabalik Maalaala Mo Kaya sa ABS-CBN na ngayong mommy na siya ay natutuhan niya ang mas maging pasensiyosa at magsakripisyo. Dagdag pa nito, simula nang maging ina ito ay mas naging palangiti at mas masigasig siya.

Payo naman ng aktres, mahalaga rin na tanggapin na may limitasyon ka rin dahil lahat naman ay ‘di perpekto. Huwag din kakalimutang bigyan ng oras ang sarili at huwag maging sobrang higpit sa mga anak dahil dito sila nagsisimulang maglihim sa mga magulang.